Nevada, USA
“I, LEVI, choose you, Denise, to be my wife. In front of our friends and family, I promise to love and cherish you through every obstacle that may come into our path.”
Maggy tried hard to suppress her tears. Isang selebrasyon ang ipinunta niya sa simbahan at ipinangako niya sa sariling hindi siya iiyak. Pero parang hiniwa ang puso niya nang makita ang pagguhit ng matamis na ngiti sa mga labi ni Levi habang titig na titig sa ngayon ay asawa na nitong si Denise. Sa kanya lang dati nakalaan ang ngiting iyon at ang nakikitang kislap sa mga mata nito, para sa kanya dati iyon.
Talagang hindi siya dapat umiyak. Dahil ginusto niya ang mga nangyari. Hinayaan niyang makawala si Levi kapalit ng kanyang misyon.
Mariing nakagat ni Maggy ang ibabang labi. Dapat ay nagpapahinga na siya sa isang hotel nang mga sandaling iyon dahil ilang oras na lang ay nakatakda na ang pagbabalik niya sa Pilipinas. Pero sa halip ay naroroon siya para saksihan ang pagpapalitan ng mga pangako ng mga ikakasal sa isa’t isa. Gusto niyang sa huling pagkakataon ay makita ang dating boyfriend at kumbinsihin ang sarili na tama ang ginawa niyang pagpapalaya rito.
Levi had finally found his match.
At base sa nakikita ni Maggy na pagmamahal na nakarehistro sa mga mata ng bride, alam niyang tama ang kanyang naging desisyon. Nagmamahalan ang mga ikinakasal. Iyon naman dapat ang mahalaga. Nang makitang isinusuot na ni Levi ang singsing sa daliri ni Denise ay mabilis at walang ingay na tumalikod na siya at lumabas ng simbahan. Dumeretso siya sa nakaparadang kotse ng matalik na kaibigang si Clarice na kasalukuyang nananatili ng ilang araw sa Nevada nang mga sandaling iyon kasama ang halos tatlong linggo pa lang na asawa nitong si Alano. Nasa business conference ang huli kaya nasamahan siya ni Clarice nang araw na iyon.
“I can’t believe you actually let someone steal your man,” napapailing na bungad ni Clarice nang makasakay na si Maggy sa kotseng nirentahan ng kaibigan.
Muling nanikip ang dibdib niya. “Mas marami pang importanteng bagay na dapat pagtuunan ng pansin kaysa sa pag-ibig, Clarice. You damn well know that. Hangga’t hindi natin napababagsak si Benedict McClennan, hindi ako kahit kailan matatahimik.”
Comments
The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 2: Austin McClennan