PABILING-BILING sa higaan si Maggy. Hindi maalis sa isipan niya ang narinig na pag-uusap ng mga magulang. Sinadya daw sunugin ang kanilang bahay. Hindi nga lang niya napakinggan ang kabuuan ng pag-uusap ng mga ito dahil hinila na siya kanina palayo nina Yalena at Clarice nang mahuli siya ng dalawa na nanunubok sa hardin ng tahanan ng mga Alvero kung saan sila tumutuloy pansamantala matapos ang nangyaring sunog.
Maingat na bumangon si Maggy para hindi tuluyang magising si Yalena na katabi niya sa kama. Kahit sa pagtulog ng kakambal ay nakakunot pa rin ang noo nito palatandaang nag-aalala rin ito sa mga nangyayari sa kanilang pamilya.
Pipihitin niya na sana ang doorknob nang kusang bumukas iyon. Bumungad ang kanyang ama. Sandali pa silang nagkagulatan bago ito ngumiti sa kanya. Sinilip nito ang tulog pa ring si Yalena bago siya sinenyasang lumabas ng kwarto. Nagpunta sila sa sala. Nang makaupo na sa naroong sofa ay saka lang niya napagtuunan ng pansin ang hawak nitong photo album. Pamilyar iyon sa kanya, iyon ang compilation ng mga litrato nila ng kakambal mula noong sanggol pa lang sila. “Why do you have that, Daddy?”
Natawa si Vicente. Tumabi ito ng upo sa kanya at inakbayan siya. “Your mother hated me because of this. Dahil nang mailigtas na namin ang ilang importanteng gamit sa bahay kanina ay binalikan ko pa ang mga photo albums natin sa loob sa kasagsagan ng sunog.”
“What?” Maggy gasped in horror. “Hindi mo na dapat ginawa ‘yon, Daddy! You could have died!”
“I know.” Bahagyang ginulo ni Vicente ang buhok ng anak. “But those albums are our family’s treasures. Nasa mga litrato sa loob ng mga iyon ang mga importanteng pangyayari sa buhay ng pamilya natin. Para na rin silang mga diaries natin. Naroon ang kasal namin ng mama mo, ang paglabas n’yo sa mundo ng kakambal mo. Naroon din ang una n’yong pagngiti, pagtawa sa harap ng camera, ang una n’yong paghakbang at iba pa. The milestones in your life are all in those albums.”
Gulat na napatitig na lang si Maggy sa kanyang ama, hindi sigurado kung ano ang unang dapat sabihin. A part of her was moved by his words but a bigger part of her was still aghast. Kamuntik nang mamatay ang ama para lang doon.
“Kung hinayaan kong masunog na lang basta ang mga litrato, alaala na lang ang matitira sa atin, anak. And even memories fade. Besides, I want you and your sister to have them. I want you to remember our happy and solid moments together.” Magiliw na ngumiti sa kanya ang ama. “Kung sakali mang may mangyari, gusto kong balikan ninyo ni Yalena ang mga litrato natin para matandaan n’yo kung gaano natin kamahal ang isa’t isa.
“Your smile in every pictures, sweetheart, I don’t want you to lose that, all right?” Ikinulong ng ama niya sa malalaking palad nito ang kanyang mukha. “Live your live, that’s one of your mother’s wishes for you and Yalena. Maging matagumpay kayo. Be happy and stay as you are. Palagi n’yong tatandaan ang mga bilin namin ng Mommy n’yo. Hold onto God and keep your hope and faith intact. Kung sakaling nakaalis na kami bukas ng Mommy mo sa paggising ng kapatid mo, iparating mo na lang sa kanya ang mga sinabi ko.”
Umahon ang kaba sa puso ni Maggy. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga sinabi ng ama. “No, you go and tell that yourself to Yalena when you come back tomorrow, Daddy. Saka bakit ka ba ganyan magsalita?” Naalarma siya. Bumalik sa isip niya ang narinig sa mga magulang ilang oras na ang nakararaan. “Dahil ba ito kay Tito Benedict?”
Tito na ang nakaugalian nila nina Yalena at Clarice na itawag kay Benedict dahil business partner ito ng kanilang mga ama na minsan na ring naging malapit sa kani-kanilang pamilya.
“Sabihin n’yo naman sa akin ang totoo, Dad,” nakikiusap na sinabi ni Maggy nang matigilan ang ama. “There’s no sense denying it now. Narinig ko kayo ni Mommy sa garden kaninang nag-uusap bago tayo maghapunan. The truth, Daddy, you owe that to me and Yana.”
“May nakapagsabi sa amin na tauhan daw ni Benedict ang nagpasimula ng sunog. May kaalyado natin na siyang nakakita sa tauhan niya na umaaligid sa bahay kaninang bago nangyari ang sunog. Hindi rin ako makapaniwala noong una na aabot sa ganito ang lahat.” Napailing si Vicente. “Benedict seemed to be fighting so hard for something that I couldn’t understand. Nakikita kong wala talaga sa puso niya ang politika pero pinasok niya pa rin iyon. And honestly, I never thought he would go this far. I’ve considered him as my friend.” Lumarawan ang matinding panghihinayang sa mukha ng ama. “Pinipilit ko siyang unawain pero sobra na ang madamay pa kayo ng Mommy mo. Kaya bukas, kasama ng Mommy mo at ng Tito Roman mo ay pupunta kami sa presinto at magsasampa ng kaso laban sa kanya.”
Hindi kaagad nakapagsalita si Maggy. Ilang beses niya nang nakita si Benedict. Wala sa anyo nito na makagagawa ng ganoon karahas na bagay. The old man had the kindest blue eyes that she had ever seen. Halo-halo ang mga nararamdaman niya. Isa na roon ang matinding pagkadismaya. Naalala niya ang sinabi ni Benedict noong nakaraang taon nang pumunta ito sa twelfth birthday nila ng kakambal.
“You and your twin sister look gorgeous today, Maggy. Hindi na mahirap hulaang isang araw ay marami kayong paiiyaking lalaki.” Ngumiti si Benedict at iniabot sa kanya ang hawak nitong regalo. “Under normal circumstances, I would have paired you both with my sons.” Suddenly, Benedict’s eyes were filled with emotions Maggy couldn’t quite comprehend. “Mabubuting bata rin ang mga iyon palibhasa ay napalaki nang maayos ni Alexandra. Their names started with A, sa kagustuhan na rin ni Alexandra.” Bahagyang natawa ito. “They are Ansel, Alano, and my youngest, Austin.”
Nasorpresa si Maggy. Ayon sa kanyang ama ay bihira magkuwento si Benedict ng kahit na ano tungkol sa pamilya nito. Hindi na nagawa pang magkomento ni Maggy dahil naagaw na ang kanyang atensiyon ng mga bagong dating na kaklase nila ni Yalena na inimbitahan nila sa kanilang party at mga kumakaway na sa kanya nang mga sandaling iyon.
Nang araw na iyon ay natatandaan ni Maggy na binigyan siya ni Benedict ng manika. Morena rin iyon at alon-alon ang buhok tulad niya habang mestisahin at tuwid na tuwid naman ang buhok ng manikang ibinigay nito kay Yalena. Pero pareho rin nilang sinunog ang mga manikang iyon nang namatay ang kanilang mga magulang…
“I REPEAT. Do you, Maggy de Lara, take Austin McClennan as your lawful husband, to have and to hold, from this day forward, for better or for worse, for richer or for poorer, in sickness and in health until death do you part?”
Parang biglang nagising mula sa isang mahabang panaginip si Maggy nang marinig ang boses na iyon ng pari. Disoriented na iginala niya ang tingin sa kinaroroonan.
“Maggy?” bakas ang pag-aalalang sinabi ng katabing si Austin. Nilingon niya ito. Ngayon na siya nakasisiguro na kilala niya nga ang binata. Pero paano?
Tuksong bumalik sa alaala ni Maggy ang bigla na lang lumitaw na eksena sa kanyang isip kani-kanina lang. Bakit pakiramdam niya ay noon niya pa kilala ang binata kabaliktaran sa sinabi nito sa kanya na noong taon lang na iyon sila nagkakilala? Nakaramdam siya ng matinding pananakit ng ulo na naranasan niya lang mula nang makita at makilala ang mga magulang ni Austin bago sinimulan ang kanilang kasal.
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang maging sila ni Austin ay sa mismong araw pa ng kasal niya lang nakita ang mga magulang nito na ang buong akala niya pa ay hindi makakapunta dahil ayon kay Austin ay may emergency na kinailangang asikasuhin ang dalawa sa Boston. Kaya hindi maikakaila ang pagkabigla na gumuhit sa mukha ng binata nang makita nito ang mga magulang na sumalubong sa kanila nang pababa sila sa hagdan ng mansiyon ng mga McClennan. Sa malawak na hardin niyon idinaos ang kanilang kasal.
“Austin, hindi mo man lang ba kami ipakikilala ng Papa mo sa babaeng pakakasalan mo?” anang ginang.
Para bang natetensiyon na humapit ang isang braso ni Austin sa kanyang baywang. “I… I never thought that you’d both be here.”
“This is your wedding, why wouldn’t we?” balik-tanong ng ginang na para bang puno ng hinanakit na nakatitig sa anak nito.
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 2: Austin McClennan