Login via

In A Town We Both Call Home novel Chapter 23

“KAILANGAN ko ng tulong mo.” Wala nang paligoy-ligoy pang bungad ni Jake kay Gypsy nang puntahan niya ito sa café nito. Dalawang araw lang siya sa Manila kaya isiningit niya sa itinerary niya ang pagsadya rito pagkatapos ng ilang sunod-sunod na meetings na pinuntahan niya. Mamayang gabi ay bibiyahe na siya uli pabalik ng Auckland.

Hindi man tumalab ang pangontrang sinabi ni Gypsy kay Jake ay nakuha na nito kahit paano ang tiwala niya. At siguradong pagtatawanan siya ng mga kaibigan sa oras na malaman iyon. Kabaliwan na kung kabaliwan. Pero nakahanda siyang maniwala sa kahit na kanino o kahit na saan kapag may kinalaman sa kanyang pamilya.

And right now, he will trust this Gypsy. Lalo pa at nagkatotoo ang naging hula nito noon sa kanya. At desperado na siya.

“Kailangan ko ng pangontra. Pero hindi para sa akin. Kundi para sa mag-ina ko. Nakahanda akong magbayad kahit na magkano. Basta tulungan mo lang akong matulungan sila para makapagsimula uli. Para maka-move on. Lalo na si Lea. Kahit na hindi na ako ang magustuhan niya. I just want her to be happy again.”

Ilang sandaling pinakatitigan si Jake ng Gypsy bago ito naglabas ng litrato at iniabot sa kanya. “Wala nang bayad ‘yan. Libre ko na ‘yan sa ‘yo.”

Nang ipaharap niya iyon sa kanya ay nasorpresa pa siya nang makilala kung sino ang nasa litrato. Si Taylor Swift iyon na nakilala niya dahil paboritong singer iyon ng anak.

“Ano’ng gagawin ko rito? Kakantahin ko rin ba ang mga kanta niya bilang pangontra?”

“Hindi.” Napailing pang sagot ng Gypsy. “Manalangin ka sa kanya. Siya ang Patron Saint of moving on. Pasensya ka na, Jake, pero wala na akong magagawa para sa ‘yo. Manalangin na lang tayo kay Taylor Swift. Sa bagay na ‘yon ay garantisadong matutulungan kita.”

“TIM… I miss you so much. And I love you so much.”

Natigil sa pagbabalik-tanaw si Jake sa narinig. Halos pabulong lang ang pagkakasabi niyon ni Lea pero hindi pa rin nakaligtas sa kanya. Nahinto siya sa pag-aalis ng seatbelt niya. Sandaling nanginig ang kanyang mga kamay.

Dahan-dahan niyang nilingon si Lea sa passenger seat. Tulog na tulog pa rin ito. Ilang gabi na itong parang pagod na pagod mula sa trabaho kaya deretso sa bahay niya na inihahatid ang mag-ina at doon na lang sila kumakain. Para siyang sinuntok nang makita ang pagpatak ng mga luha nito.

Minsan pa ay nalaman niya kung ano ang naramdaman ni Lea noon. Pero mas matindi ang balik sa kanya ngayon.

“Daddy…”

Sa backseat sumunod na napalingon si Jake. Inabot ni Janna ang kamay niya. Walang dudang narinig rin nito ang mga sinabi ni Lea. Pilit na ngumiti siya sa anak. Magaan na na tinapik niya ang kamay nito pagkatapos ay hinagkan iyon.

Comments

The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home