Six months later...
"FOR THE past years, I never told you I love you. Nahihiya kasi ako sa sarili ko. Pakiramdam ko, wala akong karapatang magbanggit ng anuman tungkol sa pagmamahal samantalang hindi ko maibahagi sa 'yo nang husto ang sarili ko, samantalang hindi ko maibigay sa 'yo ang apelyido ko."
I knew it. Napailing si Alexis habang nakatitig sa kanyang ama na naglalakad palapit sa mesa nila ng ina. Kanina lang ay nasorpresa pa silang lahat nang marinig itong umawit sa mismong restaurant kung saan sila niyaya nito. Pero hindi pa pala roon natatapos ang mga pakulo nito. Natahimik ang lahat ng mga kumakain sa lugar na iyon habang tutok na tutok sa kinakabahang anyo ng bise-presidente ng bansa na ngayon ay nakalapit na sa mesa nila hawak pa rin ang mikropono.
"All these years, I've loved you in silence, Miranda. Sabi ko noon sa sarili ko, sakali mang magsawa ka na at mapagod sa uri ng relasyong mero'n tayo, maiintindihan ko. Pero naiiba ka. I've always wondered how you managed to stay despite everything." Lumuhod si Alexander sa harap ng kanyang ina kasabay ng paglabas nito ng singsing mula sa bulsa ng pantalon nito. "I don't want to love you in silence anymore. Miranda, will you grow old, I mean, older with me?"
Nagtawanan ang mga tao. Pero para bang hindi iyon napansin ng ina na tumayo mula sa upuan nito.
"Alex, you are worth all the tears and sacrifices." Naluluhang sagot ng ina kasabay ng pagyakap nito sa kanyang ama. Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Ilang sandaling pinakatitigan ni Alexis ang dalawang matandang ni sa hinagap ay hindi niya inakalang hahantong sa ganoon bago unti-unting sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
Habang pinagmamasdan ang mga ito ay bumalik sa isip ni Alexis kung paano sila nagsimula ng mga magulang sa bagong yugtong iyon ng mga buhay nila. Eksaktong walong buwan iyon sa araw na iyon, sa mismong kwarto niya sa ospital...
"Patawarin mo ako, Alexis. Everything about my life was a mess, son. Hindi ko alam kung paano maging ama. Ang alam ko lang, kung paano maging anak." Nakayukong sinabi ni Alexander na gumulat kay Alexis. Wala sa karakter ng kanyang ama ang humingi ng tawad at tanggapin ang mga pagkakamali nito. "Nagpakasal kami ni Connie dahil sa utos ng mga magulang namin para sa mas ikalalago ng kompanya namin." Si Connie ay ang orihinal na asawa nito. "Nang makilala ko siya, may iba na siyang mahal. Pero sinunod niya pa rin ang utos ng kanyang mga magulang.
"Sa pamilyang kinabibilangan namin, isang malaking pagkakamali ang hindi sumunod sa mga magulang kahit pa kaligayahan mo ang nakataya. Okay lang naman sa akin noong una dahil wala naman akong girlfriend noon. But Connie and I never succeeded as man and wife." Bahagyang humina ang boses ng ama. "She had always loved Rextor, her first boyfriend. Parati ko siyang nahuhuli na lihim na nakikipagtagpo sa lalaking iyon. Again, I told myself it was okay as long as she was discreet about it. The boys I lived with, they were never my sons. Anak sila ni Rextor. Walang nangyari sa amin ni Connie. Mahirap paniwalaan pero 'yon ang totoo." Anang ama kasabay ng pagbaling kay Miranda. Hinawakan nito ang kamay ng huli. Lahat ng pangungumpisal ng kanyang ama ay dinig na dinig rin ng ipinakilala sa kanyang lolo at lola niya na tahimik na nakaupo lang sa kanyang tabi.
"I just couldn't touch her knowing that it was another man she will think of. Nang asikasuhin namin ni Connie ang pag-proseso ng annulment last year, saka lang namin ipinaalam sa mga anak niya na hindi ako ang totoo nilang ama. Alam na rin nila ang tungkol sa inyo ni Miranda. We had a reputation to protect that's why we remained silent until the day the petition for annulment was granted. It was your mother that I truly love, Alexis." Matipid na ngumiti si Alexander nang humarap sa kanya. "Nang makilala ko siya, gusto ko nang itigil ang pagpapanggap at makipag-annul kay Connie. Pero nagalit si Papa. He threatened me that he will ruin you and your mother if I do that. Tanggap niya ang magkaroon ako ng ibang pamilya basta hindi malalaman ng publiko pero ibang usapan na ang makipagkalas kay Connie dahil gusto niya pa akong tumakbo sa mas mataas na pwesto sa gobyerno at makakasira ang annulment sa gusto niya. Kaya naghintay ako ng tamang pagkakataon. Na kailan lang dumating nang mamatay si Papa kulang dalawang buwan na ang nakakaraan. You see, my father was a very cruel and powerful businessman."
Hindi nakaimik si Alexis. Nanatili lang siyang nakamaang sa ama. Hindi siya nagkaroon ni minsan ng pagkakataon na makilala ang kanyang lolo na si Alejandro Guevarra. Pero alam niyang naging usap-usapan ito ng karamihan. Because the old Guevarra eats people alive. Isa itong higante kung ituring ng ibang mga negosyante sa laki at lawak ng korporasyon na nasasakupan hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa Asya at Europa.
"Higit na maimpluwensya pa si Papa kaysa sa akin, lalo na sa negosyo. The political career, it was my entire father's doing. Nagustuhan ko na lang ang pamumuno sa paglipas ng panahon. At ayaw ko nang tigilan pagkatapos. That was how messed-up I was. Hindi ko pinagamit ang apelyido ko sa 'yo dahil pakiramdam ko, hindi ako karapat-dapat para gawin 'yon. I couldn't marry your mother without ruining my political career, without ruining you both. I couldn't tell the whole world about you and her without sacrificing so many things. Dahil bukod sa inyo ng Mama mo, nagustuhan ko na ang paglilingkod sa publiko. Sa bagay lang na 'yon ako hindi bano. Hindi nagkakamali. Iyon lang ang kontrolado ko kahit paano.
"Iyong pagpapalaki ko sa 'yo, patawarin mo ako, anak. Ganoon ako pinalaki ni Papa. Kailangan kong sabihin ang mga salitang 'yon at umasa na sana hindi ka tumulad sa akin. Dahil gusto kong mangarap ka, gusto kong mag-iba ka ng daan na taliwas sa tinahak ko. Ayokong matulad ka sa akin. You see, lahat ng nangyari sa buhay ko maliban sa ang mahalin ang mama mo at pagiging ama mo, hindi ko na ginusto." Napahugot ng malalim na hininga si Alexander. "Nang nalaman kong may sakit sa puso si Papa noong nakaraang taon, kasamaan mang maituturing pero natuwa ako. Dahil nangangahulugan 'yon na makakalaya na kami ni Mama mula sa pagdodomina niya.
"Noong nakaraang taon din habang naka-confine sa ospital si Papa ay palihim naming inasikaso ni Connie ang annulment papers namin. It was granted the very day I called you to meet me. Nagpa-presscon ako noon para sana aminin sa lahat ang tungkol sa inyo ng mama mo. Ang kaso ay naaksidente ka kaya hindi mo na narinig pa. It was the least I could do sa lahat ng mga kasalanan ko sa inyo. Connie was now busy chasing the real man she loves. And here am I... hoping I can chase you and your mother, too."
"Sinusugod n'yo ako noon sa opisina." Sa dinami-rami ng mga bagay na tumatakbo sa isip ni Alexis ay iyon lang ang nasabi niya. Dahil hindi niya alam kung paano magre-react sa mga narinig.
"Dahil nami-miss kita, anak. You know about missing someone so badly and when you finally saw that person, you got nervous so much that you ended up saying the wrong words instead? Iyon ang parati kong ginagawa tuwing nakikita ka. Nakapagsasalita ako ng mga maling bagay sa maling panahon at mali ring mga dahilan. Because I was a wrong father to start with."
"Alexis!"
Natigil sa pagbabalik-tanaw si Alexis nang marinig ang pagtawag na iyon sa kanya ng ina. Napatayo siya nang lumapit ito sa kanya kasama ang kanyang ama na naka-plaster ang ngiting tagumpay sa mga labi.
"Congratulations, oldies," bati niya. Sumimangot ang ina at malakas na tinampal siya sa braso na parehong ikinatawa lang nila ng ama.
"Kung hindi oldies at kung ano-ano pang bansag ay Vice at Miranda ang itinatawag mo sa amin ng papa mo, Alex." Bumuntong-hininga ang ina. "Kailan ka kaya namin maririnig na tawagin kaming Mama at Papa?"
Masuyong ngumiti si Alexis. "Congratulations, Mom... Dad. Best wishes."
Nangislap sa luha ang mga mata ng kanyang ina. Hindi siya nakakilos agad nang bigla siyang yakapin ng mga ikakasal. Sa dami ng mga nangyari ay hindi siya sanay na tawagin ang mga ito sa paraang gusto ng mga ito. Pero nakahanda siyang matutunan iyon. Nakahanda siyang sanayin ang sarili.
Natuklasan niya rin na matagal na palang huminto sa paglalaro sa casino ang kanyang ina. Napatunayan niya iyon nang lumuwas si Manang Renata ng Maynila nang ibalita ng kanyang ina rito ang aksidenteng kinasangkutan niya. Bago pa man daw siya magtapos ng kolehiyo ay tumigil na ang ina. Ang lihim na pagsubaybay ni Miranda sa kanya at ang panunuyo sa mga magulang para mapatawad ito ang pinagkaabalahan ng ina sa nakalipas na mga taon.
Noong una, aminado si Alexis na nahirapan siyang tanggapin ang mga paliwanag ng kanyang mga magulang. Nahirapan siyang tanggapin na takot ang humadlang sa dapat sana ay maayos na pagsasama nila. Natakot ang kanyang mga magulang na magpakita ng pagmamahal sa kanya dahil lang sa inaakala ng mga itong hindi karapat-dapat ang mga ito na maging magulang.
Pero kalaunan, nahirapan din siyang hindi magpatawad. Lalo at kailangan niyang gawin iyon para sa sariling peace of mind at para sa babaeng naghihintay sa pagbabalik nang mas maayos na Alexis Serrano Guevarra. Nang makalabas siya ng ospital ay inayos ng kanyang ama ang paglilipat ng apelyido nito sa kanya. Dahil sa pagkakataon daw na iyon ay wala nang makakapigil rito.
Dalawang araw matapos niyang mai-discharge sa ospital ay nagbiyahe sila papuntang Japan para magbakasyon sakay ng private jet ng ama. Ipinagkatiwala niya na muna sa mga tauhan niya ang kanyang firm. Isang linggong nanatili sa piling nila ang ama bago bumalik ng Pilipinas para gampanan pa rin ang mga obligasyon nito sa sariling bansa. Umani ng batikos si Alexander nang umamin ito sa publiko tungkol sa totoong lagay ng buhay may-asawa nito. Pero may ilan ring nakatanggap sa kanila. Ngayon ay kinikilala na siya ng lahat bilang nag-iisang anak at tagapagmana ng bise-presidente ng Pilipinas.
Sa loob lang ng ilang buwan ay napakarami ng naging pagbabago sa buhay niya... sa buhay ng pamilya niya. Iniwan man sila ni Alexander sa Japan ay nagkaroon naman siya ng panahon na makasama ang ina nito, si Miranda, pati na ang lolo at lola niya na nagawa na rin siyang tanggapin pati ang kanyang ama. Walang araw noon ang lumilipas ng hindi nila nakakausap ang ama na bumawi nang husto sa pamamagitan ng video call.
Dalawang linggo na ang nakararaan nang sunduin sila ng ama mula sa pagliliwaliw sa Japan. Sama-sama silang bumalik sa Pilipinas. Nasa huling termino na ang kanyang ama. Kahit pa may mga kumukumbinsi ritong tumakbo uli ay nauna na nitong in-announce sa publiko na hindi na tatakbo pa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa susunod na halalan. Tuluyan na nitong ihihinto ang pagiging pulitiko para sa pagkakataong iyon ay mapagtuunan daw ng pansin ang pamilya nito.
Nang sa wakas ay pakawalan siya ng mga magulang ay nangingiting inilibot niya ang mga mata sa mesa nila. Iisa na lang ang kulang sa mga nakaupo roon.
Diana...
GUMUHIT ang malungkot na ngiti sa mga labi ni Diana nang makita uli ang nagliliwanag na gate ng Saint Gabriel Academy. Ngayon na lang siya muling nakabisita doon pagkalipas ng kulang sampung taon. Nakakalungkot lang isipin na sa gabing iyon, sa mismong reunion nila ay mag-isa lang siyang pupunta.
Alexis... Ang daya mo.
Mahigit dalawang linggo na simula nang malaman niyang bumalik na sa bansa ang pamilya ng binata mula sa pagbabakasyon sa Japan. Dahil kinikilala na ng publiko ang totoong pamilya ng bise-presidente ay nabalita pa ang pangyayaring iyon sa telebisyon.
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana