COULD this be the greatest love of all? I wanna know that you will catch me when I fall. So let me tell you this, some people wait a lifetime for a moment like this...
Namasa ang mga mata ni Chryzelle nang mula sa kulumpon ng mga tao sa bahagi ng altar sa kinaroroonang simbahan ay lumabas ang kanyang boyfriend na si Calix habang patuloy pa rin na pumapailanlang sa ere ang awiting naging paborito niya na mula nang maging sila kulang dalawang taon na ang nakararaan.
Hindi lubos-akalain ni Chryzelle na makikita roon si Calix samantalang tambak ang mga rason na ibinigay nito sa kanya nang mag-usap sila kanina. Meron pa raw itong meeting na pupuntahan kaya hindi nila magkasamang maise-celebrate ang Valentine's Day.
Napatitig si Chryzelle sa kabuuan ng simbahan. Naroroon ang mga malalapit nilang kaibigan ni Calix, ang pamilya niya, pati na ang nakatatanda at nag-iisang kapatid nito na si Clarence. Pare-parehong may ngiting nakapaskil sa mga labi ng mga ito.
Nang sa wakas ay magtagpo sila ni Calix sa gitna ng simbahan ay mabilis na iniabot nito sa kanya ang dalang bouquet ng pulang mga rosas.
"Thank you," nahihiyang wika ni Chryzelle. "But what is this... all about?"
"Wala ka bang naaalala?" ganting-tanong ni Calix. Naging mapanukso ang ngiti nito kasabay ng paglahad nito ng mga kamay sa ere. "The setting, the people, the music, the entire plan... don't you find them familiar?"
Mariing kinagat ni Chryzelle ang ibabang labi para pigilan ang pagtakas ng kanyang hikbi. Sa totoo lang ay kanina pa pumasok sa isip niya ang mga sinabi ni Calix. Sadyang ayaw niya lang na masyadong umasa sa takot na mabigo.
Nang marinig pa lang ni Chryzelle ang paboritong awitin sa pagpasok niya sa simbahan ay nag-iba na ang kutob niya, pati na nang makita na tanging malalapit na mga tao lang sa kanya ang mga naroroon. Nagpunta siya sa simbahang iyon kasama si Grace, ang empleyado ng pag-aari niyang bakeshop.
Biyernes nang araw na iyon at pasado alas-syete na ng gabi, pero nananatiling bukas pa rin ang simbahan para sa mga taong gustong manalangin. At dahil parehong walang date sina Chryzelle at Grace sa espesyal na araw na iyon ay nagkayayaan silang doon na lang magpunta pagkatapos nilang magsara ng shop.
At ang kasalukuyang mga nakikita at naririnig ni Chryzelle ay ang siyang kabuuan ng dream wedding proposal niya na siyang isinulat niya pa noong nakaraang taon pagkatapos masaksihan kung paano nag-propose sa ate Celeste niya ang boyfriend nito. Doon siya nagsimulang mangarap rin ng kasal para sa kanila ng boyfriend.
Napasinghap si Chryzelle nang bigla ay lumuhod sa harap niya si Calix.
She took a deep breath. Every single thing in her dream was happening right before her very eyes.
"Almost two years ago, we met each other here and I did something really, really beautiful; something that I know I will always be proud of-I fell in love with you. We had our moments, Elle. Nag-away tayo at nagkatampuhan, but even those were amazing." Magiliw na ngumiti si Calix. "Dito mo ako sinagot. Dito tayo nagkasundo. We built our dreams and prayed together in this very church."
Napasigok si Chryzelle. "Calix..."
"It's a wonder how this church seems to witness a lot of events in our lives, Elle. At gusto ko sanang madagdagan pa ang mga nasaksihan ng simbahang ito... kung hahayaan mo ako." Mula sa bulsa ng coat ay inilabas ni Calix ang isang kahita.
Kumabog ang dibdib ni Chryzelle sa antisipasyon.
Parang kinakabahan namang tinanggap ni Calix ang inaalok na panyo ng natatawang kapatid nito. Maagap nitong pinunasan ang namuong butil-butil na pawis sa noo. Kahit pa naluluha ay natawa si Chryzelle.
"Will you marry me, Elle?" Kasabay ng linyang iyon ay ang paglitaw ng pinakamagandang singsing na nakita ni Chryzelle sa tanang buhay niya.
I can't believe it's happening to me. Some people wait a lifetime for a moment like this...
The lyrics of the song filled her heart. God... she had been waiting for that special moment. Lumuhod siya para magpantay ang mga mukha nila ni Calix. Nangingiting hinaplos niya ang mga pisngi nito. "Y-yes." Her voice broke. "I will marry you."
"Thank you." Mabilis siyang dinampian ni Calix ng halik sa mga labi. "Happy, happy Valentine's Day, love."
NAHINTO sa pagbabalik-tanaw si Chryzelle nang makarinig ng sunod-sunod na pagkatok mula sa labas ng master's bedroom. Mabilis na pinahid niya ang mga luha at inayos ang sarili. "Come in."
Ilang sandali pa ay pumasok si Matilde, isa sa mga kasambahay sa mansyon. "Ma'am, tumawag po si sir Calix. Hindi na raw po niya kayo masusundo. Sa restaurant na lang daw po kayo magkita."
Hindi na ikinagulat pa ni Chryzelle ang narinig. Sa dami ng mga gawain ni Calix, madalas ay natutukso na siyang magpa-set ng appointment sa secretary nito para makausap lang ang asawa.
"All right." Pilit siyang ngumiti. "Thanks, you can go now."
Nang makaalis na ang kasambahay ay tumayo na rin si Chryzelle at hinila ang kanyang mga maleta. Sa huling pagkakataon ay tinitigan niya ang kanyang wedding ring bago niya tuluyang hinubad iyon mula sa kanyang daliri. Nagsisikip ang dibdib na inilapag niya iyon sa bedside table.
Paalis na sana si Chryzelle ng kwarto nang hindi sinasadyang napasulyap siya sa malaking wedding portrait nilang mag-asawa na nakasabit sa dingding malapit sa pinto. Mapait siyang napangiti nang makita ang kanyang buhay na buhay na anyo roon.
It was amazing how happy she was five years ago and how miserable she had become five years after.
Chapter One
"THE NUMBER you have dialed is either unattended or out of coverage area. Please try again later."
Napakagat-labi si Chryzelle nang imbes na ang boses ni Calix ay ang operator ang narinig niya sa kabilang linya. Dapat ay sanay na siya, pero hindi niya pa rin maiwasang masaktan. Palagi na lang ganoon ang nangyayari tuwing may espesyal na okasyon sa pagitan nila ni Calix. Sandali siyang napayuko. Dumiin ang pagkapit niya sa pulang tela na sapin ng mesa. Halos isang oras nang late sa usapan nila ang kanyang asawa.
Sa huling araw na pinagbigyan niya ang sarili na makasama si Calix ay hindi niya akalain na doon pa siya makadarama ng matinding kabiguan.
Just a few more minutes, Elle, pagpapaalala ni Chryzelle sa sarili. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at pilit na nagbilang sa isip. Pero pagkaraan ng ilang sandaling paghihintay ay wala pa rin ni anino ng taong inaasahan niya. Malungkot siyang napangiti. Until that very day, Calix was cruel.
Kinuha na ni Chryzelle ang shoulder bag, pati na ang isang folder pagkatapos na mag-iwan ng pera sa mesa para sa tatlong refill ng red wine na naubos niya sa paghihintay. Ilang malalalim na paghinga ang pinakawalan niya bago mabibigat ang mga paang lumabas na ng restaurant.
Nakalabas na siya nang makita ang nagmamadaling si Calix. Mabilis na hinalikan siya nito sa mga labi.
"I'm so sorry, baby. May biglaan kasing meeting sa office kaya hindi na ako nakarating kaagad. Tara, pumasok na tayo sa loob. Let's have dinner. I'm really hungry." Inalalayan na siya ni Calix papasok sa loob, pero bumitaw siya rito. "What's wrong? Ayaw mo na bang kumain? I'm really, really sorry, baby."
Pinakatitigan ni Chryzelle ang gwapong mukha ng asawa. It was still the same man she had fallen deeply in love with seven years ago. Alon-alon pa rin ang bagsak at kasindilim ng gabing buhok ni Calix. Mapupungay ang kulay-tsokolateng mga mata na pinarisan ng makakapal na kilay. Matangos ang ilong nito na nakasanayan niyang pisilin noong boyfriend niya pa lang. At parang babaeng natural na mapula ang manipis na mga labi nito na noon ay palaging nakangiti.
"Ate..." Pinilit ni Chryzelle na bumangon sa kabila ng panghihina. "It's all right. Please don't tell Rowena anything anymore. I'm begging you."
Ilang sandaling natigilan si Celeste bago para bang napipilitang nagpaalam na sa kausap. Pagkatapos ay hinarap siya nito. "Bakit?"
Chryzelle tried to smile with all the pain in her heart. Para bang napakaraming gustong itanong ng kapatid na idinaan na lang nito sa simpleng tanong na: "Bakit?"
Isinandal niya ang katawan sa headboard, pagkatapos ay ipinikit ang mga mata. Sawa na siyang makita ang awa sa mga mata ng kapatid. "Hindi niya naman alam ang tungkol sa baby. Masyado siyang maraming inaasikaso para pagkaabalahan pa ang mga nangyayari sa akin." Her throat clenched as she fought back the tears. Pagod na pagod na siyang lumuha. Quota na siya sa araw na iyon.
"Pagkatapos na may mangyari sa amin, nagpaalam na siya na mawawala nang ilang buwan para ayusin ang problema sa ipinatatayong branch nila sa Taiwan. He just needed me that night. Pagkaalis niya, saka ko nalaman ang tungkol sa baby. Kaya okay na 'yon." Napahinga si Chryzelle nang malalim. "Umalis siya na hindi alam ang tungkol sa baby. Bumalik siyang wala ring alam tungkol doon. It was the only way I can save my pride. Kasi, Ate, 'yon na lang ang natitira sa akin."
MABILIS na nagmulat ng mga mata si Chryzelle. Hinahabol ang hiningang napabangon siya. Ilang sandali pa siyang nasilaw sa liwanag mula sa fluorescent na nakatulugan niyang bukas. Ilang beses niyang kinalma ang puso bago tuluyang bumangon mula sa kama. Pinaibabawan niya ng bathrobe ang suot na pantulog, pagkatapos ay lumabas ng tinutuluyang kwarto at nagpunta sa veranda para magpahangin.
Sumandal si Chryzelle sa barandilya, pagkatapos ay wala sa loob na napahaplos sa kanyang tiyan. Isang buwan pa lang mula nang makunan siya. Tatlong buwan ang nasa sinapupunan niya nang magkabisala ang kanyang mga paa sa pagbaba mula sa hagdan. Noong panahong iyon ay kababalik lang ni Calix mula sa Taiwan. Pero kaagad din itong nagpunta sa opisina para mag-report roon kaya hindi na nito nalaman ang nangyari sa kanya.
Pagkatapos ibigay ni Calix sa kanya noon ang mga pasalubong, pati na ang panibagong alahas, nawala na ito sa kanyang paningin. Sinubukan niyang habulin ang asawa para kausapin tungkol sa kanyang dinadala pero naaksidente siya sa pagbaba ng hagdan.
Mabuti na lang at nang araw na iyon ay nagkataong binisita siya ni Celeste. Kasama nito ang kanilang mayordoma sa pagdala kay Chryzelle sa ospital.
It was devastating enough that she lost her baby. But what devastated her more was the fact that Calix was just in Manila when it happened, but he wasn't able to attend to her when she needed him most. Ang pangyayaring iyon ang tuluyang nag-alis sa natitira niyang pag-asa na magiging maayos pa ang relasyon nila.
Calix had always been busy since his brother's death. Nangyari iyon ilang araw matapos ang kanilang kasal. Ang asawa niya ang umako sa posisyong binakante ni Clarence sa kompanya ng mga ito. Kaya bawat taon ay pababa nang pababa ang halaga niya sa buhay nito sa dami ng mga gawain na biglang nakasalalay sa mga balikat nito at sa mga dapat na patunayan sa board members, higit lalo sa ama nito na kapos ang paniniwala kay Calix.
Pero hindi sapat ang mga dahilan na iyon para kalimutan na ni Calix na asawa siya nito at kailangan niya rin ito. Kahit gaano pala nagmamahal ang isang tao, na-realize ni Chryzelle na darating pa rin ang panahon na mauubos at mauubos rin ang kakayahan nitong umunawa, na mapipigtal rin ang pisi nito at mapapagod.
Sinikap ni Chryzelle na makabalik at makauwi rin nang gabing iyon mula sa ospital. Sa bahay na niya gustong magpahinga at magpagaling dahil hindi niya na makayanan sa ospital. Hatinggabi na nang makauwi siya. Ilang minuto pagkarating niya ay dumating din si Calix. Hinalikan siya ng asawa sa mga labi tulad ng nakasanayan at tinanong kung nakakain na siya. Pagkatapos niyang tumango ay ngumiti na si Calix at nagpaalam na magpapahinga na sa kanilang kwarto dahil pagod raw ito.
Ilang beses na pinag-isipan ni Chryzelle ang tungkol sa annulment habang gabi-gabi niyang pinagmamasdan ang tulog na anyo ni Calix sa kanyang tabi. Hindi niya na naaabutan ang pagdating nito. Madalas ay maaalimpungatan na lang siya na nasa tabi niya na ang asawa. Hanggang sa wakas, ilang araw bago ang fifth anniversary ng kanilang kasal ay nakapagdesisyon na siya. Kumonsulta siya sa abogado at ipinaayos ang annulment papers nila.
Kailangan na ni Chryzelle na tumakas palayo sa relasyon nila ni Calix bago pa siya tuluyang takasan ng katinuan. Pero bago iyon ay mahigpit na binilinan niya ang mga kasambahay na walang magsasalita tungkol sa pagkalaglag ng sanggol sa kanyang sinapupunan.
"Galing rito si Calix. Kaso mahimbing ang tulog mo kanina kaya pinauwi ko na siya."
Hindi lumingon si Chryzelle kahit pa narinig ang boses ng kapatid. Hindi niya na namalayan ang pagdating nito sa dami ng mga bagay na gumugulo sa kanyang isip.
"He said he was sorry. And he was asking for a chance to make everything right."
"I've given him three hundred and sixty five chances every year," halos pabulong na lang na sagot ni Chryzelle habang nananatiling nakatanaw sa mga bituin sa kalangitan. "But he wasted them all. Sa kabibigay ko ng chance sa kanya, wala nang natira sa akin."
Comments
The readers' comments on the novel: Wish List Number Ten: Love Me Again