Login via

Once Upon A Time novel Chapter 13

SINASABI KO na nga ba. Napapailing na naisaloob ni Dean habang nag-iikot sa loob ng kilalang shopping mall. Kanina niya pa napapansin ang dalawang kalalakihan na sumusunod sa kanya. Nakita niya na rin ang mga ito noong nakaraang araw. At kanina bago siya umalis sa apartment niya ay namataan niya na rin ang sasakyan ng mga ito na nakaparada hindi kalayuan sa tinutuluyan niya.

Hindi na sigurado ni Dean kung kanino tauhan ang mga iyon. Kung kay Zandro Avila pa rin ba o sa pamilya niya na. Hindi kaila sa kanya na pinagdududahan na siya ni Adam lalo na ni Leonna tungkol sa biglang panlalamig ni Selena sa relasyon nito kay Adam, kung relasyon nga bang matatawag iyon. Pero hindi siya pwedeng panghinaan ng loob lalo pa ngayong nakatanggap na siya ng text message mula kay Lilian.

Mabilis na pumasok si Dean sa isang fast food restaurant. Laking pasasalamat niya nang hindi na sumunod pa hanggang roon ang dalawang lalaki. Pumila siya at basta na lang nagturo ng kung ano nang makarating sa counter. Dala ang tray ng pagkain ay naupo siya sa bandang unahan ng restaurant.

Nang makita niya ang isang lalaki na halos kakulay at kasing-taas niya ay mabilis siyang nakaisip ng paraan. Nang tumuloy iyon sa rest room ay agad na sumunod siya rito.

Inilabas ni Dean ang wallet at kumuha ng ilang lilibuhin roon bago niya iyon inabot sa estranghero. Idinagdag niya na rin ang cell phone niya. Hiniram iyon sa kanya ni Adam noong mga nagdaang araw. Kilala niya ang kapatid. He knew that Adam has been tracking him these past few days. “Ibibigay ko ang mga ito sa ‘yo kapalit ng mga damit mo, pare. Magpalit tayo ng suot.”

Ilang sandaling napatitig sa pera at cell phone ang lalaki. Ininspeksyon pa nito ang cell phone niya bago ito napalunok. Ngumiti si Dean. “’Wag kang mag-alala, pare. Original ‘yan. Makakabili ka mula dyan ng kahit ilan pang jacket na gusto mo. I just needed to do this. Sinusundan kasi ako ng ex ko na nagde-demand ng kasal. Tina-track niya rin ako gamit ang cell phone na ‘yan. At desperado na akong makatakas mula sa kanya.”

Pinakatitigan siya ng lalaki. “Ang hirap talagang maging gwapo ‘no, ‘pre? ‘Di bale, ako na lang ang magpapakilala do’n sa chicks mo. Maganda ba, pre?”

Napatango na lang si Dean. “Sobra, pare. Pero nakakasakal magmahal.”

May the Lord forgive me for this.

“Nakahanda akong magpasakal basta sa maganda lang.” Nakangisi pang wika ng lalaki bago mabilis na inalis ang suot na pulang jacket, orange na bull cap at kupas na maong na pantalon na may mga butas pa sa tuhod. Laking pasasalamat niya nang matuklasang mahaba rin ang buhok nito.

Mabilis na nagbihis si Dean. Inabot niya sa lalaki ang suot niyang itim na pantalon, brown leather jacket at itim rin na sombrero. Kahit ang dala nitong backpack ay kinuha niya rin. Inabot niya rito ang walang laman na attaché case niya bago siya lumabas na ng rest room at ng restaurant.

Nang bahagyang makalayo na ay nilingon ni Dean ang pinanggalingan. Napangisi siya nang makitang naroroon pa rin sa labas ng restaurant ang dalawang lalaking sumusunod sa kanya. Mabilis na lumabas na siya ng mall. Sa parking lot ay nakita niya si Luis sa tabi ng isang lumang gray na kotse. Mabuti na lang at tinted iyon. Si Luis ang anak ng isa sa mga staff ni Selena sa shop nito.

May kapatid si Luis na si Mark na siyang mas kilala niya. Kilala rin ni Dean ang mga staff ni Selena sa ilang ulit na pagbisita niya sa dalaga sa nakalipas na mga taon. Si Mark ang isa sa mga napili nilang tulungan noon ni Selena sa medical expenses nang duguan itong dalhin sa ospital dahil nabangga ito ng isang sasakyan. Halos tatlong taon na iyon nang mangyari. Ngayon ay isa na itong accountant ngayon. Tinulungan ni Dean si Mark na makapasok sa pag-aaring negosyo ng isang kakilala niya.

Noong nakaraang linggo ay nagkita sila ni Mark. Sinundo nito ang ina nito sa Selena’s na patuloy pa ring nag o-operate kahit pa wala roon si Selena dahil may mga tinatahi pa roon ang mga staff nito. Ayon sa ina ni Mark na si Aling Corazon na nakausap niya ay nagpupunta sa bahay ni Selena linggo-linggo ang tumatayong assistant nito para sa ilang mga gawain at mga papeles sa shop. Kasabay niyon ay nagtanong si Aling Corazon kung may maitutulong ito sa amo nito na hindi man raw niya sabihin ay nararamdaman nitong may problema.

Nang banggitin ni Dean sa ginang ang sitwasyon nila ni Selena ay kaagad itong nagpahayag ng kagustuhang tumulong. Tinawagan nito ang anak nitong si Mark na kaagad ring nakipagkita sa kanya kinabukasan.

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time