WHY do I love her? Simple lang. Because she makes me feel so lively. Sa tuwing kasama ko siya, pakiramdam ko, iyon ang unang beses kong nabuhay sa mundo. It could be her smile or the glow in her eyes. Or it could be everything about her.
Naglaro sa isip ni Aleron ang mga sinabing iyon ni Athan sa journal nito habang naglalakad siya papalapit sa mesa nila ni Holly dala ang tray na puno ng mga pagkain. Para namang naramdaman ni Holly ang pagtitig niya rito. Nag-angat ito ng mukha. Gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi nito. Sandali siyang natigilan nang biglang kumabog ang dibdib niya.
Sa gitna ng pagluluksa ni Aleron, pakiramdam niya ay iglap na nagliwanag ang lahat. Kung siya nga na kung tutuusin ay sanay na sa pakikitungo sa mga babae ay naaapektuhan pa rin sa ngiting iyon ni Holly, paano pa kaya ang may pagka-nerd niyang kapatid na si Holly ang kauna-unahang minahal at naging girl friend?
Humigpit ang pagkakahawak ni Aleron sa tray. Holly was beyond lovely. Hindi nabigyan ng hustisya ng mga nakita niyang litrato nito sa kwarto ni Athan ang totoong anyo nito. Napakasimple ng anyo ng dalaga, malayo sa glamorosang mga babaeng nakakahalubilo niya. Nakapantalon lang ito na may mga butas pa sa mga tuhod, puting sando at puti ring rubbershoes. Nakatali ang tuwid na tuwid na buhok nito at hubad sa make-up ang mukha. Pero lutang pa rin ang ganda nito kahit para lang itong pupunta sa parke.
Matangkad si Holly kumpara sa pangkaraniwang Pinay. Sa taas ni Aleron na anim na talampakan ay hanggang ilong niya ang dalaga. Ginintuan ang kulay nito pero imbes na makabawas ay nakadagdag pa iyon sa appeal nito. She had droopy hooded eyes. Ginintuan din ang kulay ng mga matang iyon, mga matang para bang kay hirap nang bitawan sa oras na matitigan na ng isang tao. Those eyes seemed to require attention. Maganda ang maliit at matangos nitong ilong. Maninipis ang mala-rosas nitong mga labi, mga labi na para bang nilikha para magbigay ng ngiti. Kung nahulog man si Athan sa bitag ni Holly, masisisi niya pa ba ito?
Iba ang paraan ni Holly para makakuha ng atensyon ng isang lalaki o ng isang mayamang lalaki-sa kaso ng kapatid niya. She used her simplicity, making her look all the more delicate. Ayaw mang aminin ni Aleron ay tama si Athan, totoo ngang kakaiba ang dating ni Holly.
“There it is!” Naalala pa ni Aleron na parang excited pang sinabi ni Holly matapos niyang i-park ang kotse sa tapat ng isang fast food restaurant. “Jabee! Yum! Yum!” Mistulang bata pang dagdag nito. Jollibee pala ang tinutukoy nitong Jabee.
Sa huli ay mukha namang walang kahirap-hirap na nakuha ni Aleron ang tiwala ng dalaga. Sumabay na lang ito sa kanyang kotse at itinuro ang daan papunta sa pinakamalapit daw na lugar na pwede nilang kainan. Of course, it was just his excuse. Kinabisado niya na ang buong village kung saan nakatira si Holly pati na ang mga lugar na malapit roon bago pa man siya lumipat roon.
Sinadya ni Aleron na lumipat sa katabing bahay ni Holly para mas mapadali ang plano niya. Isang paraan niya na rin iyon para masubaybayan ang bawat ikinikilos ng dalaga. Noong nakaraang bwan niya pa nabili ang bahay pero nang araw na iyon lang siya nakalipat roon dahil tinapos niya na muna ang lahat ng mga trabaho niya bago siya kumuha ng dalawang bwang leave sa opisina, para maasikaso niya na ang planong paghihiganti.
May dalawang buwan na rin simula nang yumao ang nag-iisang kapatid niya. Aleron didn’t have the time to mourn. Saka niya na gagawin iyon sa oras na matupad niya na ang ipinangakong paghihiganti sa mismong puntod ni Athan.
“It’s your first time in a place like this, isn’t it?” Ani Holly nang sa wakas ay maibaba na ni Aleron ang tray sa kanilang mesa.
Totoong hindi pa nakapapasok si Aleron sa saanmang fast food restaurant. Hindi niya nakahiligang kumain sa ganoong lugar. Sa kabila niyon ay nagboluntaryo pa rin siyang siya mismo ang mag-order ng kanilang makakain matapos alamin ang mga gustong kainin ng dalaga na gaya niya ay hindi pa rin daw nakapaghahapunan. Napahagikgik ang dalaga nang hindi siya agad makasagot.
“It’s obvious.” Inayos na ni Holly sa mesa ang kanilang mga pagkain. Nasorpresa pa si Aleron nang itaas ng dalaga ang fried chicken kasabay ng pagpikit pa nito. “Hmm… ‘bango! I’ve missed you, my precious chicken joy!”
How could this woman act so convincing? Mayamaya ay napailing si Aleron. Perhaps, some people are just born gifted. Nabasa niya ng buo ang journal ni Athan. At puro tungkol kay Holly ang entries roon kaya parang nakilala niya na rin ang dalaga. At nakalagay roon na hindi mahilig sa fast food si Holly. Puro foreign dishes umano ang gusto nito. But then again, maybe she was using a different tactic towards Aleron. Pero hinding-hindi siya magpapadala sa ganoong bagay.
Ang ipinagtataka lang ni Aleron ay kung bakit si Athan pa ang napili ni Holly na biktimahin samantalang may kapasidad naman ang dalaga na makuha ang sinumang gustuhin nito. Bukod pa roon ay nagmula ito sa isang kilalang angkan. Isa itong Lejarde. At mayayaman ang lahat ng mga kabilang sa angkan na iyon. Bakit kailangan pa nitong gumamit ng lalaki para magkapera? Isa iyon sa nabasa niya sa journal ni Athan. Ang bahay na tinitirhan ngayon ni Holly ay binili pa ni Athan para sa dalaga. Ipinangalan nito iyon kay Holly. Nasa isa sa mga drawer sa kwarto ng kapatid ang kopya ng dokumento ng titulo ng bahay.
Nagtagis ang mga bagang ni Aleron sa naisip. Lahat ng luho ni Holly mula sa alahas hanggang sa mamahaling mga damit ay ibinigay ni Athan. Para saan? Ano ba ang gustong patunayan ni Holly? Na kaya nitong paikutin ang lahat ng tao sa paligid nito sa isang kumpas lang nito? Kung tutuusin ay kaya nitong patuloy na magbuhay prinsesa dahil sa Hydro Power Corporation na pagmamay-ari ng pamilya nito. Holly was proving to be a spoiled heiress who thinks that the world can change with a snap of her finger. Pathetic. Disgusting.
Pero agad niya ring nalimutan ang mga isiping iyon nang sa pagmulat ng dalaga ay agad nitong nilantakan ang fried chicken pati na ang spaghetti at French fries sa harap nito. Napatitig siya sa mga labi nito na nabahiran na ng sauce ng spaghetti. Napalunok si Aleron. He suddenly had the urge to lick the sauce on the side of her lips. Kahit ang pagkain nito ay para bang natural na natural.
“What?” Parang inosente pang tanong ni Holly nang mapunang nakatitig rito si Aleron.
Napailing siya. “Nothing. You just looked… a bit hungry.”
Muling ngumiti ang dalaga. “Kanina pa talaga ako nagugutom at plano ko na rin talagang tumawag rito para magpa-deliver. Nalimutan ko lang. I was busy dealing with my manuscript. Besides, I really missed Jabee. Pasensya na.” Para namang nahihiyang binitiwan ni Holly ang fried chicken. “I looked gross, didn’t I?”
Pinakatitigan ni Aleron si Holly. “Well, actually, you look… beautiful regardless of the combination of gravy and spaghetti sauce on your lips.”
He was supposed to fake the compliment but damn it, he meant it.
SA IKALAWANG pagkakataon sa gabing iyon ay damang-dama ni Holly ang pag-iinit ng mga pisngi niya. Sandaling nakita niya ang pagdidilim ng mukha ni Aleron pero mabilis rin iyong naglaho. Naalarma siya. Siguro ay kabaliktaran ng mga sinabi nito ang totoong nararamdaman nito. Na-turn off na siguro ang binata sa kanya. Hindi nga lang nito direktang masabi dahil gentleman ito.
Nakakahiya ka, Holly! Gusto niya nang lumubog sa kinauupuan. May pagka-careless talaga siyang kumain hindi gaya ni Hailey at ng kanyang ina na napaka-graceful. Balewala ang bagay na iyon sa kanyang ama pero madalas siyang napupuna ni Hailey at ng ina dahil doon lalo na kapag nakakasalo niya ang mga ito sa mansyon.
Puro instant noodles, mga de-lata at cupcakes ang laman ng kusina ni Holly. Kung hindi siya nagpapa-deliver mula sa kung saan-saang restaurant ay ang mga stock niyang iyon ang kinakain niya lalo na sa tuwing abala siya sa pagsusulat. Noong bisitahin siya ng ina at malaman ang ganoong lifestyle niya ilang linggo na ang nakararaan ay araw-araw na itong nagpapahatid sa kasambahay nila sa mansyon ng mga pagkaing ito pa mismo ang nagluluto. Pakiramdam niya tuloy ay hindi rin siya nakaalis sa kanilang mansyon.
Comments
The readers' comments on the novel: The Trouble With Good Beginnings