DUMIIN ang pagkakahawak ni Ansel sa manibela matapos niyang maigarahe ang kanyang kotse at sa wakas ay matanaw si Yalena. Nakatayo ito malapit sa guardhouse pero nang makita ang kanyang kotse ay dahan-dahan itong naglakad palapit sa kanyang sasakyan. Nahigit niya ang hininga. Halos mabaliw na siya sa nakalipas na mga araw. Ni hindi siya mapakali. Ang buong akala niya ay hindi na magpapakita pa sa kanya ang dalaga.
Sumama pa ang loob niya nang mapag-alamang parehong nakauwi na sina Maggy at Clarice kina Austin at Alano noong nakaraang araw habang siya ay patuloy na naghihintay. Walong araw na ang lumipas simula nang walang kaabog-abog na naglaho ang kanyang dragon. Beinte-kuwatro na ng Disyembre nang araw na iyon. Tuwing Noche Buena at Pasko, kadalasan ay nagpupunta silang magkakapatid sa Olongapo para ipagdiwang iyon kasama ng mga magulang. Pero hindi niya magawang umalis. Dahil may hinihintay siya. Kaya laking tuwa niya nang tumawag si Yalena nang umagang iyon at nagyayang magkita sila sa sementeryong iyon. Wala nang tanong-tanong. Umoo siya kaagad.
Nang sa wakas ay tumawag na si Yalena, pakiramdam ni Ansel ay kaya niyang pumunta sa kung saan mang gustuhin ng dalaga para lang makita ito. Dahil hindi tinted ang salamin ng kanyang kotse ay malinaw nilang nakikita ng dalaga ang isa’t isa. Nag-init ang mga mata niya nang makita ang matamis na pagngiti nito. Yalena was glowing. She wasn’t wearing dark clothes anymore. Ang buong akala niya ay mahilig lang talaga ito sa mga ganoong kulay. Kaya ikinasorpresa niya nang makitang nakasuot ito ng peach na bestida na hanggang mga tuhod ang haba.
Inilahad ni Yalena ang palad nito. Nagmamadaling bumaba si Ansel ng kanyang kotse at tinakbo ang kinaroroonan ng dalaga. Agad na ipinaloob niya ito sa kanyang mga bisig. Naipikit niya ang kanyang mga mata nang maramdaman ang pagganti nito ng yakap.
“I’m so sorry, Ansel. Alam kong nag-alala ka. Kinailangan ko lang na—”
“Sssh. Wala ka nang ibang kailangang sabihin pa. I’ve learned the hard way. From now on, I won’t force you to open up to me anymore. I promise I’ll be more understanding,” agad na sinabi ni Ansel. “I’m sorry kung na-pressure ka sa mga ipinagtapat ko noon. Hindi na mauulit. Right now, I’m just so glad that you finally showed up before I go completely nuts.” Humigpit ang pagkakayakap niya sa dalaga.
Her presence was the greatest gift he had ever received that Christmas.
“COME, I’ll introduce you to the two of the most important people in my life,” ani Yalena nang sa wakas ay bumitiw kay Ansel. Siya na ang kusang humawak sa palad nito at mayamaya ay marahang hinila ito papasok sa sementeryo. When she was younger, when she still believed in fairy tales, she dreamt of taking her prince or her knight in a sacred place and there, she would give him her yes. Sa simbahan niya iyon pinangarap noon. Pero hayun sila ni Ansel sa sementeryo ngayon.
Malayo iyon sa pinangarap niyang simbahan pero sagrado pa rin naman iyon. Nakapagdesisyon na siya. Palilipasin niya lang ang Pasko at Bagong Taon at makikipagkita na siya kay Dennis para personal na aminin dito ang pagtiwalag niya mula sa kanilang plano. Dalangin niya ay magawa siyang maunawaan ng lalaki. Tinimbang niya ang mga bagay-bagay sa nakalipas na mga araw lalo na noong mapag-isa siya at umuwi na sina Maggy at Clarice.
Hindi na siya tatakas. Hindi na siya iiwas. Haharapin niya na ang nakaraan para kay Ansel.
Makikipagsapalaran si Yalena sa binata. Panghahawakan niya ang seguridad, kaligayahan, at pag-ibig na pangako nito. Haharapin niya ang kanyang mga bangungot na kasama ito. Ang tagal niya nang nakikipaglaban sa mga multo ng nakaraan at gusto niya nang ipahinga ang kanyang puso. And she knew Ansel was worth quitting those battles. Huminto siya sa tapat ng lapida ng mga magulang.
“Sila ang mga magulang ko. Sina Vicente at Selena de Lara.” Nilingon ni Yalena ang binata nang matahimik ito. Pagharap niya ay nahuli niya itong nakatitig sa kanya. Kumunot ang noo niya. “What? Ayaw mo ba silang makilala?”
“Hell, no!” Nagmamadaling tiningnan ni Ansel ang puntod ng mga magulang ni Yalena. “I’m so sorry for the word, Mr. and Mrs. de Lara. Nagulat lang po ako dahil ang tagal ko nang hinihintay na gawin ito ng anak ninyo.” Bahagyang yumukod pa ang binata. “It’s a pleasure to meet you both. Ako po si Ansel McClennan at mahal na mahal ko po ang anak ninyo, Sir and Ma’am. I just hope both of you from up there could guide her heart so she could learn to love me back. At ipinapangako ko po, iingatan ko si Yalena.”
Namasa ang mga mata ni Yalena. Sino bang mag-aakala na ang binatilyong hinangaan at minahal niya noon ang siya mismong magbibitaw ng ganoong mga salita sa kanyang mga magulang ngayon?
“I love every food you’ve served me before, Ansel. Hindi ako magsisinungaling at sasabihing the best ang lasa ng mga niluto mo,” nangingiting pag-amin niya mayamaya. “Dahil may pagkakataong matabang, matamis o maalat ang mga ‘yon. But I loved them simply because you were the one who cooked them. Wala akong sinasabi dahil hindi ko naisip na dapat pala may sasabihin din ako.”
Bahagyang natawa si Yalena nang bumakas ang pagkalito sa anyo ni Ansel. “I never had a man in my life before. Kaya pagpasensiyahan mo na kung hindi ko alam ang gagawin pagdating sa `tin. I admit for being too cold for far too long. But having you in my life brought me warmth. And I didn’t know how to deal with that warmth. Dahil bago sa akin ang pakiramdam na ‘yon. Wala rin akong partikular na pelikulang gusto,” pagbibigay niya ng kasagutan sa mga sinabi ng binata noon. “But I did enjoy every movie I’ve watched with you. You said you wanted to know what makes me happy. Simple lang. Ikaw.”
Natulala ang binata.
Ipinaikot ni Yalena ang mga braso sa batok ng binata. “Alam ko na marami ka pang gustong malaman tungkol sa buhay ko. But you have the rest of our lives to ask me. But for your own peace of mind, let me tell you a brief detail about me. I’m Yalena de Lara, twenty-nine.” Mapaglarong kinindatan niya ang binata. “Isa akong abogada pero plano ko nang magretiro dahil gusto ko nang manatili rito kasama mo. When I was younger and a dreamer, I believed in fairy tales; in kings and queens, in princes and princesses. `Tapos nakilala kita. You brought back the girl and the dreamer in me. Hindi ako prinsesa pero naniniwala akong natagpuan ko na ang prinsipe ko. And he’s standing right next to me.” Masuyo siyang ngumiti. “And I love him. At ngayon, sa harap ng mga magulang ko, gusto kong iparating sa kanya na tapos na ang paghihintay niya. Hindi na ako lalayo. Hindi na ako matatakot magmahal. Mahal kita, Ansel McClennan.”
“God…” bulong ni Ansel nang sa wakas ay makabawi. “Mahal din kita, Yalena. Mahal na mahal kita.” Mabilis na ginawaran siya ng binata ng halik sa mga labi. “You’re multitalented. That’s why I find you scary. You can insult me, annoy me, and make me feel stupid and happy all at the same time. Kayang-kaya mo akong saktan. Kaya araw-araw, ipinagdarasal ko na lang na sana, sana hindi mo gawin. Because I don’t think I could handle it. You know you’re my weakness.”
“Iyon din ang hiling ko.” Tuluyang bumagsak ang kanyang mga luha. “Promise me, you won’t hurt me. Ang dami ko nang pinagdaanan. I don’t think I could handle another pain.”
“I promise. God… this is the best Christmas of my life.”
HUMIGPIT ang pagkakahawak ni Yalena sa kamay ng Tito Harry niya habang papasok sa malawak na sala ng mga Alvero kung saan magkakasamang pinaglalamayan ang kanyang mga magulang at ang kanyang Tito Roman, ang ama ni Clarice. Simula nang mamatay ang mga magulang ay hindi niya pa nagagawang makalapit sa kabaong ng mga ito.
Si Maggy lang ang halos hindi umaalis sa tabi ng mga kabaong habang si Yalena ay nanatili sa gilid ng swimming pool nang nag-iisa. Sa likod-bahay iyon kaya doon niya piniling maglagi para hindi siya makakita ng anumang palatandaan na totoo ngang patay na ang kanyang mga magulang, para hindi niya masilip ang mga nakikiramay, ang mga nagkalat na korona ng bulaklak, at ang mga kabaong. Sa loob ng tatlong araw ay hindi umaalis si Yalena sa gilid ng swimming pool. Madalas siyang puntahan doon ng Tito Harry niya at ng Tita Carla niya. Dinadalhan na lang siya ng mga ito ng pagkain, mga pagkaing ni hindi niya magalaw. Tubig lang ang tinatanggap ng kanyang sikmura. Hindi siya mahikayat ng dalawa na pumasok sa loob.
Nang umulan nang malakas at nanatili pa rin si Yalena sa kinaroroonan ay hindi na pumayag ang kanyang Tito Harry sa gusto niya. Pareho pa silang nabasa bago siya nito napilit na pumasok sa loob. Kung hindi pa nagbanta si Tito Harry na susunod sa kanila si Maggy sa pool area ay ni hindi siya aalis sa kinaroroonan.
Ngayong wala na ang kanilang mga magulang ay si Maggy na ang nagsisilbing kahinaan ni Yalena dahil ang kakambal na lang ang mayroon siya. Gustong-gusto niya itong damayan pero hindi niya magawa. Hindi niya kaya. Pero hayun siya at papasok na sa sala nang mga sandaling iyon.
Sinalubong si Yalena ni Maggy. Binalutan nito ng malaking tuwalya ang kanyang basang-basang katawan. Bahagya pang nakaramdam ng panliliit si Yalena dahil napakalinis pa rin tingnan ng kakambal habang siya ay tatlong araw nang hindi nakaliligo, hindi nakapagbibihis at ni hindi nakakapagsuklay. Suot niya pa rin ang kanyang uniform sa eskwela habang si Maggy ay nakapagpalit na.
Parang sasabog ang ulo ni Yalena nang makita ang mga kabaong. Ayon sa tiyuhin ay kinailangan daw na takpan ang mga iyon dahil nasira na ang mukha ng kanyang mga magulang at ng Tito Roman niya dahil sa nangyaring insidente. Dumadagundong ang dibdib na napahinto siya sa paglalakad. Bumitiw siya mula sa pagkakahawak ng kanyang Tito Harry.
Naipilig ni Yalena ang ulo. Humarap sa kanya ang tiyuhin. Lumuhod ito para magpantay ang kanilang mga mukha. Nangilid ang kanyang mga luha nang masalubong ang mga mata nito. Pakiramdam niya ay nakatitig siya sa mismong mga mata ng kanyang ama dahil magkatulad ang mga mata ng mga ito.
“Yalena, sweetheart, makinig ka sa akin. Mamayang hapon na ililibing ang mga magulang mo. You can’t go back in the pool area and stay there forever. Kung hindi ka sasama sa sementeryo, okay lang. But you have to at least, say good-bye to your parents. Kailangan mong maintindihan na—”
“Ano ang kailangan kong maintindihan? Hindi naman totoo ang lahat ng ito, eh! My parents are not really dead!” umaalon sa pinagsamang galit at sakit ang dibdib na sigaw ni Yalena. “Malinaw ‘yong usapan namin ni Mommy three days ago. Nangako siyang babalik. She promised that she will bake my favorite apple pie. And Mommy never breaks her promises!”
Parang sasabog ang ulo na inilibot ni Yalena ang mga mata sa paligid. Lahat ng mga naroroon ay mga nakaitim at lahat ay nakatutok sa kanya ang atensiyon gamit ang mga matang puno ng awa. Awa. Hindi niya kailangan iyon. “Stop looking at me like that! `Wag kayong maawa sa akin dahil hindi ako nakakaawa! Why don’t you all just leave?” sigaw ni Yalena at mayamaya ay nagtatakbong umakyat sa hagdan, papunta sa kwarto. Pero naabutan siya ni Maggy sa ikalawang palapag ng bahay.
“Yalena!”
“What?” Bumagsak na ang mga luha ni Yalena. Pinagmasdan niya ang kakambal. Maski ito ay nakasuot ng itim na damit. “Bakit ba lahat na lang kayo, nakaitim? Stop this crap! No one is dead! Babalik pa sina Mommy at Daddy. Baka na-late lang sila. God…” Pumiyok ang kanyang boses. Nanghihinang napasandal siya sa pinto ng inookupang kwarto. “They can’t be dead, Maggy. I’m not ready to say good-bye yet. Ang dami ko pang tanong. Ang dami ko pang hindi naiintindihan. Paano ito nagawa ni Tito Benedict? Our Mom and Dad, they’re all we have.” Napahagulgol siya. “They can’t just die like that!”
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan