PALABAS na ng simbahan sina Christmas at Throne nang mag-ring ang cell phone ng binata. Agad na binalot ng pag-aalala ang mga mata nito nang silipin ang pangalang nakarehistro sa screen.
"Mauna ka na sa kotse. Susunod na lang ako."
Nagtataka man ay tumango na lang si Christmas at pumasok na sa sasakyan. Mula sa bintana ay sinilip niya si Throne. Kumunot ang noo niya nang makita ang pagkuyom ng kamay ng binata habang nakikinig sa sinasabi ng kausap, pati na ang pagdaan ng galit sa mukha ni Throne bago unti-unting naging blangko ang expression nito.
Nang makitang paparating na si Throne ay maagap na sinalubong niya ito. "What's wrong? Bakit parang-"
Narinig niya ang marahas na pagbuntong-hininga ng binata bago ito ngumiti pero alam niyang pilit lang iyon. "Wala 'to. Okay lang ba sa 'yo kung kay Rodrigo ka na muna sumabay? May importante lang akong pupuntahan ngayon. Emergency."
Hindi na rin naiwasan ni Christmas ang mag-alala. "Ano ba 'yon? May maitutulong ba ako? Saan ba-"
Mabilis siyang hinalikan ni Throne sa mga labi. "May maitutulong ka kung magpapahatid ka na pauwi kay Rodrigo. 'Wag ka nang mag-alala. I can handle this. I'll just call you later."
Walang nagawang tumango na lang si Christmas at nagpaalam na. Akmang papasok na si Throne sa sariling kotse nang muli niya itong lapitan. "Natatandaan mo pa ba ang binanggit ko sa 'yo kanina?" Nang magsalubong ang mga kilay ng binata ay nagtuloy-tuloy na siya sa pagsasalita. "Gusto na kasi kitang ipakilala kay Kuya Jet. Pwede ka bang... mag-dinner sa bahay bukas ng gabi? I'll cook."
Sa pagkakataong iyon ay malinaw na niyang nakita ang pagrehistro ng galit sa mga mata ni Throne dahilan para bahagya siyang mapaatras palayo sa binata. "T-Throne, may nasabi ba akong masama? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo-"
"Nothing," pormal na sagot ng binata. "Darating ako bukas ng gabi. It will be an honor to see an old friend again. After all... Jethro and I have a lot of catching up to do."
Hindi na nakapagsalita pa si Christmas. Napaawang ang bibig niya nang dere-deretso nang sumakay sa kotse si Throne at pinaharurot iyon palayo.
"WHAT the heck happened?" nagsisikip ang dibdib na tanong ni Throne sa nurse habang nakatingin sa humahagulgol pa ring kapatid na pagdating niya sa kwarto ay agad na napatitig sa kanya at para bang takot na takot na lumakas ang pag-iyak.
"Hindi ko rin maintindihan, Mr. Madrigal. Pero kanina, habang tinitingnan ko ang blood pressure ng pasyente, may pumasok dito at nagpakilalang Chad Galvez."
Kumunot ang noo ni Throne. Kilala niya ang lalaking tinutukoy ng nurse. Manager iyon ng kapatid. Kay Chad lang niya ipinaalam ang sitwasyon ni Cassandra nang ilang beses tangkain ng lalaki na tawagan ang kanyang kapatid. Kasabay niyon ay pinakiusapan niya ang manager nito na ilihim ang tungkol doon sa iba.
"Nang makita siya ng kapatid ninyo ay naging ganyan na ho siya." Nagkibit-balikat ang nurse. "Siguro ay may naalala siya bigla na siyang nag-trigger para magkaganyan siya." Tumingin ito sa kanya. "Gusto n'yo ho bang turukan namin siya ng-"
"No," maagap na sagot ni Throne. "Just go. Thank you."
Nang marinig niya ang mahihinang yabag ng nurse palayo ay dahan-dahan siyang lumapit sa kama ni Cassandra. Iniangat niya ang mukha ng kapatid at masuyong pinunasan ang mga luha nito. Inatake siya ng kanyang konsensiya. Habang siya ay nagpapakasaya sa piling ng iba, naririto at nahihirapan ang kanyang kapatid.
Nang hindi pa rin huminto si Cassandra sa pag-iyak ay niyakap niya na ito. "Si Kuya lang 'to, Cassey. Tama na, please?" aniya nang biglang pumalag ang kapatid. Marahang tinapik-tapik niya ang likod nito. "At ang bumisita sa 'yo kanina, si Chad lang 'yon, ang manager mo. Kaya 'wag kang matakot. No one will ever hurt you here."
Nang maramdaman ni Throne ang unti-unting paghupa ng emosyon ni Cassandra ay naipikit niya nang mariin ang kanyang mga mata. Kasabay niyon ay ang muling pagbangon ng galit sa kanyang puso na ngayon na lang niya muling naramdaman.
"It's that Jethro Llaneras, right? Siya ang dahilan kung bakit nagkakaganyan ka sa lahat ng lalaking nakikita mo. They remind you of him." Dahan-dahan siyang kumalas sa kapatid at tinitigan ang luhaang mukha nito. Nagdilim ang anyo niya nang makita ang pagkabigla ni Cassandra. "'Wag kang mag-alala. I'm already working on Christmas, his baby sister. We'll get even, Cassandra. Ipinapangako ko 'yan sa 'yo."
Naikuyom ni Throne ang mga kamay nang maalala ang magandang mukha ng kauna-unahang babaeng nagpatibok sa kanyang puso. God... how he wished his life was different.
SANDALING hindi nakagalaw si Christmas pagkatapos marinig ang mga sinabi ni Throne sa babaeng tinawag nitong Cassandra. Hindi na mahirap para sa kanyang hulaan na si Cassandra ang sinasabi ni Throne na nag-iisang kapatid nito.
Mariin siyang napakapit sa doorknob ng pinto na marahil ay nakaligtaang isara ng nurse na siyang naabutan niyang lumabas mula sa kwarto. Kahit na nanginginig pa ay maingat niyang isinara ang pinto pagkatapos ay malakas na tinapik-tapik ang dibdib sa pag-asang mawawala ang matinding kirot na kanyang nararamdaman.
Hindi siya mapakali sa nakitang itsura ni Throne noong nasa simbahan sila kaya kahit pa pagod sa maghapong trabaho ay nagpasama siya kay Rodrigo para sundan ang binata. Noong una ay nagtaka pa siya nang huminto si Throne sa isang pribadong ospital. Pero ngayon ay sa sariling bibig na mismo nito niya nalaman ang dahilan.
Naguguluhang napaluha siya. Si Cassandra? Ang akala niya ay nasa Milan ang babae at doon nagtatrabaho bilang modelo. Iyon ay ayon na rin kay Throne. Si Cassandra ba ang dahilan kung bakit nagpapakalunod sa alak at trabaho ang kuya Jethro niya? Pero ano ang nangyari sa kapatid ni Throne at ano ang kinalaman ng kuya niya roon? Ang akala niya ay si Cassandra ang siyang nakipaghiwalay sa kapatid niya? Pero bakit tila lumalabas na ang kapatid niya ang siyang nagkasala? At si Throne? Paano niya tatanggapin ang mga sinabi nito tungkol sa kanya?
"It's weird but whenever I look at him, I see... rage."
Biglang sumagi sa isip ni Christmas ang sinabi na iyon ng kanyang kinakapatid. So, Dana was right... all this crazy time? How could she accept the fact that everything was just a show right from the very start?
Parang masisiraan ng ulo na napatalikod siya at uuwi na muna sana para makapag-isip nang mapasinghap siya sa nabungaran. Naroon at nasa likod niya ang kanyang Kuya Jethro. He was clenching his jaw. Base sa reaksiyon ng kapatid ay alam niyang hindi lang siya ang nakarinig ng usapan nina Throne at Cassandra sa loob ng kwarto. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagdaan ng sakit sa mga mata ng kapatid bago nanumbalik doon ang galit.
"Totoo ba? Are you and Throne dating behind my back?" Mariin siyang hinawakan ng kuya niya sa braso nang hindi siya nakasagot. "Tell me the damn truth, Chris! May relasyon ba kayo?"
Pumatak ang kanyang mga luha. "Kuya-"
"No, dammit!" Gigil na gigil na binitiwan siya ng kapatid at para bang tigreng susugod sana sa loob ng kwarto pero nakikiusap na pinigilan niya ito. "Sa labas tayo mag-usap, Kuya. Please."
Comments
The readers' comments on the novel: Caught Between Goodbye And I Love You