NAGISING si Maggy na aandap-andap ang paghinga. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Parang nagwawala ang kanyang puso sa bilis ng tibok niyon. Napasulyap siya sa digital clock sa bedside table. Alas-dos pa lang ng madaling-araw. It was another dream. But God… it felt real. Ilang araw na siyang nakakapanaginip ng ganoon at madalas ay puro maiinit na eksena ang mga iyon.
Hindi niya alam kung dala lang iyon ng pinanood nila ni Clarice noong nakaraang linggo. Kung ano-ano ang pilit na ipinapanood nito sa kanya. May comedy, drama, suspense, at horror. At nang mainip na ang kaibigan ay pilyang pinapanood siya ng porn sa pagkabigla niya. Natatandaan niya pa ang paghagalpak nito ng tawa nang makita ang pagkagimbal niya sa mga napanood.
“Come on, Maggy. Bumabawi lang ako sa `yo,” nakangising sinabi ni Clarice. “Pinilit mo rin akong manood ng ganyan noong bago ako bumalik dito sa bansa. That was a requirement as you told me before, towards a better way to lure someone—”
Kumunot ang noo ni Maggy. “A-ano’ng ibig mong sabihin?”
Naglaho ang bakas ng pagkaaliw sa mukha ni Clarice. “N-nagbibiro lang ako.” Nag-iwas ito ng mga mata sa kanya. “Kalimutan mo na lang ang mga sinabi ko.”
Simula niyon ay kung ano-ano na ang mga napapanaginipan ni Maggy. Noong una ay malalabo pa ang mga mukha sa kanyang panaginip pero pamilyar ang boses ng mga iyon sa kanya. Pero sa bawat paggising ay nalilimutan niya na kung kaninong boses ang narinig. Ang natatandaan niya na lang ay ang mga eksena sa kanyang panaginip.
May mga naaaninag siyang naghahalikan sa loob ng isang kotse o `di kaya ay sa veranda. And then there were those images of two people making love in the small kitchen, in the living room and now, in the bathroom. Pero ngayon niya lang nakita ang sarili at si Austin sa ganoong klaseng eksena sa kanyang panaginip.
Nahihiya na rin siya sarili. Hindi niya alam kung dala lang ang mga iyon nang paglago ng nadarama para kay Austin, nang kagustuhan niyang maramdaman uli ang mga labi nito sa kanya. Hindi niya na maintindihan ang sarili pero ang binata ang mas hindi niya maintindihan. He would cook for her, give her roses and stuffs and take her out to dinner. Pero wala naman itong anumang sinasabi kung para saan ang mga iyon o sadyang lihim na umaasa lang siya na may laman ang mga ginagawang iyon ng binata.
Every night, he would tuck her to bed. Ang binata pa nga ang unang bumubungad sa kanya sa bawat paggising niya. Kadalasan ay nasa kama niya na ito, nakaupo at pinagmamasdan siya.
Napahugot si Maggy ng malalim na hininga at mayamaya ay niyakap ang sarili. Parang totoong-totoo ang mga haplos, halik, at yakap na pinagsaluhan nila ni Austin sa kanyang panaginip. Noong gabi lang na iyon nagkaroon ng mga mukha ang kanyang panaginip. She saw a different side of her in her dream. There, she was bold and daring.
Ayon sa isa sa mga nabasa niya noong nakaraang araw, ang panaginip daw minsan ay nagpapahiwatig ng mga bagay na sa likod na bahagi ng isip ng isang tao ay ang pinakamimithi nitong mangyari. Napasinghap si Maggy sa naisip. Hindi yata at iyon ang gusto niyang mangyari sa kanila ng binata kaya iyon ang napapanaginipan niya? Hindi yata at pinagnanasaan niya na ang kaibigan?
Sa naisip ay nagmamadaling hinugot niya ang robe na nakasampay sa headboard ng kanyang kama. Isinuot niya iyon at lumabas ng kanyang kwarto. Kailangan niyang magpahangin para makatulong sa isip niyang hindi na kanais-nais ang itinatakbo. Nagpunta si Maggy sa pool area. Naupo siya sa isa sa mga reclining chair doon at ipinikit ang mga mata.
“Interesado ka sa buhay niya, kaagad na nagliliwanag ang mukha mo kapag napag-uusapan siya at hinahanap-hanap mo rin siya. Hindi kaya mahal mo na siya, ineng?” sinabi ng mayordoma sa mansiyon na si Nana Cora nang minsang magtanong si Maggy rito tungkol sa mga hilig ni Austin habang hinihintay ang pagdating ng binata mula sa opisina nito.
“Mahal?” Kumunot ang noo ni Maggy. “Ganoon ho ba ‘yon?” Nang tumango ang matanda ay lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo. Hindi niya alam ang pagmamahal bukod sa bihira niya ring marinig iyon kina Austin at Clarice. Pero alam niya na naiiba ang nararamdaman niya para kay Austin.
Sa ilang beses na paglabas nila ng binata ay nakakita na rin siya ng iba’t ibang lalaki pero wala siyang naramdaman sa mga iyon na katulad ng naramdaman niya para kay Austin. Noong una ay ipinagtataka iyon ni Maggy kaya hindi niya maiwasang titigan nang husto ang bawat lalaking nakikita sa restaurant noong lumalabas sila ni Austin para malaman kung bibilis din ang tibok ng kanyang puso sa mga iyon.
“For heaven’s sake, I’m the one you’re with, Maggy.” Naalala niya ang naniningkit na mga matang sita na iyon sa kanya ni Austin nang iharap nito ang mukha niya rito. “Sa akin ka lang dapat tumitingin. Ano ba’ng meron sa iba at para kang na-starstruck diyan? Be fair to me, all right?” bahagya nang humina ang boses na sinabi nito. “Because I’m only looking at you.”
“Why?” naguguluhan nang tanong niya.
“Sa `yo na lang naman na talaga nakatuon ang mga mata ko sa unang beses pa lang nating pagkikita. I like reading your facial expression. It’s better than reading a book.” Marahang ngumiti ang binata. “I could look at you the rest of our lives and I wouldn’t mind.”
Ganoon si Austin sa halos dalawang buwan na paninirahan ni Maggy sa mansiyon ng pamilya nito. Madalas na binubulabog ang puso niya sa mga sinasabi nito. And he looked at her with such amazement and tenderness in his eyes every time. Bumuntong-hininga si Maggy sa naisip. Kung nagkataong wala kaya siyang amnesia, paano siya magre-react sa nadarama niya?
“Napakaaga pa para mamroblema ka at bumuntong-hininga.” Agad na nagmulat si Maggy pagkarinig sa pamilyar na baritonong boses na iyon. Napaunat din ang kanyang likod. Ni hindi niya namalayan ang paglapit ni Austin. “What’s bothering you, sweetheart?”
Napatitig siya kay Austin na nakasuot ng ternong puting pajama at sando. Naupo ang binata sa silya sa tabi niya. Bigla siyang nakadama ng tensiyon kasabay ng pag-iinit ng kanyang mga pisngi nang maalala ang naging panaginip tungkol sa kanila ng binata. Pinaypayan niya ang sarili nang makaramdam ng kung anong alinsangan. Tumayo siya at pumuwesto sa gilid ng swimming pool na may-kalayuan sa binata.
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 2: Austin McClennan