"I'M SORRY, Cassey."
"Sana, may magic ang sorry, 'no? Na kapag binanggit mo, automatic, magiging maayos na ang lahat," mapait na sagot ni Cassandra. Hindi niya nilingon ang kapatid kahit naramdaman niyang tumabi ito sa kanya sa veranda. Alam niyang dapat ay kahit paano, magpasalamat siya kay Throne dahil sa bahay nito siya pansamantalang tumutuloy habang naghahanap pa siya ng matitirahan. Pero hindi niya mapilit ang sariling hindi maging sarkastiko.
Nagpatuloy si Cassandra sa pagtanaw sa madilim na kalangitan. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay napangiti na siya sa mga bituing para bang basta na lang isinaboy sa kalangitan, dahil sa nakalipas na mga taon ay iyon ang nagsilbing karamay niya.
Walang gabing lumipas noon na hindi siya nakatanaw sa langit dahil ang mga bituin na iyon ang siyang nagsilbing inspirasyon niya para magpatuloy tuwing naduduwag siya. Iisipin niya lang na isa sa mga bituing iyon si Jethro at pinanonood siya ay ginaganahan na siya uli.
Natawa si Cassandra sa sariling kakornihan kasabay ng pagbagsak ng kanyang mga luha. Sa wakas ay hinarap niya na ang kapatid. "Ang dami kong 'bakit' na gustong itanong sa 'yo, kuya. Alam mo ba 'yon?"
"I'm sorry." Niyakap siya ni Throne. "I was just... afraid you'd change your mind and go back, Cassandra. Unti-unti, nakita ko noon na may nagagawa ka na para sa sarili mo, na nakakaya mo na kahit wala kami. When I saw you in France, I saw your wings slowly... spreading." Malakas na napabuntong-hininga ito. "Kung sinabi ko sa 'yo noon, siguradong magmamadali ka na sa pag-uwi at wala na namang mangyayari sa buhay mo."
Kumawala si Cassandra sa kapatid. "Pero, kuya, kaya nga ako umalis, para sa kanya. Alam mo 'yon. 'Tapos hindi mo sinabi sa aking nakahanap na pala siya ng iba at ikakasal na?" Nabasag ang boses niya. "Para naman akong tanga nito, nagsikap para sa wala."
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay pumasok sa isip ni Cassandra si Jethro pati na ang mga alaala nilang naghatid sa kanya ng lakas sa ibang bansa. Pero siyang nagbibigay naman ng lungkot sa kanya ngayon...
"IPAGDASAL MO 'ko, bro. I'll be asking for Cassandra's hand."
Napaawang ang bibig ni Cassandra sa narinig na pamilyar na boses na iyon ni Jethro. Hindi nakaligtas sa kanya ang kaba sa boses nito. Kumakabog ang dibdib na hindi niya na naituloy ang tangkang pagtulak sa pinto ng opisina nito na siguro ay nakaligtaang isara nang husto ng pumasok nitong bisita.
Parang sirang plaka na inulit-ulit pa ni Cassandra sa isipan ang narinig bago kinikilig na tinakpan ang bibig para maiwasan ang mapatili. Mula nang maging sila uli ni Jethro kulang dalawang taon na ang nakararaan ay pinakaaasam-asam niya na ang bagay na iyon. She had been dreaming to build a family with him and raise kids who would look exactly like him.
Hindi makapaniwalang napahugot siya ng malalim na hininga. Sino ang mag-aakalang seseryosohin pa rin ni Jethro ang isang tulad niya sa kabila ng mga nagawa niya rito?
Nagkakilala sila ni Jethro nang minsang mapilitan ito na manood ng isang fashion show sa Milan kung saan isa siya sa mga itinampok na modelo. Ito ang nagsilbing escort ng pinsan nitong si Kylie noon na mahilig sa mga ganoong bagay.
Habang rumarampa si Cassandra ay naraanan niya ng tingin si Jethro na siya namang titig na titig sa kanya nang gabing iyon. Pero sa kabila ng insidenteng iyon ay hindi niya naisip na pagtutuunan siya nito ng atensyon. Kilala kasi niya ang binata. Nababasa na niya noon pa ang pangalan nito sa mga magazines at diyaryo.
Isa si Jethro sa mga kinikilalang eligible bachelors sa Pilipinas, kahit na nga ba mailap ito at bihirang makita sa mga social gatherings ay lalo lang iyong nakadagdag sa curiosity ng mga babae rito. Hanggang isang araw ay may makulit na paparazzi ang pilit inantabayanan si Jethro na siyang dahilan para sa wakas ay makasilip ang publiko sa gwapong mukha nito na malayong-malayo sa kadalasang kuha sa mga stolen shots.
Alam ni Cassandra na si Jethro ang solong namamahala sa airline company ng pamilya nito mula nang mamatay ang dating gobernador na ama sa isang aksidente. Sa half Filipino-half Spanish na ama namana ni Jethro ang mala-Español na anyo. Marami nang napatunayan sa buhay ang binata kaya sino ba naman si Cassandra na isang modelo lang para pag-aksayahan nito ng panahon? Pero hindi niya inaasahan na pagdating sa back stage ay isang staff ang mag-aabot sa kanya ng mga bulaklak at may kasamang note na nagsasabing, "Don't worry, I'm not stalking... just admiring." –Jethro Llaneras
Sumilay ang matipid na ngiti sa mga labi ni Cassandra nang mabasa ang note. Pero maya-maya lang ay nabigla siya nang makarinig ng isang malakas na pagtikhim na parang nanggagaling malapit lang sa kanya. Paglingon niya ay naroon ang mismong nagpadala ng mga bulaklak, nakatayo di-kalayuan, habang muli ay titig na titig sa kanya.
"I'm Jethro. Pwede mo akong tawaging 'Jet.'" Amused na natawa ang binata nang ilahad ang kamay sa kanya at makita ang pag-aalinlangan niyang abutin iyon. "'Wag kang mag-alala, may takot ako sa Diyos kaya makakasiguro kang mabuti akong tao... kahit paano. Saka, may kapatid akong babae." Ngumisi ito. "'Takot ko lang na ma-karma kaya rest assured... you're safe with me, Cassandra."
Kumunot ang noo niya. "Kilala mo ako?"
"Nagtanong-tanong ako." Napahawak si Jethro sa batok. "I like the way you walked back there. So determined yet so feminine. And your gray eyes amaze me. Para bang ang daming gustong ipahiwatig. And your lips... parang bihirang ngumiti kaya kaabang-abang ang bawat paggalaw. Heck, ang sagwa na ba?" Mayamaya ay tumawa ang binata. "Pasensiya na, hindi kasi ako sanay sa mga ganitong bagay. Pero kung gusto mo pang pagtiyagaan ang mga kakornihan ko, pwede kang sumama sa 'king mag-dinner sa labas. And two things, either you find me cornier or a real charmer. God, I hope it's the latter!"
Napatitig si Cassandra sa binata. He had the kindest eyes she had ever seen. Kahit hindi personal na kilala ay alam niyang mapagkakatiwalaan ang mga matang iyon. At siguro, kung sa ibang pagkakataon ay pagbibigyan niya ito. For he was everything a woman would ever wish to have. Binata, simpatiko, nagmula sa magandang pamilya, may nakapang-aakit na trabaho at estado sa buhay at higit sa lahat, mukhang mabuting tao.
Pero tinanggihan pa rin ni Cassandra si Jethro nang mga sandaling iyon.
Comments
The readers' comments on the novel: Thirty Last Days