NAHINTO sa pagsusuot ng suit si Alexis nang mapaharap sa salamin at makita ang kanyang anyo. Bakas ang hindi matatawarang kabiguan sa mga matang nakatitig sa kanya nang mga sandaling iyon. Mula noon hanggang ngayon, ganoon pa rin ang pakiramdam niya. Talunan.
"So you're still not going to work under my son's architectural firm? Ano ba'ng ipinagmamalaki mo? Na nakatapos ka na? It's still a wonder to me, though, Alexis. Ano'ng ginawa mo para maka-graduate ka na may ganoong kataas na grado? That's a shame. Ang akala ko pa naman ay hindi nababayaran ang mga professors sa Saint Gabriel Academy. Anyway, just a reminder, don't fly too high, Alexis. Para kapag bumagsak ka, hindi gaanong masakit. And that Ferrel girl you're with? She will grow tired of you one day. No one will truly stay in your life. Dahil sabi mo nga, magkatulad lang tayo. We're both a piece of shit. Then and now," parang tuksong bumalik sa isip ni Alexis ang mga sinabing iyon ng kanyang ama ilang taon na ang nakalilipas.
"A piece of shit." Pinagmasdan niya ang sarili. Sa nakalipas na halos siyam na taon, sinikap niyang iangat ang sarili. Dahil ginusto niyang patunayan sa kanyang ama na mali ito ng akala, na hindi sila magkatulad. Na hindi siya basura kumpara sa mga ipinagmamalaki nitong anak. Hindi siya huminto sa pagtatrabaho.
Tuwing gabi pagkahatid niya kay Diana, bumabalik pa siya ng opisina at aalis na lang doon sa umaga para maligo at magpalit lang sandali sa kanyang Unit pagkatapos ay saka niya susunduin si Diana at saka siya dederetso uli sa kanyang opisina. Ang naging pagsunod niya rito sa Italy sa loob ng halos anim na buwan ay ang kauna-unahan niyang naging bakasyon.
Nang magkaroon siya ng sariling architectural firm, hindi pa doon natapos ang lahat. Lalo pa siyang nagsumikap. Lumago nang lumago ang firm sa pagdaan ng taon. At sa unti-unti niyang pag-angat, sinugod pa siya ng ama at pinagbintangang sinasadya niyang sulutin ang mga kliyente ng panganay nitong anak. Natanggap niya na kahit kailan, wala siyang gagawin sa buhay niya na magugustuhan ng kanyang mga magulang.
Nang magkaroon siya ng sariling Unit, iniwan niya na ang kanyang ina sa mansiyon na binili rito ng ama tutal ay wala na roon si Manang Renata. Umalis na ito at sa probinsiya na tumira isang taon matapos niyang maka-graduate sa kolehiyo.
Hindi siya pinigilan ng ina sa pag-alis. Mula noon, wala pa siyang naririnig na balita mula rito. At mas maigi na rin siguro iyon kaysa ang magkasamaan lang sila ng loob sa oras na makabalita sila sa isa't isa. Lahat ng tao sa paligid niya ay nakasanayan niya nang walang pakialam sa kanya. Nakasanayan niya nang iniiwan siya, na binabalewala. Na kahit nasa tabi siya ng mga magulang ay hindi siya nakikita, hindi naririnig, hindi nararamdaman.
He had been invisible all his life. But someone saw him for the very first time. It was Diana. Nakita nito hindi lang siya kundi pati ang puso niya. Pero mukhang tama ang ama. Sadyang walang nakatakdang manatili sa buhay niya. Dahil mula noon hanggang ngayon, walang nagbago.
"Because you're still a piece of shit, Alexis. You're a bastard. Fuck. You're weak! And I hate you! I hate you so damn much!" Sigaw niya sa sariling repleksiyon. Sunod-sunod na sinuntok niya ang salamin kasabay ng pagsabog ng kanyang damdamin.
Tumigil lang siya nang makitang basag na basag na iyon... gaya mismo ng pananaw niya sa sarili. "Damn, I hate the person that I'm seeing right now. But how come that person... is me?"
Napatitig si Alexis sa dugo na umaagos mula sa kanyang mga kamao. Ang mga kamao niya lang ang nasugatan pero hindi lang ang mga iyon ang nararamdaman niyang nagdurugo kundi pati ang mga sugat sa puso niya na parang sabay-sabay na nabuksan at nagdugo.
Nanlalambot na naupo siya sa couch.
Diana... It hurts thinking that your groom could have been me.
Naalala ni Alexis noong araw na pinilit niyang umamin sa dalaga nang puntahan niya ito sa Tagaytay. Sinikap niyang ipagtapat ang nararamdaman pero dumating si Jake na para bang isang senyales mula mismo sa kalangitan na wala siyang karapatan para magtapat pa dahil gulo lang ang hatid niyon.
Napasulyap si Alexis sa kanyang wristwatch. Malapit nang magsimula ang kasal ni Diana pero nasa condo unit pa rin siya. Iyon na ang sandali na tuluyan nang matutuldukan ang pagmamahal niya. Mariing naipikit niya ang mga mata. Pero sa pagpikit niya ay ang nakangiting mukha ng dalaga ang pumasok sa isip niya. Agad siyang napadilat. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay pumitlag ang tatanga-tangang puso niya.
Naikuyom niya ang mga kamay na nagdurugo pa rin. Shit! Ano bang ginagawa niya? Ngayon na lang ang huling araw na maari siyang magsalita. Kung pagkatapos niyon ay matutuloy pa rin ang kasal, pipilitin niyang tanggapin. Pero magsasalita siya. Bahala na.
Mabilis siyang tumayo at hinugasan ang kanyang mga kamay. Nagbihis rin siya nang malamang natuluan na ng dugo ang kanyang damit. Kailangang maging presentable ang itsura niya kahit man lang sa araw na iyon. Nang masigurong maayos na ang lahat ay nananakbong umalis siya sa kanyang unit.
Sa kabila ng matinding pananakit ng mga kamay ay pilit siyang nagmaneho.
This piece of shit will finally stand up. Patawarin mo ako, Diana. But I swear I'll die if I won't do this.
NAHIGIT ni Diana ang paghinga nang makababa na ng bridal car. Bigla ay natigil siya sa paghakbang. Namasa ang kanyang mga mata nang makita ang simbahan. Sadyang unpredictable ang buhay. Noong nasa kolehiyo siya ay si Yves ang inakala niyang maghihintay sa kanya sa harap ng altar. Ito ang una niyang pag-ibig.
Namatay ito, saka niya nakilala si Alexis. Nagkaroon siya ng bagong pangarap: ang makasama ito. Naging madali ang ngumiti at magsimula uli dahil sa binata. Ilang taon siyang nalunod sa pangarap na isang araw ay magkakasalubong ang mga puso nila. Pero kailan ba ibinigay ng tadhana ang lahat ng gusto ng isang tao? Nasaktan siya. Umalis. At sa pagbabalik niya, natagpuan nila ni Jake ang isa't isa. Inalagaan nito ang puso niya, wala na siya dapat mahihiling pa. Dahil ang pagmamahal nito, nag-uumapaw. At nadarama niya iyon bawat araw.
Siguro ay isang pagsubok si Alexis para malaman niya kung gaano katatag ang puso niya. Kailangan niyong mabasag para mabuo uli sa pagdating ni Jake. At ngayong naniniwala siya na nabuo na ang puso niya, mas matatag na iyon kaysa sa dati.
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana