Login via

Don't Let Me Go, Diana novel Chapter 19

"HAVE you heard the news?"

Humigpit ang pagkakahawak ni Alexander sa kanyang cell phone. Hanggang sa mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay binabaha pa rin ng emosyon ang puso niya. Kay tagal niyang hinintay ang pangyayaring iyon. Noong nabubuhay pa ang kanyang ama ay halos mawalan na siya ng pag-asang darating pa iyon.

Kahit na hindi nakikita ang kausap ay tumango si Alexander. "Yes. Tinawagan ako ni Ysmael kanina." Tukoy niya sa kanyang abogado. "Thank you for everything, Connie."

"Ako ang dapat magsabi niyan sa 'yo, Alex. So... what's your plan? Pupuntahan mo na ba si Miranda?"

"Hindi. Pero siya ang papupuntahin ko sa akin. Silang dalawa ni Alexis. Nagpatawag ako ng press conference. Gagawin ko na ang matagal ko nang dapat ginawa." Sa sinabi ay napuno ng kaba ang dibdib ni Alexander. "Ikaw, ano nang balak mo?"

"I'm going to chase my man. Best of luck in chasing yours, Alex. Hangad ko ang kaligayahan mo... ang kaligayahan n'yong tatlo nina Miranda."

"I wish you the same, Connie." Si Miranda ang sumunod na tinawagan ni Alexander nang mawala na si Connie sa kabilang linya. Matapos itong makausap ay natetensiyon na pinagsalikop niya ang mga kamay. Sa dami ng utang niya sa kanyang mag-ina, makapagbayad pa kaya siya?

"I'VE NEVER been happy. Never, Diana. Except when I'm with you. Pero ngayon, kahit kasama na kita, wala na 'yong saya na 'yon. Dahil alam kong nasasaktan kita." Sandaling nag-iwas ng tingin kay Diana si Alexis. "Kaya kahit mahirap, pipilitin kong ibalik 'yong nawalang saya na 'yon. If you truly love Jake and you decide that you still want him in your life, I will never question that anymore." Nang muling humarap sa kanya ang binata ay sinikap nitong ngumiti. "Ang mahalaga, natupad ko na ang gusto ko. Naiparamdam ko na sa 'yo ang pagmamahal ko."

"I'm sorry."

Nahinto sa pagbabalik-tanaw si Diana nang marinig ang mga sinabing iyon ni Jake. Mula kay Janna na hindi pa rin nagkakamalay hanggang sa mga oras na iyon ay lumipat ang mga mata niya sa binata. Si Alexis mismo ang naghatid sa kanya sa ospital pero hindi na ito pumasok sa mismong kwarto na kinaroroonan ng anak ni Jake.

"I know just how compassionate you are, Diana. I've witnessed that many times. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit mahal kita. Dahil ikaw iyong uri ng tao na parating makakakita ng mabuti sa kapwa niya sa kabila ng mga pangyayari. Kaya natakot ako na baka kapag nalaman mo ang tungkol kay Janna, makipagkalas ka sa akin." Napayuko si Jake. "Hindi na kita nagawang maipakilala sa kanya dahil-"

"Dahil alam mong hindi rin 'yon magugustuhan ng bata. The little girl still hopes that she, you and Lea, will still become a family together. At hindi ko siya masisisi. Walang bata na hindi naghahangad mabuo ang kanyang pamilya." Ngayong nakita ni Diana sa malapitan si Janna at napagmasdan ang napakainosente at napakagandang mukha nito ay naalala niya si Alexis. Hindi niya man nakita ang side na iyon ng binata ay alam niyang minsan rin itong umasa gaya ni Janna.

Simula nang nangyari sa kasal ay hindi niya naisip na makakaharap niya si Jake nang ganoon kaaga. At nakasisiguro siya na kung noon mismong araw ng kanilang kasal niya narinig ang paliwanag nito, siguradong sagad hanggang langit pa rin ang galit niya rito. Dahil sadyang kay hirap maunawaan ang panig nito.

Naghangad si Jake ng pangmatagalang relasyon kasama siya pero ipinagkait nito sa kanya ang katotohanan, ang kakayahang makapagdesisyon kung magagawa niya bang tanggapin si Janna o hindi. Paano siya makatatagal sa isang relasyon na hindi tiwala ang pundasyon?

Pero ngayon, kahit na kaunting galit o negatibong emosyon ay wala na siyang makapa pa sa puso niya. Dahil nang makita niya si Jake, lahat ng katanungan sa isip niya ay agad nang nabigyan ng kasagutan.

Oo, minahal niya si Jake. Inihanda niya na ang sarili sa isang hinaharap na kasama ang binata. She was starting to visualize. Dahil iyon ang itinatak niya sa isip na dapat niyang gawin. Dahil desperada siyang makatakas mula kay Alexis. Ginawa niya ang lahat para mag-work out ang relasyon nila dahil desperada siyang patunayan na tama ang desisyon niya. Na kaya niyang maging masaya nang wala si Alexis sa buhay niya. At... nagawa niya.

Napagtagumpayan niya ang ilang buwan nang wala si Alexis. Naging masaya siyang kapiling si Jake. Pero hindi niyon napantayan ang saya na nararamdaman niya kapag kasama niya si Alexis. Wala na palang kailangang timbangin. Dahil si Jake, ibinukas niya ang puso para rito. Itinatak niya ito sa kanyang sistema dahil kailangan niya ito para patunayan sa kanyang sarili na may magmamahal pa rin sa kanya. Kailangan niya ito para maramdaman ang halaga niya.

Pero si Alexis, kusang bumukas ang puso niya para rito. Hindi niya lang ito basta kailangan. Mahal niya ito. Sa piling ng binata siya orihinal na masaya. Iyong uri ng saya na hindi pinipilit, kusang nararamdaman. At kung itinuloy niya ang pagpapakasal kay Jake, baka pagkalipas ng dalawa, tatlo o limang taon ay hindi niya na makilala pa ang sarili niya sa kapipilit ng mga bagay na hindi naman para sa kanya. Sa kapipilit makaramdam, sa kapipilit pagkasyahin sa kasal ang pagmamahal na hindi naman sasapat umpisa pa lang.

Inabot niya ang mga kamay ng binata. "I'm sorry, too, Jake."

"So, it's Alexis now, isn't it?" Malungkot na sinabi ni Jake nang mag-angat ng mukha. "Nararamdaman ko noon pa man na may feelings ka para sa tinatawag mong best friend mo. Hanggang sa dumating sa puntong hindi ko na alam kung sino ang mas mahal mo sa aming dalawa. Kung ako ba talaga o siya."

"I'm so sorry." Naluluhang ulit ni Diana. Nang salubungin ni Jake ang mga mata niya, saka niya naitanong sa sarili niya kung nagawa niya nga ba talagang makita ang hinaharap kasama ito o bahagi lang iyon ng pagpupumilit niyang mayroong makita. Because everything was proving to be a make-believe tale... that she could be happy with him. Because she had to. Because she wanted to.

"Alam mo ba kung bakit nagmadali akong maikasal sa 'yo? Dahil natakot akong baka magbago pa ang isip mo tungkol sa atin. Natatakot akong baka magising ka sa katotohanan na hindi talaga ako ang mahal mo, na nagpapanggap ka lang dahil may gusto kang patunayan sa totoong lalaking nilalaman ng puso mo." Ngumiti si Jake pero hindi iyon tumagos sa mga mata nito. "But I guess, hindi mo talaga pwedeng ipilit ang mga bagay kaya nangyari ang kaguluhan sa kasal."

"Minahal kita, Jake. Iyong espesyal na uri ng pagmamahal na alam kong mananatili sa puso ko. You'll always have a place in my heart. May butas sa pagkatao ko na tinapalan mo nang dumating ka. You're like my soul mate, Jake. Nagkataon lang na kahit anong tapal pala sa butas, hindi sasapat. Darating at darating ang araw na hihina ang pantapal at muling lilitaw ang butas. Alexis was that hole in my life. Siya ang gumawa ng butas. Siya rin lang ang makakaayos niyon." Napasigok si Diana nang bumakas ang sakit sa mga mata ni Jake. Inabot niya ito at mahigpit na niyakap. "I never wanted to hurt you."

"I know. I never wanted you to see me hurt, too." Gumanti si Jake nang mas mahigpit na yakap. "Pero 'wag kang mag-alala. Ngayon na lang 'to. Wala naman akong dapat pagsisihan, 'di ba? At least, nagawa kong tapalan ang butas. Hindi man sapat pero nagawa ko. May nagawa ako para sa 'yo."

Muling pumatak ang luha ni Diana saka tumango. "Oo. May nagawa ka. Malaki. You changed my life, Jake. Minahal mo ako. At habang-buhay kong ipagpapasalamat 'yon."

Sa loob ng ilang sandali ay hinayaan ni Diana ang sarili na makulong sa yakap ng binata. Matagal silang nanatili lang sa ganoong puwesto. Naramdaman niya ang paggalaw ng mga balikat nito na palatandaan ng pagluha din nito. Marahang tinapik niya ang mga balikat ni Jake. Dalangin niya na sana magising na si Janna. Na sana, isang araw ay matupad ang kahilingan ng bata. Dahil sa kabila ng lahat, mabuting tao si Jake. Hangad niya ang kaligayahan nito at ni Lea.

Chapter 19 1

Chapter 19 2

Comments

The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana