IMPIT na napahagulgol si Miranda habang nakatingin sa kanyang anak mula sa maliit na salamin ng pinto ng hospital room nito. Si Diana na nakilala niya noon mula sa mga kwento ni Renata ang nanatili roon na ni minsan ay hindi umalis sa tabi ng kanyang anak. Ito ang gumagawa ng mga bagay na hindi niya magawa. Hanggang sa mga sandaling iyon, pinatutunayan niya sa mundo kung gaano siya kawalang kwentang ina.
Gusto niya ring manatili sa tabi ng anak. Gusto niya ring hawakan ang kamay nito gaya ng ginagawa ni Diana. Gusto niya rin itong kausapin. Pero kahit ang paglapit kay Alexis ay kinatatakutan niyang gawin. Nakasubaybay lang siya sa anak sa nakalipas na mga taon, tahimik na nakikibalita. Hindi siya nagparamdam rito. Dahil mula noon hanggang ngayon, naduduwag pa rin siyang harapin ito. Dahil naduduwag siyang makita ang panunumbat, sakit, at galit sa mga mata nito.
She had always thought that Alexis would lead a better life without her. May narating ang kanyang anak. May nagawa ito para sa sarili nito. At sa puso niya ay labis-labis ang nadarama niyang pagmamalaki para rito.
Hinawakan niya ang salamin sa pinto.
Anak... Dalawang araw nang unconscious si Alexis. Dalawang araw na rin siyang halos nagka-camping sa labas ng kwarto nito. Ilang beses na siyang inanyayahan ni Diana na pumasok sa loob pero hindi niya kaya. Hindi niya kayang tingnan sa malapitan ang bunga ng kalupitan niya sa sariling anak.
Nang hindi na makatiis ay tumalikod siya at nagmamadaling nanakbo papunta sa ikalawang lugar sa ospital kung saan siya madalas na nananatili. Iyon ay sa kapilya roon. Nadatnan niya doon si Alexander na nakaluhod at taimtim na nagdarasal.
Pumatak ang mga luha ni Miranda. Mula sa bukana ng kapilya ay paluhod siyang naglakad papunta sa altar. Diyos ko. Hindi ko kakayanin kung mawawala ang anak ko nang hindi kami nakakapag-usap man lang bilang mag-ina.
Kasalukuyan nang nakakulong ang may kagagawan ng nangyari sa kanyang anak. Hindi tumigil si Alexander hangga't hindi iyon nahuhuli. Ginamit nito ang koneksiyon nito para mapabilis ang pag-usad ng kaso. Dalawang oras lang matapos matagpuan si Alexis ng mga pulis at isugod sa ospital ay natagpuan na ang kriminal.
Hindi niya pa rin makuhang mapaniwalaan na si Gerard, ang isa sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Alexander ang mismong gagawa ng ganoong bagay sa kanyang anak. Lahat ng nangyari ay nasaksihan nila sa pamamagitan ng CCTV footage.
Ang ama ni Gerard na si Rodolfo ay isang OFW sa isa sa mga bansa sa Asya. Nahulian ito ng droga doon na dahilan kung bakit napabilang ito sa listahan ng mga taong bibitayin sa naturang bansa na nagkataong mahigpit ang patakaran pagdating sa droga. Humingi ng tulong ang pamilya ni Gerard sa pamahalaan at si Alexander ang nakatalagang tumulong sa mga ganoong uri ng sitwasyon. Nangako ang huli na iaapela ang kaso pero walang nangyari. Kahit pa iginigiit ni Gerard at ng ama nito na inosente ito sa ibinibintang rito at na-frame up lang ito ay walang nagawa si Alexander dahil sa matigas na patakaran sa ibang bansa.
Sa huli ay natuloy pa rin ang pagpataw ng parusa kay Rodolfo. Namatay pa rin ito. Gayunman ay tinulungan at tinutukan ni Alexander si Gerard, ang natitira na lang na kaanak ni Rodolfo dahil matagal nang yumao ang asawa nito. Sinuportahan nito ang pag-aaral ni Gerard sa PMA. Nang magpresinta si Gerard na ibalik ang tulong ni Alexander sa pamamagitan ng pagboboluntaryong maging isa sa mga bodyguard nito, agad iyong tinanggap ni Alexander. Alam niya iyon dahil ilang beses ring naging laman ng balita ang bagay na iyon.
Lingid sa kaalaman nila ay nagtanim pala ng poot si Gerard at nagplano ng paghihiganti laban mismo kay Alexander. Nasa ibang bansa ang ibang mga anak ng huli kaya si Alexis ang naging sentro ng paghihiganti nito na sinadya nitong ipatupad noon mismong araw na ang akala niya ay makakamit niya na ang katuparan ng mga pangarap niya para sa kanila ng anak. Pero hindi iyon nangyari. Dahil natuklasan ni Gerard ang motibo ni Alexander sa gaganapin sanang press conference. Naghintay ito ng tamang pagkakataon para isagawa ang plano.
You could have just killed me instead, Gerard. Bakit ang anak ko pa?
"Kasalanan mo kung bakit naulila ako! Nasa sa 'yo ang lahat ng kapangyarihang tumulong pero hindi mo ginamit nang lubusan! Hinayaan mong mamatay ang isang inosente! Wala kang awa, Vice! Pinaasa mo lang kami! Pinaasa mo lang ang aking ama! Now, you know what it's like losing someone who matters to you, Vice. Painful, isn't it? How I wish someone else could also do this to the President. Para sama-sama n'yong maramdaman ang sakit. Sayang. Sayang at hindi ako nagkaroon ng access sa Presidente." Naalala ni Miranda na nanlilisik ang mga matang sinabi pa ni Gerard nang magkasama nila itong puntahan ni Alexander sa bilangguan. Ni walang bakas kahit kaunting pagsisisi sa anyo nito.
Muling napahagulgol si Miranda kasabay ng mariing pagpikit. Sa hindi mabilang na pagkakataon ay naglakas-loob siyang kausapin ang Diyos. Wala akong karapatang hingin ang awa Ninyo matapos ng mga nagawa ko. Pero nakikiusap po ako hindi para sa sarili ko kundi para sa anak ko. Huwag N'yo po siyang kunin sa amin nang hindi niya nararanasang magkaroon ng ama't ina. Nang hindi niya nararanasang magkaroon ng pamilya. Nang hindi niya nararanasang maging masaya hindi lang sa piling ni Diana. O kaya, kung kukunin N'yo po siya, isama N'yo na ako, parang awa N'yo na. Para kahit ngayon lang, hindi makaramdam ang anak ko ng pag-iisa.
Napadilat siya nang maramdaman ang pag-akbay sa kanya ng kung sino. Bumungad sa kanya ang mukha ni Alexander na gaya niya ay nakaluhod na rin sa altar nang mga sandaling iyon. Napasandal siya sa dibdib nito. "Ang sama-sama kong ina, Alex. Ni hindi ko alam kung may karapatan pa akong pumasok sa kapilyang ito at lumapit sa Diyos."
"Miranda, ano pa ako?" Basag ang boses na sagot ni Alexander. "I was even surprised that I didn't burn coming here."
"Miranda!"
Agad siyang nag-angat ng mukha nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Umawang ang mga labi niya kasabay ng patuloy na pagpatak ng mga luha niya. Dahan-dahan siyang napatayo sa kabila ng panginginig ng mga binti niya. Sa bukana ng kapilya ay naroroon ang kanyang... mga magulang. Ilang beses niyang tinawagan ang mga ito at pinakiusapang kung nakaya siyang tikisin ay huwag sana iyong gawin sa apo ng mga ito, huwag higit lalo sa panahong iyon.
"Nay? Tay?" Hindi makapaniwalang usal ni Miranda. Nananakbong sinugod niya ng yakap ang mga magulang. "Patawarin n'yo po ako... at tulungan nyo po ako, para n'yo ng awa. Makasalanan po ako. Kayo itong simula't sapul ay malapit sa Diyos. Tulungan n'yo po akong makiusap sa Kanya." Pumiyok ang kanyang boses. "Alexis can't die thinking he isn't loved. Because he is." Humigpit ang pagkakayakap niya sa mga magulang para makiamot ng kaunting lakas. "He is. God... there are so many things left unspoken. There are so many things left undone. At mababaliw ako kapag hindi man lang narinig ng anak ko mula sa bibig ko ang salitang, 'mahal kita'."
Lumakas ang pag-iyak ni Miranda nang maramdaman ang pagganti ng yakap ng mga magulang. Mahigit tatlong dekada niya nang hindi nararamdaman iyon. Mariing naipikit niya ang mga mata.
Alexis, nakikiusap ako sa 'yo, anak. Gumising ka na. Heto na kami. Mabubuo na tayo. Nandito hindi ang bise-presidente, kundi ang mismong papa mo. Nandito hindi si Miranda kundi ang mismong mama mo. Nandito rin ang lolo at lola mo. Anak, handa na sila... Handa na silang makilala ka.
KUMAKABOG ang dibdib ni Diana habang mabilis na nananakbo pabalik sa kwarto na inookupa ni Alexis sa ospital. Nang dumating ang mga kaanak ng binata nang umagang iyon ay umalis na muna siya roon para bigyan ng panahon ang mga ito na makasama ang huli.
Dumaan na muna siya sandali sa opisina niya sa flower shop. Pero hindi pa siya nakatatagal roon nang tawagan siya ng ina ni Alexis at ipaalam na nagising na daw ang anak nito. Mabuti na lang at naibigay niya rito ang contact number niya bago siya umalis.
Bumagal ang paghakbang ni Diana nang matanaw ang mga magulang ni Alexis sa labas ng hospital room. Naroroon rin ang nakilala niyang lolo at lola nito. Lahat ay pare-parehong nakangiti sa kanya. Sinalubong siya ng ina ng binata. Mahigpit na hinawakan nito ang kanyang mga kamay.
"Ikaw ang una niyang hinanap. He was shocked when he saw us and asked if he could see you first before he could talk to us." Garalgal ang boses na sinabi ni Miranda. "At hindi ko naman siya masisisi. He told us that ever since, you are his shock absorber. Maraming-maraming salamat sa pag-aalaga sa anak ko sa nakaraang mga taon, Diana."
Napailing si Diana. "Nagkakamali po kayo. Hindi po ako ang nag-alaga sa kanya. He was the one who had been taking care of me from the very beginning. Napakabuting tao po ng anak ninyo, ma'am. At masaya ako na sa paggising niya, kayo ang una niyang nakita." Bahagya siyang napangiti. "Gano'n lang po siya. Bihira magpakita ng emosyon pero alam ko, masaya siya. Masaya siyang makita kayo."
Para bang hindi naniniwala kay Diana na naipilig ng ginang ang ulo nito. Bumitaw ito sa kanya. Ang ama ni Alexis ay kusa namang ibinukas ang pinto ng kwarto para sa kanya. Puno ng pasasalamat na ngumiti siya sa mga ito bago tumuloy sa kwarto.
Agad na bumungad sa kanya ang pinakagwapo na sigurong pasyente na nakita niya sa buong buhay niya. Parang nababaliw na lumawak ang kanyang pagkakangiti kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha. Nagkamalay na si Janna at nakalabas na ng ospital noong nakaraang araw. Hindi niya inakala na ang susunod na pupuntahan niya sa lugar na iyon ay ang lalaking pinakamamahal niya mismo.
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana