MABIGAT ang dibdib na ipinarada ni Ansel ang sasakyan sa tapat ng town house ni Yalena. Napahugot siya nang malalim na hininga. Kung saan-saan siya nag-ikot sa nakalipas na mga oras simula nang magkita sila ni Yalena sa mansiyon ng kanyang pamilya. Hindi niya na nagawa ang orihinal na plano na dalawin ang ina sa ospital. Tutal kapag naroon siya ay hindi niya rin naman magawang pumasok sa hospital room nito.
Litong-lito na siya. Hindi niya na alam kung ano ang gagawin. Bigla ay hindi niya na mapagkatiwalaan ang sarili sa pagbuo ng mga desisyon. Hindi pa siya bumabalik sa opisina. Hindi niya alam kung magagawa niya pang bumalik at pamunuan iyon kung ganoong ninakaw lang pala iyon ng kanyang ama mula sa mga Alvero at de Lara. Hindi niya pa nakakausap ang mga kapatid. Hindi na nila pinatagal pa ang burol ng ama. Matapos ang tatlong araw ay inihatid na nila ito sa huling hantungan. Pagkalibing ay saka lang inamin sa kanya nina Alano at Austin ang tungkol sa journals ng ama.
Naisubsob ni Ansel ang ulo sa manibela. Hindi niya na alam kung sino pa ang dapat kausapin, harapin o pagkatiwalaan. Pakiramdam niya ay niloko at pinaglaruan lang siya ng mga taong mahal niya. His life was one fat lie. Hindi niya alam kung paano magsisimula uli. Ni hindi niya alam kung paano niya ipagkakasya sa kukote niya ang mga natuklasan. Nanloko at nakapatay ang kanyang ama para sa pagmamahal. Ipinagkait ng kanyang ina sa mga anak nito ang katotohanan tungkol sa bulok palang pagkatao ni Benedict sa ngalan din ng pagmamahal. Tinanggap nina Alano at Austin sa mga buhay ng mga ito sina Maggy at Clarice dahil sa pagmamahal kahit pa alam ng mga kapatid na paghihiganti ang motibo ng dalawang babae. Naloko siya ni Yalena dahil nabulag siya ng pagmamahal para dito. At ngayon ay sinisira siya ng pagmamahal na iyon. Lahat ay puro tungkol sa pagmamahal. Shit!
Parang tuksong naglaro sa isipan ni Ansel ang naaktuhang eksena sa rest house sa Olongapo. Posible ngang hindi totoong si Yalena ang pumatay sa kanyang ama at bumaril sa kanyang ina. Wala siyang idea dahil pinagbabaril nina Dennis ang CCTV sa buong lugar. Pero nagsusumigaw pa rin ang katotohanang kasabwat si Yalena ng mga dating squatter na tulad nito ay may galit sa kanyang ama. Minahal at pinagkatiwalaan niya nang buong-buo si Yalena. At bilang anak ay nauunawaan niya ang pinanggagalingan nito. Pero hindi niya matanggap na pinaikot lang siya ng babae sa ngalan ng paghihiganti. The voice recordings were solid proofs.
Bukod pa roon, kailangan bang suklian ng kamatayan din ang nangyaring kamatayan noon? Mahirap ang pinagdaanan ni Yalena nang dahil sa kanyang ama at ngayon ay pinagdaraanan niya rin ang hirap na iyon. Every single day, it was a struggle to wake up. Hindi gaya nang dati na parati siyang masayang pipikit at matutulog gabi-gabi dahil marami siyang inaasahang mangyayari pagsapit ng umaga sa pagmulat niya pa lang ng mga mata.
Napahugot siya ng malalim na hininga bago napatingin sa bahay ni Yalena. Naroroon ang sasakyan nito. Hindi niya alam kung nasa loob ito dahil naka-taxi lang ang dalaga nang puntahan siya sa mansiyon.
Naipilig ni Ansel ang ulo para alisin sa isip ang mga bagay na sinabi ng dalaga sa kanya kanina. Naparoon lang siya para kunin ang kanyang mga damit. Plano niya na ring ipagbili ang kanyang town house sa village na iyon. Wala nang saysay pa ang pagtira doon. Lahat ay wala nang saysay pati na ang pinangarap niyang kasal na malabo nang matuloy pa.
Bumaba na siya ng kanyang sasakyan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay gumamit siya ng doorbell sa gate. Nang walang sumagot ay kunot-noong pumasok na lang si Ansel. Ginamit niya ang kanyang duplicate key para makapasok sa loob, duplicate key na sa kabila ng lahat ay hindi niya maalis-alis sa kanyang wallet. Para siyang sinakal nang makapasok sa loob.
“Hindi ako mabuting tao. Aaminin kong ilang ulit sa nakalipas na mga taon ay hinangad kong mamatay si Benedict. Pero sa tingin ko, kahit na sinong anak ay gano’n ang hahangarin kung malalagay sila sa lugar ko,” naalala ni Ansel na sinabi ni Yalena nang tangkain siya nitong kausapin matapos ilibing ang kanyang ama.
“Pinatay ang mga magulang ko. Ninakaw ang kayamanang para sa amin ng kakambal ko. Pinasunog ang bahay namin. Naranasan ko lahat ng uri ng sakit at panggigipit nang dahil lang sa iisang tao: nang dahil lang sa ama mo. Pero iyong taong iyon na napakaraming nagawang krimen, ni hindi nakulong. Kaya sinong anak ang hindi maghahangad iganti man lang ang kanyang mga magulang lalo na’t gano’n ang sinapit?
“Sinong anak ang hindi maghahangad ng hustisya? Sinong mabuti ang hindi magiging masama matapos niyon? Sinong mabait ang hindi magagalit?” Bumakas ang hapdi sa mga mata ni Yalena. “Kilala kita, Ansel. I’m sure if you were me, you would have done the same thing. Baka nga mas matindi pa ang gawin mo. Pero lahat ng iyon, tinalikuran ko. Tinalikuran ko ang labing-anim na taong sakit at pait para sa `yo, para tanggapin ang pagmamahal mo, pagmamahal na bakit… bakit hindi ko na makita sa mga mata mo?”
Nanlamig si Ansel. Hindi kaya…nagsasabi ng totoo si Yalena? Pero mayamaya ay naipilig niya ang ulo. Dumeretso na siya sa kwarto ng dalaga na siyang ilang buwan ding naging kwarto niya. Ini-on niya ang ilaw roon. Napatitig siya sa kama. Doon siya masayang natutulog at nagigising dati-rati. Parang bibigay ang puso na kinuha niya na lang ang kanyang traveling bag sa ilalim ng kama at binuksan ang closet kung saan nakalagay ang kanyang mga damit.
Pero natigilan siya nang may makitang maliit na pulang kahon sa ibabaw ng kanyang mga nakatuping damit. May puti pang ribbon doon. Nanginginig ang mga kamay na binuksan niya iyon. Bumungad sa kanya ang isang white gold na kwintas na hugis krus ang pendant. Nagsalubong ang mga kilay niya. Pamilyar iyon sa kanya. Iyon ang kwintas na parating suot ni Yalena noon.
“M-may iniwan ako sa `yo last week na regalo sa closet mo sa bahay ko. Nakalagay roon ang kumpletong voice recordings, Ansel, mula simula hanggang sa huling pag-uusap namin ni Dennis. It was supposed to be my monthsary gift to you because I wanted to tell you the truth. Necklace recorder iyon.”
Kumabog ang dibdib ni Ansel. Itinalikod niya ang pendant ng kwintas. Nakita niya roon ang isang maliit na pindutan. Ilang beses pa siyang nagdalawang-isip bago sa wakas ay pinindot iyon. Umalingawngaw sa kwarto ang masigla at malamyos na boses ni Yalena.
“Baby, `guessed what I found out? I’m pregnant! Seven weeks na daw sabi ng doktor nang magpatingin ako kanina. I must admit, I never thought of being a mother, not even once. Dahil nang mawala ang mga magulang ko noon, marami na akong nalimutang isipin at pangarapin. I never even thought of being a wife much more, being engaged… to you. But you know what? Maraming nagbago nang malaman kong may munting buhay pala dito sa loob ng katawan ko.
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan