“MAHAL ko po si Selena, sir. At mahal niya rin po ako. Please, I’m begging you. Just let us be.”
Muling nakatikim ng isang malakas na suntok sa panga si Dean mula kay Zandro Avila, ang ama ni Selena. Pero hindi siya nagtangkang lumaban. Pinalibutan na siya ng mga bantay nito. Sa kabila niyon ay nanatili siyang nagpapakumbaba. Buong buhay niya ay sanay na siyang hindi nakukuha ang mga gusto ng puso niya.
He had always lived an empty life. Minsan, pakiramdam niya ay isinumpa siya ni Leonna dahil siya ang sumasalo sa kasalanan ng kanyang mga magulang.
Kaya nang malaman ni Dean na mahal rin siya ni Selena ay saka pa lang nagsimulang maging makulay ang buhay para sa kanya. Pero malaki ang kapalit ng mga kulay na iyon at ngayon ay nanganganib pang mawala ang mga iyon sa kanya. At desperado na siya. Hindi pa siya nagmakaawa ni minsan para sa isang bagay dahil alam niyang imposible namang ipagkaloob ng mundo sa kanya ang mga gusto niya anuman ang gawin niya.
Pero nang siya ang piliin ni Selena, unti-unti ay nagkaroon siya ng pag-asa sa kabila ng mga komplikasyon sa relasyon nila. Pero naglaho ang lahat ng pag-asang iyon nang pagkaraan ng ilang oras na paghihintay niya kay Selena ay ang galit na galit na ama nito kasama ang mga armadong body guards nito ang lumabas at humarap sa kanya.
Nang makita si Dean ni Zandro ay agad siya nitong nilapitan at sinuntok. Pero wala siyang kadala-dala dahil heto at ipinipilit niya pa rin ang pagmamahal niya para kay Selena.
“Pasalamat ka at ampon ka ng mga Trevino kung hindi ay higit pa sa suntok ang aabutin ng isang tulad mo sa akin!” Humihingal sa galit na wika pa ni Zandro. “Wala kang karapatan na ambisyunin ang anak ko, Dean. Kaya itigil mo na ang kahibangan mong ito. Anuman ang gawin mo, matutuloy pa rin ang kasal ng anak ko kay Adam. Sinisiguro ko iyan sa ‘yo. Kaya ngayon, magpakalayo-layo ka na dahil baka hindi na kita matantiya ng tuluyan!”
Ilang sandaling kumuyom ang mga kamay ni Dean. Mariin niyang naipikit ang mga mata bago siya dahan-dahang lumuhod kasabay ng kanyang pagyuko. Ilang ulit niya na bang nahiling na sana ay nabaliktad ang mga pangyayari sa buhay niya? Sa dami ay hindi niya na mabilang. Pero nang mga oras na iyon, noon niya pinakahiniling ang bagay na iyon.
Ilang ulit na ring pinaalalahanan si Dean ng kanyang tiya Dolores na anuman ang mangyari ay huwag na huwag siyang yuyukod sa pamilya ng ama at sa mga kakilala nito. Matalino raw siya bukod pa roon ay may dugo pa rin siyang Trevino. Kailangan niya pa rin daw na manindigan sa kabila ng naiibang pagkakakilala sa kanya ng publiko. Iyon rin daw siguro ang hihilingin sa kanya ng ina sakali mang nabigyan ito ng pagkakataon na magtapat sa kanya ng katotohanan.
Pero hayun si Dean ngayon at hindi lang basta yumukod. Nakaluhod pa siya sa sementadong daanan. Nag-ulap ang kanyang mga mata. Kung malalaman kaya iyon ng tiya Dolores niya, kausapin pa kaya siya nito? At kung sakaling nakikita siya ng kanyang ina, nasisiguro niyang lumuluha na ito. Sa naisip ay nagsikip ang kanyang dibdib.
Patawarin mo ako, ‘nay. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin magawang maibangon ang sarili ko. Paulit-ulit na lang kitang binibigo. “Nagmamakaawa po ako sa inyo, sir. Hayaan nyo na po kami ni Selena. Gagawin ko po ang lahat para sa kanya-“
“Madali naman akong kausap, Dean. Sige, pagbibigyan kita. Pero sa isang kondisyon.”
Nag-angat ng mukha si Dean nang marinig ang sinabing iyon ng ama ni Selena. Sumibol ang pag-asa sa puso niya. Sinalubong niya ang matiim na mga titig ng matandang lalaki. “Ano pong kondisyon?”
“Wake up the next day with a different name, with a different identity and with a different background. And make sure you wake up better than Adam Trevino. Only then will I start to reconsider.” Ani Zandro bago siya nito tinalikuran kasama ng mga nagtatawanang body guards nito.
Ilang minutong natigilan si Dean. Ni minsan ay hindi pa siya lumuha maliban na lang noong araw na namatay ang kanyang ina. Pagkatapos niyon ay masyado nang naging drain ang pakiramdam niya para lumuha pa. Pero hayun siya ngayon. Napatingala siya sa papadilim nang kalangitan. What have I done wrong to You?
NAHINTO sa pag-iyak si Selena nang marinig niya ang mahihinang katok na iyon sa labas ng pinto ng kanyang kwarto. Sa susunod na Linggo na ang kasal nila ni Adam. At wala na siyang kawala. Simula nang manggaling siya sa mansyon ng mga magulang ay hindi na siya nilubayan pa ng mga body guards niya. Parating nakabantay ang mga ito sa labas ng kanyang bahay. Ang isa na para bang hindi pa nakuntento ay sa mismong sala niya pa nagroronda.
Hindi makalabas si Selena. Ni hindi siya makapunta sa kanyang opisina. Ang sinabi lang ng isa sa mga bantay niya ay ang kanyang ama na raw ang bahala sa kanyang mga kliyente. Ito na raw ang nagpaliwanag sa lahat na abala siya sa wedding preparations at matapos ang honeymoon ay saka pa lang siya babalik sa trabaho.
Ni hindi niya makausap si Chynna. Kahit ito ay pinagbabawalan siyang kausapin. Nang dalawin siya nito ay hinarang ito ng mga bantay niya kaya ni hindi man lang sila nagkita ganoon rin si Dean. Armado ang mga bantay niya at laking pasasalamat niya nang hindi na magpumilit pa ang binata na makausap siya.
Pinutol ang linya ng telepono sa bahay ni Selena kaya wala siyang matawagan. Si Adam lang ang hinahayaang makabisita sa kanya pero hindi niya ito hinaharap sa kabila ng pakiusap nito. Wala nang ipinagkaiba pa sa isang preso ang pakiramdam niya.
Iisang paraan na lang ang naiisip ni Selena. Ang tumanggi sa mismong araw ng kanyang kasal. Pero binalaan na siya ng kanyang ama nang puntahan siya nito. Mapapahamak raw si Dean sa oras na may gawin siyang labag sa kagustuhan nito. Muling napaluha si Selena sa naisip. Kung hindi lang mas malaki ang kagustuhan niyang makita pa rin si Dean sa kabila ng mga nangyayari sa kanya, siguradong tinakasan na siya ng katinuan.
“Ma’am Selena? Ma’am Selena?” Narinig niyang mahinang pagtawag sa kanya mula sa pinto.
Napu-frustrate na lumapit siya roon at binuksan iyon. Walang araw na hindi siya umiyak mula nang makauwi siya sa bahay niya kasama ang mga bantay niya. Hindi siya gaanong nakakatulog. Bukod pa roon ay hindi maganda ang pakiramdam niya. Madalas siyang nahihilo at para bang mas naging sensitibo ang sikmura niya sa mga pagkain ngayon. May maamoy lang siya ay naduduwal na siya.
Nang dumalaw ang kanyang ina ay sinabi niya iyon rito. Binilhan siya nito ng pregnancy test kits. At gaya ng kutob niya ay pare-parehong positive ang resulta ng mga iyon. Naghahalo ang tuwa at takot ni Selena sa nalaman. Buntis siya. Nagbunga ang pagmamahalan nila ni Dean. Sayang nga lang at hindi niya maibahagi ang kanyang saya sa ama ng dinadala niya. Kasabay niyon ay natatakot siya. Anong uri ng buhay ang naghihintay para sa anak niya?
Comments
The readers' comments on the novel: Once Upon A Time