“HOLLY,”
Nahinto sa tangkang pagpasok sa gate ng bahay niya si Holly nang marinig ang pagtawag na iyon sa kanya ni Aleron. Nilingon niya ang binata. Nakasandal ito sa pinto ng kotse nito habang ang mga kamay naman ay nakapaloob sa bulsa ng leather jacket nito. Nahigit niya ang hininga. Mukha itong modelo na para bang kalalabas lang mula sa magazine.
Nakasuot si Aleron ng maong na pantalon, gray V-neck shirt at leather jacket na pinarisan nito ng itim ring leather shoes. Umpisa pa lang ay alangan na ang itsura nito para sa lugar na kinainan nila pero wala itong reklamo. Nang makarating sila sa fast food restaurant ay agad na nakuha ng binata ang atensyon ng mga kumakain roon lalo na ng mga kababaihan. Mahaba ang pila sa pag-order pero hindi ito naringgan ni Holly ng anuman. Mukha rin itong naliligaw na prinsipe habang kumakain kasama siya kani-kanina lang. He ate with so much elegance like he came from a royal family.
Si Aleron ang uri ng lalaki na sigurado si Holly na makakasundo ni Hailey at ng kanyang ina sa ganoong aspeto. Hindi siya mapapahiya kapag kasama ito. Pero nag-aalala siyang baka ito ang mapahiya kapag kasama siya.
“Hmm?” Tanging nasabi ni Holly. Palabiro siyang tao at may pagkamadaldal. Parati siyang mayroong nasasabi kahit na nga ba kakikilala niya pa lang sa isang tao. Ugali niya na iyon na siyang namana niya mula sa kanyang ina. Pero simula nang selyuhan ng mga labi ni Aleron ang kanyang mga labi ay hindi niya na nakuhang makapagsalita. She was still too dazed to speak.
“I was never sorry about the kiss, Holly. I was just sorry that it scared you, that it happened this soon. Hindi ko lang napigilan ang sarili ko. At kung kaya ko lang balikan iyong nangyari kanina, gano’n pa rin ang gagawin ko. Because you really looked incredibly adorable back there, back at the Jabee.” Bahagya pang napangiti si Aleron. “Hindi ka na nagsalita pagkatapos ng nangyari kanina kaya nag-aalala ako. I’m so sorry I spoiled the moment.”
“You didn’t.” Ani Holly nang sa wakas ay matagpuan ang boses.
“Really?” Nangislap ang mga mata ng binata. “Hindi ka na ba natatakot sa akin?”
“Actually, natatakot pa rin ako sa ’yo.”
Naglaho ang ngiti ni Aleron.
“Ang dami kong pangarap na lahat sa isang iglap, sinira mo. My dream was to be kissed by someone I’m sure about. Isang lalaki na sigurado ako na single pa rin, na sigurado ako sa tunay na identity.” Totoo sa loob na dagdag ni Holly. “You stole my first kiss, you thief! And it’s scary because… it felt right regardless of all the uncertainties.”
Matagal na pinangarap ni Holly ang mangyayari sa una niyang halik. Gusto niya ay iisang tao lang ang magiging una at huling halik niya. Iyon na ang magiging unang nobyo niya at siya na ring mapapangasawa niya. Kaso ay iba ang nangyari. All because of the sauce. Pero malaki ang pagpapasalamat niya sa sauce na iyon. Kung hindi dahil sa pagiging makalat niyang kumain, siguro hanggang ngayon ay nagtatanong pa rin siya sa sarili kung ano ang pakiramdam ng unang halik. She would have missed that wonderful feeling.
“I’m your first kiss?” Nagsalubong ang mga kilay ni Aleron na para bang hindi katanggap-tanggap para rito ang mga sinabi ni Holly.
Tumango si Holly. “Bakit parang hirap na hirap kang paniwalaan?” Bahagya siyang napangiti. “It happens. Hopeless romantic fools do exist, Aleron.”
HOW CAN this woman lie without blinking an eye? Bakit ba pagsusulat ang ginawang propesyon ni Holly samantalang malaki ang hinaharap nito pagdating sa pag-arte? Marami itong patataubing artista dahil walang kahirap-hirap para rito ang pag-deliver ng linya. Tumaas-baba ang dibdib ni Aleron sa pinipigil na galit.
Unang araw niya pa lang sa kanyang misyon pero nagkakaganoon na siya. Ang akala niya ay nakilala niya na ang lahat ng uri ng tao dahil sa mundong ginagalawan niya pero kakaiba si Holly. Mayamaya ay naipilig ni Aleron ang ulo. Hindi pala ito kakaiba. Dahil katulad na katulad ito ng kanyang ina. Sinungaling. Manggagamit. Nang-iiwan sa ere.
Ang pagkakaiba nga lang ay mahirap ang ina ni Aleron samantalang isa sa tagapagmana ni Alfar Lejarde si Holly. Bigla ay parang gusto niyang sumabog sa kalupitan ng mundo. He had no one else left in his life because of the likes of Holly.
Hindi likas na mayaman ang mga Williams, ang pamilyang pinanggalingan ni Aleron. Purong Amerikano ang kanyang ama na nagsikap sa buhay at sumugal sa pagnegosyo sa Pilipinas. Itinatag nito ang Williams Prime Holdings, Incorporated, ang parent company ng Williams Group Shopping Malls. It was one of the largest shopping malls and retail operators in the Philippines. Sa ngayon ay mayroon na iyong tatlumpu’t isang operating malls sa buong bansa.
Hindi pa ganoon katatag ang kompanya nang makilala ni Philip, ang ama ni Aleron, si Lucia, ang ina nila ni Athan. Dancer si Lucia sa isang maliit na bar. Doon ito nakilala ng kanyang ama na nahulog sa bitag nito unang kita pa lang rito. Hinango ni Philip si Lucia sa kahirapan. Hindi lingid sa ama na marami ng kinasamang lalaki si Lucia pero pinakasalan pa rin nito ang huli. Sila ni Athan ang mga naging bunga.
Tatlong taon ang tanda ni Aleron kay Athan. Magbe-bente otso na sana ang kapatid kung hindi lang ito namatay. Oportunista si Lucia. Sa tuwing nasa opisina si Philip at nagpapakahirap sa pagtatrabaho maibigay lang ang mga layaw nito ay kung sino-sinong lalaki ang pinapapasok nito sa kanilang tahanan dahil hindi ito makuntento sa isa. Wala rin itong kahihiyan. Kung saan-saan nila ni Athan naaabutan si Lucia na nakikipaghalikan.
Sa lahat ng mga naging karelasyon ni Lucia ay ang security guard pa mismo sa kanilang mansyon ang pinakamatagal na naging karelasyon nito. Walang makapagsumbong dahil takot ang lahat ng mga kasambahay noon sa kanyang ina at sa karelasyon nito na pinagbabantaan silang lahat na naroroon. Ilang ulit na pinilit na ipaalam ni Aleron ang totoo noon sa ama pero madalas ay nakagagawa si Lucia ng paraan para mapigilan siya.
Ilang ulit rin silang nagtalo ng ina noon at parating nakikialam ang gwardya at binubugbog hindi lang si Aleron kundi pati ang kapatid niya. Pinagbantaan pa siya nitong papatayin si Athan sa oras na hindi siya manahimik. Para hindi na madamay pa si Athan ay pinili nga ni Aleron na magsawalang-kibo na lang. At their very young age, Aleron and Athan learned the art of closing their eyes every time their mother kissed and make love to other men. Nag-binatilyo sila ni Athan na ganoon pa rin ang sitwasyon.
Nagbago lang ang lahat nang mag-disinuwebe na si Aleron at mabuking ni Philip ang mga ginagawa ni Lucia. Nagkataong na-postponed noon ang meeting ng ama at mas maaga itong umuwi noong araw na iyon. Nadatnan nito sa master bedroom ang asawa kasama ang gwardya. Ora-oradang pinalayas nito ang dalawa sa kabila ng pagmamakaawa ni Lucia. Simula niyon ay silang tatlo na lang ang naiwan sa mansyon. Nagpakalunod si Philip sa pagtatrabaho hanggang sa inatake ito sa puso na siyang ikinamatay nito noon pang mismong araw ng pagtatapos ni Aleron sa kolehiyo.
Dahil Business Management ang kursong tinapos, si Aleron ang nag-take over sa kompanya. Kasabay niyon ay ang pangako niya sa sariling hindi na kailanman magtitiwala sa isang babae. Sobra-sobra na ang mga bagay na ipinaranas sa kanya ng ina, mga bagay na alam niyang lumipas man ang panahon ay parati pa ring tatatak sa isip niya at susugat sa puso niya.
Sa pagpapalago ng kompanya itinuon ni Aleron ang atensyon niya. Mas kinilala ang kanilang negosyo sa ilalim ng pamamahala niya. Ibang daan naman ang tinahak ni Athan. Pinili nitong maging isang guro sa isang prestihiyosong Unibersidad. Tahimik si Athan, parati itong nag-iisa noong nabubuhay pa ito. Mas pipiliin pa nitong tumugtog ng piano sa bahay nito o magbasa sa library kaysa ang magpunta sa kung saan. Ang buong akala ni Aleron ay nagtanda na ang kapatid dahil sa mga kagagawan ni Lucia pero nabiktima pa rin ito ng isang tulad ni Holly.
Pero sa husay ni Holly sa pag-arte, sino ba ang hindi madadala? Ever since, it was always him and Athan. Lumaki silang walang naranasang totoong saya at pagmamahal. Abala ang kanilang ama sa pagtatrabaho noon habang abala rin ang ina nila sa mga karelasyon nito. There had always been a big hole in their lives and when Holly came, Athan must have thought that Holly can fix that hole.
Bumalik ang kirot sa buong sistema ni Aleron. Pero ang butas sa pagkatao ay natatakpan lang, Athan. Hindi ito tuluyang naglalaho. Kung sana ay lumaki sila ng kapatid sa isang ordinaryong pamilya, baka hindi na humantong pa sa ganoon ang lahat. Pero si Holly lang ang nag-iisang taong nagbigay ng saya sa kapatid, ayon na rin sa journal nito. At nang mawala ang sayang iyon, nawalan na rin ito ng ganang mabuhay.
Kasalanan niya. Dapat ay binalaan niya na si Athan noong nakakausap niya pa ito. Nang malaman niyang may girlfriend na ang kapatid ay ginusto niyang makilala agad iyon pero nasa Davao siya noon para personal na pamahalaan ang pagpapatayo ng panibagong shopping mall nila roon dahil nadala na siya. Noong minsang ipagkatiwala niya sa staffs niya ang pagpapatayo ng nakaraang mall nila ay puro problema ang inabot nila.
Comments
The readers' comments on the novel: The Trouble With Good Beginnings