Login via

In A Town We Both Call Home novel Chapter 24

One and a half year later…

“WHAT are you doing here?” Nabiglang tanong ni Lea nang matapos niyang buksan ang pinto ng kwarto niya ay dere-deretso nang pumasok si Jake. Naupo ito sa kama niya. Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito pero nanatili lang siyang nakatayo malapit sa pinto.

“Alam kong nahihirapan kang makatulog sa gabi. So, here I am. Nakatulog na ang anak natin kaya ikaw naman ang patutulugin ko.” Ngumiti ang binata pagkatapos ay tumayo at humakbang palapit sa kanya.

Napaatras si Lea nang makita ang pilyong kislap sa mga mata nito. Pero sa kakaatras niya ay bumangga na ang likod niya sa pinto. Nanlaki ang mga mata niya nang bigla na lang siyang buhatin ng binata. Marahan siya nitong inihiga sa kama at kinumutan siya hanggang sa mga balikat pagkatapos ay tumabi sa kanya. Naupo ito roon at sumandal sa headboard.

“I’m really just going to tuck you to bed, honey, don’t worry.” Kinindatan siya ni Jake. “Parehong-pareho kayo ng prinsesa ko. Hirap makatulog sa gabi. The other night, I tried singing Tatlong Bibe for her. Pero imbes na makatulog, inabot siya ng hanggang hating-gabi na halos sa katatawa.” Sumimangot ito. “Naiintindihan kong hindi kagandahan ang boses ko. But must she really laugh that long?”

Wala sa loob na napangiti si Lea.

“That’s why I won’t sing anymore. Not when you, ladies, are about to sleep. Iyon ang natutunan ko. Kaya dyaran!” Ibinalandra sa kanya ni Jake ang dala nitong libro na ngayon niya lang napansin. “I will just read you something until you can fall asleep.”

“A fairy tale book?” Hindi makapaniwalang sinabi ni Lea. “Ginawa mo naman akong bata-“

“Why? Don’t you believe in love?”

“I do but-“

“You can’t believe in love without believing in fairy tales first, Lea. Because love is one heck of a fairy tale.” Masuyong ngumiti sa kanya ang binata. “Kapag pala nagmahal ang isang tao, isa nang napakalaking biyaya niyon. It transforms you. Dahil nababago ka ng pagmamahal, sa ayaw o sa gusto mo. It’s… some sort of a magical thing. You know, changing so much all for love. But when the one you love loves you back, that becomes a fairytale, Lea.” Nag-iwas ito ng tingin. “Sa mundo na hindi lahat ng gusto mo, nakukuha mo, sa mundo na hindi lahat ng mahal mo, mamahalin ka rin, ang makahanap ng dalawang taong iisa ng nararamdaman ay isa nang napakalaking fairytale. I realized that now.”

Hindi nakasagotsi Lea. Nanatili lang siya na manghang nakatitig sa mukha ni Jake. Madalas, pakiramdam niya ay ibang tao ang kaharap niya sa tuwing nagsisimula na itong magsalita. Muli ay ngumiti ito sa kanya bago binuklat na ang hawak na libro kasabay ng pagbabasa nito.

“The story is about the Sleeping Beauty in the woods, honey. Once upon a time, there were a King and a Queen…”

Mariing naipikit ni Lea ang mga mata sa takot na masaksihan ni Jake ang muling pagpatak ng mga luha niya. It was so easy to cry these days. Pero noon ay sigurado siya sa iniiyakan. Si Timothy lang. Pero sa pagdaan ng mga araw ay para bang nadaragdagan ang mga bagay na iniluluha niya. Lalo na sa tuwing may mga bagong ginagawa si Jake.

Tuwing naluluha siya noon, sigurado siyang dahil lang iyon sa sakit. Pero nitong mga nakaraang araw, dahil na rin iyon sa hindi niya maipaliwanag na emosyon na lumulukob sa puso niya sa mga ginagawa ni Jake.

And tonight, she will cry out of gratefulness. Nang matapos na ang pagkukwento ng binata ay naramdaman niya ang paghalik nito sa kanyang noo.

“Good night, Lea. I love you.”

Hindi siya sumagot. Pero nang gabing iyon, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatulog siya nang mahimbing at nagising kinabukasan na may lakas para sa pagsalubong sa bagong umaga kasama ng dalawang taong naririnig niyang nagkukulitan at nagtatawanan sa labas ng bahay…

“MOMMY?”

Natigil sa pag-iisip si Lea. Inihagis niya sa dagat ang isang puting rosas bago siya humarap sa anak. Gaya niya ay bihis na bihis na rin ito. Naroroon uli ang pamilyar na kinang sa mga mata nito. Sa loob ng ilang sandali ay nasilip niya si Jake sa pamamagitan ng mga matang iyon… ng mga matang kaparehong-kapareho ng sa ama nito. And when the little girl smiled, Lea felt like she was seeing Jake smiled.

Sa pagiging isang ina, ilang beses siyang nadapa. Ilang beses siyang nagkamali. Ilang beses siyang naligaw. Many times, Lea felt like a failure. But in her daughter’s eyes, she was her super mom. At sa mga matang iyon siya nakahuhugot ng lakas para ayusin ang sarili.

Gumanti siya ng ngiti sa anak. Isang puro at masayang ngiti. Hindi niya inakalang darating ang ganoong sandali. Iyong makukuha niya nang magpasalamat sa mga alaala ni Timothy nang hindi na nasasaktan. Iyong mas lamang na ang gratitude kaysa sa sakit. Right now, all she can remember were the best times she had with the people she loved.

Inilahad niya ang isang kamay sa anak. “’Uwi na tayo?”

Sunod-sunod na tumango ang bata kasabay ng pamamasa ng mga mata. Mabilis na inabot nito ang kamay niya. Magkahawak-kamay silang lumabas na ng kanilang bahay. Sa gate ay naroroon na ang isang sasakyan. Sa tabi niyon ay naroroon rin ang mga magulang ni Timothy na parehong nakangiti sa kanila ng anak. Ang mag-asawa ang maghahatid sa kanila sa airport.

“You will always be a daughter to me, Lea. At si Janna ang parating nag-iisang apo ko.” Anang ina ni Timothy kasabay ng mahigpit na pagyakap sa kanila ng anak. “Thank you for making my son so happy while he was still alive. Thank you for coming to our lives. Alam kong nasaan man siya ay masaya siya sa naging desisyon ninyong mag-ina. It’s time you become happy again.”

Gumanti nang mas mahigpit na yakap si Lea sa ginang. Kuntentong naipikit niya ang mga mata. Sa isip ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Timothy hanggang sa naglaho iyon at ang mukha na ni Jake ang pumalit.

“In a town we both call home, you will always find me there… waiting. No matter how long it takes, Lea.” Naalala niyang pahabol pa ng binata bago umalis ng Auckland noon.

Jake, pauwi na kami… sa wakas, pauwi na kami sa ‘yo.

INILIBOT ni Lea ang tingin sa loob ng simbahang kinaroroonan. Naalala niya noong mga bata pa sila nina Leandra at Jake. Dahil tanghali na siya madalas nagigising tuwing Linggo ay nauuna nang magsimba ang mga magulang sa kanya. Siya naman ay susunduin tuwing hapon ng magkapatid para magsimba kahit pa nagsimba na rin ang mga ito nang umaga para lang may makasama siya.

Before she knew the meaning of pain, Lea was kind of spoiled. Ngayon niya lang na-realize ang bagay na iyon.

Nang mamatay si Leandra ay si Jake na ang naging kasa-kasama niya sa pagsisimba. Kahit sa paggawa noon ng mga assignments at projects niya ay nasa tabi niya ang binata. Kung tutuusin ay parati lang nasa buhay niya si Jake. Noong nagsolo siya ng bahay ay ito pa ang nagdoble ng mga locks ng mga pinto at bintana sa bahay niya. Ito ang namimili ng mga pagkain o stocks niya sa bahay sa tuwing nakakalimutan niya.

Comments

The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home