Three years later
“OUR BAND’S last song is dedicated to this lovely Latin girl I met more than three years ago. Lucky me, you guys, don’t speak my other language which is Tagalog. I wouldn’t feel more embarrassed than I already am now,” may halong amusement na sinabi ni Bradley sa mga nagtawanang audience nito. Humarap ito sa direksiyon ni Yalena.
Naramdaman ni Yalena ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi nang matutukan siya ng spotlight kasabay niyon ay narinig niya ang pagbubulungan ng mga tao sa paligid niya. Bihira siyang manood ng concert ng banda ni Bradley. Sikat ang binatang vocalist ng bandang Troquer kaya tuwing kasama siya nito ay hindi maiwasang mapag-usapan sila. Pero dahil birthday ng binata nang araw na iyon ay napapayag siya nitong sumama rito. Gabi ang concert nito at may pasok pa kinabukasan ang nag-iisang anak nitong si Martina kaya hindi na ito nakasama pa sa kanila.
“Lena, when I met you, I was hoping to change your life. But you changed mine instead.” Masuyong ngumiti si Bradley. “Nang una kitang makilala, pakiramdam ko, pareho tayong naliligaw. Dahil hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko sa `yo. Gusto kitang tulungan pero hindi ko alam kung paano. Ginusto kong malaman kung ano ang dahilan ng sakit na nakikita ko sa mga mata mo. Ginusto kong malaman kung ano ang mga bagay na nagpapasama ng loob mo, na nagdudulot ng luha sa mga mata mo para maging mas maingat ako, para hindi na ako makadagdag pa sa mga dinadala mo. Pero ‘yong mga gusto kong malaman, nangangahulugan na kakailanganin kitang kilalanin nang husto para makuha ko ang mga kasagutan. And that made me afraid.”
Natensiyon si Yalena nang magsimulang bumaba si Bradley ng stage hawak ang mikropono.
“Dahil una pa lang kitang makita nang gabing iyon,” itinuro ni Bradley ang dibdib nito. “Iba na ang reaksiyon nito. I was afraid because I knew I can’t get to know you without falling in love with you. I knew I can’t come close without needing you. Pero sumugal ako.”
Sa front seat nakaupo si Yalena kaya madali siyang nalapitan ni Bradley. Deretsong tumitig ito sa kanyang mga mata. Nabasa niya ang kaba sa mga mata nito.
“Anim na buwan na simula nang makilala kita nang umamin na `to.” Tinapik ni Bradley ang dibdib. “Mahal ka daw nito. Hindi niya nga lang magawang ilabas nang buo ang nararamdaman dahil hinihintay niyang maghilom ang puso mo. Every single day for the past years, I was waiting for you, Lena. Hinihintay kitang magpakilala. Hinihintay kitang pagkatiwalaan ako. Hinihintay kitang umamin. That’s why imagine my relief when exactly two years after I met you, you finally decided to trust me with your life story. Pero naghintay pa rin ako ng isang taon bago umamin. And here I am now.”
Inabot ni Bradley ang kamay ni Yalena. “I love you, Lena. Pagkatapos ng mga pinagdaanan mo, hindi ko alam kung magagawa mo pang maniwala uli sa pagmamahal. Pero gusto kong isipin na sa loob ng tatlong taon at dalawang buwan na nagkasama tayo ay nakilala mo na ako. Hindi ako tulad niya, Lena. You know what? I honestly think we’re great together. Because you’re my song, Lena. You’re my lyrics.”
Naghiyawan ang mga manonood sa buong amphitheater kasabay niyon ay ang pag-alingawngaw ng musika na nagmumula sa piano. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ang piano lang ang instrumentong ginamit ng banda ng binata. Kahit nang magsimulang kumanta si Bradley ay hindi na ito umalis sa harap ni Yalena. Hindi na rin nito binitiwan pa ang kamay niya.
Pinagmasdan ni Yalena ang gwapong mukha ni Bradley. Mula sa kulay-mais na buhok nito na hanggang balikat ang haba, sa kulay gray na mga mata na minana mula rito ni Martina, sa makakapal na mga kilay, aristokratong ilong, maninipis na labi at mga dimples na lumilitaw tuwing ngumingiti o kumakanta ito. In his gray V-neck shirt, black leather jacket and ripped jeans, Bradley looked an incredible rock star. Kay lakas ng dating nito. At alam niya na matapos ang ginawang pagtatapat ng binata ay marami ang kadalagahang naiinggit sa kanya, mga kadalagahang tagahanga nito.
Likas na mabuti si Bradley na namana rito ng anak na si Martina. Tinanggap siya ng mag-ama kahit pa walang idea ang mga ito tungkol sa tunay na pagkatao niya. Ang mga ito ang tumulong sa kanyang maibangon ang sarili sa pamamagitan ng ibang pangalang ibinigay niya sa mga ito noon. Tatlong araw bago sila umalis papuntang Portland, Oregon nang kunwari ay nagpakilala siya sa wakas at palabasing siya si Lena Morales. Ginamit niya ang apelyido ng namayapang ina.
Noong mga panahong iyon ay desperada siyang mamuhay sa ibang katauhan, sa ibang pangalan, dahil puro masasamang bagay ang nangyari sa kanya noong siya pa si Yalena de Lara.
Ginamit ni Yalena ang kabutihan ng mag-ama para makatakas palayo sa Pilipinas nang hindi matutunton ng iba. Ayaw niya nang bumalik sa dating buhay niya. Nang isama siya ni Bradley sa Portland ay nagpadala siya sa agos. Dahil private jet ng pamilya ni Bradley ang ginamit ay hindi na sila nahirapan dahil walang kinailangang anumang papeles palabas ng bansa. Pinapasok siya ng mag-ama hindi lang sa bahay ng mga ito sa Portland kundi sa buhay ng mga ito. Doon niya natuklasang mayaman ang pamilya ni Bradley.
Namatay ang purong pinay na ina ni Bradley sa isang plane crash noong dalawang taon pa lang ito. Ang ama nito ay binawian rin ng buhay nang walong taon na si Martina nang atakihin ito sa puso. Dahil nag-iisang anak ay naiwan kay Bradley ang airline company na pagmamay-ari ng Fil-Am na ama nito na siyang taga-Portland kung saan ginustong manirahan ni Bradley. Pero dahil musika at pagbabanda ang hilig ay ipinaubaya ni Bradley ang pamamahala sa kompanya sa tiyuhin nito sa Pilipinas.
Natuklasan niya ring isa palang kilalang artista ang ina ni Martina sa Oregon. Dati iyong nakarelasyon ni Bradley. Aksidente umanong nabuntis nito si Jessica, ang ina ni Martina. Tinanggihan ni Jessica ang alok na kasal ni Bradley dahil makasisira umano iyon sa career at mga pangarap nito.
Matapos isilang si Martina ay naglaho na lang umano si Jessica at iniwan ang sanggol kay Bradley. Nag-iwan lang ang babae ng note na nagsasabing ayaw nitong matuklasan ng sinuman na nagkaanak ang mga ito. Bumalik ito sa pag-aartista. Halos dalawang taon matapos niyon nang magpakasal si Jessica sa isang kilalang direktor sa Hollywood at tuluyan nang kinalimutan ang mag-ama nito.
Ngayon ay pamilya kung ituring si Yalena ng mag-ama. Si Martina ang siyang kasama niya sa kwarto dahil madalas siyang bangungutin.
Napabuntong-hininga si Yalena sa naisip. Madalas niyang mapanaginipan ang naging pagdurusa niya habang sakay ng taxi kasama ang gwardiya sa mansiyon ng mga McClennan. Madalas niyang mapanaginipan kung paano siya dinugo, kung paano sinabi ng doktor na nakunan siya. And each time, Martina will be awake. And then the little girl will pray with her. Katabing kwarto lang nila ang master’s bedroom na inookupa ni Bradley.
Tuwing may komosyon sa kanilang kwarto ni Martina ay naaalerto ang binata. Pumapasok ito sa kwarto nila ni Martina na may hawak na dalawang baso ng gatas. Mauupo ang binata sa tabi niya sa kama at magkukwento ng kung ano-anong nangyari sa araw nito para ma-distract siya hanggang sa unti-unti ay bumalik sa normal ang paghinga niya.
May mga pagkakataong pakiramdam ni Yalena ay hindi na nakakatulog si Bradley sa kabilang kwarto sa pagbabantay sa kanila ni Martina dahil bakas ang antok nito pagdating ng umaga. Pero wala siyang naririnig na reklamo mula sa mga ito kahit pa kay Martina na aksidenteng nagigising sa kalagitnaan ng gabi dahil sa kanya. Sa lahat ng iyon ay iisa lang ang hiling ng bata na tita ang tawag sa kanya… na sana ay dumating raw ang araw na matawag na siya nitong Mommy. Mahal siya ng bata at natutunan niya na ring mahalin ito. Nadarama rin ni Yalena na may lihim na damdamin para sa kanya si Bradley pero hindi niya sigurado kung gusto niya iyong marinig. Pero hayun at nagtapat na ito.
“Only a woman can make you fly so high you wanna touch the sun. When your wings melt and you come undone, catches you when you fall, she’s the only one…” patuloy na pag-awit ng Bradley. Hindi maikakaila ang maganda at malamig nitong boses. Swabe iyon sa pandinig. “She steals your heart just like a thief. Makes you lay roses at her feet. But you know to kiss the rose; the thorns will make you bleed…”
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan