“SMILE, BRETT. ‘Wag ka ditong manlapa ng tao, utang-na-loob. Kasal ko ‘to.”
Inignora ni Brett ang sinabing iyon ng kasosyo niya sa negosyo at best friend na si Luis. Naiinip na napasulyap siya sa kanyang wristwatch. Dalawang oras at tatlumpu’t minuto na siyang nagtitiyagang nakaupo sa isa sa mga mesa roon sa reception. Kahit pa gusto niya sanang tuparin ang ipinangako sa kaibigan na manatili roon hanggang tatlong oras ay hindi niya na talaga kayang magtagal pa. Luis had always been aware that he was allergic to weddings.
Kumuha si Brett ng wine glass mula sa tray ng isa sa mga nagdaang waiter pagkatapos ay sinulyapan ang kaibigan. “Luis, pare, you are the best buddy I’ve ever had but please understand that I really can’t stay here longer.” Tumayo na siya. “You know how much I’m against to…” Umiling siya at hindi na itinuloy pa ang sasabihin.
Bumuntong-hininga si Luis. “Hindi lahat ng love story ay katulad ng love story ng mga magulang mo, pare.” Dumako ang mga mata nito sa direksiyon ng ngayon ay asawa na nito na si Sarah na kasalukuyang abala rin sa pakikipag-usap sa in-laws nito. Pagkaraan nang ilang sandali ay sumilay ang masayang ngiti sa mga labi nito. “Masarap ang magmahal. Ayaw mo lang kasing subukan.”
“Para saan pa? Ayokong maging katulad ni Papa.” Tumigas ang anyo ni Brett. “He fell in love and believed in that fairy tale crap and ended up eight feet below the freaking ground.” Sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay muling sumagi sa isip niya ang nakitang duguang anyo ng kanyang ama sa ospital labing tatlong taon na ang nakararaan. Muling nanumbalik ang galit niya para sa ina.
Sunud-sunod na malalalim na paghinga ang pinakawalan niya para kalmahin ang sarili. “I’m sorry, man. I’m happy for you and Sarah but I just can’t stand these things. This remind me of people I wanted so badly to forget. I really have to go now.”
Tinapik niya si Luis sa balikat. Para namang nakakaunawang tumango ang kaibigan niya. Nagmamadaling lumabas na siya sa hotel pagkatapos ay hinubad ang kanyang itim na coat at binuksan ang unang tatlong butones ng suot na long sleeved.
Sa simbahan pa lang ay para na siyang sinasakal habang nagpapalitan ng pangako sa isa’t isa ang mga ikinakasal. Pigilan niya man ay pumapasok pa rin sa isip niya ang kanyang mga magulang sa pamamagitan mga ito.
Noong bata pa si Brett, naalala niyang paulit-ulit na inire-recite ng dalawa sa isa’t isa ang mga pangako ng mga ito noong ikinasal. Naalala niya pati na ang inakala niyang puno ng pagmamahal na sulyap ng mga ito sa isa’t isa… He breathed sharply.
Nang makarating sa kinapaparadahan ng kanyang kotse, nagmamadali siyang sumakay doon at pinaharurot iyon palayo. Nag-drive siya papunta sa sementeryo kahit pa alas tres y medya na ng hapon.
Sa katirikan ng araw ay nilandas ni Brett ang daan patungo sa puntod ng kanyang ama katulad ng nakagawian niya sa nakalipas na mga taon. Nang makarating doon ay naupo siya sa Bermuda grass pagkatapos ay mariin niyang ipinikit ang mga mata.
“To have and to h-hold, in sickness and in health, till death do we part…” parang sirang plaka na muling naglaro sa isip niya ang halos pabulong na sinabi na iyon ng kanyang ama habang lumuluhang nakatitig sa noon ay matigas na anyo ng kanyang ina. “Nakalimutan mo na ba ang lahat ng iyon, Almira?”
Kinakapos ang hiningang dumilat siya. Naghuhumiyaw sa hapdi ang mga sugat na kay tagal na ring nananahan sa kanyang dibdib. God… how he wished the world could care. How he wished his mother played it fair.
“KAKULAY NG LANGIT, Buddies’ ang pangalan, dalawang palapag… check.”
Unti-unting sumilay ang masayang ngiti sa mga labi ni Katerina ng makumpirmang ang pinagmamasdang restaurant nga ang hinahanap niya. Dahil tumutugma ang lahat ng mga description na ibinigay sa kanya ng kanyang manager na si Elaine patungkol sa lugar.
Matapos makahanap nang mapagpaparadahan ng kanyang kotse, para bang may pakpak ang mga pang pumasok siya sa restaurant. Excited siyang dumeretso sa counter. “Excuse me. Nasa loob ba si Brett Santillan?”
Kumunot ang noo ng babaeng napagtanungan ni Katerina na nagngangalang Margie, ayon na rin sa suot nitong name plate. “Lumabas po siya saglit, ma’am. Kaanu-ano po ba kayo ni sir Brett?”
Ngumiti siya. “Kaibigan.”
Para naman nasorpresang nilingon ni Margie ang kasama nito na tila nakikinig rin sa kanila. “May kaibigan pa pala si sir Brett maliban kay sir Luis? Paano nangyari ‘yon?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Katerina. “Oo naman. He even saved my life many years ago. Brett is actually my savior.”
“Brett Santillan is a grouchy, terrifying handsome ogre but never a savior, Miss.” Hindi napigilang sabad ng katabi ni Margie na si Dianne.
Amused na napangiti na siya. “Kung makapagsalita naman kayo parang-“
“Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang mga empleyadong nakikipaghuntahan during working hours. Kaninong bisita ang babaeng ito?”
Kumabog ang dibdib ni Katerina sa narinig na pamilyar na boses na iyon. Kahit mahina lang iyon at mariin nang mga sandaling iyon ay walang dudang iyon pa rin ang boses ng lalaking hinahanap niya.
Dahan-dahan siyang humarap sa bagong dating. Nang sa wakas ay masilayan niya si Brett, agad na nangilid ang kanyang mga luha. Sa isang iglap, pakiramdam niya ay nanumbalik siya sa nakaraaan, sa nakaraang walang araw na hindi niya binabalik-balikan…
“TAGU-TAGUAN, maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap. Pagbilang ko ng tatlo, dapat nakatago ka na. Isa…”
Napalunok si Katerina. Kahit nanginginig pa ang mga tuhod dala ng labis na takot ay nagtuloy-tuloy pa rin siya sa mabilis na pagbaba sa hagdan nang marinig niya ang malakas na pagsigaw na iyon ng kanyang step father na si Anton mula sa kwarto niya.
“Dalawa…”
Muntik nang magkabisala ang kanyang mga paa dahil para bang napakalapit na lang ng boses na iyon sa kanya. Sa murang edad na trese ay alam niyang kaya nagkakaganoon ang kanyang stepfather ay dahil sa impluwensiya ng droga. Mula nang mamatay sa sakit na kidney cancer ang kinalakhan niyang ina na si Cecilia na siyang asawa nito mahigit isang buwan na ang nakararaan ay naging ganoon na ito.
Madalas niya nang napapansin ang mga kakaibang tingin ng kanyang stepfather sa kanya noong libing pa lang ng kanyang ina kaya madalas ay umiiwas siya rito. Pagdating nito sa kanilang bahay ay inila-lock niya na ang pinto ng kanyang maliit na kwarto pero kakaiba ang gabing iyon. Dahil nagising na lang siya na nakadagan na ito sa kanya at ibinababa na ang pajama na suot niya. Mabuti na lang at sa kabila ng matinding nerbiyos ay nanaig pa rin ang lohikal na bahagi ng isip niya. Dahil nagawa niya itong tuhurin sa maselang bahagi ng katawan kaya pansamantala siyang makatakas rito.
“Tatlo!”
Napatili si Katerina nang sa tuluyang pagbaba niya sa hagdan ay may mga kamay na bigla na lang sumabunot sa kanyang mahabang buhok. Kahit halos mapaluha sa matinding kirot ay sinikap niyang humarap sa amain at tinuhod ito uli. Nang napahiyaw ito sa sakit, nagmamadali nang dumeretso siya sa pinto at binuksan iyon. Nagpatuloy siya sa matuling pagtakbo kahit wala siyang siguradong patutunguhan.
Nang makarating siya sa tulay, saka lang siya huminto. Halos wala nang katao-tao doon dahil dis oras na ng gabi. Hysterical na nagsisigaw siya roon. “Inay! Bakit mo naman ako iniwan agad? Hindi ka na naawa sa akin! Iniwan na nga ako ng mga magulang ko, pati ba naman ikaw?”
Nagsisikip ang dibdib na napaluha si Katerina. Marahil daw ay dalawang taon ang edad niya nang matagpuan siya ng ina sa gate ng kanlungan ng mga madre isang hating gabi habang pauwi ito mula sa trabaho. Ayon dito, nagtanong-tanong ito tungkol sa kanya sa mga kalapit na lugar pero nang walang makakilala sa sa kanya, tuluyan na siyang kinupkop nito dahil wala rin naman daw itong kakayahang magkaroon ng anak. Kahit hirap din sa buhay dahil sa maliit na salon lang ito nagtatrabaho ay pinagsumikapan siya nitong mapag-aral.
Lumipat na sila pagkalipas ng anim na taon noong magkaroon ito ng asawa. Minahal siya ng ina-inahan na parang tunay na anak kaya hindi niya alam kung paano na siya ngayong wala na ito.
Nahinto na siya sa pag-aaral sa highschool. Ang kakarampot na perang naiwan ng ina ay ipinatalo lang sa sugal ng kanyang amain. Ang natitira na lang sa kanya ngayon ay ang kanyang ginintuang kwintas na may hugis bilog na pendant at sa gitna ay may dalawang letrang nakaukit na EM na suot niya na nang matagpuan siya. Pero dahil sa musmos pang edad ay wala siyang maalala.
Muling pumatak ang kanyang mga luha. Maniniwala pa ba siyang makakatulong ang kanyang kwintas para mahanap siya ng kanyang mga tunay na magulang? Pero mahigit isang dekada na ang lumipas, aasa pa ba siya?
Napailing siya. Wala na siyang mauuwian. Wala na siyang mapupuntahan. Isinampa niya na ang isang binti sa pasimano ng tulay. “Sasama na lang ako sa inyo, ‘Nay. Hindi ko na kaya.”
“I WON’T do that if I were you.”
Napasinghap si Katerina sa baritonong boses na na narinig. Paglingon niya, may matangkad na lalaking naglalakad palapit sa kanya. Nakapaloob ang mga kamay nito sa bulsa ng suot na maong na jacket. Sa liwanag na mula sa poste ng ilaw ay malinaw niyang nabistahan ang anyo nito. Clean cut ang buhok ng estranghero, makakapal ang mga kilay, nakangiti ang kasing dilim ng gabi nitong mga mata na pinarisan ng mga pilik na para bang mas malalantik pa kaysa sa kanya, matangos ang ilong at nakangiti rin ang pinkish na mga labi.
“Mahirap talaga ang mabuhay. Living in this sometimes crazy world requires courage.”
“Pero hindi naman kasi ako matapang.” Mahinang sinabi niya. Kahit paano, naiintindihan niya naman ang sinabi nito dahil valedictorian siya nang magtapos ng elementary. At isa ang English sa favorite subject niya.
“Alam mo bang nineteenth birthday ko ngayon?” Imbes ay sagot nito. “Pinangakuan ako ni Papa na magce-celebrate kami pagdating ko from school. Pero pag-uwi ko, no one was there. Nainip na akong maghintay kaya lumabas na muna ako.” Nagkibit-balikat ito. “Last night, nahuli ng kaibigan ko si Mama na nakikipag-date sa iba. You see, on the rocks na ang pagsasama ng parents ko. At nasasaktan ako.”
“Then jump with me. Tutal, malungkot rin pala ang buhay mo.”
Umiling ang estranghero. “No, I still have hope.” Inangat nito ang isang palad sa kanya. “Come. Kung susukuan mo ngayon ang buhay, paano mo malalaman na sa kabila ng hirap, maganda pa rin pala ang mundo? Don’t quit on life, let it voluntarily quit on you.”
Comments
The readers' comments on the novel: As Long As My Heart Beats