Login via

Wish List Number Ten: Love Me Again novel Chapter 4

I JUST need to talk to you one last time, Elle. After this, I swear, I'm going to sign the papers. Pero sa ngayon, pumunta ka na muna rito. It's an emergency. Something happened and I badly need you.

Ayaw man ni Chryzelle ay hindi pa rin niya napigilan ang mag-alala nang muling sumagi sa isip ang ipinadalang text message ni Calix. Anim na araw nang hindi nagpapakita ang asawa sa kanya, hindi tulad noon na para bang customer na ito sa bakeshop niya dahil nakatambay ito roon mula sa pagbubukas nila hanggang sa pagsasara.

Naipilig ni Chryzelle ang ulo sa naisip bago ipinarada ang kotse sa harap ng bahay na hangga't maari ay ayaw niya na sanang muli pang balikan. She felt a pang of vulnerability kicked in her chest. Napatitig siya sa bahay na limang taon niya ring naging tahanan.

"Ipinagawa ko itong bahay walong buwan pagkatapos mo akong sagutin," naalala niyang sinabi ni Calix noong unang beses siyang dalhin nito roon ilang linggo bago ang kanilang kasal. "I was so sure I was going to marry you. Pero ngayon na lang ulit ako makakapasok sa bahay mula nang ma-fully furnished ito. Gusto ko kasing kasama ka. I don't know." Nagkibit-balikat ito. "I just couldn't see myself without you in this house."

It was a peach-colored two-storey house. Ginintuan naman ang kulay ng mataas na gate. It was beautiful. May parisukat na swimming pool sa likod ng bahay at meron ding malawak na hardin na kaagad na bubungad sa mga taong papasok. At the center of the garden was a life-size fountain. Sagana ang hardin sa mga rosas at orchids na mga paborito niyang bulaklak.

Chryzelle could still remember how breathless she was then. The rest of the house was... perfect. Hanggang ngayon ay perpekto pa rin para sa kanya ang bahay. Sadyang hindi lang natupad ang kasiyahang inaasahan niyang mararamdaman sa oras na tumira siya roon.

Lahat ng kagamitan sa buong kabahayan ay halatang sinuring mabuti na nagbigay ng eleganteng aura sa bahay. Walang duda sa bagay na iyon dahil likas na mayaman ang pamilya ni Calix. He didn't even have to work. Dahil alam niyang malaking halaga ang iniwan ng ina ni Calix sa trust fund nito. Both of Calix's parents came from affluent families. Sa pagkakatanda ni Chryzelle ay meron ding bangkong pagmamay-ari ang pamilya ng kanyang biyenang babae. But the two corporations merged to become the Ledesma Commercial Banking Corporation now.

Samantalang si Chryzelle ay sa isang maykayang pamilya lang nagmula. Her family was simple. Pastry chef ang kanyang ina habang architect naman ang kanyang ama na minana rito ng ate niya. Nakapagtapos silang magkapatid sa pinagsamang pagsisikap ng mga magulang. Pinalad lang siya na bahagyang kilala na ang kanyang bakeshop at ilan na ang branch niyon nang makilala niya si Calix.

Ubod ng lalim na hininga ang pinakawalan ni Chryzelle bago tuluyang bumaba mula sa kanyang sasakyan. Dere-deretso na siyang pumasok sa loob. Ang nakangiting mukha ni Matilde na isa sa tatlong mga kasambahay roon ang bumungad sa kanya sa front door. Ipinagbukas siya nito ng pinto.

"Welcome back, Madam."

Napailing si Chryzelle. "Sandali lang ako rito, Matilde. Kailangan ko lang makausap si Calix." Sinikap niyang balewalain ang pagkadismayang lumarawan sa mukha ng babae. "Nasaan ba siya?"

"Nasa master's bedroom lang po. Hindi pa siya lumalabas mula kagabi." Pagkabanggit niyon ay napalitan ng pag-aalala ang ekspresyon sa mukha ng kasambahay. "Nag-aalala na nga po ako."

"Gano'n ba?" Napasulyap si Chryzelle sa itaas na bahagi ng bahay. "Sige, aakyatin ko na lang."

Paakyat na siya sa hagdan nang matigilan siya. Nagsimula siyang pagpawisan nang malapot. Palaging ganoon ang pakiramdam niya sa tuwing nakikita niya ang hagdan na iyon at naaalala ang sakit na inabot noong nahulog siya roon na naging dahilan ng pagkawala ng kanyang munting anghel.

She remembered the horrifying feeling that she felt when she saw how blood ran down her legs. She remembered the fear and the pain. Parang kahapon lang mula nang mangyari iyon. Mariin siyang napapikit sandali para kalmahin ang sarili, pagkatapos ay halos takbuhin ang hagdan na umakyat.

Get this over and done with, Chryzelle, pagpapaalala niya sa sarili bago nagmamadaling kinatok ang pinto ng master's bedroom. Ilang minuto pa ay lumabas mula roon si Calix na mukhang pagod na pagod ang anyo. Nakapantulog pa ito. He was wearing his white pajama terno. Magulo pa ang buhok at bahagyang nanlalalim ang paligid ng mga mata. Pero sa kabila niyon ay gwapo pa rin ito sa kanyang paningin.

Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay naipilig ni Chryzelle ang ulo. Pilit na pinapormal niya ang boses nang magsalita. "Ano'ng emergency ba ang sinasabi mo? Sabihin mo na kaagad nang matulungan na kita para makuha ko na ang annulment papers at nang makaalis na ako kaagad."

"I have cancer."

Simpleng tatlong salita mula kay Calix pero sapat na para pansamantalang tumigil sa pagtibok ang puso niya.

"THE DOCTOR said that it's an acute lymphocytic leukemia," pagpapatuloy ni Calix bago derektang tinitigan sa mga mata si Chryzelle habang sa isip ay pilit na inaalala ang mga linyang minemorya niya noong nagdaang gabi. "Noong nakaraang araw ko lang nalaman. Sa 'yo ko lang sinabi. I... I don't know what to do."

"C-can I come in?" nanginginig ang boses na wika ni Chryzelle nang sa wakas ay magsalita.

"Sure." Niluwagan ni Calix ang pagkakabukas ng pinto. Sinadya niyang guluhin ang kwarto para mas makumbinsi ang asawa tungkol sa pinagdaraanan niya.

Naupo si Chryzelle sa gilid ng kama. Sumunod naman si Calix at naupo sa tabi nito pero siniguro niyang may sapat na distansya sa pagitan nila. He didn't want to ruin the plan by being too clingy, though he wanted so much to touch her and kiss her right that very minute. Every inch of him was dying to hold her.

Comments

The readers' comments on the novel: Wish List Number Ten: Love Me Again