“SO, WHAT are you going to believe then, mahal? The power of the curse or… the power of our love?”
Kumunot ang noo ni Selena sa nakikitang amusement sa mga mata ni Dean matapos niyang isalaysay rito ang nabalitaan niya tungkol sa mga units sa San Diego Compound na tinutuluyan nila. Ilang linggo pa lang simula nang makabalik sila sa Pilipinas gamit muli ang private jet ng kakilala ni Lilian.
Sa San Diego Compound na kaagad sila dumiretso ni Dean. Noong nasa St. Lucia pa sila ay pinakiusapan ni Selena si Chynna na kung pwede ay hanapan na muna sila ng asawa ng unit na maari nilang tuluyan pansamantala habang hindi pa sila nagkakaroon ng sariling bahay ni Dean. Ang compound na iyon ay pinahanap lang raw ng kaibigan sa personal assistant nito. Pero personal raw nitong tiningnan ang lugar para masigurong maayos at maganda ang lilipatan nilang mag-anak.
Noong nakaraang araw ay lumakad sila ni Dean kasama ang kanilang mga anak. Nakahanap na sila ng lupa na siyang pagtatayuan nila ng dream house nila. Inaayos na lang ang mga papeles roon pagkatapos ay sisimulan na ang construction ng magiging two-storey house nilang mag-anak. Malaki pa ang ipon nila mula sa ilang taong pagtatrabaho noon.
Hindi pa nagagalaw ni Selena kahit ang perang ipinabaon sa kanya ng ina. Nadagdagan pa ng nadagdagan ang ipon nila ni Dean dahil sa kinita mula sa pagpipinta ng asawa noong nasa St. Lucia pa sila at dahil na rin sa patuloy na pagdi-disenyo niya ng mga damit.
Hindi pa sila nakikipagkita sa kani-kanilang mga pamilya. Siguro pagkatapos na lang maitayo ng kanilang bahay. Umaasa silang mag-asawa na sa oras na makita ng kanyang ama na maayos ang kanyang kalagayan ay magawa rin silang tanggapin at patawarin nito. Buo na ang kanilang mga plano. Itutuloy pa rin ni Dean ang pagpipinta nito. Ilang art dealers na ang nakausap ng asawa na agad na nagkainteres sa mga obra nito. Kaya mayroon nang siguradong lugar ang mga gawa nito sa mga art galleries.
Pero para kay Selena, ang obra pa rin ni Dean kung saan silang tatlo ng mga anak ang subject ang mananatiling pinakamaganda at pinakapaborito niya sa lahat ng mga nagawa nito. Dahil hindi matatawaran ang emosyon ng painter sa obra na iyon. Makikita ang nadaramang pagmamahal nito para sa mga subjects nito base sa mga detalye at sa husay ng pagkakaguhit roon.
Ang pangalawa sa paborito ni Selena ay ang portrait niya na niregalo ni Dean sa kanya noong twenty-fifth birthday niya. Espesyal iyon para sa kanya dahil iyon ang kauna-unahang regalo na natanggap niya mula rito. Doon rin nagsimulang mapukaw ang interes niya rito. Ni hindi niya nahulaan noon na si Dean pala mismo ang siyang nagpinta niyon. Her husband was truly a very talented man.
Si Selena naman ay kadalasang mga damit pang-bata ang nakatuwaang idinidisenyo sa ngayon. Pero hindi niya iyon ipinagbebenta. Siya na mismo ang nananahi ng mga damit na iginuguhit. Kaya especially made ang lahat ng damit ng kanyang kambal pati na ang mga suit ni Dean. Sinusuportahan naman siya ng naaaliw lang sa tuwinang asawa.
Tama si Dean. Saan man sila mapadpad na mag-anak basta kumpleto sila ay mananatiling nasa loob sila ng isang magandang panaginip. Dahil bukod sa kapaligiran nila ay nananatiling walang nagbabago. Masaya pa rin sila, saya na bahagyang nalimutan ni Selena nang dalawin siya ni Lilian noong umagang iyon. Pagbaba raw nito ng kotse nito ay kaagad itong pinigilang pumasok sa compound ng isa sa mga kalapit-bahay nila. Kung uupa raw ito roon ay maghunus-dili na muna ito. Iyon ang siyang nagpaalam kay Lilian ng tungkol sa sumpa umano na mayroon sa San Diego Compound.
Gaya ng reaksyon ni Dean ay naaliw lang si Lilian sa nabalitaang sumpa. Natatawa pa ito nang magkwento kay Selena pero malayo roon ang naramdaman niya. Siguro dahil masyado nang maraming kumokontra sa relasyon nila ng asawa pagkatapos ay dadagdagan pa iyon ng tungkol sa isang sumpa. Para siyang sandaling nag-panic nang matuklasan iyon.
Kung tutuusin ay wala namang anumang negatibong masasabi si Selena tungkol sa compound kahit pa para bang napakamahal ng ngiti ng landlady nila roon na si Elvira, ang anak ng may-ari ng lugar.
Unang kita pa lang nila ni Dean sa compound ay nagustuhan na nila kaagad iyon. Maganda ang ambiance roon, malawak at tahimik. Anim na two-storey units ang naroroon na may kanya-kanya pang parking lot. Ang ikalimang pinto ang siyang tinutuluyan nilang mag-anak. Kahit ang loob ng unit ay maganda at maaliwalas kaya walang mag-aakala na isinumpa ang lugar na iyon.
Ayon sa ikinuwento kay Lilian ng kalapit-bahay nila, ang compound raw ay dating Spanish-style na bahay na ipinatayo ni Pepe San Diego, ang ama ni Elvira para sa pamilya nito. Pagkalipas ng dalawampung taon ay nagkahiwalay ang mga magulang ni Elvira. Na-inlove raw ang ina nito sa ibang lalaki. Hindi iyon kinaya ni Pepe kaya nagpakamatay ito. Ang anim na anak ng mga ito ay iniwan rin ang bahay ng mga ito kalaunan at pinaupahan na lang sa iba.
Pagkalipas ng ilang taon ay ipina-reconstruct ang buong lugar at pinatayuan ng anim na units ang lupain. Tinawag iyong San Diego Compound. Mas pinaganda iyon at pinalagyan pa ng swimming pool sa sentro ng compound na pwedeng gamitin ng lahat ng nangungupahan roon.
Pero kahit gaano pa raw kaganda ang lugar ay hindi nagtatagal ang mga naninirahan roon dahil minamalas ang mga magka-relasyon na tumitira roon. Naghihiwalay ang mga ito at pinaniniwalaan ng mga taong nakakaalam ng nangyari sa pamilya San Diego na iyon ay dahil isinumpa ang lugar na iyon ni Pepe bago ito nagpakamatay. Kahit raw si Elvira na minsan nang nanirahan doon kasama ang nobyo ay tumandang dalaga ngayon dahil nauwi rin daw sa hiwalayan ang relasyon nito.
“Pero ‘wag kang maniwala ro’n, ‘Lena.” Naalala niyang pahabol pa ni Lilian kanina bago ito umuwi. “Sinabi ko ‘yon sa ‘yo hindi para takutin ka gaya ng ginawa sa akin ng tsismosang kalapit-bahay nyo. I just really find it hilarious. I mean, oo nga at nakaka-aning ang nangyari kay Pepe San Diego. In fact, it’s a pity but surely, it wasn’t because of some mumbo-jumbo thing that’s why the couples who lived here broke up. Gawa-gawa lang siguro nila ‘yon.
“Brokenhearted na ngang nag-goodbye Earth si Pepe, isisisi pa ng mga umuupa sa kanya ang nangyari?” Pumalatak si Lilian. “Humahanap na lang sila ng excuse. But the truth is, it was their fault. It’s either nagkulang sila sa isa’t isa or one of them just fell out of love. Gano’n lang kasimple. Dahil kung mahal nyo talaga ang isa’t isa, no curse can separate you both.”
May punto si Lilian pero hindi pa rin maiwasan na kabahan ni Selena. Hindi ba’t masyado na yatang coincidence kung lahat ng mga naninirahan roon ay nauwi sa hiwalayan? O talaga nga bang mababaw lang ang pagmamahalan ng mga iyon sa isa’t isa kaya ganoon ang nangyari sa relasyon ng mga ito? Either way, it was still scary.
“You really find it funny?” Nakalabing tanong ni Selena sa asawa habang tinutulungan si Dean sa pagluluto. Naghihiwa siya ng gulay habang ito naman ang nagsasalang sa kalan.
Muling natawa si Dean. “Actually, narinig ko na ang kwentong ‘yan mula kay Lawrence, ‘yong umuupa sa kabilang unit. And yeah, gaya ni Lilian, we laughed about it, too. May girl friend rin si Lawrence. Nasa Abroad nga lang. And yesterday, we met Meg and Daniel. There’s also CJ and Portia.” Tukoy nito sa nakilala nilang iba pang mga nakatira sa katabing unit nila. Hindi nila alam kung may nag-ookupa na rin sa natitira pang dalawang units dahil parating tahimik sa mga iyon. “Pero naghiwalay na ba sila?”
“Hindi.”
Comments
The readers' comments on the novel: Once Upon A Time