NAPILITANG magpreno si Cassandra nang biglang harangin ng kotse ng kanyang kuya ang sasakyang gamit niya, pagkalabas pa lang niyon sa gate ng bahay nito. Naiinip na napasulyap siya sa kanyang wristwatch. Alas-otso na ng umaga. Dapat sa mga ganoong oras ay nasa bahay na siya ni Jethro at nakapagluto na. Linggo pa naman ng araw na iyon, siguradong mapipilitan ang binata na sa bahay nito mag-almusal.
Nahuli kasi siya ng gising dahil inabot na siya ng madaling-araw sa pananahi ng wedding gown ni Dana. Gusto kasi niyang siya mismo ang mag-asikaso niyon, pati na ang suit ni Jethro. Napabuntong-hininga siya. Masokista nga siguro siya dahil gustong-gusto niyang nasasaktan ang sarili. Pero ang lalaking mahal niya ang magsusuot ng suit, kaya dapat ay mapaganda niya iyon nang husto.
Nang bumaba si Throne at senyasan siyang bumaba rin ay walang nagawang sumunod si Cassandra.
"Aalis ka na naman?" Nakakunot ang noong salubong ng kapatid. "Aba, daig mo pa ang bed spacer, ah? Ginawa mo na lang na tulugan ang bahay. We live in the same house but we rarely see each other, Cassandra."
Nag-aalalang muling napasulyap sa suot na relo si Cassandra. "Let's just talk later, Kuya Throne. Kailangan ko na talagang puntahan si Jet." Binuksan niya na ang pinto ng kotse. "Nasasayang kasi ang araw-"
Parang nanggigigil na hinawakan siya ng kapatid sa mga balikat. "God, Cassandra. Tumigil ka na nga! He's not worth it. If he was, he could have waited for you! Pero hindi. Ikakasal na siya-"
"Oo, alam ko." Nag-iwas ng tingin si Cassandra. "Araw-araw, simula nang bumalik ako, wala kayong ginawa kundi ang ipaalala sa akin ang bagay na 'yan. Kaya paano ko ba makakalimutan?" Malungkot siyang napangiti. "Besides, hinintay niya ako nang dalawang taon. Ang tagal niyang nahirapan nang dahil sa akin. Samantalang ako, isang buwan lang ang meron ako para magpakagaga, para mahirapan din. Walang-wala pa 'yon sa naranasan niya."
Nang hindi nakarinig ng sagot ay humarap na siya sa kapatid. Lumambot na ang ekspresyon ng mukha nito. "Pero hindi ka niya hinintay nang husto, sweetheart. Dalawang taon lang at tumigil na siya-"
"Okay lang 'yon," Nagkibit-balikat siya at pinilit pasiglahin ang boses. "Siguro, kailangan niya talagang tumigil para ako naman ang maghintay sa kanya."
"Damn it! At paano ka naman? You've waited for years!"
Hindi na kumibo si Cassandra. Inalis niya na ang mga kamay ni Throne na nakahawak sa kanya at tangkang papasok na lang sana sa kotse nang yakapin siya nito. "I'm sorry if I upset you." Masuyo nang wika nito. "Happy birthday, sweetheart."
"Oh, God." Naisubsob niya ang mukha sa dibdib ng kapatid. Nakaligtaan niya na. Bukod kasi sa abala siya sa pagbibilang ng mga araw kung hanggang kailan niya na lang makakasama si Jethro ay hindi niya na nagawang mag-celebrate ng birthday niya sa ibang bansa. She had been so busy these past few years to even notice. Pero bakit pakiramdam niya ay... mas pagod siya ngayon?
"Chris told me that she'll make a way to make her brother come here. It's against her will but she had to. Para hindi ka na muna umalis." Humigpit ang pagkakayakap ni Throne sa kanya. "Magpahinga ka naman, utang-na-loob. It's your day."
"I THOUGHT you're sick?" gulat na sinabi ni Jethro nang makitang ang kapatid niya mismo ang bumungad sa kanya sa front door pagkarating niya sa bahay nito at ni Throne. Mabilis niyang kinapa ang noo at leeg ni Christmas. Nang maramdamang normal naman ang temperatura ng kapatid ay nagdududang tinitigan niya ito. "May sakit ka ba talaga, Chris?"
"Meron, kuya. Sa katunayan, kagagaling ko lang sa pagsusuka nang dumating ka." Masiglang ngumiti si Christmas pagkatapos ay hinila na siya papasok. "Pero nang makita na kita, parang magic na nawala ang sama ng pakiramdam ko." Naglalambing na humilig ito sa kanyang balikat. "Mabuti na lang talaga at pumunta ka. 'Wag ka na munang umuwi. It's Cassey's birthday today."
Natigilan si Jethro. Kahit kailan ay hindi niya naman nalimutan. Sa katunayan ay nakatago pa sa kwarto niya ang mga naipong regalo para kay Cassandra noong unang dalawang taon na nagkahiwalay sila. Kasama na rin doon ang mga regalo para sa anniversary sana nila, at tuwing pasko, bagong taon at Valentine's Day. Mapait siyang napangiti bago inilibot ang paningin sa kabuuan ng bahay. "Bakit parang walang bisita?"
"Cassey forgot her birthday. Hindi niya tuloy napaghandaan. I wonder what's been keeping her busy these days to forget such an important occasion." Amused na tumawa si Christmas. "Mabuti na lang pala at nakapamili na kami ni Throne. Her brother really wanted to treat us all somewhere. Pero nagbago ang isip niya nang makita si Cassandra this morning. Cassey looked sick."
Biglang inatake ng konsensya niya si Jethro dahil sa nangyari sa pagitan nila ni Cassandra noong nagdaang gabi. Napahugot siya ng malalim na hininga. "Kumusta na siya?"
"I'm fine. Makita lang kita, lumalakas na ako."
Parang may tumusok sa kanyang puso nang makita si Cassandra. Kahit pa matamis na nakangiti sa kanya ay mababakas pa rin ang pagod sa magandang mukha nito. Nangangalumata rin ang dalaga at namumutla ang mga pisngi. Ni wala rin ang pamilyar na kislap sa mga mata nito. At bakit parang bumagsak ang katawan nito? Malayong-malayo sa nakita niyang anyo nito noong bagong dating sa bansa.
Siya ba ang dahilan ng lahat ng iyon? Marahas niyang naipilig ang ulo. Imposible!
"Pwede bang gamitin kong excuse ang araw na 'to para makiusap sa 'yong maging mabuti-buti ka naman sa akin?" Mahinang wika ni Cassandra. "Kahit ngayon lang... 'wag mo naman sana akong sungitan."
Jethro could have said no and just turned his back like he always did. Tutal ay mukhang wala naman pala talagang sakit ang kapatid niya. Pero nang makita niya ang unti-unting paglungkot ng mga mata ni Cassandra ay naalarma siya.
Comments
The readers' comments on the novel: Thirty Last Days