"NAGISING na po ang pasyente. And he's out of danger now."
Parang may mabigat na bagay na natanggal sa pagkakadagan sa dibdib ni Christmas nang marinig ang ibinalita ng doctor na tumitingin kay Seth, ang guwardiyang nadamay sa panggugulo ni Marcus sa sementeryo isang linggo na ang nakararaan.
Kaagad siyang nagpasalamat sa doktor at lumapit sa nakasarang pinto ng kwarto. Dahan-dahan niya iyong binuksan. Tumambad sa kanya si Lola Matilda at si Jasmin, ang pitong taong gulang na bunsong kapatid ni Seth, na tila papalabas naman nang mga sandaling iyon. Sa ilang araw na pagdalaw-dalaw niya roon ay napag-alaman niyang ang dalawa na lang ang natitirang kamag-anak ni Seth dahil tulad niya ay ulila na rin sa mga magulang ang beinte-otso anyos na guwardiya.
"Magandang araw po," alanganing bati ni Christmas. Kahit pa alam niyang mabait ang halos setenta anyos nang si Lola Matilda ay nahihiya pa rin siya. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi masasangkot ang apo ng matanda sa gulo. Hindi siya nakarinig ng panunumbat. Pero pakiramdam ni Christmas ay kulang pa rin ang ginawa niyang pagsagot sa mga gastusin ng binata sa ospital lalo na nang malaman niyang ito lang ang kumakayod para sa abuela at kapatid nito.
Kahit ilang beses mang mag-alok si Christmas ng tulong pinansiyal kay Lola Matilda ay matigas ang matanda sa pagtanggi dahil may naitatabi pa naman daw ito na pera. Sapat na raw ang mga naitulong niya. Frustrated na napabuntong-hininga siya. Mabuti na lang at hindi tinantanan ng kanyang Kuya Jethro si Marcus hangga't hindi nakababalik ang lalaki sa Spain. Sa kasalukuyan ay nakakulong na si Marcus sa patong-patong na kaso na ginawa sa kanya kasama na ang ibang mga kasong tinakbuhan nito sa Spain noong gumagamit pa ito ng droga.
"Tamang-tama ang pagdating mo, hija," nakangiting wika ni Lola Matilda. "Maari bang ikaw na muna ang magbantay sa apo ko? Uuwi na muna sana kami ni Jasmin para magpalit ng damit pagkatapos ay ihahatid ko na siya sa eskwelahan."
Gumanti ng ngiti si Christmas. "Kung gusto n'yo ho, sasamahan ko na kayo."
Ikinumpas ng matanda ang mga kamay. "Huwag na, dumito ka na lang. Kaya ko pa naman. Tutal naman ay bumalik na sa pagtulog si Seth. Babalik rin kaagad ako."
Wala nang nagawang tumango na lang si Christmas. Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng kwarto nang magpaalam na ang dalawa. Humila siya ng stool, itinabi iyon sa kama, at umupo. Pinagmasdan niya ang anyo ng natutulog na lalaki. Ngayon lang niya na-realize na may itsura pala si Seth.
Masasabi niyang napakaamo ng mukha ni Seth kahit pa hindi niya mailarawan ang mga mata nito. Makakapal ang mga kilay nito at mayroong mahahabang pilik. Katamtaman ang tangos ng ilong at natural na mapupula ang mga labing tila pagmamay-ari ng isang babae. Sa kabuuan ay bumagay sa hugis-pusong mukha ni Seth ang clean cut na buhok.
Sa nakalipas na mga araw ay sandali lang siya kung bumisita roon kaya hindi na niya nabistahang mabuti ang anyo ni Seth. Halos sinakop na kasi ng restaurant construction at ni Throne ang buong oras niya. Gabi-gabi sila kung magkita ni Throne sa Brylle's. Sinusundo siya ng binata pagkatapos ay lalabas sila para kumain.
Sumilay ang magiliw na ngiti sa mga labi ni Christmas nang maalala ang pagyayaya ni Throne minsan na bumalik sila sa park para kumain ng fish ball. May mga pagkakataon namang ginugulat siya ng binata sa pagsulpot-sulpot nito sa Pasay kung saan niya ipinatatayo ang kanyang restaurant, tutulong doon pagkatapos ay sabay silang manananghalian o kaya ay mamamasyal. And during those moments, Rodrigo kept his promise. Madalas ay tahimik lang na nagbabantay sa kanila ang lalaki.
Being with Throne was like being on a roller coaster ride. Kinikilig si Christmas sa bawat pagkakataong nakikita niya ito. Nalulula siya sa mga emosyong nararamdaman kapag kasama niya na ito at nagugulat sa mga sensasyong kanyang nararamdaman tuwing hahalikan na siya nito.
Napatuwid ng upo si Christmas nang makarinig ng malakas na pagtikhim. Pagtingin niya sa kama ay gising na pala ang binabantayan at para bang amused na nakatingin sa kanya. Agad siyang napatayo, lihim na kinastigo ang sarili sa kanyang pagde-daydream.
"H-hello. Nagtataka ka siguro kung sino ako. Ako si-"
"Christmas Llaneras," nakangiting sansala ni Seth. "Tama nga ang sinabi ni Lola. Maganda nga ang anghel ko." Nagpumilit na bumangon ang binata at inilahad ang kamay sa kanya. "Seth del Rosario."
Nag-alinlangan siya sa posibleng maging reaksiyon ni Seth kapag nalaman nito ang koneksiyon niya kay Marcus. Nang siguro ay mapansin iyon ng binata ay lumapad ang pagkakangiti nito. "'Wag kang mag-alala. Nabanggit na ni Lola ang nangyari nang magising ako kagabi. Hindi naman kita sinisisi. Masyado akong masayang nagising ako para magtanim pa ng galit sa kahit na sino."
Saka pa lang nakahinga nang maluwag si Christmas. Inabot niya ang palad ng binata. "Christmas Llaneras, as you already know. At mali ang lola mo, hindi ako anghel." Napapangiti na ring sinabi niya. "Although tama siya nang sinabi niyang maganda ako."
Nagkatawanan sila.
NAPAHINTO sa paghakbang si Throne papunta sa kwarto ni Cassandra sa ospital nang mapuna ang nakaupong pigura ng isang babae sa labas malapit sa kwarto ng kapatid. Kumabog ang dibdib niya nang dahan-dahang iangat ng babae ang mukha at iharap sa kanyang direksiyon nang marahil ay maramdaman ang kanyang presensiya.
Comments
The readers' comments on the novel: Caught Between Goodbye And I Love You