Login via

Don't Let Me Go, Diana novel Chapter 3

"HELLO, earthlings! I'm looking for a woman named Diana Ferrel. Do you know where she is?"

Gulat na napaangat ang ulo ni Diana mula sa binabasang libro nang marinig ang malakas na tanong na iyon ng isang pamilyar na baritonong boses. Nakita niyang nakatayo si Alexis sa bukana ng library na mukhang hindi alintana ang iritasyon sa mukha ng librarian na nakaupo hindi kalayuan sa binata.

Natensiyon si Diana. Ano ang posibleng kailangan sa kanya ni Alexis? Malakas lang ang loob niyang lapitan ito kapag tulog gaya noong nagdaang gabi pero ngayon...

Akmang itatakip niya na lang ang libro sa kanyang mukha nang makita na siya ni Alexis. Nakangising pumasok ito sa library at lumapit sa kanya.

"There you are!" May kalakasan pa rin ang boses na sinabi ng binata.

"Can you please tone down your voice?" hindi napigilang sagot ni Diana. Nag-aalalang napatitig siya sa iba pang estudyante sa library. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi nang malamang sa kanila na ni Alexis nakatuon ang mga mata ng mga ito. "Ano ba'ng kailangan mo?"

"Marami." Ibinaba ni Alexis ang hawak na libro ni Diana. "Come with me."

"You, two, get out." anang librarian. "Now!"

Lumawak ang pagkakangisi ni Alexis. Inilahad nito ang isang palad sa kanya. "Heard that? Come on. Umalis na tayo. May basbas na tayo ng librarian."

Ang binata na ang mismong umabot ng kanyang kamay at hinila siya patayo. Bumilis ang tibok ng puso ni Diana pero pilit na binalewala niya iyon. At kaysa higit na makakuha ng atensyon ay naiiling na sumama na lang siya.

Sumaludo pa si Alexis sa librarian nang madaanan nila ito. Apologetic na ngumiti na lang si Diana sa librarian bago sumunod na sa binata na hindi pa rin binibitiwan ang kamay niya. Dinala siya nito sa open field kung saan niya ito unang nakita.

"Ikaw raw ang naghatid sa akin kagabi," panimula ni Alexis. "Kasalanan mo 'to. Hindi mo na dapat binanggit pa kay Manang Renata ang pangalan mo. Na-trace tuloy kita. That old woman can get a bit chatty at times. So tell me, Diana, gaano na karami ang mga nalalaman mo tungkol sa akin ngayon?"

"MAY gusto ka bang inumin? Ihahanda ko para sa 'yo. Pwede ring dito ka na lang maghapunan. Ipaghahain kita."

Bahagyang nabigla si Diana sa sinabing iyon ng nagpakilalang Manang Renata na sumalubong sa kanila ng mga bodyguards niya sa gate ng tatlong palapag na bahay nina Alexis. Bahagyang masungit ang pagbungad nito sa kanya kaya matapos niya itong batiin ng magandang gabi at ipaliwanag na nadaanan lang niya ang alaga nito sa kalsada ay hindi na siya nagsalita uli. Sinamahan nito si Mang Nick sa pag-akyat sa tulog pa ring si Alexis hanggang sa kwarto ng lalaki habang nasa malawak na sala siya at naghihintay.

Nang makababa si Mang Nick ay magpapaalam na sana si Diana kay Manang Renanta nang bigla na lang ito mag-alok ng maiinom. Matipid siyang napangiti. "Kape na lang po, Manang Renata."

Sinenyasan siya ng matandang babae na maupo na muna. Inalok rin nito ng maiinom si Mang Nick na magalang namang tumanggi. Nagpaalam ang kanyang bodyguard na sa gate na lang siya hihintayin. Sandaling nawala si Manang Renata. Sa pagbalik nito sa sala, may dala na itong dalawang tasa ng umuusok na kape. Inilapag nito iyon sa center table bago naupo sa sofa sa harap niya.

Bahagya siyang na-conscious nang titigan siya ng matanda na para bang inaalam ang nilalaman ng isip niya. Idinaan niya na lang sa ngiti ang hiyang nararamdaman. "Wala po akong ginawa sa alaga ninyo, Manang Renata. Hindi ko lang po maatim na hayaan siyang magpalipas ng gabi sa kalsada lalo at wala siyang kasama."

"Ngayon lang may naghatid rito kay Alexis. Ilang beses na akong tumawag sa kanya noon na halos puro mga babae ang nakakasagot. Gaya ng ginawa ko kanina ay nagbabakasakali ako at ipinapaalam ko rin sa kanila ang address ni Alexis pero walang nag-abalang ihatid ang batang 'yon maliban sa 'yo." Sa wakas ay ngumiti na rin si Manang Renata. "Maraming salamat."

"Wala pong anuman." Inabot ni Diana ang tasa ng kape at marahang humigop. Muli siyang napangiti nang malasahan iyon. Gaya iyon ng timpla ng kanyang ina. Bigla ay na-miss niya ang kanyang ina. Dalawang linggo pa bago ito bumalik sa bansa kasama ang kanyang ama. "Your coffee reminds me of my mother, Manang Renata. Thank you for this."

"Gusto kita." Sa halip ay sinabi ng matanda. "Ngayon pa lang kita nakita pero gusto na kita. Magaan ang loob ko sa 'yo, ineng. Sana mapadalas ka rito."

Natawa si Diana. "Naku, malabo po ang bagay na 'yan, Manang. Baka ito na po ang una at huling pagtapak ko rito. Schoolmates lang po kami ni Alexis. Hindi po kami magkaibigan at wala sa tipo niya ang gugustuhing makipagkaibigan sa isang tulad ko."

Nagsalubong ang mga kilay ni Manang Renata. "Aba'y bakit naman? Mukha ka namang mabuting tao, patunay na roon ang ginawa mong ito. Iyang si Alexis, may pagkabarumbado lang 'yan pero mabait na bata rin 'yan. Hindi niya nga lang alam." Bumuntong-hininga ito. "Napapadalas talaga ang pag-inom niya lalo na tuwing malapit nang dumating ang birthday niya. Parati niyang pinagsisisihang ipinanganak siya at buhay siya."

Napasinghap si Diana. "Ano po ang ibig n'yong sabihin?"

"Nagrerebelde siya. Galit siya sa mundo. At hindi ko naman siya masisisi." Rumehistro ang kalungkutan sa mukha ni Manang Renata. "Kung tutuusin ay gusto ko na ring magpahinga sa paninilbihan sa kanila at manirahan na lang sa probinsya tutal ay sapat naman na ang mga naipon ko. Bukod pa roon ay tumatanda na rin ako. May mga apo na rin akong dapat alagaan. Pero hindi ko maiwan si Alexis. Gusto kong makahanap na muna siya ng taong pwede kong mapag-iwanan sa kanya, ng taong makakaunawa sa pinagdaraanan niya." Tinitigan si Diana ng matanda nang may halong pag-asam. "At umaasa akong sana ay ikaw na 'yon, Diana. Sana ay ikaw na ang hinihintay niya."

Comments

The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana