Login via

In A Town We Both Call Home novel Chapter 2

“HOW do you do that?” Halos pabulong na tanong ni Lea sa kapapasok lang sa hospital room na si Jake. Humila ito ng stool at naupo hindi kalayuan sa kanya. Inabot nito ang kamay ng kanilang anak na ilang araw nang hindi pa rin nagkakamalay.

Ayon sa mga doktor na sumuri kay Janna ay hindi pa raw agad na malalaman kung gaano kalaki ang natamong pinsala sa ulo ng kanilang anak hangga’t hindi pa ito nagigising. At araw-araw simula nang dalhin niya ang bata sa ospital ay para siyang nasa loob ng isang bangungot. Hindi niya na alam kung anong gagawin. Ni hindi niya na alam kung ano ang iisipin.

May mga oras na sinisisi ni Lea nang husto ang sarili niya dahil pumunta pa silang mag-ina sa simbahan. Pero mas marami ang mga pagkakataong halos isumpa niya si Jake sa kanyang isipan. Kung sana ay ito ang unang gumawa ng hakbang, ang unang nagpaliwanag ng sitwasyon sa kanilang anak at hindi iniwan lahat sa kanya ang responsibilidad, sana ay hindi sila pare-parehong naiipit ngayon sa sitwasyong iyon.

Tulad ni Lea ay ilang araw na rin sa ospital si Jake pero dati-rati ay nasa corridor lang ang binata at naghihintay. Ngayon lang ito naglakas-loob na pumasok sa kwarto ni Janna. Mapakla siyang napangiti. Kay tagal niyang pinangarap ang ganoong tagpo, na magsasama-sama silang mag-anak sa iisang kwarto. Pero ni minsan ay hindi niya naisip na sa ganitong paraan iyon mangyayari.

Kailangan ba talagang meron na munang maaksidente bago nila maramdaman ng anak ang presensiya ni Jake sa buhay nila?

“How do I do what?” Mahina ring balik-tanong ng binata pagkaraan ng ilang sandali.

“How do you stop… caring? Sabihin mo naman sa akin kung paano mo nagagawa ‘yon. Ituro mo naman sa akin para pagkagising ni Janna ay ituturo ko din sa kanya. Para hindi na siya araw-araw na nasasaktan. Para hindi na ako araw-araw na nasasaktan.”

Hindi nakaligtas kay Lea ang naging marahas na paghinga ni Jake. Walang buhay na natawa siya kasabay ng pagtuon ng atensiyon sa napakainosenteng anyo ng kanyang anak. May bandage ito sa ulo dahil iyon ang napinsala sa nangyaring insidente. Menor-de-edad ang driver ng sasakyang nakabangga sa anak. Bukod sa over-speeding na ang sasakyan ay lasing pa ang driver niyon na napag-alaman nilang itinakas lang pala ang kotse ng ama. Nang mahagip niyon ang anak niya ay dere-deretso pa itong bumangga sa light pole.

Wala ring seat belt ang driver. Gaya ni Janna ay naospital rin iyon pero ilang minuto lang ang itinagal niyon sa ospital pagkatapos ay binawian na rin ng buhay. Nakipag-ugnayan na sa kanila ni Jake ang mga magulang ng driver. Pero wala na rin namang mangyayari dahil patay na ang akusado.

Si Jake naman ay hindi niya nakitang umalis ni minsan ng ospital. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginagampanan ng binata ang pagiging ama nito. Pero kailangan ba talagang humantong na muna sa ganoon bago nito gampanan iyon? Paano kung huli na? Nag-init ang mga mata ni Lea sa naisip.

“Mamamatay ako kapag nawala si Janna, Jake.” Pumiyok ang boses niya. “She’s all I have. You know that.”

Habang pinagmamasdan ang anak ay bumalik sa isip niya ang naging pag-uusap nila noong nakaraang mga araw.

“MOMMY, can you share with me again some things about Daddy? Nami-miss ko na kasi siya. Kailan ba siya uuwi? Did he call? Did he say he misses us, too?”

Napalunok si Lea. Napahinto siya mula sa pagsusuklay sa mahabang buhok ng anak nang marinig ang mga sinabi nito.

“Mommy?”

Nagtatakang humarap sa kanya si Janna. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay gumapang uli ang hapdi sa puso niya. Hangga’t maari ay ayaw niyang isipin ng anak na gaya niya ay hindi rin ito mahal ng ama nito.

Comments

The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home