Login via

In A Town We Both Call Home novel Chapter 14

ILANG segundong hindi nakapagsalita si Jake. Nang makabawi ay binatukan niya si Klay na tatawa-tawa namang lumayo sa kanya. Hindi niya alam kung bakit pero nakaramdam siya ng kaba sa sinabi nito. Sa nakaraang mga taon, hindi niya masasabing tuluyang nawala si Lea sa kanya. She had always been within his reach. Ang katotohanang iyon ang kahit paano ay kumakalma sa kanya. Parating nasa malapit lang ito at ang kanyang anak.

Pero ang isiping tuluyang mawawala si Lea sa buhay ni Jake ay parang asidong pumapasok sa sistema niya. Hindi pa malinaw sa kanya kung ano ang nararamdaman para sa dalaga. Pero mahaba pa ang panahon niya. Tutuklasin niya iyon. Nang hindi nito kinakailangang mawala. Kung anuman iyon, sa kabila ng iritasyong nararamdaman para kay Timothy ay gusto niyang isiping positibo pa rin iyon.

It can be a sign of a good beginning. Lalo na at inaayos na nila ang kanilang pamilya sa pagkakataong iyon.

Pamilya… parang may kung anong mainit na bagay na humaplos sa puso ni Jake sa naisip. Ngayon niya mas naramdaman iyon. May pamilya nga pala siya. May pamilya na uli siya. “I won’t lose her, Klay. I won’t.”

Itinaas ni Klay ang mga kamay na para bang sinasakyan na lang ang sinabi niya. Mayamaya ay iniba na nito ang usapan. “Nagpunta na ba kayo sa The Gypsy Café?”

Sa pagkakataong iyon ay nag-iba na rin ang timpla ng mukha ng mga kaibigan. Pare-parehong nagdilim ang anyo ng mga ito. Si Jake man ay ganoon rin lalo na nang maglaro sa isip niya ang mga sinabi sa kanya ng Gypsy na may-ari ng maliit na restaurant na katapat lang ng Rack’s Bistro at competitor nina Ross at Trevor.

“May babae kang nasaktan.” Naalala niyang panimula kaagad ng babae na talagang pinanindigan ang pagiging Gypsy. Dahil naghuhumiyaw iyon mula ulo hanggang paa nito base sa kakaibang mga suot. Mayroon itong makukulay na scarf sa ulo at baywang at makulay ring damit na pinarisan nito ng mas makulay ring make-up. Nakasuot pa ito ng combat boots. She was by far, the strangest woman he had ever seen.

Hindi alam ni Jake kung anong pumasok sa kukote niya at sumali siya sa pustahan nina Trevor sa pilyang kapatid nitong si Roxanne. Iyon ang panahong asar na asar siya sa pagdalaw ni Timothy sa bahay ni Lea kaya lumabas na muna siya at nakipagkita sa mga kaibigan na huli na nang ma-realize niyang hindi pala magandang idea. Dahil napasama siya sa pustahang iyon na may kinalaman sa NBA Finals. Sa Golden State Warriors ang pusta nilang magkakaibigan dahil iisa sila ng gustong koponan. Habang sa Cavaliers naman si Roxanne. Ang matatalo ay may parusa.

Sa malas ay natalo ang Warriors. Nanalo si Roxanne. At ang pagpapahula nga ang naging parusa nito sa kanila palibhasa ay alam nitong wala sa mga personalidad nila ang gagawa niyon. Pero sa huli ay sinunggaban na rin nila iyon kaysa naman ang ipagamit rito ang mga kotse nila lalo pa at alam nilang may pagka-reckless driver ito.

Hindi naniniwala si Jake sa hula. Hindi siya naniniwalang may isang namumukod-tanging sinuwerteng nilalang na biniyayaan ng kakayahang makita ang hinaharap. Isa pa, kung totoong mahusay nga ang Gypsy sa harap niya, hindi ba’t dapat ay mayaman na ito? Dapat ay nakita na nito ang lalabas na lotto digits at kung ano-ano pa. Pero hindi.

Sang-ayon siya sa naisip ng mga kaibigan. Raket lang iyon ng Gypsy kuno para kumita ang restaurant nito na hindi kaila sa kanilang lahat na humina ang benta simula nang magtayo rin ng mas malaking restaurant sina Trevor at Ross sa katapat nito.

Nagsalubong ang mga kilay ni Jake. “May lalaki na bang walang nasaktan na babae? Sinadya man o hindi?”

Ngumiti ang Gypsy pero iyong ngiti na para bang napakarami nang nalalaman tungkol sa kanya. “Pero may nag-iisang babae kang nasaktan nang todo-todo.” Inilahad nito ang isang palad sa kanya. “Let me see your hand.”

Napailing si Jake bago sa huli ay nagpaubaya. Inilapit niya ang kamay sa Gypsy na agad naman nitong hinawakan. Nagulat siya nang mapasinghap ito. Nanlalaki pa ang mga matang nagpabalik-balik ang tingin nito sa kanya at sa kamay niya.

“Why?” Hindi pa rin kumbinsidong tanong niya.

“I was wrong.” Gulat pa ring bulalas nito.

“I knew it.” Naiinip na hihigitin na sana ni Jake ang kamay nang pigilan iyon ng babae. “What?”

“Nagkamali ako nang sabihin kong isa lang ang babaeng nasaktan mo. There were actually two of them. Hindi ko lang kaagad nakita ang isa dahil nasa anino siya ng nauunang babae.” Muli ay pinakatitigan nito ang kanyang kamay kasabay ng paghawak ng isa pa sa bolang kristal sa gilid ng mesa nito. Pumikit ito kasabay ng pagdiin ng pagkakahawak sa kanya. “Ang nauunang babae ay sa letrang L nagsisimula ang pangalan. Ang pangalawa ay sa letrang J. Magkaugnay silang dalawa. Malapit sa isa’t isa na parang… mag-ina?”

Dumilat ang babae at humarap sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay sumibol ang kaba sa dibdib ni Jake. “May kilala ka bang mga babaeng nagsisimula sa L at J ang pangalan at mag-ina?”

Comments

The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home