Login via

In A Town We Both Call Home novel Chapter 6

“CONGRATULATIONS, Miss Marinduque. You are six weeks pregnant.”

Sa hindi na mabilang na pagkakataon sa araw na iyon ay nakaramdam si Lea ng panlalamig sa naalalang ibinalita na iyon sa kanya ng doktor. Parang mababaliw na napasandal siya sa elevator habang hinihintay iyong bumukas. Wala sa loob na napahawak siya sa kanyang tiyan.

Ilang linggo nang hindi maganda ang pakiramdam niya kaya nag-half day na lang siya sa trabaho nang araw na iyon para magpatingin sa doktor. Sa dami ng inasikaso niya sa nakaraang mga araw ay nalimutan niya nang pagtuunan ng pansin na delayed ang period niya. Ang buong akala niya pa nga ay may sakit siya.

Iyon pala ay buntis na siya. At walang idea si Lea kung paano iyon sasabihin sa ama ng dinadala niya kung ganoong simula nang may mangyari sa kanila ay hindi niya na nakita ni anino nito. Walang emails, phone calls, o kahit isang text message man lang mula rito. Jake was literally avoiding her. At magagawa niya sana iyong tanggapin kahit gaano pa kasakit pero hindi ngayong may buhay na sa sinapupunan niya. Ni hindi niya alam kung paano iyon sisimulang ipaliwanag sa mga magulang niya.

Nang huminto na ang elevator ay sandaling nag-alinlangan pa si Lea. Napahugot siya ng malalim na hininga bago siya tuluyang lumabas at naglakad papunta sa opisina ni Jake. Nang madaanan niya ang secretary nito ay kaagad iyong ngumiti sa kanya. Kilala na siya nito kaya noon pa man ay malaya na siyang nakakalabas-masok sa hotel na iyon at sa opisina ng boss nito. Dumoble ang kaba niya nang makarating na sa tapat ng pinto.

Diyos ko. Dahan-dahang iniangat ni Lea ang nanginginig na kamay at saka kumatok, isang bagay na hindi niya nakasanayan pero ngayon ay ginagawa niya. Si Jake na buong buhay niya ay kaibigan niya na ang mismong naglagay ng napakalaking harang sa pagitan nila kaya bigla ay hindi niya alam kung ano ang gagawin, sasabihin o kung paano ito haharapin.

Sa nakalipas na mga linggo ay iniwasan niya na ring magkaroon pa ng communication sa binata. Inabala niya ang sarili sa pagtatrabaho. His message was clear. Hindi na nito kailangan pa ng anumang salita para ipaintindi iyon sa kanya. He wanted to cut her off in his life. Just like that. At ginagawa ni Lea ang lahat para sundin ang mensaheng iyon.

She can continue to pretend so hard for the rest of her life like they were strangers even if it was killing her inside. Nakipagmatigasan rin siya. Kung sana lang ay kaya niya pa rin iyong gawin hanggang ngayon…

“Come in.”

Nang marinig ang pamilyar na baritonong boses na iyon ay nanginginig pa ring pinihit na ni Lea ang doorknob. Sa pagbukas niyon ay agad na sumalubong sa kanya ang mukha ni Jake na mukhang hindi na nagulat na nakita siya roon. Walang dudang naitawag na ng secretary nito ang pagbisita niya. Isinenyas nito ang couch roon na agad niya namang nilapitan.

Kailangang-kailangan niya ng mauupuan dahil pakiramdam niya ay bibigay ang mga tuhod niya anumang oras.

Naupo ang binata sa tapat niya. Wala na ang dati ay awtomatikong magandang ngiti sa mga labi nito sa tuwing nakikita siya. Sa halip ay napakapormal ng mukha nito.

Malakas na tumikhim si Jake. Nang salubungin ni Lea ang mga mata nito ay agad itong nag-iwas ng tingin. “Lea, I’m… I’m sorry.”

“Sorry?” Wala sa sariling ulit niya.

“Yeah. I’m sorry for what happened that night. And I’m sorry that it took me this long to say that. Pinaplano ko na ring puntahan ka para personal na makahingi ng tawad sa ‘yo-“

“Pagkatapos ay ano?”

Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila bago napabuntong-hininga ang binata. “I… I honestly don’t know. I’m really sorry, Lea.”

Sa ganoong estado ni Lea ay ang paghinga ay ang bagay na iyon ang huling gugustuhin niyang marinig. Nag-init ang kanyang mga mata.

“Don’t be.” Halos pabulong na sinabi niya mayamaya. “I wanted it to happen.”

Comments

The readers' comments on the novel: In A Town We Both Call Home