NGUMITI si Lea. She should be on top of the world right now. Ang pangarap niya ay matutupad na. Mula’t sapul naman ay hindi ang tipo ni Jake ang tatakbo sa responsibilidad lalo na kapag may kinalaman sa ganoon kahalaga at kasensitibong bagay. Sa oras na umoo siya ay ikakasal na sila. Magkakaroon ng buong pamilya. Buo… pero masaya ba?
Napalunok si Lea sa naisip. Iniiwas niya ang mga mata sa para bang nang-aakit na kinang at ganda ng ginintuang singsing at sinalubong ang mga mata ng binata. Nagmamahal siya. Dapat ay oo na agad. Dapat ay samantalahin niya ang pagkakataong iyon. Hindi na rin mahalaga kung ginto o hindi ang singsing. Gaya ng mga magulang ay hindi niya kahit na kailan binibigyan ng napakalaking importansiya ang mga materyal na bagay.
Isang bagay lang ang magiging mahalaga para sa kanya. Ang rason sa likod ng singsing. “Why, Jake?”
“What do you mean why?” Nagsalubong ang mga kilay ng binata. “It’s the right thing to do.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Lea sa arm rest. Napakadali sanang umoo na lang kung ang nagtatanong sa ‘yo ay iyong mahal mo at minamahal ka rin. “Gusto mo ba akong pakasalan?”
Nagbaba ng mga mata si Jake. “We’re having a baby.” Mayamaya ay mahinang sagot nito.
Pinagmasdan ni Lea ang binata na gaya ng huli niyang nakita ay para bang bigong-bigo… parang namatayan. Parang nawalan ng pinakamahalagang bagay na pag-aari. Pinigilan niya ang pag-oo na gustong kumawala sa kanyang bibig. Nagmamahal lang siya. Pero hindi siya ganoon ka-selfish. Minsan lang siyang naging ganoon noong gabing may nangyari sa kanila. Dahil hindi niya na naisip ang pwedeng kahinatnan niyon. Pero malinaw na ang isip niya ngayon.
Hindi niya itatali sa kanya ang isang taong ni hindi magawang salubungin ang mga mata niya, ang isang taong nasasaktan at nagkakaganoon nang dahil sa kanya. Parehong napakalaki ng mga ipinagbago nila dahil sa naging sitwasyon niya. At ayaw ni Lea na patuloy na lumaki pa ang mga pagbabagong iyon. Ayaw niyang ipilit kay Jake ang isang bagay na hindi taos sa puso nito nang dahil lang sa kagustuhang isalba siya… gaya nang ginawa niya rito noong pumayag siyang maging si Leandra para rito, para isalba ito. Ayaw niyang maiwala rin nito ang sarili nito dahil roon.
She had already lost her best friend. Hindi niya alam kung magagawa pa nilang maibalik ang dating samahan nila. Pero isa ang sigurado. She didn’t want to lose the man that she knew, the man that Jake was, the man that she loved.
“Lea?”
Hindi nakaligtas sa kanya ang kaba, tensiyon at pag-aalinlangan sa boses ni Jake. “No, Jake.” Halos pabulong na sagot niya mayamaya. “I won’t marry you.”
Napaawang ang bibig ni Jake sa pagkabigla. Hindi na kataka-taka iyon. Iyon ang unang pagkakataon nitong nag-propose. At sa isang babae pang siguradong hindi inasahan nito. At dahil roon ay nasisiguro niyang pareho nang tatatak sa mga isip nila ang sandaling iyon. Si Lea sa pagtanggi niya at si Jake dahil nakaranas ito ng pagtanggi, isang bagay na hindi pa nito nararanasan. Dumulas sa kamay nito ang ring box. Nahulog iyon sa sahig.
Si Lea na ang mismong dumampot ng kahon. Bahagyang nanginig ang kanyang mga kamay nang mapagmasdan ang ganda ng singsing. Isinara niya ang kahon at nagmamadaling inilagay iyon sa kamay ng binata.
“Bukod sa pagbibigay sa akin ng singsing, kaya mo ba akong tingnan sa bawat umaga at gabi ng buhay mo? Kaya mo bang sabihing mahal mo ako? Kaya mo ba akong tawagin sa pangalan ko? Kaya mo ba akong tingnan na parang mahal mo ako sa harap ng magiging anak mo? Kaya mo bang itali ang sarili mo sa akin sa matagal na panahon nang walang ibang babae? Because I will never tolerate you having someone else once you’re married to me, Jake. Hindi ko kaya. O mas tama yatang itanong ay kung kaya mo bang magpanggap sa harap ng magiging anak natin?”
Minsan pa ay hindi nakasagot ang binata. Nagsisikip ang dibdib na napailing si Lea. “You can’t, right? Paano kapag kasal na tayo ay saka ka nakahanap ng taong mamahalin? Kaya tama na. It was a nice try. But a marriage is a sacred thing, Jake. Hindi ko gugustuhing makita tayo ng magiging anak natin na ganito kamiserable. Ayokong dumating pa sa puntong sisisihin niya ang sarili niya dahil dito.”
Comments
The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home