Login via

Once Upon A Time novel Chapter 18

“THIS IS all your fault!” Para bang sasabog sa pinaghalo-halong sakit, pag-aalala at galit na dinuro-duro ni Carmel ang asawang si Zandro. Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang magsama sila ay nakapagtaas siya ng boses rito. Nang hindi pa makuntento ay pinagsusuntok niya ito sa dibdib. Pero nananatiling hindi ito kumikilos. Tahimik na tinanggap lang ng asawa ang lahat ng pag-atake niya rito.

Kalaunan ay si Carmel rin ang napagod. Natutop niya ang dibdib kasabay ng pagbagsak niya sa malamig na sahig ng ospital. Napahagulgol siya para sa napakaraming bagay: para sa kalunos-lunos na sinapit ng nag-iisa niyang anak, para sa pamilya nitong winasak ng sarili niyang asawa, para sa kamatayan ng apo niya na ni hindi niya na nasilayan, para sa kanilang pamilya na mula’t sapul ay sira na dahil sa hindi tamang rason ng pagpapakasal nila ni Zandro at higit sa lahat para sa isang butihing ama na tahimik lang sa isang sulok ng corridor kalong ang anak nito.

Nagdurugo ang puso ni Carmel para sa dalawang taong nakahanap ng pagmamahal sa isa’t isa sa ganoon kakomplikadong mundo pero patuloy na pinaglalayo ang mga ito ng mga sakim na nakapaligid sa mga ito. Lumuluhang napatitig si Carmel kay Dean na tulalang nakaupo sa isang bench habang nasa bisig ang tahimik at para bang nakakaunawa na sa sitwasyong anak nito. Bakas pa ang mga natuyong dugo sa lukot-lukot na damit ni Dean. Magulo ang buhok nito, putok ang mga labi at mayroon pang pasa sa mukha.

Lumakas ang pag-iyak ni Carmel. Hindi niya na mabilang kung ilang ulit siyang nangarap na sana ay naiba ang pamilya na kinabibilangan ng kanyang prinsesa. Dahil hindi karapat-dapat si Selena para sa mga mapapait na bagay na nararanasan nito. Pero sadyang malupit ang tadhana. Kahit sa loob ng mga sandaling nangangarap siya ay agad pa rin siyang ginigising ng realidad para ipaalala sa kanya na napakaimposible ng gusto niya.

Mula pa nang ipasok si Selena sa emergency room may dalawang oras na ang nakararaan ay hindi pa lumalabas isa man sa mga doktor na sumusuri rito. At bawat segundo na lumilipas ay para siyang tinatakasan na ng bait.

“I… I only w-want the best for our… d-daughter.”

Napasulyap si Carmel sa asawa. Simula nang magkita sila sa ospital ay ngayon niya pa lang ito narinig na magsalita. Sa isa sa mga tauhan pa nito niya nalaman ang nangyari sa kanyang anak at apo. Hindi niya namalayan na gaya niya ay napaluhod na rin si Zandro sa sahig malapit sa kanya. Naglaho na ang bangis sa anyo nito na siyang dapat lang naman.

“You only want the best for her?” Hindi makapaniwalang bulong ni Carmel. “Nagkakamali ka, Zandro. You only want the best for yourself. Tingnan mo kung ano ang nangyari sa kanya sa kagustuhan mong mapabuti siya.” Mapaklang dagdag niya. “We don’t even know if Selena is going to survive this. And if she does, paano natin ipapaliwanag sa kanya ang nangyari sa anak niya? Sa sobrang takot niya sa ‘yo, mas pinili niya pa ang tumakbo palayo sa ‘yo sa kauna-unahang pagkakataon na nagkita kayo pagkalipas ng kulang dalawang taon.

“Diyos ko, Zandro,” Pumiyok ang boses ni Carmel. “Hindi na tayo mga bata. Matagal na tayong mga magulang. But we have never been good parents to Selena. May sariling isip at puso ang anak natin, Zandro. Kailan mo ba mauunawaan iyon? Mga magulang lang tayo at hindi Diyos. Kung gustuhin man ng anak natin na umalis sa pugad na nilikha natin para sa kanya, hindi ba’t dapat ay hayaan natin siya? At kung sakaling mapagod man siya sa buhay sa labas at gustuhin niyang bumalik sa pugad, dapat ay nakahanda tayong salubungin siya.

“Kung naging mabuti lang sana tayong mga magulang, the moment Selena came back in this country, she could have shown her face to us and embrace us. But she didn’t. The moment she saw you, did you even see a smile on her face? No,” Napailing si Carmel. “Takot ang una niyang naramdaman kaysa tuwa. Ang kaawa-awa kong anak!”

Naisubsob ni Carmel ang mukha sa mga palad. Lumakas ng lumakas ang kanyang pag-iyak. Mayaman sila. Napakayaman nila kung tutuusin. Pero sa ganitong pagkakataon ba, maililigtas ng yaman nila ang buhay ng nag-iisang anak nila? Hindi. Iyong ipinaglalaban ng kanyang asawa na pera at kayamanan, bali-baliktarin man ang mundo, sa oras na manganib ang mga mahal nila sa buhay ay wala pa rin iyong magagawa.

Kasalanan niya. Dapat noong unang beses na malaman niya na bumalik na sa bansa si Selena ay kinausap niya kaagad ito at pinalayo. Pero hindi niya ginawa. Dahil ilang bwan na ring nananahimik sina Zandro, Adam at Leonna. Umasa si Carmel na totoong may himala at napagod na ang mga ito, na nagkasundo na ang mga itong hayaan na lang sina Dean at Selena. Hindi niya lubos akalain na may iba palang pinaplano ang asawa. Huli na nang malaman niya iyon.

Matagal nang alam ni Carmel na malupit si Zandro. Pero sa hinaba-haba ng panahon ay ngayon lang siya nakaramdam ng matinding kapaguran sa mga ginagawa nito. He was the cruelest man she had ever met. Sinadya nitong ma-corner sina Dean at Selena. Kaya ngayon…

“I’m so sorry, Carmel.”

Dahan-dahang inalis ni Carmel ang mga palad sa mukha. Muli siyang humarap sa asawa. “Hindi ka ba kinikilabutan? That was your first time to say sorry. Baka nabibigla ka lang.” Blangko ang anyo ng asawa kaya hindi niya mabasa kung ano ang eksaktong iniisip nito. Sabagay, noon pa man ay ganoon na ito.

Napahugot si Carmel ng malalim na hininga. “Paulit-ulit kitang sinusubukang kausapin. Kahit alam ko na parati kang hindi makikinig sa akin, sinusubukan ko pa rin. Pero ngayon, kailangan mo nang pakinggan ang mga sasabihin ko. Kahit ngayon lang dahil baka huli na ito. Alam mo ba kung bakit ayaw ko na kay Adam noon pa man? Dahil natatakot ako na matulad sa akin si Selena na siya lang ang nagmamahal.”

May kung anong dumaang emosyon sa mga mata ni Zandro pero masyado iyong mabilis na hindi nagawang mabasa agad ni Carmel.

“I love you, Zandro.” Amin ni Carmel sa kauna-unahang pagkakataon simula nang magsama silang mag-asawa. “I love you that’s why I stayed with you over the past years. Kahit ang hirap-hirap mong mahalin. Kahit madalas, nakakapagod ka na. Nang dumating si Selena, siya ang nag-alis ng lahat ng sakit sa puso ko. She gave me warmth. And I loved that warmth, Zandro. Because your coldness was just too much to bear at times. Pero ngayon, ayoko na. Hindi ko na kaya. Dahil paulit-ulit na ipinagkakait mo sa akin kahit ang init na sa anak natin ko na lang natatagpuan.”

Inalis ni Carmel ang kanilang wedding ring. Inilapag niya iyon sa marmol na sahig. “Pagod na pagod na akong mahalin ka, Zandro. Sa mga susunod na araw, magpapadala ako ng abogado para i-process ang annulment papers natin. Tutal ay wala naman nang tututol. Our parents were dead. Isa pa, kung totoo ngang guilty ka sa mga nangyari, hayaan mo akong makawala. Palayain mo na kami ng anak mo.”

Bumakas ang pagtutol sa anyo ni Zandro. “Carmel-“

Kahit pa nanginginig pa rin ang mga tuhod ay sinikap tumayo ni Carmel. “Loving you was the most horrible thing that I ever did in my entire life, Zandro.”

Naglakad na siya papunta kay Dean. Naupo siya sa tabi nito. “I’m so sorry, Dean.”

Unti-unting napaharap sa kanya si Dean. Nang hindi na mapigilan ni Carmel ang sarili ay niyakap niya ang lalaki. Noon pa man ay magaan na ang loob niya rito sa kabila ng pagiging misteryoso nito. Siguro ay dahil madaling mabasa ang nilalaman ng puso nito sa tuwing nakikita nito si Selena. Hindi man nito alam pero para bang may maitim na ulap na nahahawi sa anyo nito sa tuwing tumitingin sa kanyang anak. Nagliliwanag ang buong mukha nito at nangingislap ang mga mata nito.

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time