Login via

The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan novel Chapter 11

“YOU LOOK exceptionally happy today. Naalala kong ganyang-ganyan ang itsura ni Maggy nang malaman niyang buntis siya.”

Matamis na napangiti si Yalena sa mga narinig mula kay Clarice. Sila lang ng matalik na kaibigan ang nasa hallway ng ospital at naghihintay sa paglabas ng doktor mula sa operating room. Hindi pa sila nakakapag-usap ni Ansel tungkol sa ipinagbubuntis niya noong nagdaang gabi pag-uwi niya mula sa Olongapo dahil hindi pa ito umuuwi.

Binisita ni Ansel ang planta sa Quezon at dederetso raw muna ang binata sa opisina nito dahil may meeting pang kailangang puntahan kaya nakapagpasya si Yalena na sorpresahin na lang ang binata sa opisina. Papunta na siya roon nang tumawag sa kanya si Austin. Pumutok umano ang panubigan ng kakambal niya at dinala na nito sa ospital si Maggy na si Yalena raw ang hinahanap kaya doon na lang siya dumeretso.

Sa kabila ng paghilab ng tiyan ni Maggy ay hindi ito pumayag na manganak nang wala si Austin sa tabi nito kaya sa huli ay nahikayat na rin ang mga doktor na isama si Austin sa loob ng operating room kahit na parang mauuna pang bibigay ang bayaw niya kaysa sa kakambal dahil si Austin ang mukhang mas natataranta at namumutla kaysa kay Maggy. Naabutan na ni Yalena sa ospital si Clarice na inihatid doon ni Alano habang si Ansel ay hindi niya ma-contact. Naipilig niya ang ulo. Siguro ay nasa meeting pa ito.

“I know this is supposed to be Maggy’s moment. Pero since nasa O.R pa siya, makiki-moment na muna ako. Ako muna ang i-video mo. Hindi ‘yong puro pinto ang kinukuhanan mo.” Dahil excited din si Clarice sa ipinagbubuntis ni Maggy ay nagdala ito ng videocam para mai-record sana ang pagli-labor ni Maggy pero si Austin lang ang hinayaang makapasok sa operating room. Iniharap niya sa kanya ang videocam ni Clarice. Kinindatan ni Yalena ang kaibigan. “Okay na ba? Pwede na akong mag-moment?”

Natawa si Clarice. “Fine.” Tuluyan na nitong itinutok sa kanya ang videocam.

Mapaglarong tumikhim-tikhim pa kunwari si Yalena bago kumaway sa harap ng camera. “Ipakita mo kaagad ito kay Maggy mamaya, ha?” Masiglang tumawa siya. “Maggy and Clarice, I’m pregnant. Seven weeks na.”

Nanlaki ang mga mata ni Clarice.

“Ang daya-daya ko. Dapat si Ansel ang unang makakaalam nito pero nauna ko nang sinabi sa Mama niya. Yes, I met with Alexandra and Benedict yesterday. Nang malaman kong buntis ako, parang may kung anong sumapi sa akin. Tumapang ako bigla. Kinaya ko.” Nagmamalaki siyang ngumiti. “Hindi ko masasabing okay na kami. But I know one day, we will be. And Clarice, I’m so happy right now. May bahagi sa akin ang nakahinga na nang maluwag. Sana magtuloy-tuloy na ang sayang ito.” Magsasalita pa sana si Yalena nang tumunog ang cell phone niya. Pagsilip niya sa screen niyon ay si Radha ang tumatawag.

Nagpaalam si Yalena kay Clarice at bahagyang lumayo sa huli bago niya sinagot ang tawag ni Radha. “Finally, you called! Ano ba’ng nangyari sa `yo? Ilang beses kitang tinawagan pero naka-off ang phone mo. How’s your baby? Nanganak ka na two months ago, `di ba?”

“Hindi ako mapakali,” sa halip ay sagot ni Radha sa kabilang linya. “Four months ago, I saw Dennis talking to Jerome and Carlos. Parati kong nakikita noon sina Jerome at Carlos tuwing bumibisita ako sa bahay n’yo, Ma’am. May-ari ng isang security agency si Dennis at posibleng nakilala niya sina Jerome dahil doon kaya alam kong dapat balewalain ko na lang ‘yon kung tutuusin. There’s just something different about them. Nahuli nila akong nakatingin sa kanila isang gabi. Nagkataong sa isang restaurant ‘yon kung saan kami kumakain ng asawa ko. They looked… a little murderous. So I kept digging. Instinct, I guess.

Nag-imbestiga na rin ako tungkol sa napag-alaman kong mga pangalan nina Jerome at Carlos. Ilang ulit ko rin silang napansing padaan-daan sa tapat ng bahay n’yo noon, Ma’am. And you know what I found out? Isang araw, pagkatapos mong lumipat sa village, lumipat din sila roon. Pakiramdam ko, minamanmanan ka nila, Ma’am.”

“Radha, that’s ridiculous. Baka coincidence lang ‘yon. Saka ano naman ngayon kung lumipat rin sila—”

“Mga tauhan sila ni Dennis sa security agency, Ma’am. Kapitbahay rin sila ni Dennis noon sa squatters’ area sa Valenzuela,” putol ni Radha sa mga sasabihin ni Yalena. “Mga namatayan din sila ng pamilya nang araw na ipagiba ni Benedict ang mga bahay sa nabili niyang lupa sa Valenzuela. Jerome lost his son. Carlos lost his father.”

Napaawang ang bibig ni Yalena.

“Carlos was into drugs. Nalaman ni Jerome na iniimbestigahan ko sila. For months ago, na-hit and run ako ng kotse niya. Obviously, sinuwerte akong mabuhay.” Natawa si Radha sa kabilang linya pero walang kasimpait iyon sa pandinig ni Yalena. “Pero hindi sinuwerte ang bata sa sinapupunan ko, Ma’am. Unconscious din ako ng ilang linggo. Magpe-Pebrero na nang magkamalay ako. Dinala ako ni Baron sa Amerika para magpagaling.” Tukoy ni Radha sa asawa nito. “He was so mad. He wanted me to pull out from this mission. Pagkatapos ng mga nangyari, ginusto ko na ring tumigil na lang talaga, Ma’am. Pero hindi ako matahimik. I’m sorry. I called a little late. Lumayo na kayo kay Dennis, Ma’am. Lumipat na rin kayo ng village.

“The McClennans are rich. Ask for a security. Because Dennis, Jerome, and Carlos are dangerous, Ma’am. Wala na sila sa tamang pag-iisip. Nagkataon lang na mahigpit ang seguridad noon sa mansiyon ng mga McClennan kaya buhay pa si Benedict. Pero sa oras na makahanap sila ng pagkakataon, siguradong gagantihan pa rin nila ang matanda. Mag-ingat kayo, Ma’am. Ipadadala ko ang ilang impormasyon sa e-mail n’yo kasama ng mga litrato nina Jerome at Dennis.” Iyon lang at nawala na si Radha sa kabilang linya.

Ilang ulit na napabuga ng hangin si Yalena para kalmahin ang sarili. Hindi nagtagal ay natanggap niya ang e-mail ni Radha. Napatakip siya sa kanyang bibig nang makita ang litrato nina Jerome at Carlos. Si Jerome ang siyang nagpakilala pa noon sa kanya sa supermarket at siyang pinagselosan pa ni Ansel.

Oh, God. Nanginginig ang mga daliring idinayal niya ang numero ni Dennis.

“Dennis, kailangan nating mag-usap—”

“`Wag ngayon, Yalena. I have tons of things to do right now. Lalo na ngayong natunton na namin si Benedict. I knew it. You are going to be very useful to us. Ikaw rin ang may kasalanan nito. Hindi ka masyadong nag-iingat. Nasundan ka tuloy ng alagad ko kahapon.” Tumawa si Dennis. “Saan na nga ba `yon? Ah, Olongapo.”

Chapter 11 1

Comments

The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan