Login via

In A Town We Both Call Home novel Chapter 1

“MOMMY, what are we doing here?”

Pinigil ni Lea ang mapahikbi nang marinig ang napakainosenteng tanong na iyon ng kanyang sampung taong gulang na anak. Mula sa manibela ay dahan-dahan niyang nilingon si Janna. Ilang sandali siyang hindi nakapagsalita nang humarap sa anak at muling napagmasdan ang mukha nito dahil pakiramdam niya ay ang sariling ama mismo nito ang kaharap niya. Magkamukhang-magkamukha ang dalawa.

Nagsimulang mamasa ang kanyang mga mata. Seeing her daughter always give her that bittersweet feeling. Masaya si Lea na kasama ang kanyang munting prinsesa. At kahit na kailan ay hindi niya pagsisisihan ang pagiging isang ina kahit na napakalaki ng naging kapalit niyon para sa kanya. Nawala sa kanya ang ilang mahahalagang tao sa buhay niya dahil doon kaya si Janna na lang ang meron sa kanya ngayon.

At hangga’t maari ay ayaw niyang magsinungaling pa rito. Iyon ang dahilan kaya sila nasa tapat ng simbahan ngayon.

Pero nang makarating roon, saka naman naduwag si Lea na ipaalam na sa anak ang lahat. May bahagi sa kanya ang gustong tumakas palayo roon pero mas malaki rin ang bahagi sa kanya na nagdidiktang pigilan ang mga nakatakdang mangyari. Pero hindi niya alam kung saan siya huhugot ng lakas para gawin iyon.

“Mommy?”

“I promise you that after this, we will go and watch a movie, sweetheart.” Naibulong na lang ni Lea habang sa likod ng isip ay humihiling ng milagro, humihiling na sana sa pagkakataong iyon ay maawa naman ang langit at mapakinggan naman siya. Kahit ngayon lang. Para sa anak. Para sa kanya… Para sa mga umaasang puso nila.

“May pinagawa ‘yong teacher ko sa amin a few days ago, Mommy. It was an essay about how well we know our mothers.” Mayamaya ay malambing na sinabi ni Janna. “Ipinabasa sa amin sa klase ni teacher isa-isa ang essays. Ang sabi ng ilang classmates ko, ang Mommy daw nila kapag umiiyak, nagsa-shower o kaya nagsu-swimming para hindi obvious. Pero siyempre, nahahalata daw nila. They said they have a super skill that’s why they can notice those things.

“Iyong iba naman, malalaman daw nilang masaya ang Mommy nila kapag nagluluto. It depends upon the taste daw, Mommy. When their mothers are happy, the meal would taste delicious.” Ngumiti si Janna, lumitaw ang dimples nito sa magkabilang pisngi. Iyon lang ang namana nito mula sa kanya, ang ngiti nitong iyon, ang mga dimples nito.

God… ilang taon na nga ba simula nang ngumiti siya na katulad ng ngiti ng anak? Sa sobrang tagal na ay hindi niya na maalala.

“How about you, sweetheart? What did you say about me?” Mayamaya ay namamaos na tanong ni Lea. Nagsimulang manakit ang kanyang lalamunan sa kapipigil na huwag mapaiyak.

Pinagmasdan siya ni Janna. Sampung taon pa lang ay makikita nang napakatalinong bata ng kanyang munting prinsesa. Bukod pa roon ay napakabait rin nito. Kahit kailan ay hindi nito pinasama ang kanyang loob, isang bagay na para bang naging hobby na ng ama nito.

“Ang sabi ko sa kanila, wala akong super powers or super skills. But I can proudly say that I know you so well, Mommy. When you’re hurt and you don’t want me to see that, you would ask me to go and watch a movie with you. At do’n ka iiyak. Kahit walang nakakaiyak. Ilang beses kang nagyayaya ng movie. Ibig ba sabihin niyon Mommy ay ilang beses ka ring nahi-hurt? But who is hurting you, Mommy?” Namula ang ilong ni Janna na nangyayari lang sa tuwing papaiyak na ito. “Is it me?”

“No, sweetheart. No, it isn’t you.” Garalgal ang boses na sagot ni Lea. Inabot niya ang anak at mabilis na niyakap. “You are such an adorable kid. Kahit kailan ay hindi mo pinahirapan si Mommy. And I will be forever thankful for that.”

“If it’s not me, then is it… Daddy?”

Humigpit ang pagkakayakap ni Lea kay Janna. Hindi niya na alam kung ano ang isasagot. Nauubusan na siya ng ikakatwiran. Sa ibang pagkakataon ay ie-encourage niya ang pagiging palatanong ng anak. Dahil parating sign iyon ng katalinuhan, ng kagustuhang maraming malaman. Pero hindi sa pagkakataong iyon. Hindi niya gustong sumagot. Hindi niya gustong may malaman ang anak at masaktan ito. Ganoon pa man ay tama ito. Kilalang-kilala na siya nito. Tuluyan nang pumatak ang kanyang mga luha sa naisip.

“Daddy doesn’t love us, right, Mommy?” Mahinang tanong ng anak mayamaya. Hindi maikakaila ang matinding lungkot sa boses nito. “I feel it. Always.”

Napailing si Lea. Agad na bumitaw siya sa anak. Ikinulong niya ang maliit na mukha nito sa kanyang mga palad. “Janna, hindi totoo ‘yan. Daddy loves you.” Iyon lang ang nag-iisang bagay na sigurado siya. Na kahit paano ay may pagmamahal si Jake para sa kanilang anak.

Comments

The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home