PINAGMASDAN ni Dean ang kabuuan ng dream house ni Selena. Tapos na iyon at fully-furnished na rin. Ganoong-ganoon ang pangarap ni Selena na bahay. Dalawang palapag iyon na puro salamin ang haligi. Mayroong katamtamang taas na gate na dark brown ang kulay ang gusto ng asawa para kakulay daw ng mga mata nila ni Elijah. A sad smile formed his lips.
Mayroon iyong hugis-pusong swimming pool sa labas at may maliit na fountain sa bungad. Pagpasok sa loob ay sasalubong ang pinaghalong krema at pula na siyang mga pangunahing kulay roon bilang siya ring mga paboritong kulay ni Selena. Mayroon din iyong anim na kwarto. Isang master bedroom, isang guest room at apat na kwarto ng mga magiging anak nila. Dahil gusto raw ni Selena na magkaroon ng apat na mga maliliit na bersyon nila.
Pero ngayon ay mukhang sila na lang dalawa ni Elijah ang titira roon, iyon ay kung magagawa niya iyong tirahan.
Napakarami nang nagbago sa buhay ni Dean sa loob lang ng ilang linggo. Sa huli ay pumayag rin si Leonna na makipag-areglo sa kanyang ama at ipa-annul ang kasal ng mga ito. Kahit bakas pa rin ang matinding galit nito sa mga nangyayari ay wala itong nagawa dahil nagbanta ang ama na ibubuking sa publiko ang panloloko nito. Wala rin itong nakuhang kahit na ano mula sa ama maliban sa mansyon pero pinamanahan ng huli si Adam ng fifteen percent ng shares nito sa ATC.
Sa kalaunan ay natuklasan na rin ni Adam ang lahat. At kahit pa sinabihan na ito ng ama na malaya itong patuloy na magtrabaho sa ATC ay kusa pa rin itong umalis doon. At siya… ipinagtapat na ng ama sa publiko ang tungkol sa kanya. Siya na ngayon ang nag-iisang tagapagmana ng mga Trevino.
Dahil may angkin ring galing at husay ay si Dean ang kasalukuyang namamahala sa ATC na sa oras na ma-finalized ang lahat ay magiging Trevino Corporation na lang dahil ibinenta na ni Zandro sa kanila ang lahat ng shares nito sa kompanya. Tuluyan na itong nagretiro sa pagnenegosyo.
Napakalaking responsibilidad kaagad ang nakaatang sa mga balikat ni Dean. Mabuti na lang at ginagabayan siya ng ama sa bawat desisyon niya. May ilang kumukwestiyon sa kakayahan niyang mamahala kaya nagsisikap siya na lalo pang husayan ang pagtatrabaho pero sinisiguro niya na hindi siya nawawalan ng oras sa kanyang anak. Paminsan-minsan ay nakakahanap pa rin siya ng panahon para magpinta.
Dean now had everything that money can buy. Secured na ang hinaharap ni Elijah. Marami sa mga nangmaliit sa kanya noon ang personal pang humingi ng tawad sa kanya. Marami na ang mga nagkakainteres na lumapit sa kanya. Pero wala iyong halaga sa kanya.
Sa kabila ng angking yaman ay nananatili siyang tumutuloy sa San Diego Compound. Gustuhin man ni Dean na bilhin na lang iyon sa may-ari ay hindi raw nito ipinagbibili iyon. Totoo nga siguro ang sumpa roon dahil sa kinahinatnan ng relasyon nila ni Selena pero tumira man siya roon ay wala nang mawawala sa kanya. Dahil wala naman siyang ibang karelasyon.
Noon at ngayon ay mananatiling pagmamay-ari ni Selena ang puso niya na siyang dahilan kung bakit naroroon pa rin siya. Dahil gusto niyang sariwain sa isip ang mga masasayang alaala nilang mag-anak sa unit na iyon.
Naipaalam na rin ni Dean sa kanyang ama ang nangyari sa nakalipas na mga taon. Ito ang siyang nagpayo sa kanya na umamin na kay Selena at ipagtapat ang kanyang karapatan. And he wanted to do that. Gusto niyang lumaban muli. Lalo na ngayon na may maipagmamalaki na siya.
Pero noong nakaraang araw ay nadatnan ni Dean sa mansyon ng mga Avila na naghahalikan sina Selena at Adam. Agad na nalimutan niya ang planong pag-amin. Doon na tuluyang nalusaw ang kahuli-hulihang tapang niya. Noong mga sandaling iyon ay kasama niya pa mismo ang kanyang anak nang bumisita siya roon. It was too painful that he had to walk away as fast as he could to spare him and his son from more pain.
Mapaklang natawa si Dean nang maalala ang anak na paulit-ulit na tumatawag ng mama habang sakay sila ng kanyang kotse. Kahit karga na ito ni manang Ester ay patuloy pa rin itong nag-iiyak. Kasalanan niya. Gabi-gabi ay parati niya pa ring kinukwentuhan ang bata ng tungkol sa ina nito kasabay ng pagpapakita ng larawan ng huli rito kaya siguro ay nakilala pa rin nito si Selena.
Iyong nangyari sa kanila ni Selena sa isla sa St. Lucia, parang isang fairytale. They had their time. And it was wonderful. Pero siguro nga ay hanggang doon na lang iyon. Dapat nga siguro na makuntento na siya sa once upon a time na kwento nilang dalawa. Dapat ay masaya na siya dahil sa kabila ng hirap, hindi pa rin siya mag-iisa dahil may iniwanan pa rin sa kanya si Selena. Si Elijah.
Naipaayos na ni Dean ang annulment papers nila ni Selena sa abogado niya. Pirmado niya na rin iyon. Ang pirma na lang ni Selena ang kulang at maipo-proseso na iyon. Ipinadala niya na sa mansyon ng mga Avila ang annulment papers. Hindi niya kakayanin kung siya pa mismo ang magdadala niyon at magpapapirma kay Selena dahil siguradong magbabago ang isip niya. Bahala na si Adam o ang mga Avila kung paano ng mga ito mapapapirma si Selena.
Tutuparin ni Dean ang sinabi niya kay Selena na pakakawalan na ang kanyang prinsesa. Pero hanggang doon pa lang ang nabubuo niyang plano. Bukod roon ay wala na. Sa ngayon, ang gusto niya lang ay maging malayang magmahal si Selena at malaya ring makapagpakasal gaya ng gusto nito.
Tapos na sa wakas ang laban. Natapos na iyon noon mismong araw na nagising si Selena. His body was willing to fight a little more but his heart and soul were both too drain to join his battle. Suko na siya.
“DAD?” Maingat na itinulak ni Selena ang pinto sa library ng mansyon para silipin kung naroroon ang ama. Simula nang magretiro ito ay lalo pa itong nagpursige sa para bang panliligaw nito sa kanyang ina. Paminsan-minsan ay lumalabas silang tatlo pero madalas ay hinahayaan niya ang ama na masolo ang ina na para bang nanlalamig pa rin rito na siyang hindi niya maintindihan.
Sabagay, simula nang magising si Selena na kapos ang alaala sa sarili ay napakaraming bagay niya nang hindi maintindihan. Noong nakaraang araw ay nagkita sila nina Lilian at Chynna. Dinalaw siya ng mga ito sa mansyon. Mukhang napakaraming gustong sabihin ng mga ito sa kanya pero ramdam niya ang pagda-dalawang isip ng mga ito pati na ang matinding pagkailang ng mga ito sa kanyang ama.
“Follow your heart. And only then will you find the answers to your questions. Minsan mo nang sinunod ang puso mo. Kaya ‘wag kang matakot na sundin ito lalo na ngayon, Selena.” Para bang may laman pang sinabi ni Chynna bago ito nagpaalam sa kanya.
“Just so you know, I still don’t believe in the curse.” Ang mga sinabi namang iyon ni Lilian ang sumunod na sumagi sa isipan niya.
Muling para bang may pumitik na kung ano sa sentido ni Selena. Ilang ulit niya nang sinisikap na makaalala dahil hindi mawala-wala sa isip niya ang kutob na may inililihim sa kanya ang mga tao sa paligid niya. Pero bago pa man dumating ang magpinsan ay nauna niya nang sinunod ang puso niya. Nakipaghiwalay na siya kay Adam.
“Hindi talaga nakakalimot ang puso ‘no?” Naglaro sa isip ni Selena na mapait na wika ni Adam nang itulak niya ito matapos siyang hagkan. Hindi niya maunawaan ang mga sinabi nito dahil nagpaalam na rin kaagad ito sa kanya noong nagdaang araw.
Sa nakalipas na mga buwan ay sinikap niyang gawin ang lahat para mag-work ang relasyon nila ni Adam pero hindi niya na kayang patuloy pang linlangin ang sarili. Hindi niya na mahal si Adam. Sa tuwing tinitingnan niya ang binata, sa tuwing naririnig niya ang mga salita ng pagmamahal mula rito, sa tuwing hawak nito ang kamay niya, yakap siya o hinahagkan siya, puro pasasalamat na lang ang nararamdaman niya. She was thankful that he loved her. Pero hanggang doon na lang iyon. Hindi na siya masaya.
Hangga’t maari ay ayaw ni Selena na bumitaw kay Adam lalo pa at alam niyang mahirap ang pinagdaraanan nito sa pamilya nito dahil sa biglang pagbaliktad ng mga pangyayari sa buhay nito. Everyone was surprised when Bernardo Trevino just revealed one day that Dean was truly his son. Tanging ang mga malalapit na lang sa pamilya ng mga ito ang nakakaalam na hindi tunay na anak ni tito Bernardo si Adam.
Adam was having a hard time. Pero hindi niya kayang patuloy na kumapit sa isang bagay na para bang matagal nang binitawan ng puso niya. Isa pa ay hindi rin iyon patas para sa binata. Ayaw niyang patuloy itong lokohin.
Dahil bali-baliktarin man ni Selena ay iba ang nararamdaman niya para kay Dean. Walang sandaling hindi pumasok ang lalaki sa isip niya. Walang sandaling hindi siya binulabog ng mga sinabi nito noong huling pagkikita nila. Gustong-gusto niya itong puntahan pero natatakot siya sa posibleng isipin nito tungkol sa kanya. Na pagkatapos ng kapatid nito ay ito naman ang isusunod niya?
Bukod pa roon ay hindi niya pa nakakausap ang mga magulang tungkol sa paghihiwalay nila ni Adam. Ang buong akala ng mga ito pati na ng umaasa pa rin hanggang ngayon na si tita Leonna ay sila pa rin ni Adam ang magkakatuluyan.
Tumuloy pa rin si Selena sa library kahit na hindi nakita roon ang ama. Doon niya na lang siguro ito hihintayin. Ang ama ang una niyang kakausapin tungkol sa kinahantungan ng relasyon nila ni Adam tutal ay ito ang una pa man ay may gusto nang magpakasal sila ni Adam, ito ang siyang nakipagkasundo sa mag-asawang Trevino. She was hoping that her father will understand. At pagkatapos ay bahala na pero pupuntahan niya na si Dean.
Comments
The readers' comments on the novel: Once Upon A Time