"JANNA, wait!"
Susunod na sana si Jake sa batang babaeng nagtatakbo palabas ng simbahan kasama si Lea nang maagap na pigilan ito sa braso ni Diana. Pakiramdam niya ay sasabog ang ulo niya sa mga magkakasunod na bombang nagmula mismo sa mga taong ni sa panaginip ay hindi niya inaasahang gagawa ng ganoon sa kanya.
Ramdam na ramdam ni Diana ang kakaibang mga tingin sa kanya ng mga naroon. Bawat segundong lumilipas ay palakas nang palakas ang bulungan mula sa mga bisita. Nagmamadaling lumapit na rin sa kanya ang mga magulang. Hinawakan siya ng ina sa braso pero nagpumiglas siya. Nanatiling nakatuon ang mga mata niya kay Jake. Humigpit ang pagkakahawak niya sa braso nito. "Is that true? Anak mo ba ang batang 'yon?"
'Wag kang aamin, utang na loob. 'Wag ngayon. Hindi ko kaya. Lihim na pakiusap niya. Hindi niya matatanggap kung pati si Jake ay nagsinungaling sa kanya gaya nang mismong ginawa ni Alexis.
"How about you? Totoo bang magkakaroon kayo ng anak ng best friend mo?" Nang-uusig ring ganting tanong ni Jake.
"I asked you first!"
"It doesn't matter who asked first, Diana!" Mariing sagot ni Jake. "Aminin mo sa akin ang totoo!"
"No! Ano ka ba, Jake? Paano mo nagawang paniwalaan 'yon?" Hindi napigilang ganting sigaw ni Diana. Napatitig siya kay Alexis na naglalakad na rin palapit sa kanila ni Jake. "And how can you say that, Axis? Ano 'tong ginagawa mo?"
"Janna is... really my daughter."
Gulantang na bumalik ang mga mata ni Diana kay Jake. Umawang ang bibig niya.
"I'm so sorry, Diana." Napayuko si Jake. "Plano ko naman talagang aminin ang totoo sa 'yo pero pagkatapos na sana ng kasal dahil natatakot akong hindi mo matanggap-"
Agad na umigkas ang kanyang palad sa pisngi ni Jake dahilan kung bakit hindi na nito nagawang dugtungan pa ang mga paliwanag nito. Magsasalita pa sana siya nang mayroon na namang nagsalita mula sa mga bisita. Kailan ba matatapos ang mga magsasalita at mamamakialam na iyon? Lahat ay maaatim niyang pakinggan pero hindi sa pagkakataong iyon.
"Naaksidente 'yong bata! Nasagasaan siya ng sasakyan!"
"What?!" Napasinghap si Jake. Agad itong bumitaw kay Diana. "I'm sorry, Diana. I will talk to you, I promise. I just..." Natatarantang napailing na lang ito bago nanakbo palayo at iniwan siyang mag-isa sa gitna ng lahat ng iyon.
Parang bigla siyang namanhid. Wala siyang maramdamang kahit na ano sa kanyang puso maliban sa takot na salubungin ang mga mata ng naroroon. Nagtatakbo siya palabas ng simbahan. Narinig niya ang pagtawag sa kanya ng mga kaanak pero pinigilan niya ang sariling lumingon. Dumeretso siya sa bridal car at sumakay doon. Agad na pinaharurot niya iyon palayo.
Nang makalayo na, saka nagsimulang pumatak ang kanyang mga luha. Napahikbi siya na hindi nagtagal ay nauwi sa paghagulgol. Ang pinangarap niyang kasal sa isang iglap ay winasak ng nagsanga-sangang mga kasinungalingan. Ang inakala niyang tamang lalaki ang siya mismong nanloko sa kanya. At si Alexis... Si Lea... Ano'ng ibig sabihin niyon? Magkasabwat ba ang mga ito sa pagsira ng pinakaimportanteng araw na iyon sa buhay niya? Pero bakit? Anong ginawa niya sa mga ito?
Bigla niyang inihinto ang sasakyan. Natutop niya ang dibdib nang magsimulang magsikip iyon. Ni hindi siya makahinga sa tindi ng pinaghalo-halong sakit na nadarama. Naisubsob niya ang ulo sa manibela. Ang gusto niya lang naman ay magmahal at mahalin rin. Desperado siyang makahanap ng taong magpapagaling sa kanyang puso. Pero hindi kagalingan ang natagpuan niya. Dahil sa nangyari ay nadagdagan pa ang mga sugat niya. Pinatatag ng pagdating ni Jake ang puso niya para lang wasakin rin iyon sa bandang huli.
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana