Login via

Thirty Last Days novel Chapter 9

"LAST mo na 'yan, Cassandra. Lagot ako sa kuya mo 'pag nagkataon."

Hindi pinansin ni Cassandra ang pananaway ni Brylle. Sa bar nito niya naisipang dumeretso pagkagaling sa bahay ng kanyang kapatid. Itinaas niya ang wine glass na pinuno niya ng alak, pagkatapos ay mapait na napangiti. "Birthday ko ngayon. Pero bakit parang ayaw n'yo akong maging masaya? Just let me be, Brylle."

"Alam mo bang puro malulungkot at brokenhearted na tao ang mga pumupunta sa bar?" sa halip ay sinabi ni Brylle. "Some drink their pain away and I don't get it. When I had this place built, all I wanted was to have fun. Pero puro para makalimot ang dahilan ng mga customers kong pumupunta rito." Kumuha ang pinsan ng sariling wine glass, pagkatapos ay nakihati sa alak niya. "Maglalasing kayo, kikita ako and that's fun. But what the heck will happen after that? Will the misery go away once you're sober? No!" Napapalatak pa ito. "Naroon pa rin ang sakit paggising mo sa umaga. May bonus ka pang hangover."

Nagsisikip ang dibdib na natawa si Cassandra. "Maybe because we're hopeful... na baka swertihin kami at... makalimot nga kami." Mapanglaw ang mga matang napatingin siya sa sentro ng bar na may maliit na stage kung saan tumutugtog noon gabi-gabi sina Christmas. May mga nag-aayos na ng mga instrumento roon pero puro kalalakihan na. "Mahal ko siya, Brylle."

Narinig ni Cassandra ang malakas na pagbuntong-hininga ng pinsan. Hindi man niya sabihin ay alam niyang alam na nito kung sino ang tinutukoy niya, tutal ay best friend ito ng kuya niya.

Tinapik-tapik siya ni Brylle sa balikat. Napayuko na lang siya. At kasabay ng pagbirada ng mga luha niya ay ang pagsisimula ng unang awitin ng banda para sa gabing iyon.

"Kung inaakala mo ang pag-ibig ko'y magbabago, itaga mo sa bato. Dumaan man ang maraming Pasko. Kahit na 'di mo na abot ang sahig. Kahit na 'di mo na 'ko marinig. Ikaw pa rin ang buhay ko..."

Hindi napigilan ni Cassandra ang matawa sa narinig na kanta. Ngayon niya pa lang narinig iyon. Hanggang sa bar ba naman ay iinsultuhin pa rin siya ng tadhana? Nilingon niya ang pinsan. "What's that song?"

"'Buko,' sweetheart."

Napapalatak siya nang maalala si Manang Nita, ang siyang mayordoma sa bahay ni Jethro. Tama nga ang matanda, maganda nga ang kanta... bagay na bagay sa kasalukuyang sitwasyon niya. Nanlulumong tumayo na siya. "Aalis na ako. Baka mabaliw na ako kapag nagtagal pa 'ko rito."

Bumakas ang pag-aalala sa anyo ni Brylle. "Kaya mo pa ba'ng umuwi?"

Kahit pa bahagya nang may tama ng ispiritu ng alak ay nagmamalaking tumango pa si Cassandra. "Of course. Puso ko lang ang may tama, Brylle. Pero ang isip ko, matino-tino pa naman... kahit paano."

Lumabas na si Cassandra ng bar. Nilalaro-laro pa niya ang susi ng kanyang kotse habang mabagal na naglalakad papunta sa parking lot, nang isang lalaking naka-bonnet ang humarang sa dinaraanan niya. Maagap siya nitong isinandal sa pader. Nanlamig siya nang makita ang pagkislap ng hawak nitong patalim sa liwanag na nagmumula sa poste. Itinutok iyon ng lalaki sa kanyang leeg. Kumabog sa takot ang kanyang dibdib. "A-ano'ng kailangan mo?"

"Holdap 'to, Miss."

Natatakot na kusa na niyang inabot ang kanyang purse. "H-hindi ako nagbayad sa bar kaya m-may pera pa 'yan." Sumunod ay isinuko niya ang kanyang relo. "T-that's all I can g-give. Utang-na-loob, umalis k-ka n-na."

"Masunurin ka naman pala." Hinimas-himas ng holdaper ang ulo ni Cassandra. Ngumisi ito at pinakatitigan siya. "Pero mukhang may nakakalimutan ka pa yatang ibigay, Miss."

Napalunok siya nang makitang nakatitig ang holdaper sa suot niyang kwintas. Mabilis na hinawakan niya iyon. She could not lose her necklace. Iyon na lang ang natitirang alaala sa kanya ni Jethro. "H-huwag 'to, p-please. M-mahalaga 'to sa akin."

"Wala akong pakialam." Nang tangkang hahablutin ng lalaki ang kwintas ay mabilis na umangat ang tuhod ni Cassandra patungo sa maselang bahagi ng katawan nito. Nang mapaluhod ito ay dali-dali siyang tumakbo palapit sa kanyang kotse.

Nanginginig ang mga kamay na dinukot ni Cassandra ang susi na ipinagpapasalamat niyang sa bulsa ng kanyang pantalon niya nailagay at hindi sa kanyang purse. Nabuksan na niya ang pinto ng kotse at sasakay na sana roon nang mapahinto siya sa kirot na bigla niyang naramdaman sa kanyang balikat.

"'Yan ang napapala mo, Miss. Matigas kasi ang ulo mo." Iniharap ng holdaper ang nanlalambot niyang katawan dito at akmang muling hahablutin ang kwintas niya nang may marinig silang malakas na pagpito mula sa kung saan.

Nang malingunan nila ang guwardiya ay dali-daling nagtatakbo ang holdaper. Mabilis namang sinaklolohan ng guwardiya si Cassandra. "P-pakitulungan na lang a-akong makasakay sa kotse... p-please." Halos pabulong na wika niya. "P-pagkatapos ay p-pakitawag ang may-ari ng bar na si B-brylle." Tumango ang guwardiya, at nang maalalayan siyang makasakay ay halos patakbo itong umalis.

Nanghihinang napasandal si Cassandra sa backrest. Mariin niyang naipikit ang mga mata nang muling kumirot ang kanyang balikat. Nang bahagya nang makapagpahinga ay pinilit niyang dumilat at hinanap ang cell phone sa dashboard. Bahagya siyang napangiti nang makita iyon.

Sa nanginginig pang mga daliri ay idinayal pa rin niya ang numero ni Jethro. Muli siyang pumikit nang sa wakas ay marinig na ang baritonong boses ng binata. "J-Jet, I f-found our theme song. 'Buko' ang... t-title." namamaos na wika niya. "Ipinangako k-ko sa sarili ko noong k-kakantahin ko 'yon sa 'yo kapag nai-research ko na ang l-lyrics. H-Hindi ko nai-research pero-"

"What in the world are you talking about? At bakit ganyan kang magsalita?"

Napahawak si Cassandra sa kanyang balikat at pinilit na tikisin ang hapding nararamdaman. "It g-goes something like t-this." Sa nagdedeliryong pakiramdam ay narinig niya na ang mga malalakas na yabag ng taong palapit sa kanya. "Kung inaakala m-mo ang pag-ibig ko'y m-magbabago, itaga mo sa bato. Dumaan man ang maraming P-Pasko. Kahit na 'di mo na abot ang sahig, kahit na 'di mo na 'ko marinig... i-ikaw pa rin ang b-buhay ko..."

"Cassandra!" Nagmulat siya nang marinig ang boses ni Brylle. Mabilis siyang dinukwang ng pinsan. "God, you're bleeding!"

Ngumiti si Cassandra. "I love you, Jet," naalala pa niyang wika bago isinubsob ang ulo sa dibdib ng pinsan.

MABIBILIS ang mga hakbang na tinahak ni Jethro ang daang itinuro ng nurse sa station papunta sa room ni Cassandra. Kumakabog sa pinaghalo-halong emosyon ang kanyang dibdib nang mga sandaling iyon.

"Jethro, si Brylle 'to. Mamaya ka na tumawag." Naalala pa niyang wika ng pinsan ni Cassandra nang ang lalaki na ang narinig niyang nagsalita sa kabilang linya kaninang tawagan siya ng dalaga. Bakas ang matinding kaba sa boses nito. "I'll bring Cassandra to the nearest hospital. If you're interested, be there. I'll text the address later."

Unti-unting bumagal ang paghakbang ni Jethro nang sa wakas ay makita niya na si Brylle. Nakaupo ito sa isa sa mga silya sa pasilyo habang nakatungo. Nang marahil ay maramdaman nito ang presenya niya, nag-angat ito ng ulo, saka matipid na ngumiti. "She's safe now. Nagamot na ang balikat niyang sinaksak ng gagong holdaper." Tumalim ang mga mata ng lalaki. "Mabuti na lang at nahuli na siya ng isa ko pang guwardiya or else..." Marahas itong napahinga. "Pumasok ka na. She's awake. I just can't handle her when she's like this. Alam mo namang may trauma 'yon sa ospital. Dito ko na lang hihintayin si Throne."

Natigilan si Jethro. Nakaligtaan niyang ayaw nga pala ni Cassandra sa ospital. It reminded her of the day she lost her baby. Sa naisip ay nagmamadaling pumasok siya. Naabutan niya ang dalaga na nakasandal sa headrest ng kama at mariing nakapikit. Habang pinagmamasdan niya ang namumutlang anyo nito ay naikuyom niya ang mga kamay.

Hindi ko alam kung ano'ng ginagawa ko dito. Hindi ko alam kung bakit kahit ilang taon na ang lumipas, isang balita lang tungkol sa 'yo, dumarating kaagad ako. Hell. Kinulam mo ba 'ko?

"Dumating ka," namamaos na wika ni Cassandra nang magmulat. "Sana lang, hininaan mo ang pagsasara ng pinto, nakalimutan ko tuloy kung pang-ilang tupa na ang nabibilang ko para lang ma-distract ako."

Nagdilim ang anyo ni Jethro, lalo na nang maalala niya ang nabanggit ni Brylle sa telepono na dahilan kung bakit nasugatan ang kaharap. "Bakit kasi hindi mo na lang ibinigay ang kung ano man 'yon na hinihingi ng holdaper para-"

"I can't." Napailing pa si Cassandra. "Masyadong mahalaga sa akin ang gusto niyang kunin. I can't lose my necklace."

Nagtagis ang mga bagang niya. "You stubborn woman! You would rather die than let him have your necklace?"

NAG-IWAS ng tingin si Cassandra, pagkatapos ay hinawakan ang suot na kwintas na natatakpan ng kanyang hospital gown. Initials nilang dalawa ni Jethro ang naka-engrave sa ginintuang kwintas. Iyon ang iniregalo nito sa kanya noong unang taon ng anniversary nila. "Oo."

Chapter 9 1

Chapter 9 2

Chapter 9 3

Comments

The readers' comments on the novel: Thirty Last Days