Login via

Once Upon A Time novel Chapter 22

DAHAN-DAHANG dumilat si Selena. Sandali pa siyang napapikit nang masilaw siya sa liwanag na sumalubong sa kanyang mga mata. Nang unti-unti nang makapag-adjust, muli siyang dumilat. Iginala niya ang tingin sa kinaroroonan. Base sa mga nakitang gamit at kulay ng kwarto ay nasisiguro niyang nasa loob siya ng ospital.

Mayamaya, kumabog ang dibdib ni Selena nang makita ang nakatalikod na bulto ng mga magulang. Mabilis siyang pumikit. Ginawa niya ang lahat para itago ang emosyon at para hindi makahalata ang mga ito na nagkamalay na siya pero hindi niya nagawang itago ang pagluha.

Para bang sasabog ang dibdib ni Selena pero sinikap niyang manahimik dala ng sobra-sobrang takot at galit sa puso niya. Takot sa ama at galit sa ginawa nito sa kanya. Pagkaraan ng ilang sandali, may naramdaman siyang mga daliring marahang pumunas sa kanyang mga luha kasabay niyon ay may mga kamay na humawak sa kanyang palad. Sa palagay niya ay may ilang oras din siyang nagkunwaring tulog. Nang masigurong tahimik na ang buong paligid ay saka siya muling nagmulat.

Nabungaran ni Selena ang ama na tulog at nakayukyok sa kama niya habang hawak ang kanyang kamay. Sa kabila naman niya ay naroroon ang nakatulog na ring ina na may hawak pang rosary. Wala si Dean. Mapaklang napangiti siya kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha. Kung sabagay, ano pa ba ang aasahan niya kung desidido na itong makipaghiwalay sa kanya? Hindi nga ba at pirmado na nito ang annulment papers nila?

Alam niyang sobrang nasaktan niya ang asawa. Siguro nga ay napagod na ito. At may dahilan ito para mapagod lalo pa at napakarami nitong hirap na pinagdaanan nang dahil sa kanya at sa kanyang ama. Nagsikip ang dibdib niya sa naisip.

Dahan-dahang kumawala si Selena mula sa pagkakahawak ng mga magulang. Buong ingat na bumangon siya. Nakita niya ang isang bag sa gilid ng kwarto. Nang buklatin niya iyon ay naroon ang mga bihisan niya. Mabilis na nagpalit siya ng damit. Nakita niya rin ang wallet ng ama sa bedside table. Tulirong kinuha niya iyon at wala sa sariling tumakas ng kwarto.

Nang makalabas ng ospital ay agad na pinara ni Selena ang nakitang taxi. Takot na takot siyang muling mahuli ng ama. Takot na takot siya na muli nitong ikulong sa kanyang kwarto. Gusto niyang lumayo pero wala siyang eksaktong lugar na alam puntahan. Hindi sapat ang mga nakita niyang pagbabago ng ama para mapanatag ang loob niya dahil ilang ulit na itong naging malupit sa kanya. Ano ang assurance na hindi na iyon mauulit pa?

Mariing nakagat ni Selena ang ibabang labi. Gusto niyang puntahan ang kanyang mag-ama pero nawawalan siya ng lakas ng loob na gawin iyon lalo na sa tuwing maiisip niya na kasalanan niya ang pagkamatay ni Shera. Isinugal niya pati ang buhay ng kanyang anak nang gabing iyon. God… her Shera was gone. Impit siyang napahikbi.

“Ma’am, saan po tayo pupunta?”

Nanatili siyang nakayuko at sa garalgal na boses ay binanggit ang address ng lupain nila ni Dean sa Tagaytay kung saan nagsimula at nagwakas ang lahat sa kanya.

“Pero ma’am-“

Kinuha ni Selena ang wallet ng ama at naglabas ng ilang lilibuhin. Inabot niya iyon sa driver gaya nang unang ginawa niya noong desperado rin siyang makatakas noon bitbit ang anak. Natahimik ang driver at agad na tinanggap ang pera.

Nang malapit na sa natatandaang address nila ni Dean ang taxi ay pinahinto niya na iyon. Pinahinto niya iyon sa mismong lugar kung saan nabago nang husto ang buhay niya. Hindi pa man nakakababa ng taxi ay sunod-sunod nang pumatak muli ang mga luha ni Selena.

“Ah!” Napahawak si Selena sa kanyang dibdib kasabay ng paghiyaw. Napaluhod siya sa sementadong kalsada. “Shera, anak, patawarin mo si Mommy. Anak ko… Diyos ko, ang anak ko.” Napatingala siya sa kalangitan. “Anak! Hindi ko sinasadya. You know that I would never hurt you. Ilang libong beses kong pipiliin na ako ang mapahamak kaysa ikaw.” Pumiyok ang boses niya. “I should have died with you that night. Dapat ay isinama mo na lang si Mommy, anak.”

Hindi niya alam kung dapat niyang ipagpasalamat na nanumbalik na ang alaala niya dahil nanumbalik din ang lahat ng sakit sa puso niya. Para siyang pinapatay. Ni hindi siya makahinga. “Shera, Mommy is so, so sorry.”

Para namang nakikisama ang madilim na kalangitan sa pagluluksa ni Selena. Nagpakawala iyon ng malakas na ulan at sumabay sa paghagulgol niya. Napatungo siya. Tuluyan na siyang naupo sa basang kalsada. Isinubsob niya ang ulo sa kanyang mga tuhod. Wala na siyang pakialam anuman ang sumunod na mangyari sa kanya. Tutal ay wala nang halaga ang buhay niya.

Nawalan siya ng anak. Sinukuan na rin siya ni Dean. Kung sabagay, sino ang hindi susuko sa kanya? Kahit nga ang sarili niya ay gusto niya na ring sukuan ngayon. Mayroon pa siyang natitirang anak. Pwede siyang manikluhod sa kanyang mag-ama para tanggapin siya pero ano ang silbi niyon kung sa huli ay mahihirapan din ang mga ito nang dahil sa kanyang ama?

Oo nga at mayaman na si Dean. Pero anong garantiya na magiging maayos ang lahat nang dahil doon kung sa nakalipas na mga araw ay alam niyang nagkainitan ang kanyang ama at ang ama ni Dean sa hindi niya malamang dahilan? She didn’t want to take a chance anymore. Sumubok na siya noon. At anong napala niya? Nagdusa lang ang kanyang mag-ama.

“Shera anak, kunin mo na si Mommy.” Nanginginig na sa lamig na bulong niya. “Nagmamakaawa ako sa ‘yo. Kunin mo na si Mommy.”

Mayamaya, dahan-dahang nag-angat ng mukha si Selena nang maramdaman ang mga brasong yumakap sa kanya. Sumalubong sa kanya ang mukha ni Dean. “Bakit ka nandito?” Halos pabulong na lang na tanong niya. Nanginginig na ang kanyang mga labi.

Sa pagkagulat ni Selena ay binuhat siya ni Dean. Nagsimula na itong maglakad. “Sinusundo ka. Nagbaka-sakali ako nang pumunta ako rito, umaasang dito kita matatagpuan. Mabaliw-baliw ako kanina nang hindi kita makita sa ospital samantalang nawala lang ako saglit para magmakaawa sa Diyos na ibalik ka sa amin. Pagbalik ko sa kwarto mo, wala ka na.” Marahang ngumiti ito nang tingnan siya. “Hindi ko alam kung ano nang eksaktong nangyayari sa ‘yo. Pero kung nandito ka, malaki ang posibilidad na bumalik na ang mga alaala mo.

“Nag-usap kami ni Adam kaninang umaga. Sinabi niyang nakipaghiwalay ka na raw sa kanya. It was hard but we managed to clear things out.” Bumuntong-hininga si Dean. “At umaasa ako na sana ay maayos na rin natin ‘yong sa atin.”

Walang buhay na napangiti si Selena kasabay niyon ay nagpumilit siyang bumaba mula sa pagkakapasan ng asawa. Nakita niya ang pagdaan ng kirot sa mga mata nito pero naglihis na lang siya ng mga mata. Tumutok ang paningin niya sa isang nakatayong dalawang palapag na bahay na yari sa salamin ang mga haligi. Mariing nakagat niya ang ibabang labi. Iyon ang dream house niya.

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time