"NAKITA KO NA ang designs. Pambuong entourage pala ang ginawa mo. They're beautiful, Cassandra."
Pinilit ni Cassandra na ngumiti pagkatapos ay naupo na uli sa tapat ni Dana. Buong panghihinayang na napatitig siya sa folder na nasa mesa. Hanggang maaari ay ayaw sana niyang ipakita iyon sa iba. Paputol-putol na tinapos niya ang mga designs na naroon habang nagtatrabaho siya sa ibang bansa. Sa pagbabalik niya ay isa sana iyon sa gusto niyang ipakita kay Jethro. Gusto niyang matawa sa naisip.
Buong gabing pinilit ni Cassandra na magdisenyo ng iba pero hindi siya makapag-isip ng maayos. Sa buhol-buhol na takbo ng kanyang isip ay wala siyang natatapos gawin. Dahil kalimutan man niya ay paulit-ulit na bumabalik sa kanyang isip ang mga salitang binitiwan ni Jethro sa opisina nito. Gusto man niyang bigyan ang sarili ng ilang araw pa para makapagdisenyo ay gahol na siya sa oras. Dahil nag-aalala siyang magbago pa ang isip ni Dana.
"Masaya akong nagustuhan mo," sinabi niya makalipas ang mahabang sandali.
Nagkibit-balikat si Dana. "Gusto ko sanang gamitin ang buong designs mo para sa kasal. Pero nag-aalala ako. Ilang buwan na lang ang natitira. Tatahiin pa ang lahat ng iyon. Aabot kaya?"
Tumango si Cassandra. Napag-isipan niya na ang bagay na iyon. "Gagamitin ko ang staff ko sa boutique sa France. I'll send them the design. At kung sakaling magkulang pa rin sa manpower, manghihiram ako sa staff ni Gertrude. She's a dear friend and a fashion designer as well."
Muling ngumiti si Dana pagkatapos ay nakipagkamay sa kanya. "It's a deal then." Tumango na lang si Cassandra. Inayos niya na ang mga gamit at mayamaya ay tumayo at naghanda na sa pag-alis.
"Hindi ka ba kakain na muna?"
"No. Busog pa ako," maagap na sagot niya sa takot na ibuko pa siya ng boses at emosyon kapag nanatili pa siya roon. "I'll go ahead, Dana. Tatawagan na lang kita kung sakaling magkaaberya," aniya at tumalikod na.
"Tumawag nga pala si Throne sa phone mo kanina." Natigilan si Cassandra. "Akala ko, emergency kaya sinagot ko na muna pero hindi pala. Nangungumusta lang siya." Mayamaya ay narinig niya ang pagtikhim ni Dana. "Nice wallpaper you have in there, Cassandra."
Sa ikalawang pagkakataon ay nanlambot uli ang mga tuhod ni Cassandra, dahilan para bumalik siya sa mesa at muling naupo. Nang humarap siya kay Dana ay pormal na ang anyo nito. "Do you think I'm enjoying this, Dana?" She smiled bitterly. "Hiyang-hiya na rin ako sa sarili ko. Ayoko rin namang manira ng relasyon, alam ko namang bawal na 'yong ginagawa ko. Pero mahal ko siya... sobra."
Inabot niya at hinawakan ang mga kamay ni Dana na nakapatong sa mesa. "Hayaan mo na muna ako, please. Kahit ilang araw lang na matanggap sa sarili kong wala na talaga. Kasi, sa ngayon, kung sasabihin mong lubayan ko na siya, hindi ko pa talaga kaya." Pumiyok na ang boses niya. "You can hate me and its fine to me because right now, I'm starting to hate myself, too."
Sinubukan ni Cassandra na ilibot ang mga mata sa kabuuan ng restaurant para pigilan ang pamamasa ng kanyang mga mata. Pero wala ring saysay. Bigong napayuko na lang siya. "Apat na taon, Dana. Apat na taon ko siyang na-miss. Give me at least a moment with him before I go missing him for the rest of my life."
"Is thirty days... enough?" halos pabulong na tanong ni Dana.
Napuno ng pag-asang muling nag-angat ng tingin si Cassandra. "Dana?"
Sa pagkakataong iyon ay si Dana naman ang humawak sa kanyang mga kamay, mas mahigpit. "I've loved Jethro all my life, Cassandra. Bata pa lang kami ay itinuring ko nang Prince Charming ang kinakapatid kong 'yon. So when you came along one day, I was hurt. And when you left, I was crushed because I saw him break for the first time." humugot ng malalim na hininga si Dana. "Apat na taon ko siyang nakasama. Halos dalawang taon naman ang meron kayo. And seriously, I don't know why you left. All I know is Jet's side of the story."
Umiling ang babae. "That's why all these years, I hated you. Pero hindi na kita bibigyan ng chance na magpaliwanag ngayon. Dahil nakikita ko namang mahal mo pa rin talaga siya. Right now, all I want to give you is some fair battle before he and I get married. This time around, let's play it... fair."
Mayamaya ay para bang pilit na ngumiti si Dana. "After all, what's thirty days compared to the years I've had with him? Pagkatapos niyon, ikakasal naman na kami... hopefully."
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang bumalik si Cassandra sa bansa ay lumitaw ang totoong ngiti sa kanyang mga labi. "Maraming salamat."
"I'LL BE GONE for a couple of weeks, Jet. Gusto ko sanang makasama na muna ang parents ko sa Cebu bago man lang tayo ikasal."
Napahinto si Jethro sa tangkang pagbubukas ng pinto ng kanyang kotse nang marinig ang sinabi ni Dana. Wala sanang problema sa kanya ang gustong gawin ng fiancée kahit pa sabihing biglaan nitong ipinaalam sa kanya ang bagay na iyon. May wedding planner naman silang kinuha para mag-asikaso sa kasal.
Sa kabila ng tambak na mga trabaho ni Jethro sa opisina ay ihahatid niya pa si Dana kung gusto nito. Tutal naman ay matagal-tagal na rin mula nang huli niyang makita ang mga magulang nito na pinili nang manirahan sa Cebu matapos mag-retire sa pagtatrabaho bilang mga arkitekto sa Manila.
Pero sa pagharap ni Jethro kay Dana ay bigla itong nag-iba ng tingin. Kumunot ang noo niya. They were friends before they took a risk on each other and jumped into the next level. Sa tagal niya na itong kilala ay alam na niya kung kailan ito nagsisinungaling o hindi. Hinawakan niya si Dana sa baba at malambing na iniharap sa kanya ang mukha nito. "What's wrong, babe?"
Hinawakan ni Dana ang kamay ni Jethro. "Wala naman. Gusto ko lang talagang magbakasyon na muna. Tutal ay wala naman na akong poproblemahin sa kasal dahil nakahanap na ako ng designer." Ngumiti ang dalaga. "She's skilled, babe. I instantly fell in love with her sketches. Kahit sikat siya ay binigyan niya ng priority ang kasal natin."
"Talaga?" Nagsalubong ang mga kilay ni Jethro. "Kailan ko ba siya makikilala para masukatan niya na rin ako?"
Comments
The readers' comments on the novel: Thirty Last Days