Login via

The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan novel Chapter 3

“DO YOU like it?”

Agad na nag-angat ng mukha ang dose-anyos na si Yalena nang marinig ang pamilyar na boses na iyon ng Tito Benedict niya. Nangingislap ang mga matang tumango siya habang hawak ang isang korona. Magaan ang loob niya sa matanda, ganoon din ang kakambal niyang si Maggy pero bahagyang mailap dito ang matalik na kaibigan nilang si Clarice.

Kahit na walang espesyal na okasyon ay may mga regalo silang natatanggap mula sa Tito Benedict nila. At ang pinakagusto niya sa mga ibinigay nito ay ang koronang kabibigay lang sa kanya nang araw na iyon. Nagpunta ito sa kanilang mansiyon dahil may mahalaga daw itong pag-uusapan sa library kasama ng mga ama nila ni Clarice na may kinalaman sa negosyo kung saan magkasosyo ang mga ito. Nagkataong naunang dumating ang kanyang Tito Benedict at naabutan siya sa pool area na naglalaro ng kanyang manika. Natutulog pa si Maggy kaya nag-iisa lang siya roon.

“Thank you, Tito Ben.”

Ngumiti si Benedict at marahang pinisil ang mga pisngi ni Yalena. Inabot nito sa kanya ang dalawa pang may-kalakihang kahon na tulad nang ibinigay nito sa kanya. “Para ito kina Maggy at Clarice. Ikaw na lang ang magbigay, ha?”

Muling tumango si Yalena. Kinuha ni Benedict ang korona mula sa kanya at isinuot sa kanyang ulo. Maliit lang iyon na parang para sa isang prinsesita. Kulay-silver iyon. Sa gitna niyon ay may mga kumikinang na para bang diyamante.

“Take care of this, all right? I had your crowns personalized by my friend. He makes jewelries.” Nang matapos si Benedict ay bahagya pa nitong inayos ang kanyang buhok. “Hayan, mukha ka na talagang isang prinsesa, Yana, isang napakagandang prinsesa. You know, given a chance, I want you to meet my sons. They’re not princes’ but I assure you, they’re great knights.” Kinindatan siya nito. “Mabubuti silang mga anak. Mana sa Mommy nila.”

“Bakit po sa Mommy lang nila at hindi sa inyo?” Nagsalubong ang mga kilay ni Yalena. “You are a wonderful person, too, Tito Ben.”

Bumuntong-hininga si Benedict. “You can’t be sure of that, princess.”

“Sigurado po ako sa bagay na `yon, Tito Ben. Mabait po kayo sa amin. Maggy wonders why because she said you’re too nice and I answered because it’s in your blood. You are born kind.”

“Hindi iyon dahil mabait ako. It’s just that you, Maggy, and Clarice remind me of my sons. Gaya n’yo ay masunuring bata rin ang mga iyon. Sana pagdating ng panahon ay hindi nila pagdaanan ang mga pinagdaanan ko. Gusto kong makahanap rin sila ng gaya n’yo.” Muling bumuntong-hininga si Benedict nang muling makita ang pagsalubong ng mga kilay ni Yalena. “Bata ka pa kasi kaya hindi mo pa ako maiintindihan.”

Naupo si Benedict sa tabi niya at dinukot ang wallet sa bulsa ng pantalon nito. Mula roon ay humugot ito ng isang litrato at ipinakita sa kanya. Bumungad sa kanya ang tatlong mga nakangiting binatilyo.

“Sila ang mga anak ko.” Isa-isang itinuro ni Benedict at binanggit ang mga pangalan ng mga iyon kay Yalena. “And this is my eldest son, Ansel, my younger version as Alexandra said. He’s four years older than you are. Sa kanilang tatlo ay siya ang bata pa lang ay nagsabi nang gusto niyang maging tulad ko. Gusto niya ring maging businessman. I want him to be a businessman, no doubt. But I don’t want him to be like me.”

“But why?” tanong ni Yalena habang nanatiling nakatitig sa litrato. Pero kay Ansel mas tumutok ang kanyang mga mata. Matagal na nilang alam na may mga anak si Tito Benedict sa Boston pero ngayon lang ito nagkwento ng tungkol sa mga iyon. Ngayon din lang nito ipinakita ang litrato ng tatlo at ikinatutuwa niyang mukhang sa kanya pa unang ipinakita iyon.

“Nah, I keep saying things you wouldn’t understand. I’m sorry.”

“It’s okay.” Naguguluhan man ay tumango na lang si Yalena habang hindi inaalis ang mga mata kay Ansel. Pare-parehong nakasuot ng suit ang tatlong binatilyo. Base sa Christmas tree sa likuran ng mga ito ay lumalabas na noong nakaraang pasko pa kinuha ang litrato. Si Ansel, bilang pinakamatanda ang siyang pinakamatangkad. Gustong-gusto niya ang ngiti nito roon. Pilyo pero mukhang sincere ang mga mata. Kumikinang ang asul na asul na mga mata nito. Makatawag-pansin din ang hanggang balikat na itim na itim na buhok nito, ang nag-iisang bagay na hindi nito nakuha sa ama.

Nag-angat si Yalena ng mukha at pinagmasdan ang Tito Benedict niya. “Tama po kayo. Kamukhang-kamukha kayo ni Ansel. But I think…” Mapaglarong ngumiti siya. “He’s more handsome than you are, Tito Ben.”

Tumawa ang matanda. “Aha! You like my eldest, don’t you?”

Naramdaman ni Yalena ang pag-iinit ng kanyang mukha. Wala pa siyang natatandaang hinangaan sa mga binatilyong nakakasalamuha nila nina Maggy at Clarice sa eskwela pati na sa kanilang village. Pero sa palagay niya ay magbabago na iyon. Gustong-gusto niya ang mukha ni Ansel. Ang sarap niyon pagmasdan. At ang magaan na pakiramdam na hatid ng pagtitig dito ay damang-dama niya sa kanyang puso; puso niyang parang nakangiti rin nang mga sandaling iyon. “Gusto ko siyang makita, Tito Ben,” sa halip ay sagot niya. “Do you think he will like me, too?”

“What do you want to be when you grow up?” sa halip ay tanong nito.

Nagsalubong ang mga kilay ni Yalena. Hindi pa iyon pumapasok sa isip niya. Mayamaya ay napahawak siya sa kanyang korona. “I don’t know yet, Tito Ben.” Naalala niya ang mukha ng mga magulang. “Pero sigurado akong gusto kong maging tulad ni Mommy. Ang sabi ni Daddy, si Mommy daw ang kanyang prinsesa bago sila ikasal. And now, Mommy became his queen. Maggy and I became his princesses. Gusto ko rin nang gano’n, Tito Ben. I want to be somebody’s princess.”

Pinagmasdan si Yalena ng Tito Benedict niya. Magiliw na ngumiti ito. “Sino ba ang hindi magugustuhan ang munting prinsesang gaya mo? But then again, just in case, you have to bear with my eldest. I told you he’s not a prince. But you, Yana, stay that way, okay? Stay a princess.”

NANINIKIP ang dibdib na bumangon si Yalena sa mga naalala. Ilang oras na siyang nakahiga sa malaking kama sa inookupa niyang kwarto pero hindi pa rin siya makatulog. Pagod na pagod ang katawan niya pero ayaw siyang hayaan ng kanyang isip na makatulog at makapagpahinga dahil abala iyon sa paglalakbay pabalik sa nakaraan. Hindi niya alam kung paano nagagawang makatulog ni Maggy sa mansiyon na iyon. Knowing that she was inside the enemy’s domain brought back countless of memories, memories that she wished she could finally forget.

Naalala niya ang litratong ipinakita sa kanya noon ni Benedict. Ibinigay na nito iyon sa kanya at siya naman itong tanga, sa kabila ng matinding galit sa matanda ay hindi niya iyon nagawang isama sa mga regalong sinira at itinapon na niya. Sa halip ay iningatan niya pa ang litrato. Dahil noon pa man, nagkagusto na siya sa isang McClennan. Nagkagusto na siya kay Ansel. At twelve, she had adored the younger version of Benedict. Kaya nang mangyari ang trahedya noon sa kanyang pamilya ay nawasak ang lahat sa kanya. Hindi niya na muli pang magawang tingnan ang litrato. Itinago niya na lang iyon.

Nasira ang mga pinaniniwalaan ni Yalena tungkol sa pagkakaibigan, tungkol sa pagmamahal. Para sa kanya, lahat ng ipinakita noon ni Benedict ay puro paimbabaw lang. Nakakatakot ito dahil iba ang lalaki kung magmahal; makasarili. Sa likod ng maamo nitong mga mata ay nagtatago ang isang halimaw na walang pakundangan kung pumatay ng kapwa nito.

Nang yumao ang kanyang mga magulang, tinangay niyon ang lahat ng kanyang pag-asa at lakas. Sa takot niya ay ginusto niya na ring sumunod sa mga ito kung hindi lang dahil kay Maggy. Kay tagal na naging sanhi si Benedict ng kanyang mga bangungot. Nang sa wakas ay magawa niyang bumangon, nagsimula siyang mangarap. Ginusto niyang maging abogada nang sa ganoon, sa muli nilang paghaharap ni Benedict ay siya mismo ang magsasampa ng kaso laban rito, siya mismo ang magpapakulong sa matanda.

Ginawa ni Yalena ang lahat para maging matagumpay. Nagsikap siya hanggang sa unti-unti ay makilala ang pangalan niya sa Nevada dahil sa mga kasong kanyang hinawakan. Nagsimulang lumapit sa realidad ang mga gusto niya. Hindi tulad noon na naniniwala pa siya sa fairy tale, sa prinsesa’t prinsipe, sa hari at reyna pati na sa mga kawal ng mga iyon. Dahil walang mga ganoon sa totoong mundo. O kung mayroon man ay matagal ng sumakabilang-buhay at iyon ay ang kanyang mga magulang, ang orihinal na prinsesa at prinsipe.

The princess in her died a long time ago.

Napasulyap si Yalena sa wall clock sa tapat ng kanyang kama. Alas-tres pa lang nang madaling-araw. Bumangon na siya at pinatungan lang ng robe ang suot na negligee. Lumabas siya ng kanyang kwarto at bumaba. Nagpunta siya sa kusina. Hindi na siya nag-abalang buksan pa ang mga ilaw.

Binuksan niya ang refrigerator at kumuha ng isang pitsel ng tubig. Nagsalin siya niyon sa isang baso at deretsong inubos ang laman niyon. Humila siya ng isang silya sa dining table at naupo.

Napahawak siya sa kanyang noo. Kailangang sa araw rin na iyon ay makahanap na siya ng ibang matutuluyan. Hindi niya kayang patuloy na manatili roon kahit na mangangahulugan iyon ng pagsira niya ng pangako sa sarili na sasamahan ang kapatid.

Naalala ni Yalena si Radha. Ayon sa kakambal ay bumalik na sa pagtatrabaho sa kanila si Radha kahit katatapos pa lang ng kasal nito. Nang matuklasan nito ang nangyari sa kanya sa Los Angeles ay agad itong bumalik. Makasarili nga siguro siya pero pabor iyon sa kanya.

Gagamitin niya ang utang-na-loob sa kanya ni Radha at ang sigaw ng konsensiyang nadarama nito para patuloy na makapagtrabaho pero sa pagkakataong iyon ay para na lang sa kanya hanggang sa matapos umano ang mga gusto niyang gawin sa Pilipinas dahil tapos na ang misyon nito kay Maggy. Si Radha lang ang pinagkakatiwalaan niyang makagagawa nang maayos ng mga iniuutos niya.

“Tingnan mo nga naman, pareho pa tayo ng sitwasyon. Parehong restless at hindi makatulog,” anang isang baritong boses. “Don’t you think this is destiny or something?”

Hindi nag-angat ng mukha si Yalena kahit pa naramdaman niya ang paghila ng upuan ni Ansel sa tabi niya. Ang binata ang dahilan kung bakit hindi siya sumama sa hapunan noong nagdaang gabi. Hindi niya gusto ang nadaramang tensiyon tuwing nakikita ito lalo na nang malaman niya mula sa kakambal na siyang naghatid ng hapunan niya na lumipat ng kwarto si Ansel sa tabi ng kanyang kwarto.

Kilala niya na ang ugali ng binata. Ang tatlong magkakapatid na McClennan ang pinaimbestigahan noon ni Maggy kay Radha. Hanggang ngayon ay kabisado niya pa ang ilang mga nilalaman ng researches ni Radha tungkol kay Ansel. Ilang beses na mas babaero ito kaysa kay Alano. Hindi nakikipagrelasyon ang lalaki dahil madali itong magsawa sa iisang babae lang. Bukod pa roon ay nakukuha nito ang sinumang gustuhin. Hindi ito kahit kailan nakaranas na tinanggihan at pinahiya ng isang babae kaya siguro ay isang pagsubok ngayon sa pagkalalaki nito kung ituring siya.

Destiny? Napakahirap paniwalaan iyon mula sa isang batikan sa mga kalahi ni Eba na tulad ni Ansel.

“Cut the crap, Mr. McClennan,” mayamaya ay namamaos na sinabi ni Yalena. “`Wag kang magbabanggit ng mga salitang hindi pamilyar sa `yo. Napaghahalataang wala kang alam. Destiny… do you even know a thing about it?”

“Ouch. Ganyan ba talaga ang mga dragon? Walang pinipiling panahon, basta na lang nagbubuga ng apoy?” Marahang natawa si Ansel. “But sorry about that, Attorney. It was just the line I heard from one of my staff. It worked on someone. I thought it would work on you, too. Nakalimutan kong kakaiba ka nga pala. Hindi pala uubra sa `yo ang mga gano’ng bagay. But come on. Don’t you believe in destiny? In… love?” Agad na nag-iba ang tono nito. Naging mapanghalina iyon. “You’re right, you know. Wala akong alam sa mga gano’ng bagay. Kaya maganda siguro kung…matuturuan mo ako. I’m a fast-learner, I promise.”

Comments

The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 3: Ansel McClennan