MARIING naipikit ni Alexis ang mga mata. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay niya, nakaramdam siya ng hindi niya mapaniwalaang katiwasayan sa yakap ni Diana. At ang sincerity na narinig niya sa boses nito ay may kung anong init na hatid sa puso niya.
Si Manang Renata lang ang madalas makaalala at bumati sa kanya tuwing birthday niya. Ngayong araw, may nadagdag sa nag-iisang nakalistang pangalan ng taong nakaka-appreciate na buhay siya. Hindi niya inaakalang si Diana pa iyon. Tumaas-baba ang dibdib niya sa pagragasa ng halo-halong emosyon sa sistema niya. Hindi siya emotional. Pero sa ganoong mga pambihirang pagkakataon tulad ng birthday niya, pasko, o bagong taon, may kung anong sakit pa rin na nagpapahina sa pagkatao niya.
Sa ganoong mga okasyon, habang ang kadalasang mga birthday celebrants ay umiihip ng kandila sa cake ng mga ito, siya ay nagtitirik ng kandila para sa sarili. Pakiramdam niya, ang mismong araw na ipinanganak siya ay ang mismong araw din ng kamatayan niya. Dahil iyon ang simula ng kalbaryo niya sa buhay, sa mundo.
Halos buong buhay niya ay wala siyang ibang ginawa kundi ang magsuot ng maskara. At habang nagkakaisip siya ay hindi niya na hinayaang maalis ang maskarang iyon sa kanyang mukha sa takot na mabuko ng mga nakapaligid sa kanya na isang pagpapanggap lang ang lahat... mula sa ipinapakita niyang katapangan hanggang sa ipinalalabas niyang katigasan.
He was too afraid to take off the mask and reveal his heart. Dahil wala namang pakialam ang mundo sa nararamdaman niya. Wala naman iyong pakialam sa pinagdaraanan niya. Walang nakaunawa sa kanya noong musmos siya. Walang nagtangkang alisin ang kanyang maskara. Paano pa kaya ngayong bente-tres na siya? Paano pa kaya ngayong masyado na siyang maraming kabalbalang nagawa para isipin pang alisin ang kanyang maskara?
"Gusto kitang maintindihan, Alexis. Help me do that, please." Ani Diana sa boses na punong-puno ng pagsuyo. Pagsuyong halos hindi mapaniwalaan ni Alexis na para sa kanya dahilan kung bakit napadilat siya.
Tumatanggi man ang puso niya ay bahagyang inilayo niya ang dalaga sa kanya. Pinakatitigan niya ito. Namangha siya sa nababasang sincerity sa mga mata nito. The senator looked at him with pure hatred, his mother with pure regret, Manang Renata with pity, women with lust, while some with judgment. Nakasanayan niya na ang ganoong paraan ng pagtingin sa kanya ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit wala siyang naging totoong kaibigan.
Sa oras na may aksidenteng nalalaman ang mga tao tungkol sa kanya ay nakikita niya sa mga mata ng mga ito ang pinakaayaw niyang makita: ang awa. Ang simpatya. Dahil lalo lang siyang nakararamdam ng rejection. Iyon ang dahilan kaya niya pinuntahan si Diana. Dahil ayaw niyang makasalubong ito na may bakas ng awa sa anyo. Kaya dinoble niya ang pagkapit sa kanyang maskara. Dinoble niya ang pagpapanggap. Gusto niyang ipakita rito na sa kabila ng mga posibleng nalaman nito tungkol sa kanya, hindi pa rin iyon nakabawas sa pagkatao niya.
But he looked at Diana and he saw compassion, hope, and honesty in her eyes. Paano nangyari iyon?
"Why would you bother, Diana?"
"'Yan din ang tanong ko sa sarili ko. Why would I bother?" Matipid na ngumiti si Diana. "Samantalang alam ko naman na malabo kang mag-open up sa akin. Hindi ko alam kung bakit nag-aalala ako. Hindi naman dapat. Sino ba ako at sino ka ba para maramdaman ko 'to? Pero hindi ko mapigilan. I've experienced my fair share of suffering as well and I normally don't care anymore."
Bumuntong-hininga si Diana. "Hindi ko alam. I guess it's safe to say na nakikita ko sa 'yo 'yong sarili ko. Nagtatago. You're afraid to let anyone see that deep inside, you're not okay. Posibleng magkaiba ang mga dahilan natin sa pagtatago. Pero halos iisa pa rin tayo ng pinagdaraanan. Hindi ba minsan parang... nakakapagod rin magtago? Na magsuot ng maskara? Don't you wish to be... found? To be freed from the mask?"
Napaatras si Alexis. Bigla, pakiramdam niya ay hubad siya sa mga mata ni Diana. Para bang malinaw siyang nakikita nito. Para bang malinaw nitong nakikita ang mga pinakatago-tago niya. At nakaramdam siya ng takot sa bagay na iyon. Tuluyan na siyang lumayo sa dalaga pagkatapos ay parang hinahabol ng kung ano na tinalikuran ito.
Ayaw niyang may makakita ng tunay na siya. Dahil nangangahulugan iyon na makikita nito ang lahat ng mga kahinaan niya. Ang maskara na lang ang mayroon siya. I don't want to be found. I don't want to be freed, Diana. Dahil likas na hindi makuntento ang mga tao. Napatunayan niya iyon sa kanyang mga magulang. Natatakot siyang may makatagpo sa nawawalang puso niya. Natatakot siyang may magpalaya sa kanya sa hawla ng kadilimang kinaroroonan. Natatakot siyang kumapit sa isang tao pagkatapos ay mawawala rin ang taong iyon sa oras na ma-realize nito na kapos ang mga bagay na handa niyang ialay manatili lang ito sa kanyang tabi. Gaya ng kanyang ina.
Sinubukan niyang magsikap sa pag-aaral noon. Sinubukan niyang magpakabuti hanggang sa mapagod na siya sa pag-iisip na isang araw ay makukuntento ang ina sa kanya at mananatili na lang sa tabi niya. Pero hindi iyon nangyari. Patuloy pa rin ito sa pag-alis papunta sa kung saan-saang lupalop ng mundo.
Bumabalik ang kanyang ina pero patuloy pa rin siyang iniiwan na para bang isang laruan lang siya kung ituring, na kung kailan nito maalala ay saka nito babalikan at uuwian. Pero ni hindi nito kukumustahin man lang. Kunsabagay, kailan nga ba naman kinumusta ang lagay ng isang laruan? Gamit lang iyon.
Sinubukan niya ring magpakatino para sa senador. Minsan sa buhay niya ay ginawa niya ang lahat ng mga ikasasaya nito hanggang sa mapagod na siya pagtungtong niya sa ikaapat na taon ng sekondarya. Umasa siyang isang araw ay mapapansin rin nito, na kikilalanin rin nito sa publiko, na hahanguin siya mula sa pagiging bastardo. Pero malupit ito. Ni ang magtapon ng panahon sa kanya kahit isang oras para iparamdam na mag-ama sila ay hindi nito ginawa.
Ayaw niya man ay sumagi pa rin sa isip niya ang mga panahong sama-sama silang naghahapunan isang beses kada isang buwan noon. Sasaglit lang sa kanila ang senador pagkatapos ay magkukulong na ito sa kwarto kapiling ang kanyang ina. Hindi ito mangungumusta. Hindi ito magtatanong. Magbibigay na lang ito ng pera na para bang doon na nagtatapos ang obligasyon nito sa kanila ng kanyang ina na itinakwil ng sariling pamilya nang matuklasan ang ipinagbabawal na relasyon nito sa senador. Ni hindi siya nabigyan ng pagkakataong makilala ang kanyang mga lolo at lola sa magkabilang partido.
Natatakot na siyang umasa at pagkatapos ay lalong malugmok at makulong sa kadiliman. Hindi siya binigyan ng mundo ng pagkakataon na makaramdam ng anomang positibo. Kaya hindi niya makakayang tanggapin ang iniaalok na liwanag ni Diana.
Hindi siya kailanman maghuhubad ng maskara.
"HINIWALAYAN mo na ba siya?"
Napayuko si Miranda nang sa halip na iabot ng ama ang palad nito sa kanya para sa tangka niyang pagmano ay ang mga salita nitong iyon ang ibinungad nito sa kanya. Gaya nang dati ay matigas pa rin ang anyo at boses nito.
Buwan-buwan, wala siyang palya sa pagdalaw sa mga magulang, umaasang isang araw ay magagawa rin siyang matanggap ng mga ito. Parati siyang hindi pinatutuloy ng mga ito sa kanilang bahay. Ni walang tinatanggap ang mga ito sa mga pasalubong na ibinibigay niya. At madalas, iilang salita lang ang naririnig niya mula sa mga magulang gaya nang kasalukuyang tanong sa kanya ng ama.
"Hindi ho, 'Tay. Hindi ko kaya." Mahinang sagot ni Miranda.
"Kung ganoon ay kayanin mo ring hindi na kami makita pa ng Nanay mo. Huwag ka nang babalik pa, Miranda. Dahil sa susunod, sinisiguro ko sa 'yo na kahit ang kausapin ka nang ganito ay hindi ko na magagawa. Napapagod na kami ng Nanay mong hintayin na matatauhan ka pa."
Mapait na natawa si Miranda sa naalala. Humahapay-hapay na pumasok siya sa kanyang bahay matapos siyang pagbuksan ng pinto ni Renata. Pabagsak na naupo siya sa sofa.
Nahihilo man dahil sa mga nainom na alak sa bar kung saan siya dumeretso matapos magpunta sa bahay ng mga magulang, hindi pa rin nakatakas sa kanyang paningin ang kadarating lang din na anak. Pero ni hindi siya nito tinapunan man lang ng sulyap. Paakyat na ito sa hagdan nang tawagin niya.
"Hey, Alexis," Bahagya pang nabubulol na sinabi ni Miranda. "Come here."
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana