"WHAT the hell have you done with the Ferrels, Alexis? It was all over the news! Business partner ko si Lino pero sa ginawa mo, posibleng matapos na ang mga transactions ko sa kanya! Ano bang pinaggagawa mo sa buhay mo-"
"Tama kayo, Vice. As usual. Ano nga bang pinaggagawa ko sa buhay ko at sinasagot ko pa ang mga tawag n'yo?" Napu-frustrate na ganting tanong ni Alexis sa ama. "'Wag kang mag-alala. Magtatanda na ako. Next time, I swear I will be wise to never answer your call again." tinapos niya na ang tawag at isinilid sa bulsa ng pantalon ang cell phone.
Papunta na sana si Alexis sa kusina para ipaghanda ng almusal si Diana nang mahuli niya itong nakatayo sa hagdan hindi kalayuan sa kanya. Walang mababasang anomang emosyon sa magandang mukha nito kahit pa alam niyang narinig nito ang mga sinabi niya sa ama.
Sinikap niyang ngumiti at humakbang palapit sa dalaga. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag nang makitang nakapagpalit na ito ng damit. Sa tuwing nakikita niyang suot nito ang wedding gown nito ay para siyang sinasakal. "Good morning-"
"Hindi kaya hindi mo talaga ako mahal, Alexis? You're just miserable and you wanted people around you to feel the same. Dahil ayaw mo nang mapag-isa. Gusto mo ng may karamay. Ganyang-ganyan ka noong college pa tayo. Gusto mo ng karamay kaya mo ako nilapitan-"
"Sana sinampal mo na lang ako, Diana." Ilang beses siyang napabuga ng hangin para pigilan ang namumuong sama ng loob. Nauunawaan niya namang galit lang sa kanya ang dalaga kaya nito nasabi ang mga iyon pero iba pa rin ang dating niyon sa puso niya. Higit pa ang sakit na dala ng mga narinig niya rito kaysa sa mga sinabi ng kanyang ama. "When I met you, I began to look at myself differently. Kaya nang sabihin mo 'yan, para mo na rin akong ibinalik sa dati."
Nakita niya ang pagdaan ng guilt sa mga mata ni Diana. Ilang sandaling pinagmasdan niya ito. Gusto niya itong abutin, yakapin, at halikan hanggang sa maglaho lahat ng bigat na meron sa mga puso nila. Pero hindi niya na alam kung paano ito aabutin. Sa tagal niyang nakasama si Diana, hindi niya pa ito nakitang nagkaganoon.
"I know that you're hurt, Diana. Isa ako sa mga dahilan kung bakit ka nasasaktan kaya naiintindihan ko kung maging malamig ka man sa akin. But please, don't try to hurt me back by saying those things. You should know me better than that." Nag-iwas si Alexis ng mga mata nang maramdaman ang pamamasa ng mga iyon.
Shit, maiintindihan niya kung huhusgahan siya ng buong mundo dahil sa mga naging pagkakamali niya. Pero ang manggaling kay Diana ang mismong panghuhusga, para iyong patalim na humihiwa sa sugatan nang puso niya.
"Axis, I'm sorry. I just don't know what to believe anymore," narinig ni Alexis na sinabi ni Diana. Ang sumunod na narinig niya ay ang nagmamadali nang mga hakbang nito palayo sa kanya.
Nang tingnan niya si Diana, nakita niya itong nananakbo sa hagdan paakyat. Hindi na nag-isip pang hinabol niya ito. Naabutan niya itong papasok sana sa kwarto nito. Maagap na pinigilan niya ito sa braso. Nakita niya ang pangingilid ng mga luha ng dalaga nang humarap sa kanya. Ikinulong niya ang mukha nito sa kanyang mga palad. Pakiramdam niya ay sinaksak siya ng kung ano sa dibdib nang makita ang tuluyang pagpatak ng mga luha nito.
"Bakit ka umiiyak?" marahang tanong niya.
"Dahil alam kong nasaktan kita."
Masuyo siyang napangiti. "Nah, I've suffered worst." Pero aminado akong sa dami ng mga narinig ko, ang mga salita mo ang pinakamasakit, Diana, gusto niya sanang idagdag pero sa huli ay pinigilan niya ang sarili.
Nagbaba ng tingin ang dalaga. Ni hindi na nito magawang salubungin ngayon ang mga mata niya. Pero mabuti na rin iyon para hindi nito makita ang pagpatak ng luha niya.
Nasa harap niya lang si Diana. Hawak-hawak niya pa nga kung tutuusin pero hindi na ito maramdaman ng puso niya. Pakiramdam niya, kahit hindi natuloy ang kasal ay naputol na ang koneksiyon nilang dalawa.
"I lost you now, didn't I?"
Hindi sumagot ang dalaga. Muling napahugot ng malalim na hininga si Alexis. Pero hindi iyon nakatulong sa kanya. Bawat segundo, pakiramdam niya ay lalong bumabaon ang sakit sa buong sistema niya. "Nasasaktan ako hindi lang dahil sa mga sinabi mo, Diana. I'm hurting because now that I lost you, I lost not just my best friend. Iyong ayaw kong mangyari noon, nangyayari ngayon. Hindi ko na tuloy alam kung dapat ko na bang pagsisihan ang ginawa ko."
Walang sigla siyang tumawa. "Hindi ko alam kung dapat bang hinayaan ko na lang na magunaw ang mundo ko kaysa ang araw-araw, makita kang ganito. Kasi Diana, pakiramdam ko, inuunti-unti ang kamatayan ko."
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana