KUMABOG ang dibdib ni Selena nang malayo pa lang ay natanaw niya na ang sasakyan ng ama malapit sa lupaing binili nila ni Dean. Nakatayo ang ama sa tabi ng sasakyan nito kasama ang dalawa pang mga tauhan nito. God…
“Mama, bumalik po tayo.” Natatarantang wika ni Selena sa driver. Gabi na at wala siyang alam na iba pang mapupuntahan pero bahala na. “Lumayo na po tayo rito. Pakibilisan po, utang na loob.”
Nagtataka man ay sumunod pa rin ang driver. Nanginginig ang mga daliring kinuha ni Selena ang cell phone niya at idinayal ang numero ng asawa pero ring lang ng ring ang cell phone nito. Nagsimulang mag-init ang mga mata niya nang sa wakas ay tigilan ang pagtawag rito. Muli niyang ibinalik sa kanyang bag ang cell phone. Napuno ng mga alalahanin ang isip niya. Nasaan na ang kanyang mag-ama? Ano na ang nangyari sa mga ito?
Nag-aalalang binalingan ni Selena ang nakatulog nang anak. Saan na sila pupunta ngayong mag-ina? Parehong nasa malayong lugar ang mga kaibigan niya. Si Lilian ay bumalik na sa Amerika kasama ng fiancé nito habang si Chynna ay nasa kung saang bahagi rin ng Pilipinas para sa shooting nito.
“Selena, get out of the cab now!”
Nanlamig si Selena nang marinig ang malakas na boses na iyon na halos isa’t kalahating taon niya ring hindi narinig. Dahan-dahan siyang lumingon sa bintana sa gawi niya. Ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita ang kotse ng ama na humahabol sa taxi na sinasakyan niya.
Bukas ang bintana sa gawi ng ama kaya kitang-kita niya ito. At galit na galit ang anyo nito.
“Manong, pakibilisan nyo po, parang awa nyo na!” Halos pasigaw nang wika ni Selena sa driver. Sumunod naman ang driver. Binilisan nga nito ang pagmamaneho pero wala na ring nangyari. Dahil hinarang na sila ng kotse ng kanyang ama.
Mabilis namang bumaba ng kotse si Selena kalong pa rin ang nagising na niyang anak. Nagsimula itong umiyak. “Sweetheart, not now, please.” Basag ang boses na bulong niya habang tumatakbo sa kalsada palayo sa ama at sa mga tauhan nito na humahabol na rin sa kanya.
She had never felt that helpless. Para siyang mababaliw. Ang alam niya lang ay kailangan niyang gawin ang lahat para makalayo kahit gaano pa kaimposible ang bagay na iyon. Dahil natatakot siya na muling ikulong ng sariling ama. At sa oras na muli niya pang maranasan iyon ay hindi niya na alam kung makakayanan niya pa.
Dean, nasaan ka na ba? Tensyonadong naisaloob ni Selena. Sumabay sa pag-iyak ng anak ang pag-agos ng kanyang mga luha. Nanlalabo na rin ang kanyang mga mata pero patuloy pa rin siya sa pagtakbo.
Muling narinig ni Selena ang pagsigaw ng ama. Sandali siyang napatitig sa kanyang anak nang magsimula na itong magkakawag pero hindi siya huminto sa pagtakbo sa kabila ng tumitinding kapaguran. “Pasensya ka na, anak. Hindi ko gustong pagdaanan mo ito. Hindi ko gustong pagdaanan nyo ito. But God… I can’t do anything to stop this-” Hindi na natapos pa ni Selena ang mga sasabihin nang bigla na lang niyang naramdaman ang para bang paghagis ng kanyang katawan sa kung saan kasabay niyon ay ang pag-alipin ng hindi maipaliwanag sakit sa buong sistema niya.
Pakiramdam ni Selena ay dinudurog siya mula sa kanyang ulo hanggang sa kanyang mga paa. Pero agad ring napalitan ng kung anong pamamanhid ang pakiramdam niya. Tulalang napatitig siya sa kalangitan. Madilim iyon. Pero siguro ay wala nang makatatalo pa sa kadilimang bumabalot sa kanya nang mga sandaling iyon. Wala siyang maramdaman. May mga mukha siyang nakikita sa kanyang harapan. May mga naririnig siya pero hindi na iyon pumapasok pa sa isipan niya.
Mayamaya ay pumatak ang mga luha ni Selena bago niya unti-unting ipinikit ang mahapdi nang mga mata.
PINAHID ni Dean ang tumulong dugo mula sa kanyang ilong dala ng malakas na pagkakasuntok sa kanya ng kapatid. Nag-eempake siya ng mga gamit nilang mag-anak nang dumating ito. At gaya ng inaasahan niya ay wala itong inaksayang panahon para makaganti sa kanya.
“Mang-aagaw ka! You are just like your mother, you son of a bitch-“
Comments
The readers' comments on the novel: Once Upon A Time