Login via

Once Upon A Time novel Chapter 20

HINDI kaagad nakalapit si Selena kay Dean kahit pa nakita niya na ito sa tapat ng gate ng kanilang mansyon. Nakaupo ang binata sa hood ng kotse nito at nakapaloob ang mga kamay sa bulsa ng suot na leather jacket. Nakatingala ito sa kalangitan kaya hindi kaagad siya napansin nito.

Hindi inakala ni Selena na papayag si Dean na makipagkita sa kanya ng ganoong oras. Ayon rito ay mahigit apat na oras ang distansya ng unit nito sa mansyon ng kanyang pamilya. Pero nagmaneho ito ng ganoon kalayo para lang pagbigyan siya. Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Noon naman lumingon ang binata sa gawi niya na para bang naramdaman na nito ang presensiya niya.

Nagtama ang kanilang mga mata. Parang napakaraming gustong sabihin ni Dean base sa mga titig nito sa kanya. Kung sana ay kaya niyang basahin ang nilalaman ng isip nito. He looked wonderful just sitting there. Tinatangay ng pang-umagang hangin ang mahabang buhok nito. At kahit pa nangangalumata ito ay hindi pa rin nabawasan ang gandang lalaking taglay nito.

Halos hindi makapaniwala si Selena na pinupuri niya si Dean. Kung malalaman lang siguro ng mga kaanak o ni Adam ang mga iniisip niya ay wala na siyang mukhang maihaharap pa sa mga ito.

“Gusto kitang lapitan.” Anang binata. “Pero nag-aalala ako na baka maalarma ka. Kaya kung handa ka na, you can sit beside me.” Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito bago ito matipid na ngumiti. “It was so good to see you in the morning, Selena. Magandang panimula ng araw. Just like the old-“ Mayamaya ay napailing ito.

Nagsalubong ang mga kilay ni Selena. “You were saying?”

Muling napangiti na lang si Dean pero hindi maikakaila ang lungkot sa mga mata nito. “Nothing.”

At gaya ng dati ay naaapektuhan si Selena sa kalungkutan na nakikita sa binata. Naalala niya ang iniregalo nito sa kanyang painting noong twenty-fifth birthday niya. Kinuha niya iyon sa townhouse niya at ipinalipat sa kwarto niya sa mansyon tutal ay iginigiit ng ama na doon na siya tumira. Ta-tatlo na lang daw sila ay bubukod pa siya. She loved that painting. Kahit na ang sarili ang nakaguhit roon, pakiramdam niya minsan ay si Dean ang siyang nakikita niya sa tuwing tumitingin siya roon.

Naupo si Selena sa tabi ni Dean. Sa loob ng ilang sandali ay nanatili lang silang tahimik na para bang kuntento na sila na malapit sila sa isa’t isa. Wala nang iba pang salitang kailangan. Pero mayamaya ay si Dean rin ang naunang bumasag sa katahimikan.

“Kumusta ka na? Masaya ka ba?” Marahang tanong ng binata.

“Masaya naman.” Paano ba ipapaliwanag ni Selena kay Dean iyong parang parating kulang na pakiramdam niya? Isang uri ng kakulangan na naglalaho lang sa tuwing kasama niya ito? Paano niya ba iyon sasabihin sa paraang mauunawaan nito kung kahit siya ay hirap na hirap na ring maunawaan ang sarili?

“Ikaw, Dean, kumusta ka na?”

“Trying to survive each day.” Nilingon siya ni Dean. “Mahal mo ba si Adam, Selena?”

Nagulat siya. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na tinanong siya ni Dean ng tungkol sa bagay na iyon. Ganoon pa man ay ngumiti siya. “Mahal ko siya.” Iyon ang alam ko. “Mahal ko siya.” Ulit niya sa mas mariing boses para kumbinsihin ang sarili. “Mahal ko si Adam.”

Natawa si Dean pero walang kasingpait iyon sa pandinig ni Selena. “Hindi ako naniniwala sa sumpa. Pero mukhang nagalit si Pepe San Diego kaya ngayon heto at pinatutunayan niya sa akin na tama siya at mali ako.” Tumayo ang binata. Nang mga sandaling iyon ay pumutok na ang liwanag sa buong kapaligiran. “Kapag lumaki-laki na si Elijah at dumating ang panahon na natutunan niya nang magmahal, alam mo kung ano ang unang sasabihin ko sa kanya?”

Parang may biglang nagbarang kung ano sa lalamunan ni Selena kahit pa hindi niya gaanong maunawaan ang mga sinasabi ni Dean. Para siyang nasa loob ng isang bugtong at hindi niya mahanap-hanap ang sagot. “Ano?”

“Sasabihin ko sa kanya na “Kapag nagmahal tayo at dumating ‘yong panahon na kailangan natin silang pakawalan, kahit masakit, pakawalan natin sila. ‘Wag natin silang talian. ‘Wag natin silang rendahan. Dahil kahit sila, masisikipan. Kahit sila, masasaktan. Ibigay natin ‘yong hinihiling nilang paglaya. At sa dulo ng lahat ng ito, ang pinakamainam nating gawin ay ang umasa na sana… sana isang araw, ‘yong mga pinakawalan natin ay makaalalang bumalik sa atin. O kung hindi man ay magdasal na sana… sana isang araw, lumipas ang sakit, ang lahat ng sakit.”

Nanubig ang mga mata ni Selena sa narinig. Hindi maitatanggi ang hapdi sa boses ng binata. “Dean…”

“Ilang buwan na rin ang lumipas. Magli-lima na. Do you still remember the princess that I said I’m in love with? The one who fell in love with the prince’s subordinate?” Sa halip ay wika ni Dean. “She had a change of heart, Selena. Na-in love siya uli sa isang prinsipe. At kung sakali man na dumating ang panahon na makilala mo ang prinsesa na iyon, pakisabi sa kanya na walang anumang galit o sama ng loob sa kanya ang tagasunod ng prinsipe. He will always, always understand her.

“Siguro may mga bagay lang talaga sa mundo na kahit na anong pakikipaglaban ang gawin mo, hindi uubra. Pakisabi sa kanya na pinapakawalan ko na siya. Hindi dahil ayoko na o napagod na ako. Lalong hindi dahil hindi ko na siya mahal. Kundi dahil nangako ako sa kanya na pakakawalan ko lang siya sa oras na makita kong wala ng pag-asa at hindi niya na ako mahal. At ito na iyon. Ayoko na siyang patuloy na itali sa akin. Natatakot na akong masakal siya lalo na at mukhang hindi talaga siya ang para sa akin.” Gumaralgal ang boses ni Dean. “I love her so much. But lately, I can’t help but feel so down. Loving her gave me strength the same way that it was making me weak right now. Nanghihina na ako at gusto ko na ring magpahinga.”

“God, Dean.” Napatayo na rin si Selena. “H-how do I make you feel better? Ayokong makita kang nagkakaganyan.”

“Pwede bang payakap naman?” Ngumiti si Dean. Ibinuka nito ang mga braso. “Payakap… kahit ngayon lang.”

Wala nang pagda-dalawang isip na lumapit si Selena kay Dean at buong higpit na niyakap ang binata. Gumanti ito ng yakap kasabay niyon ay narinig niya… ang pagtangis nito. Para siyang dinurog. Para siyang binasag, sa sobrang sakit na nararamdaman ay hindi niya iyon makuhang ipaliwanag. Ang alam niya lang ay nasasaktan siya sa kaisipang nasasaktan ang binata.

“Tama na.” Pumiyok ang boses ni Selena. “Tama na, Dean, please.”

“Ano na bang gagawin ko, Selena? Natatakot ako. Nag-aalala ako. I don’t wanna let the princess go.”

“Then don’t.”

“Pero may mahal na siyang iba. Kumapit ako sa nakalipas na mga buwan kasi ang sabi nila, ang puso, parating makakaalala sa kabila ng lahat. Pero hindi na ako maalala ng puso niya.”

Pumitlag ang puso ni Selena. Bakit ganoon? Bakit iba ang dating sa kanya ng mga salita ng binata? Ano ba ang talagang gusto nitong iparating? Magsasalita pa sana siya nang mayamaya ay humiwalay na sa kanya si Dean. Pinakatitigan nito ang kanyang mukha na para bang kinakabisa nito iyon bago siya nito marahang dinampian ng halik sa noo.

“I truly wish you well, Selena. Be happy, okay?” Halos pabulong na sinabi ni Dean bago ito nagpaalam na. Sumakay na ito sa kotse nito at pinaharurot iyon palayo. Hindi na siya nakapagsalita.

Chapter 20 1

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time