Login via

The Trouble With Good Beginnings novel Chapter 5

“ANG HIRAP sa ibang tao, parang kailangan mo na munang manghingi ng permiso bago mo sila mahalin. Sila na nga ‘yong minamahal, sila pa ang nagagalit na parang utang na loob pa natin sa kanilang mahal natin sila. ‘Di ba nila nare-realized na ‘di natin ‘to ginusto? Wala lang tayong choice.” Dere-deretsong wika ni Holly sa pinsang si Jazeel.

“If they can’t love us back, why can’t they just thank us? After all, it was hard loving them but we did. It was hard loving Aleron but I did. Ang hirap-hirap niya kayang ispelengin!” Bahagya pang hiningal si Holly nang matapos sa pagsasalita.

Nagpaikot-ikot siya sa loob ng flower shop ni Jazeel. Doon siya dumeretso matapos siyang iwanan na lang bigla ni Aleron nang lakas-loob niyang aminin rito ang nararamdaman niya. Mariing kinagat niya ang ibabang labi para pigilan ang mapahikbi. Daig niya pa ang sinampal sa naging reaksyon ni Aleron.

Kay Jazeel dumeretso si Holly dahil bukod sa pinsan niya ito ay ito rin ang nagsisilbing pinakamatalik na kaibigan niya. Magkapatid ang kanilang mga ama. Kasundo niya naman ang lahat ng mga pinsan niya pero kay Jazeel siya pinakamalapit, siguro ay dahil na rin sa hindi nagkakalayong mga edad nila. Bukod pa roon ay madali ring pakibagayan si Jazeel. Madalas man itong tahimik ay parati naman itong handang making sa anumang problemang inilalahad rito tulad na lang ng ginagawa ni Holly nang mga oras na iyon.

Nang mapagod sa kaiikot ay naupo si Holly sa tapat ni Jazeel na kasalukuyang abala sa pag-aayos ng mga bulaklak. Dalawang uri ang mga iyon. Ang iba ay natitiyak niyang red carnation habang pinaghalong puti at pink naman ang ilan. Nilagyan iyon ni Jazeel ng pula ring laso at ibinalot. Mayamaya ay nasorpresa siya nang ibigay sa kanya ng pinsan ang mga iyon.

“Red carnation are for love and aching heart while the other flowers are rosa canina or dog rose for pleasure and pain.”

Napailing man ay tinanggap pa rin ni Holly ang mga bulaklak. Sa haba ng sinabi niya ay ang mga iyon lang ang mga lumabas sa bibig ni Jazeel. Muli siyang napailing nang mapansin ang maliit na signage sa isang bahagi ng flower shop na nakasabit malapit sa kinauupuan niya. ‘Keep calm and give flowers’ ang mga nakalagay roon. Mukhang kina-career ng pinsan ang mga salitang iyon dahil ngayon nga ay binigyan pa siya nito mismo ng mga bulaklak na magiging tagapagpaalala lang ng estado ng puso niya lalo at binanggit pa talaga nito ang kahulugan ng mga bulaklak na iyon.

“There are times when I really like you, Jaz. But there also times when I would have to think about it… just like today.”

Marahang natawa si Jazeel habang sinamyo naman ni Holly ang mga bulaklak. Pero nang muling maalala ang kasalukuyang sitwasyon ay napahugot siya ng malalim na hininga. Ni hindi niya man lang naranasan ang makatanggap ng mga bulaklak mula kay Aleron.

Kung ganoong lumalabas na parang wala naman palang nararamdaman para sa kanya ang binata ay anong tawag sa ilang linggong pinagsaluhan nila? Isang laro? Umasa na naman kasi siya. At gaya ng dati… ay nasaktan na naman siya.

“What’s wrong with me, Jaz?” Nag-iinit ang mga matang tanong ni Holly mayamaya.

Inabot ni Jazeel ang isang palad niya. “Nothing, Holly.” Masuyong wika nito. “Nothing.”

“Kung gano’n, bakit parati na lang walang sumasalo sa akin sa tuwing nahuhulog ako?”

Matipid na ngumiti si Jazeel. “Siguro kasi minsan, kailangan nating mahulog ng ilang beses hindi para masaktan tayo kundi para sa susunod, matibay na ‘yong mga loob natin. Alam na natin kung paano tatayo at babangon kahit na walang tumutulong o sumasalo sa atin.”

Mapait na natawa si Holly. “Ang hirap pala talagang magmahal, ‘no?” Bumuntong-hininga si Jazeel. Napatingin ito sa kawalan na para bang nahulog rin sa malalim na pag-iisip. Alam niyang gaya niya ay may pinagdaraanan rin ito sa buhay pag-ibig nito.

Muli na lang ibinalik ni Holly ang mga mata sa mga bulaklak. Sana gaya na lang ng mga iyon ang pagmamahal. Iyong tipong hindi nagtatagal, na pagkalipas ng ilang araw ay nalalanta rin. Pero malas niya, dahil walang ganoon sa totoong buhay.

“BUMABA ka dyan, Aleron! Harapin mo ako! Tandaan mo, ako pa rin ang nagluwal sa ’yo! Pero ganid ka. Wala kang kwentang anak. Napakadamot mo. Kung alam ko lang na ganyan ang gagawin mo sa akin ngayon, sana pala ay hindi na kita binuhay noon. Ako ang nagpakahirap na makuha ang ama mo pero ikaw lang ang solong nagpapakasasa sa yamang iniwan niya. Ingrato!”

Pinagmasdan ni Aleron ang ina na patuloy pa rin sa pagkalampag sa salamin ng kanyang kotse na pansamantalang inihinto niya. Nasa gate sila ng village ng mga sandaling iyon at nakakaagaw na sila ng atensyon mula sa mga gwardya hanggang sa mga taong nagdaraan. Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay wala na siyang pakialam sa bagay na iyon.

Dahil sa ilang ulit na pagwawala ni Lucia sa tapat ng kanyang mansyon ay banned na ito ngayon sa loob ng village. Lumayo si Aleron kay Holly para makapag-isip kahit na saglit kaya naisipan niyang bumalik na muna sa orihinal niyang tirahan pero panibagong komplikasyon naman ang naabutan niyang naghihintay sa kanya.

Comments

The readers' comments on the novel: The Trouble With Good Beginnings