MASAYANG napangiti si Cassandra nang makita sa hardin ang nakatalikod na bulto ni Jethro. Kahit pa sinabi na sa kanya ng kasambahay na naroon ang binata sa bahay at siya ang sadya ay hindi pa rin siya makapaniwala.
Hindi niya inaasahang bibisita si Jethro sa kanya, lalo na at pinagbabaan siya nito ng telepono. Kinapalan pa man din niya ang mukha sa pagtatanong ng numero nito kay Christmas. At nakumpirma ang hinala niyang nagpalit na nga ng contact number ang binata nang iba ang ibigay ng hipag.
Dahan-dahang humakbang siya palapit. "Jet, I'm glad to see you. Pupuntahan nga sana kita bukas-"
Pero agad na naglaho ang ngiti niya nang madilim ang anyong humarap si Jethro. "Ano'ng sinabi mo kay Dana? Bakit siya biglang aalis? Just what the hell are you planning, woman?"
Nagpapaunawang hinawakan niya sa braso ang binata na agad rin nitong inalis. Gusto niyang batukan ang sarili. Bakit ba umasa-asa pa siya na maganda ang dahilan ni Jethro sa pagdalaw sa kanya? Napabuntong-hininga siya. ''Humingi lang naman ako sa kanya ng ilang araw para makasama ka... bago ka man lang sana ikasal. She gave me thirty days-"
Napalunok si Cassandra nang makita ang pagtatagis ng mga bagang ni Jethro. Sa buong buhay niya ay ngayon pa lang niya nakitang nagalit nang husto ang binata... at sa kanya pa.
"When will you start caring about what others feel, Cassandra? Ni hindi mo man lang inisip ang nararamdaman ni Dana. Heck, napaka-immature mo pa rin talaga-"
"I'm the worst person to love, masama akong tao, nang-iiwan ako sa ere, immature ako. And I deserve this. Oo, alam ko na 'yon." Kahit na nasasaktan ay sinalubong niya ang nagbabaga sa galit na mga mata ni Jethro. God... where did her Jethro go? "But those words don't hurt me, Jet. What hurts me is the way you look into my eyes and make me feel that you regret ever loving me. Because I've never been so happy... until you fell in love with me."
"Damn it, Cassandra!" He glanced sharply at her. "Hanggang kailan mo ba paglalaruan ang mga tao sa paligid mo?"
Tuluyan nang nangilid ang mga luha niya. "Damn it, Jet. Hanggang kailan ka ba magbibingi-bingihan sa mga paliwanag ko?"
"You're a hopeless case," sa halip ay napapailing na wika ng binata bago siya tinalikuran.
"If I missed you one day, what will I do?" halos pasigaw na tanong ni Cassandra. Nahinto sa paghakbang si Jethro. "At least ngayon, nalalapitan pa rin kita kahit paano. Pero paano na lang kapag ikinasal ka na?" Muli siyang naglakad palapit sa binata at masuyo itong niyakap mula sa likod. "If I want to see you and hold you like this, what will I do? Naiintindihan mo na ba kung bakit kailangan ko ng thirty days man lang?"
"So pagkatapos ni Chad, ako na naman?" mayamaya ay mapait na sagot ni Jethro.
Napailing siya. ''No, Jet. Chad is dead. Namatay siya sa Canada, five months after I left. Nang magkita kami uli noon, sinabi niya sa aking may kidney cancer siya."
He gasped. Naramdaman ni Cassandra ang sandaling tensiyon sa mga balikat ni Jethro bago nito binaklas ang mga braso niyang nakayakap dito. "At naghahanap ka na naman ng reserba, gano'n ba? So typical of you, Cassandra."
Napapagod na tuluyan nang lumayo si Cassandra. Gaano ba kalalim ang iniwan niyang sugat sa puso ni Jethro para hindi na ito muli pang magtiwala sa kanya? Punong-puno ng pagsisising napatitig siya sa binata. Kung maibabalik niya lang ang nakaraan, sana ay hindi agad siya umalis nang hindi nakakapagpaliwanag nang maayos. Pero naging ganid siya sa oras at panahon dahil ginusto niyang madaliin ang lahat. She wanted to change... desperately, so she could go back to him as soon as possible.
Nalulungkot na itinulak niya nang marahan si Jethro palabas ng gate. "Pagod ka lang siguro. Bukas na tayo mag-usap... para hindi ka magsawa kaagad. After all, thirty days rin ang meron tayo. So don't be too excited to talk to me..." And to walk away from me, gusto sana niyang idagdag pero sa huli ay nagdalawang-isip siya.
"GOOD MORNING!" nakangiting bati ni Cassandra sa bagong gising na si Jethro na bumungad sa kusina. Madaling-araw pa lang ay nagpunta na siya sa bahay ng binata dala ang mga pinamili at doon nagluto ng mga paborito nitong pagkain. Mabuti na lang at kasundo niya pa rin ang mayordoma at nang makita siya ay dali-dali siyang pinapasok. Nakipagkwentuhan pa sa kanya ang matanda habang nagluluto siya.
"Goodness, Cassandra!" Bahagyang namamaos pa ang boses na sinabi ni Jethro nang siguro ay makabawi sa pagkabigla. "Ang aga-aga pa para manira ng araw. Bakit ka-"
Hindi niya pinansin ang pang-iinsulto ng binata. "Bakit ako nandito? Simple lang. Today is the start of my thirty days with you." Ipinasok niya ang mga kamay sa bulsa ng apron na suot para itago ang panginginig ng mga iyon nang makita ang galit na namang anyo ni Jethro. Ayaw niyang sayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya ng fiancée nito. Nang nagdaang gabi lang ay nag-text sa kanya si Dana at sinabing inihatid na raw ito ni Jethro sa airport papuntang Cebu. Kaya lumalabas na ngayon ang unang araw sa ibinigay nitong palugit.
Itinuon niya na lang ang pansin sa mukha ni Jethro. Kahit bagong gising at nakasuot lang ng simpleng asul na sando na tinernuhan ng asul ding pajama ay napakagwapo pa rin nitong tingnan. Pinigilan niya ang sariling lapitan ang binata at suklayin gamit ang sariling mga daliri ang bahagya pang magulong buhok nito.
Malakas siyang tumikhim. "Nagluto nga pala ako ng mga paborito mo." She stepped aside to give him full access to the dining table. "Sinangag na maraming bawang, beef caldereta, paksiw na bangus at-"
"I'm sorry. I lost my appetite."
"Don't break my heart like this, Jet. Please," Nakikiusap na wika niya nang hindi man lang pinansin ni Jethro ang mga nakahain sa mesa, at sa halip ay kumuha ng isang basong tubig.
"I'm starting to get the whole thing, you know," mayamaya ay wika nito pagkababa sa wala nang lamang baso. "While the fiancée is away, the ex-girlfriend comes out and play. Gano'n ba ang gusto mong gawin, Cassandra?"
Nagtitimping napabuga siya ng hangin. "I know it will be your greatest delight to see me give up, Jet. But guess what?" Muli siyang ngumiti. "I won't. Insultuhin mo na ako hanggang gusto mo. If nothing changes after thirty days, you will never see or hear from me again. Pero kung sa loob ng mga araw na 'yon ay nakasilip ako ng kaunting pag-asa na may lulugaran pa ako kahit kaunting space lang diyan sa puso mo," dinuro niya ang dibdib ng binata. "ipaglalaban ko, Jet. I will fight for the smallest part in your heart."
Natigilan si Jethro bago mayamaya ay sarkastikong ngumiti. "Nice line, Cassandra. Keep up the lousy work."
Comments
The readers' comments on the novel: Thirty Last Days