“I AM GOING to ask her to marry me,” determinadong pag-amin ni Austin sa mag-asawang Alano at Clarice nang sadyain niya sa bahay ng mga ito. Ilang araw niya nang pinag-iisipan ang bagay na iyon mula nang maging sila uli ni Maggy.
Alam ni Austin na nagiging makasarili na naman siya. Pakakasalan niya si Maggy samantalang wala ito kahit na anong maalala tungkol sa sarili. At hindi niya rin maitatanggi ang katotohanang mahal man siya ng dalaga ay siya pa rin ang kahuli-hulihang lalaki na gugustuhin nitong pakasalan dahil sa kanyang ama.
Pero hindi na mapakali si Austin lalo na at ayon kay Nana Cora ay ilang beses na raw may tumawag na mga babae sa mansiyon. Radha at Yalena umano ang pakilala ng mga ito. Mahigpit na ipinagbilin niya sa mga kasambahay na huwag ibibigay ang telepono kay Maggy sakali mang may tumawag para hanapin ang huli dahil baka makasama iyon sa dalaga lalo na at may posibilidad na ang nagtangkang pumatay rito ang nasa kabilang linya at natunton na ito.
Mabuti na lang at hindi niya pa nasasabi sa mga kasambahay ang tungkol kay Yalena kaya kahit sinabi na umano ng babae na kakilala ito ni Maggy ay hindi pa rin iniaabot ng mga ito ang telepono kay Maggy. Si Radha naman ay minsan na siyang pinuntahan sa kanyang opisina.
Alam umano ni Radha na nasa pangangalaga niya si Maggy. Gusto nitong makausap ang amo nito pero hindi siya pumayag. Ilang ulit na rin niyang nakita sa guardhouse ang babae sa tabi ng main gate ng exclusive village nila. Hangga’t walang go signal mula sa kanya ay hindi ito makakapasok sa loob.
Sa bawat lugar na pinapasyalan nila ni Maggy ay meron din siyang in-assign na mga guwardiya na sumusunod sa kanila na nakasuot ng sibilyan na damit para hindi makahalata ang dalaga. Ginagawa niya iyon sa dalawang bagay; una ay para maprotektahan ito sa mga taong gustong patayin ito at pangalawa ay para ilayo ito mula sa mga taong naghahangad na maipaalala rito ang katotohanan.
Noon sa ospital ay naglagay rin si Austin ng mga guwardiya na humaharang sa kahit na sino na lumapit sa kwarto ni Maggy maliban sa kanilang tatlo nina Alano at Clarice.
Clarice once told him about Radha. Matapat na tauhan daw ito ni Maggy. Ilang beses na daw tinangkang kausapin ni Radha si Clarice pero umiiwas itong magbanggit ng anumang impormasyon. Ipinagpapasalamat niya ang ginawang iyon ng hipag.
Dahil ayaw na muna ni Austin na magkaroon ng kaugnayan ang kanyang girlfriend sino man kina Radha o Yalena na siyang mga nakakaalam ng orihinal na pakay ni Maggy sa pagbabalik nito sa bansa. Alam niya na hindi magpapatumpik-tumpik ang dalawa na ipagtapat kay Maggy ang katotohanan at hindi niya pa iyon makakaya.
Hanggang sa kanyang bahay ay nag-iingat si Austin. Inalis niya ang family portrait nila pati na ang mga photo albums at iba pang naka-frame na mga litrato ng kanyang pamilya. Pinaglalagay niya ang mga iyon sa kanyang kwarto at kinandado sa drawers. Nagiging paranoid na siya. Ayaw niyang ang mga iyon pa ang mag-trigger ng mga hindi magagandang alaala sa dalaga.
Right now, Austin knew that Clarice was somehow on his side. Malaking bagay na mahal nito ang kuya niya kaya kahit paano ay tikom ang bibig nito kina Radha lalo na kay Yalena. Hindi na ito nakikialam sa mga desisyon niya patungkol sa kondisyon ni Maggy.
Every single day, he was getting anxious. How long can he hide the truth? Kung ngayong nakakahalata na siguro si Yalena kaya biglaang nagpaparamdam na ito ay hindi na malabong magpakita na lang ang babae isang araw sa kakambal at yanigin si Maggy tungkol sa nakaraan. Posible din nitong kunin at ilayo ang kapatid nito mula sa kanya. At kapag nangyari iyon ay wala siyang magagawa dahil wala siyang pinanghahawakang kahit na ano mula kay Maggy.
Kaya kasakiman mang maituturing ay gusto nang pakasalan ni Austin ang dalaga para dumating man si Yalena o manumbalik man ang alaala ni Maggy ay may kasal nang nagtatali sa kanilang dalawa. He wanted to own her just as he wanted her to own him completely.
“That’s madness, Austin,” sa wakas ay sagot ni Clarice nang makabawi ito sa pagkabigla. “Iniwasan kong `wag makialam pero sobra-sobra na ito. Pareho nating aanihin ang galit ng kambal kapag nalaman nila ang pananamantala mo sa sitwasyon. Damay na rin ako rito kung tutuusin dahil hinahayaan kita sa gusto mo—”
“Dahil ‘yon naman talaga ang nararapat,” putol ni Austin. “Mahal ako ng best friend mo. Alam kong alam mo ‘yon. If it wasn’t because of my father, Maggy and I could have gotten married already.”
“Ang problema ay kasali nga rito si Dad, Austin,” sabad ni Alano. “Isipin mo kung ano ang mararamdaman ni Maggy kapag bumalik na ang mga alaala niya. You are taking away her chance to choose a life that she wants for herself—”
“Because I know she will only deny herself the chance to be happy with me.” Marahas na napabuga ng hangin si Austin bago tumayo na mula sa pagkakaupo sa couch sa sala ng bahay ng mag-asawa. “Hindi ko hinihingi ang permiso ninyo tungkol dito dahil nakapagdesisyon na ako. I am just informing you that I’m going to marry Maggy. And no one can stop me, not even our family. And Clarice,” Nilingon ni Austin ang hipag. “Before you think about telling her the truth, try thinking about how happy Maggy had been with me for the past weeks. Hindi ka bulag. Lalong hindi ka manhid. Kaya sigurado akong nakikita mo na masaya kami sa piling ng isa’t isa.”
Austin breathed heavily before he turned to look at Alano who seemed astounded. “Hindi natin kasalanan ang kasalanan ng mga magulang natin, Kuya. Ipaglalaban ko ang pagmamahal ko para kay Maggy. And I’m going to keep fighting until the end. After all, isn’t that how love is supposed to be?”
Hindi na binigyan pa ni Austin ng pagkakataong makasagot ang mag-asawa. Umalis na siya sa bahay ng mga ito.
I am so sorry, Maggy. Hindi ko naman ipagpipilitan ang sarili ko sa `yo kung alam kong hindi mo ako mahal. But you love me and I love you. You can hate me all you want afterwards but I know somewhere deep down in your heart, a part of you will still love me. Because sweetheart, our love is real. Because even if you couldn’t remember anything, your heart remembered you loved me.
“SAAN tayo pupunta?” nagtatakang tanong ni Maggy habang nakaangkas sa likuran ng bisikleta ni Austin. Alas-sais pa lang mang umaga ay kinatok na siya nito sa kwarto niya.
Matapos niyang makapag-agahan at makapagbihis ay niyaya na siya ng binatang lumabas sakay lang ng bisikleta nito. Pinapwesto siya sa likuran nito. Wala naman siyang reklamo. She loved having him this close to her.
Nang malaman ni Maggy na mahal siya ni Austin ay natuklasan niya na sa kabila ng kawalan ng pagkakakilanlan sa sarili, sa mga mahahalagang tao at bagay sa buhay niya ay posible pa rin palang maging makulay at masaya ang kanyang buhay. Tuwing kasama niya si Austin ay para bang kay daling ngumiti. Tuwing hinahalikan at niyayakap siya nito, para bang nagiging maliwanag ang lahat. At tuwing ngumingiti ang binata sa kanya ay napupuno ng pag-asa ang puso niya.
Sana nga lang ay manumbalik na ang kanyang alaala para maging kumpleto na ang buhay niya. Gusto niyang maalala ang lahat lalo na ang mga alaala niya sa kanyang mga magulang pati na kay Austin. Gusto niya ring maalala ang una nilang pagtatagpo ng binata. Ano ba ang naramdaman niya nang araw na iyon? Ano ang mga sinabi niya?
Kung ayon sa binata ay naipakilala na siya nito sa mga magulang nito ay gusto niyang matandaan kung ano ang first impression niya sa mga iyon. Kamukha kaya ni Austin ang ama nito o mas nakahahawig ito sa ina? She wished she could finally remember those things. Wala kasing ipinapakita sa kanya si Austin na litrato ng mga magulang nito. Walang nakasabit anumang litrato sa mansiyon. Kung meron man ay ang litrato lang ng tatlong magkakapatid na McClennan ang naroroon. Bihira ding magbukas ng usapin si Austin tungkol sa pamilya nito.
“I used to admire my mom. Siya ang kauna-unahang babae na hinangaan ko. I’ve always regarded her as a superwoman. Dahil nang mag-divorce sila ni Papa ay siya ang tumayong ina at ama sa aming tatlo nina Kuya. Siya ang nagsilbing lahat-lahat sa aming magkakapatid. She was our hope, our love, our joy and our heroine,” sa halip ay sagot ni Austin pagkalipas ng mahabang sandali. “But one crazy day, I found out about what she had been hiding to us for years now. Sa isang iglap, natibag ang mga pinaniniwalaan ko. I don’t want to judge her but what she did was something I am not yet ready to accept. I’ve been avoiding her for months now. Dahil dodoble lang ang lahat ng sakit kapag nakita ko siya. Bukod doon, ayoko ring tuluyang mabura ang superwoman na imahe niya sa isip ko.”
Naguguluhang kumunot ang noo ni Maggy. “W-why are you telling me these all of a sudden?”
“Gusto ko lang ipaalam sa `yo ang mga pagkakaiba natin.” Nagkibit-balikat si Austin habang patuloy sa pagbibisikleta. “You came from a wonderful family, Maggy. Isang bagay na buong buhay ko ay inakala kong meron ako sa kabila ng kaalamang divorced na ang mga magulang ko. And it was hard.”
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 2: Austin McClennan