"T-TAMA ba ang pagkakarinig ko, Throne? Iniimbitahan mo ako sa kasal mo?"
Nag-iwas si Throne ng mga mata nang makita ang pagrehistro ng pagkabigla sa anyo ng ina nang sabihin niya rito ang kanyang pakay. Inilibot niya ang paningin sa loob ng restaurant ni Christmas. Sinadya niya talagang doon makipagkita sa ina para hindi na magbago pa ang isip niya sa pag-imbita rito sa kasal nila ni Christmas. Mabuti na lang at wala roon ang dalaga dahil may gig ito sa Brylle's nang gabing iyon.
Malakas na napatikhim si Throne. "Hindi sa gusto kong naroon kayo. It's just that... I know Christmas would appreciate it so much if you and your ex-husband will attend our wedding." Muli siyang humarap sa ina nang wala siyang marinig na sagot mula rito.
Mababakas ang lungkot sa mga mata ng kanyang ina habang nakatitig sa kanya. Natigilan siya nang hawakan nito ang kamay niyang nakapatong sa mesa. "T-Throne, son, hindi mo na ba talaga m-mapapatawad si M-mama?"
Sa loob ng ilang taon na nakasama ni Throne at ng kapatid ang ina sa iisang bubong ay hindi sila naging malapit. Palaging mainit ang ulo nito noon lalo na kapag walang naiaabot na pera ang kanilang ama. Tuwing may pera naman ito ay sa salon agad ang deretso nito. Kaya matagal na panahon pa siguro ang kakailanganin niyang palipasin bago tuluyang mawala ang sama ng loob na naipon sa puso niya.
He sighed. If it weren't for Christmas, he would never dare contact his mother. Pero alam ni Throne na kahit hindi nag-uungkat ang dalaga ay noon pa nito gustong makita at makilala ang mga magulang niya. Hindi nga lang nito alam kung saan hahagilapin ang kanyang ama't ina.
"Kapag nakita ko sila, igaganti talaga kita, boyfriend," Naalala ni Throne na pabiro pang sinabi noon ni Christmas. "Ako mismo ang kukutos sa kanila para sa 'yo. Itatayo ko ang bandera mo." Kahit paano ay napangiti siya sa alaalang iyon.
"I think I can, Lara," mahina niyang sinabi pagkalipas ng ilang segundo. "But it might take some time."
"H-handa akong maghintay, anak. Para patunayan man lang sa inyo ni Cassandra na nagsisisi na si Mama."
Tumango lang si Throne pagkatapos ay iniabot sa ina ang wedding invitation. "Ikaw na lang ang bahalang kumontak kay..." Napatikhim siya. "Kay Papa." Tumayo na siya. "Siyanga pala, pwede mong order-in ang lahat ng gusto mong kainin dito. Nakapagbayad naman na ako sa counter. Masasarap ang mga pagkain nila rito. They're Christmas' specialty. So... see you at the wedding?"
Tumango ang kanyang ina. Patalikod na si Throne nang muli siyang tawagin nito. Nakakunot ang noong lumingon siya. "Yes?"
"Thank you so much, son."
Ilang saglit siyang hindi nakapagsalita. Sandaling para bang may nagbara sa kanyang lalamunan bago niya pinilit ang sariling ngumiti. "You're welcome... 'Ma. Saka kung may dapat ka man sigurong pasalamatan, hindi ako 'yon. It's Christmas. She made me like this."
"MOM and dad, meet Throne Vincent Madrigal. Siya ho ang lalaking matagal ko nang ikinukwento sa inyo," mahinang sinabi ni Christmas sa puntod ng kanyang mga magulang pagkatapos ay itinaas ang kanyang palasinsingan. "Alam n'yo ho bang ikakasal na kami? 'Sabi ko naman ho kasi sa inyo, true love 'to. Ayaw n'yong maniwala."
"What do you mean? Kilala na nila ako?"
Bahagyang napangiti si Christmas nang makita ang pagtataka sa anyo ni Throne nang lingunin niya ito. "Kilala ka na ni Daddy, noon pa. Nang magbakasyon ako rito para sa college graduation n'yo ni Kuya, that was the day that I knew I was going to love you."
He grinned. "So, noon pa pala, may pagnanasa ka na sa 'kin?"
"Oo na." Pinitik niya sa noo ang binata. "I told my dad I was going to marry you. Pero tinawanan niya lang ako at sinabihang bata pa raw ako. Na after five years at wala pa rin daw nagbabago sa nararamdaman ko, saka daw uli kami mag-usap. Pero ilang taon na ang lumipas... mahigit lima na nga kung tutuusin and yet, I'm still in love with you." Tuluyan nang humarap si Christmas kay Throne at ikinawit ang mga braso sa batok nito. "Plano ko na talagang hanapin ka sa pagbabalik ko. Naunahan mo lang ako."
Idinikit ni Throne ang noo nito sa kanyang noo. "Sayang. Sana pala naunahan mo 'ko para noon ko pa nalaman. Para sana, noon pa nabago ang buhay ko."
May magbabago nga ba? bulong ng isip ni Christmas. Napahugot siya ng malalim na hininga. Tatlong araw na lang at ikakasal na sila. Sa loob ng nakalipas na mga linggo ay abala sila pareho sa pag-aasikaso ng kasal. Nag-leave si Throne sa trabaho para masamahan siya. Kung hindi niya lang sana nalaman ang totoo, siguro hanggang ngayon, pakiramdam niya ay naglalakad pa rin siya sa ulap sa saya.
Mula nang malaman ng kuya niya ang tungkol sa pagpapakasal niya ay hindi na siya kinibo pa nito. Muling umalis ng bansa ang kanyang kapatid at nagpunta sa Spain para alagaan ang nagkasakit na abuela nila. Ni hindi nga niya sigurado kung a-attend ito sa kanyang kasal. Sadness clouded her face. Sabagay, may kasalan nga bang magaganap?
Bahagyang lumayo si Christmas kay Throne at magiliw na hinaplos ang mga pisngi nito. Every single day, she got so scared. Parang araw-araw, pakiramdam niya ay sinisentensyahan niya ang sarili dahil naghihintay na lang siya kung kailan siya iiwan ni Throne. Kung kaya lang sana ni Christmas na siya na ang maunang lumayo ay ginawa niya na.
Bumuntong-hininga si Throne. "Ilang araw na lang at ikakasal na tayo pero hindi ko pa rin nakakausap ang kapatid mo."
Pareho lang tayo. Hindi ko na rin nakakausap si Kuya. Masama kasi ang loob niya sa 'kin. Matigas daw kasi ang ulo ko. Naisaloob ni Christmas.
"Ni hindi man lang ako nakapamanhikan sa inyo nang maayos. Through Skype ko lang nakausap ang lola mo at may sakit pa siya," Para bang totoong dismayado nga na sinabi ni Throne.
Inatake sa puso ang abuela ni Christmas na sanhi raw ng pagod dahil kahit na sitenta anyos na mahigit ay abala pa rin ito sa pag-aasikaso sa restaurant nila sa Spain. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila maisama ng kapatid ang kanilang abuela sa pag-uwi. Dahil ayaw pa rin nitong iwan ang negosyo nito. Sa abuela niya minana ang hilig sa pagluluto.
Bumalik ang atensyon ni Christmas kay Throne nang muling marinig ang malakas na pagbuntong-hininga nito. "Kung puntahan ko na lang kaya sila ni Jethro sa Spain 'tapos, sabay-sabay na kaming bumalik dito?"
Mahigpit na niyakap niya na lang ang binata para hindi nito makita ang pagpatak ng kanyang mga luha. Bakit ba ganoon si Throne? Kung makapagsalita, para bang totoong-totoo ang mga sinasabi nito? Kung yakapin siya ng binata ay para bang ayaw talaga siyang pakawalan? At kung titigan siya ay para bang mahal na mahal nga siya nito? Hindi tuloy maiwasan ng kanyang puso na muling umasa.
Magkapatid nga talaga kayo ni Cassandra. Pareho kayong mahilig magpaasa. At kami naman ni Kuya itong mga tanga. Dahil umaasa nga kami.
"Hindi na kailangan," bulong niya mayamaya. "Sigurado namang darating sila bago ang kasal."
"PAANO ba 'yan? Sa Sunday pa tayo magkikita," Nakangiting sinabi ni Throne kay Christmas nang makarating na sila sa tapat ng bahay ng dalaga. "Everyone's been pushing us about this pamahiin thing. 'Might as well believe it kaysa hindi pa matuloy ang kasal natin." Kinindatan niya si Christmas. "Don't miss me too much, okay?"
Pababa na sana si Throne mula sa kanyang kotse para pagbuksan ang dalaga ng pinto nang pigilan siya nito sa braso. Nagtatanong ang mga matang tumingin siya rito.
Christmas looked so heartbreakingly beautiful that night that he was tempted to kiss her right there and then if only he hadn't seen the tears in her eyes. Nagsalubong ang mga kilay niya, inangat ang baba ng dalaga at maagap na pinunasan ang mga luha nito. "What's wrong?" he asked softly. "Bakit ka umiiyak?"
"Wala naman. I just want to tell you my vows now." Namamaos ang boses na sagot ni Christmas. "In case you don't show up on Sunday."
Kumunot ang noo ni Throne. "Chris, ano ba'ng sinasabi mo-"
"Sshh." Anang dalaga pagkatapos ay inilapat ang dalawang daliri sa kanyang mga labi para patigilin siya. Buong pagmamahal na tinitigan ni Christmas ang kanyang mukha na tila kinakabisa iyon. "Ang sabi nila, ang tunay na nagmamahal daw, palaging bukas ang dalawang kamay para tanggapin ang taong minamahal niya, regardless of what he was or what he will be in the future. Gano'n ang pagmamahal ko para sa 'yo, Throne."
Kinuha ni Christmas ang mga kamay niya at masuyong hinagkan. Tears ran down her cheeks. "Ipinapangako ko sa 'yong ipagluluto kita araw-araw hanggang sa magsawa ka. Kakantahan kita kapag nalulungkot ka, hahalikan kapag nasasaktan ka, at mamahalin pa rin kita kahit na nagyayabang, nag-aangas o nagsusuplado ka." Gumaralgal ang boses nito. "Hindi man ako ang maging the best na asawa sa buong mundo, ipinapangako ko naman sa 'yo na palagi kitang iintindihin dahil mahal na mahal kita."
The pain that flitted across her eyes took his breath away. "Ano ba'ng sinasabi mo? Siyempre, darating ako."
NAPATANGO na lang si Christmas sa sinabi ni Throne. "Yeah, of course you will," Mahinang sinabi niya pagkatapos ay walang siglang ngumiti. "Wag mo 'kong alalahanin. It's probably just the wedding jitters."
Nang akmang bubuksan na ni Christmas ang pinto ng kotse ay si Throne naman ang siyang pumigil sa kanya sa braso. "Naaalala mo pa ba ang sinabi ko sa 'yo noon?"
Napasigok siya. "Which one?"
"The part where I said I only know love because you exist? Totoo 'yon, Chris," Throne tenderly said. "I love you."
"Y-you really... d-do?" Tumango ang binata. Nagsisikip ang dibdib na muli siyang ngumiti. "Thank you."
Tinitigan siya ni Throne. "Sa araw ng kasal, ipinapangako ko sa 'yo na aalisin ko ang lahat ng pag-aalinlangan dyan sa puso mo."
Hindi na sumagot si Christmas. When Throne kissed her, she shut her eyes and kissed him back with all the love she had in her heart for him. Lalo niya pang inilapit ang sarili rito. Kung iyon na ang huling beses na mararamdaman niya ang mga labi ni Throne na humahalik sa kanya ay susulitin niya na.
Nang maramdaman niyang pumaikot ang mga braso ng binata sa kanyang baywang ay saglit na nagmulat si Christmas at tinandaan ang nakapikit at payapa na anyo ni Throne nang mga sandaling iyon. Ito na iyon, ang alaalang nabanggit niya sa kuya niya na habang-buhay niyang itatago at iingatan sa kanyang puso.
Muli niyang naramdaman ang pag-iinit ng kanyang mga mata dahilan para muli niya iyong ipikit. For the last time, she let herself burn... and be lost in the world Throne created, the world... that he would soon break into pieces.
God, Throne. I love you so much. Maghihintay ako sa pagdating mo sa Linggo. Palagi lang akong maghihintay para sa 'yo. That... is my solemn vow.
"SIR THRONE, mabuti naman po at dumating na kayo. Kanina pa po may naghihintay sa inyo."
Kumunot ang noo ni Throne sa isinalubong sa kanya ng isa sa mga kasambahay niya pagkababa niya sa kotse. Wala siyang inaasahang bisita sa gabing iyon. Kung ang pinsang si Bryle naman, siguradong tatawag na muna ito sa kanya bago siya puntahan sa kanyang bahay. Imposible rin namang si Christmas iyon dahil kagagaling niya lang sa bahay nito.
"Sino daw ho, Manang?"
"Kapatid daw po ni ma'am Christmas, Sir. 'Jethro Llaneras' daw po."
Ilang saglit na natigilan si Throne. Ang akala niya ay nasa Spain pa rin si Jethro at hahabol na lang para sa kasal nila ni Christmas kinabukasan ng gabi kasama ang abuela nito, katulad na rin ng nabanggit ni Christmas. Mayamaya lang ay sumilay ang sinserong ngiti sa kanyang mga labi. Sa wakas ay makakausap niya na rin pala si Jethro nang mas maaga kaysa sa kanyang inaasahan.
Kay tagal din niyang inasam na muling makausap si Jethro tungkol sa relasyon nila ni Christmas. Sinadya niya pa mismo noon ang lalaki sa Thailand pagkatapos niyang malaman ang totoong nangyari sa pagitan nito at ng kapatid niya. Pero hindi nagawang harapin ni Jethro si Throne dahil abala raw ito ayon sa secretary nito. Dalawang araw lang ang inilagi niya sa Thailand. Kinailangan niya ring bumalik agad sa bansa para masamahan si Christmas sa pag-aasikaso sa kanilang kasal. Pero sa loob ng dalawang araw na iyon ay nabigo siyang makita man lang si Jethro. And he had been wondering why ever since.
Nasa kolehiyo pa lang sila ay alam na ni Throne na nangunguna si Christmas sa priorities ni Jethro sa buhay mula nang yumao ang mga magulang ng magkapatid. Alam niya kung gaano kamahal ni Jethro ang nag-iisang kapatid kaya nga si Christmas ang naisip ni Throne na paghigantihan noon dahil alam niyang ito ang kahinaan ni Jethro... Kaya hindi niya maintindihan kung bakit para bang walang interes ang lalaki sa nakatakdang pagpapakasal nila ni Christmas.
Naipilig ni Throne ang ulo sa naisip. 'Di bale na. I'm sure the answers will all be revealed tonight. Walang pagmamadali sa mga hakbang na tinahak niya na ang daan papasok. Napahugot muna siya ng malalim na hininga bago dahan-dahang binuksan ang front door. Hindi niya inaasahan ang dalawang magkasunod na suntok na sumalubong sa kanya dahilan para mawalan siya ng balanse at matumba.
"Hello, Madrigal."
"FOR THE last few weeks, I tried so hard not to care but heck, pakiramdam ko, para akong binibitay sa tuwing naiisip ko ang kasal-kasalang mangyayari sa Linggo," nagbabaga ang mga mata sa galit na sinabi ni Jethro kay Throne. "Akala mo ba talaga, gano'n ako kagago para hindi ko malaman ang plano mo laban sa amin ng kapatid ko?"
He gasped. Damn it, Cassandra.
Tama nga ang hinala niya. Hindi nga lilipas ang gabing iyon nang hindi nasasagot ang kanyang mga katanungan. Ngayon ay alam niya na kung bakit ni hindi man lang nagkaroon ng interes si Jethro na muli siyang makita.
Tumayo siya at hindi ininda ang nasaktang panga. Deretso niyang tinitigan sa mga mata si Jethro. Pakiramdam niya ay nakikipagtitigan siya sa mga mata ni Christmas nang mga sandaling iyon. "Pag-usapan natin ito nang maayos, Jethro. Magpapaliwanag ako-"
"Bakit? Lulusot ka pa? I was there, Madrigal, nang puntahan mo si Cassandra sa ospital at ibinuko mo ang plano." Jethro's jaw tightened. "What did you say back there again? That it was because-"
"Alam ko na ang totoo ngayon," Maagap na putol ni Throne sa mga sasabihin pa sana ng kaharap. "Alam ko na ngayon na si Chad ang puno't dulo ng lahat." Napabuntong-hininga siya. "And I'm sorry. I really am. But I just acted like any brother would, Jethro." Marahas na nahaplos niya ang kanyang batok. "Wala siyang ibang boyfriend na ipinakilala sa akin noon maliban sa 'yo kaya ano pa ba ang iisipin ko? Ni hindi nga pumasok sa isip ko si Chad because like you, I trusted Cassandra, too."
Nang makita ni Throne ang pagdaan ng pagkabigla sa mga mata ni Jethro ay agad niya iyong sinamantala para magpaliwanag. "Wala na talaga akong balak na ituloy pa ang plano nang mag-propose ako kay Christmas, Jethro. Dahil natutunan ko na rin siyang mahalin. Because of her, I have changed-"
Natawa si Jethro pero walang kasing pait iyon sa pandinig ni Throne. "At sa tingin mo, maniniwala ako na bigla na lang ay mahal mo na ang kapatid ko pagkatapos mong malaman ang totoo?" Tumalim ang mga mata ng lalaki. "For all I know, baka naghahanap ka na naman ng mapagbabalingan ng galit mo dahil hindi mo mahagilap si Chad. He flew back to Canada. And aside from me, Christmas is the only person available."
"I love her, Jethro-"
"Hell!"
"Tama na, Jet. Please."
Natahimik sila nang marinig ang boses ni Cassandra. Pareho silang napalingon sa gawi ng hagdan. Isang buwan na rin ang nakalipas mula nang nakabalik ang kapatid ni Throne sa bahay nang mai-discharge ito sa ospital.
"Wow. And here comes the queen of lies," Jethro said sarcastically. "You know what? If there's one thing that's admirable about the both of you, it is the fact that you lie... consistently. Sa sobrang galing ninyong magsinungaling, kahit sino, mapapaniwala n'yong marunong nga kayong magmahal."
"Pero mahal ko talaga si Christmas," Giit ni Throne. "Ano ka ba naman, Jet? Kilala mo ako. Ilang taon din tayong naging magkaklase. I know I was wrong. Kaya nga bumabawi ako. Besides, can't you give your sister some credit? She's a wonderful woman. Hindi siya mahirap mahalin."
Matagal na napatitig si Jethro kay Cassandra saka ito tumingin sa kanya. "Gusto kong maniwala sa 'yo, Madrigal. Gusto kong maniwala na siguro nga, pareho lang tayong naging tanga at nagtiwala lang..." Mapait na napangiti ang lalaki. "Pero kapag ginawa ko 'yon, para na rin akong naniwalang posibleng magkaroon ng kapatid na pusa ang daga. Lying just seems... to flow in your veins." Tumalikod na si Jethro at humakbang palapit sa pinto. Pero bago nito binuksan ang pinto ay muli itong humarap kay Throne. "Darating ako sa Linggo, Madrigal. Whether or not you show up, I'll be watching you. Gumawa ka ng kababalaghan sa Linggo at sinisiguro ko sa 'yo, hindi kita patatahimikin... hanggang sa kabilang mundo."
Marahas na naihilamos ni Throne ang mga palad sa mukha. "Heck, you don't understand-"
"Of course I do. And one more thing," Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Jethro. "My sister knows."
Natulala si Throne. Nang marinig niya ang malakas na pagbagsak ng pinto ay saka lang siya tuluyang nakabawi. Napaupo siya sa sofa. Ang gusto sana ni Throne ay pagkatapos na ng kasal nila ni Christmas niya aaminin ang lahat. Natatakot siyang sumama ang loob nito sa kanya dahilan para hindi matuloy ang kanilang kasal. He needed an assurance that despite her possible anger, they would still be tied together, and he had the rest of his life to make it up for her.
Bigla ay sumagi sa isip niya ang mga sinabi sa kanya ni Christmas nang magkita sila. Ang malulungkot na mga mata at ngiti, ang mga nakapagtatakang salita at ang... mga luha nito.
Comments
The readers' comments on the novel: Caught Between Goodbye And I Love You