Login via

Once Upon A Time novel Chapter 3

“WELCOME to my life, son.”

Sunod-sunod na napabuga ng mararahas na hininga si Dean habang pilit na itinataboy ang ilang mga mapapait na alaala sa isipan. Pinagmasdan niya ang nahihimbing na ama. Inabot niya ang isang kamay nito. “Aren’t you tired of sleeping, old man? It’s been almost five years. Gumising ka na. Iparamdam mo naman sa akin na may kakampi pa ako. Na may natitira pa sa buhay ko. Hindi ka na naging patas sa akin mula pa pagkabata. Hanggang ngayon ba naman?”

Linggo ng araw na iyon. Iyon lang ang pahinga ni Dean sa trabaho dahil kahit Sabado ay pumapasok siya sa kompanya para i-distract ang sarili. Wala namang problema sa bagay na iyon dahil kahit si Adam ay ganoon rin. Kanya-kanya nga lang siguro sila ng dahilan.

Ang Linggo ay inilalaan talaga ni Dean para sa mga magulang. Sa ospital siya naglalagi sa umaga para tingnan ang lagay ng kanyang ama habang sa sementeryo naman siya sa hapon para dalawin ang kanyang ina na sa probinsya orihinal na nakalibing. Pero ipinalipat ng kanyang ama sa Maynila ang libingan nito noong disiotso anyos siya. Sa bahay, opisina, ospital at sementeryo lang umiikot ang mundo niya. At sa palagay niya ay hanggang doon na lang iyon.

Dahil may iba mang pinapangarap si Dean na pagbuhusan ng atensyon ay doon pa sa ipinagbabawal. Kaya hangga’t hindi pa nawawala ang pagmamahal niya para sa ipinagbabawal na iyon, mananatiling ganoon ang buhay niya. Monotonous.

Ang kaalaman na hayun at humihinga pa ang ama ni Dean ang siya na lang nagbibigay kahit paano ng pag-asa sa kanya. Hindi sila malapit sa isa’t isa pero ito na lang ang natitira sa kanya kaya dito siya kumakapit. Dahil bukod rito ay wala na siyang makakapitan. Ang ama ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat ay nananatili siya sa ATC sa kabila ng hirap na pinagdaraanan niya roon at sa pamilya nito. Pamilya lang nito dahil kahit minsan ay hindi ipinaramdam sa kanya ng asawa at anak nito na kabilang siya sa mga ito.

Dean had always been an outsider from the very beginning. Siya ang lihim ng pamilya Trevino na hindi pwedeng mabunyag dahil para sa mga ito ay isa raw iyong napakalaking kahihiyan. Anak siya sa ibang babae ni Bernardo Trevino. Isa iyong typical na kwento ng ipinagbabawal na pag-ibig. Isang dating cook sa mansyon ng mga Trevino ang kanyang ina na nagmahal at minahal rin ng isang may-asawang lalaki. Nang matuklasan ni Leonna, ang legal na asawa, ang relasyon ng mga ito ay pinalayas nito ang kanyang noon ay buntis nang ina.

Itinago si Dean sa isang malayong probinsya ng kanyang ina at doon pinalaki kasama ni tiya Dolores, ang biyuda at nakatatandang kapatid nitong babae. Maayos naman ang lahat sa kabila ng simpleng pamumuhay nila. Pero isang araw ay inatake sa puso ang kanyang ina na siyang ikinamatay nito. Naiwan siya kay tiya Dolores na siyang nagpaalam sa kanya ng tungkol sa totoo niyang pagkatao.

Noong nabubuhay pa ang kanyang ina, kahit pa puro positibong mga bagay ang ikinukwento nito tungkol sa kanyang ama ay hindi naman nito ni minsan binanggit ang pangalan niyon kahit pa nga ang larawan niyon ay hindi nito ipinakita sa kanya. At masakit para kay Dean na hanggang kamatayan nito ay naglilihim ito sa kanya. Parati nitong ibinibilin sa kanya noon na makuntento na siya sa mga bagay na mayroon siya.

Pero paano ba makukuntento ang isang bata na kapos ang nalalaman tungkol sa pagkatao?

Noong panahong iyon ay may bago nang karelasyon ang tiya Dolores ni Dean pero sa ibang bansa iyon naninirahan. Gusto ng tiya niya na sumunod na sa boy friend nito sa Amerika pero ayaw ng lalaki na may ibang bagahe itong dala. At siya ang bagaheng iyon. Kaya ipinaalam sa kanya sa wakas ni tiya Dolores ang tungkol sa kanyang ama para hindi raw siya maiwang mag-isa. Sa kabila ng galit nito sa kanyang ama ay dinala siya nito sa mansyon ng mga Trevino at ipinakilala roon.

Mapalad na lang silang magtiyahin na nagkataong nasa mansyon noong araw na iyon ang kanyang ama kaya sila nakapasok roon. Kung si Leonna ang naabutan nila ay siguradong agad na silang pinaalis roon.

At doon na nabago ang buhay ni Dean. Gaya ng inaasahan ay galit na galit si Leonna nang matuklasan ang tungkol sa kanya lalo na nang makumpirmang kadugo niya si Bernardo Trevino sa pamamagitan ng DNA tests na dalawang ulit pang ipinagawa ni Leonna. Ipinagpilitan ni Bernardo na manatili siya sa mansyon. Pero may kondisyon raw iyon ayon kay Leonna. Kailangang palabasin na ampon lang siya dahil hindi raw nito matatanggap na kilalanin rin siya ng publiko na kahanay ni Adam. Bukod pa roon ay bunga lang raw siya ng pagtataksil ng kanyang ama at ng kabuktutan ng kanyang ina.

Isa siyang kahihiyan na karapat-dapat lang raw itago mula sa mga tao. Pinagtalunan iyon nina Leonna at Bernardo sa mismong harap nila ni Adam noong unang araw mismo ng pagdating niya sa mansyon ng mga Trevino. Dahil sa matinding kahihiyan at panliliit na nararamdaman ay si Dean na ang kusang nagpauna na tatanggapin niya ang kondisyon ni Leonna. Doon na natapos ang usapan.

Tinanggap si Dean ng kanyang ama at naramdaman niyang minahal din siya nito. Hindi niya nga lang magawang hayaan ang sariling makalapit rito ng tuluyan dahil madalas ay nasasalubong niya ang nagbabagang mga tingin sa kanya ni Leonna na kabaliktaran sa puno ng kalamigang mga titig sa kanya ni Adam. Sa harap ng lahat ay maganda at buo ang pamilya Trevino. Ang mga kasambahay lang ang siyang nakakaalam ng totoo.

Noong unang nakita ni Dean si Selena sa mansyon ang ika-apat na araw ng paninirahan niya roon. Iyon ang mga panahong gusto niya nang tawagan ang tiya Dolores niya at magmakaawa na kunin na lang siya dahil sa kabila ng mga materyal na bagay na tinatamasa ay wala siyang makapang saya sa puso niya. Paulit-ulit na ipinapamukha sa kanya ni Leonna na hindi siya nababagay roon. Hindi niya na maatim ang mga sinasabi nito patungkol sa kanyang ina. Pero nakita niya si Selena. Bukod sa kanyang ama ay naging isa ang dalagita sa da-dalawang rason kung bakit nagpasya siyang manatili sa mansyon.

Isa pa, saan nga ba siya pupunta noon kung sakali? Pareho nang sumakabilang-buhay ang mga magulang ng kanyang ina at wala na itong iba pang kaanak maliban kay tiya Dolores. Duda rin si Dean kung magagawa niyang lumapit sa tiya Dolores niya na noon ay handang-handa nang umalis papuntang Amerika. Alam niyang mahal siya ng tiyahin pero hindi niya rin makayanan na hindi ito makaalis o hindi maging matagumpay ang relasyon nito sa lalaking mahal nito nang dahil lang sa kanya.

He was stuck with the Trevinos.

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time