"OH, MY God!" naibulalas ni Chryzelle nang bumulaga ang malaking banner na makikita ang mukha niya pagtapat niya sa balkonahe ng bahay nila ni Calix. May nakasulat doon na: Chryzelle, take me back, please. I love you so much!
"Calix, you didn't have to do this," hindi makapaniwalang wika niya sa asawa nang gabing iyon.
Ngumiti lang ito, pagkatapos ay nagpatuloy sila sa paglalakad sa red carpet na sa gate pa lang ay sumalubong na sa kanya. Naaadornohan iyon ng petals na mula sa iba't ibang kulay ng mga bulakak habang ang gilid naman ng carpet ay sagana sa scented candles.
Pagkarating nila sa front door ay ang nakangiting anyo ng mga kasambahay ang bumungad kay Chryzelle. Napailing na lang siya, gulat pa rin sa mga nakikita. Sa gitna ng sala ay may naka-set na mesa na para sa dalawa. Kaagad na kumalam ang sikmura niya nang maamoy ang mabangong aroma mula sa mga pagkaing nakahain. Sa tabi ng mesa ay may lalaking tumutugtog sa grand piano. Iyon din ang tugtuging narinig niya nang araw na nag-propose ng kasal sa kanya si Calix.
Ipinaghila siya ng asawa ng upuan. Napatitig siya sa mga pagkain. Wala sa mga nakahain doon ang hindi niya paborito.
"Believe it or not, but I'm the one who cooked. Taga-assist lang si Manang Soledad," may bahid ng pagmamalaki sa boses na wika ni Calix nang makaupo na rin ito sa tapat niya.
Masiglang natawa si Chryzelle. Calix had never really cooked before. Napahimas siya sa kanyang tiyan. "Okay lang ba kung sesentensiyahan ko na ang mga ito?"
Gumanti ng ngiti ang asawa. "Sure." Ito pa mismo ang naglagay ng mga pagkain sa kanyang plato. Ipinagsalin rin siya nito ng alak sa wineglass. Una niyang tinikman ang carbonara. Habang nilalasahan iyon ay para bang hinahatulan ang itsura ni Calix. Pagkalunok ay natawa siya, sabay nag-thumbs-up sa asawa. "It's good, Cal. No need to worry."
Ilang sandaling parang nagulat naman si Calix bago nangalumbaba sa harap niya. "We should do this more often, you know. I would love to see you smile and laugh like that. Ano pa ba ang pwede kong gawin para mapasaya ka nang ganyan?"
"Maramdaman lang kita nang ganito, masaya na ako, Calix. Hindi mo na kailangang mag-effort pa nang husto. All I want is just to feel your presence." Iginala ni Chryzelle ang paningin sa buong kabahayan habang patuloy pa rin ang romantikong tugtugin sa paligid. Napadako ang mga mata niya sa grand staircase ng bahay. Maski iyon ay naadornohan ng pulang carpet at petals.
Napabuntong-hininga si Chryzelle. It might take a while before she could completely get over the accident that took place on those stairs. Ibinalik niya na ang tingin kay Calix at sinikap na huwag maapektuhan ng mga naalala. "Thank you. This is beautiful. Pero hindi mo naman kailangang gawin ito. Marami pa tayong hindi nagagawa sa wish list mo. Five more wishes to go." Mayamaya ay umirap siya. "Ang daya mo. Nauna na ang pang ten."
Natawa si Calix, pero ilang sandali pa ay nagseryoso na si Chryzelle. "Let's do your wishes ASAP, Cal, para magamot ka na kaagad. Kailangan mo nang magpa-chemo. You can't be sick for a longer period of time. Babawi ka pa sa akin-"
Inilapat ni Calix ang dalawang daliri nito sa mga labi ni Chryzelle para pahintuin na siya sa pagsasalita. "I love you. I love you. I love you."
Hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng kaba sa tensyon na naulinigan sa boses ni Calix, pero pilit na binalewala niya iyon. Siguro ay ayaw lang na pag-usapan ng asawa ang kalagayan nito.
Hindi nagtagal ay inalok na siya ni Calix na sumayaw na pinaunlakan naman niya.
"Ngayon, alam ko na kung bakit maraming nababaliw sa pagmamahal," bigla ay wika ni Calix habang sumasayaw sila.
Kumunot ang noo ni Chryzelle. "Bakit?"
Sandali muna siyang iniikot ni Calix bago hinapit sa kanyang baywang. Mahigpit na niyakap siya nito, pagkatapos ay bumulong sa kanyang tainga. "Dahil sa takot na mawala ang mga minamahal nila. That's why they do crazy things... really, really crazy things."
Naguguluhang tiningala niya si Calix. "Where is this leading to?"
"This is leading to my love for you," anang asawa bago siya hinagkan sa mga labi.
"KAILAN pa naging makalat si Calix?" kunot-noong tanong ni Chryzelle sa sarili habang inililigpit ang mga nagkalat na damit at papel sa master's bedroom. Noon na lang niya naasikaso iyon dahil noon din lang siya nagkaroon ng oras. Ang balak niya sana ay ibalik na roon ang kanyang mga damit na hindi naibalik noong mga nakaraang linggo. Noong gabi kasing magkaayos sila ni Calix ay nagpunta kaagad sila sa Paris.
Calix used the company's private jet. Iyon ang ginamit nila para tapusin ang ika-anim sa listahan ng asawa-ang makapamasyal sa Champs-Elysees Gardens. Iyon ang pangarap ni Chryzelle na puntahan noong nasa kolehiyo pa lang siya. Nakita niya iyon sa isang postcard sa National Book Store. Naakit siya sa larawan kaya binili niya at idinikit sa pader ng kanyang kwarto. Minsan na niyang nabanggit iyon kay Calix. She had always dreamed to see the Swiss Valley.
Isang linggo silang nanatili at namasyal sa Paris. Doon muling isinuot ni Calix sa kanya ang wedding ring nila na sa pagkakataong iyon ay hindi niya na inalis pa. Sa paglipad nila papunta roon ay natupad din ang ikapito sa listahan ng asawa. His list included that they flew together which happened when they rode the private jet with just the two of them aside from the pilot.
Comments
The readers' comments on the novel: Wish List Number Ten: Love Me Again