DAHAN-DAHANG nag-angat ng mukha si Ansel nang marinig ang paghinto na iyon ng isang sasakyan hindi kalayuan sa kanya. Nasa harap siya ng gate ng mga Villareal nang mga sandaling iyon, ang pamilyang halos isang buwan na lang ay legal nang kabibilangan ni Yalena. Parang lason ang katotohanang iyon na sumisira sa kanyang puso.
Kay tagal niyang naghanap kay Yalena. Kay tagal niyang naghintay. Mahigit tatlong taon ang inabot bago sa wakas ay nagkaroon ng resulta ang imbestigasyon ng mga private investigators na inupahan niya. Kaya pala kahit ano ang gawin nilang paghahanap sa Pilipinas ay hindi nila matagpuan ang dalaga, iyon pala ay nasa ibang bansa ito na halos pitong libong milya ang layo mula sa kanya. Yalena was in the Rose City. Nasa Portland ito na halos labing-apat na oras ang biyahe sa eroplano mula Maynila.
Pag-angat ni Ansel ng tingin ay sumalubong sa kanya ang isang kulay-dilaw na kotse. Dahil hindi tinted ang sasakyan, sa driver’s seat niyon ay natanaw niya sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang tatlong taon, apat na buwan at anim na araw, si Yalena. Kitang-kita niya ang pagkabigla sa anyo ng dalaga.
God… he had missed that beautiful face. Ginusto niyang lumapit sa kotse nito pero nag-aalala siyang baka matakot ito at paandarin palayo ang kotse. Ngayong nakita niya na ang dalaga ay natatakot siyang magsayang pa ng oras. Natatakot siyang muli itong magtago. Kaya sa kabila ng pamimigat ng dibdib ay pilit na pinanatili niya ang mga paa sa kinaroroonan.
Sila lang ng mga kapatid ang nakakaalam kung nasaan si Yalena. Pansamantalang inilihim nila iyon kina Maggy at Clarice sa pag-aalalang magmadali ang mga itong puntahan si Yalena. Ayaw nilang maalarma ang dalaga. Siya man ay hindi pa dapat magpakita rito dahil siya ang nasisiguro niyang mas iniiwasan nito pero hindi niya mapigilan ang sarili.
May inabot na parang maliit na remote control si Yalena. Sa isang iglap ay bumukas ang gate. Ipapasok na sana ng dalaga ang kotse sa loob ng bahay nang humarang si Ansel sa daraanan nito. Nang akmang sasagasaan siya ng dalaga ay hindi siya natinag. Pero huminto rin ang sasakyan nang kaunting-kaunti na lang ang pagitan ng kanyang katawan sa bumper niyon.
“Please, Yalena. Let’s talk first. Ngayon lang tayo nagkita pagkatapos ng mahabang panahon. Harapin mo naman ako. Kausapin mo naman ako kahit sandali lang,” nakikiusap na sinabi ni Ansel. Napalunok siya nang makita ang pagsiklab ng galit sa mga mata ng dalaga. Hindi niya ito masisisi. Dahil ganoong-ganoon din ang sitwasyon nila mahigit tatlong taon na ang nakararaan.
Ang pagkakaiba nga lang ay siya ang nasa kotse at ang dalaga ang siyang humaharang sa kanyang daraanan. Ilang ulit nitong ginawa iyon noon. Ilang ulit itong nakiusap, katulad na katulad ng pakiusap niya nang mga sandaling iyon. Namasa ang kanyang mga mata.
Ang buong akala ni Ansel ay naihanda niya na ang sarili sa galit ni Yalena pero hindi pa pala. When she looked at him, he was seeing the kind of person he thought about himself: a murderer. Nang hindi niya matagalan ang mga nakapapasong titig nito ay unti-unting nagbaba siya ng tingin.
Ilang sandali pa ay narinig ni Ansel ang pagbukas ng pinto ng sasakyan at ang mga yabag na iyon palapit sa kanya.
“Nasasayang ang oras ko, McClennan. Magsalita ka na,” ani Yalena sa nagyeyelong boses.
ARAW-ARAW sa nakalipas na mga taon, hinanap kita. Ngayong nakita na kita, hinahanap pa rin kita. Hinahanap ko ‘yong mga matang puno ng pagmamahal kung tumitig sa akin dati. Hinahanap ko ‘yong boses na dati-rati ay puno ng lambing kapag kausap ako. Pero wala na siya. One look at you and I knew, the Yalena who once loved me is gone.
Nababaliw na si Ansel para hanapin pa ang dating Yalena samantalang siya ang dahilan kung bakit ito nagbago. Napakarami niyang sinaulong sasabihin pero hindi niya alam kung paano magsisimula. Ikinuyom niya ang mga kamay para pigilan ang mga iyong abutin at yakapin ang dalaga.
“Kumusta ka na?” sa halip ay tanong niya.
“Maayos na sana ako kaso nakita kita. Ngayon kung ‘yon lang pala ang ipinunta mo rito, makakaalis ka na. `Wag kang mag-alala, as you can see, buhay pa naman ako pagkatapos nang mga ginawa mo. Now, I don’t wanna be rude but I don’t really want to talk to you. Please get out of my way—”
“I never got the chance to apologize.” Sinikap ni Ansel na salubungin ang mga mata ni Yalena.
“And I never got the chance to slap you… not even once,” ani Yalena saka umigkas ang palad nito sa pisngi ni Ansel. Dalawang beses iyon. “The first one is for me. The second is for my baby. Siguro matatahimik na rin ako nito. Naiganti ko na ang anak ko kahit paano.”
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan