Login via

Don't Let Me Go, Diana novel Chapter 11

MAY NAGBAGO. Hindi iyon maitatanggi ni Alexis habang pinanonood si Diana na humahakbang palapit sa kanya sa mismong yate na nirentahan niya para sa kanila sa espesyal na gabing iyon.

She used to be so excited at the thought of them being together. Kitang-kita iyon sa magandang mukha nito madalas. Pero nang mga sandaling iyon, marahang naglalakad lang ang dalaga palapit sa kanya. Walang halong pagmamadali sa kilos nito na para bang kontrolado nito ang oras. Ngumiti ito sa kanya. Pero bakit pakiramdam niya, hindi na iyon gaya ng dati?

Muling pumitlag ang kanyang puso. Malinaw niya nang napapansin ang lahat ngayon. Dati pa ganoon ang reaction ng puso niya tuwing nakikita si Diana pero ngayon niya lang iyon pinagtuunan ng pansin. Pesteng takot at insecurity, kay tagal siyang binilanggo ng mga iyon.

"Kung hindi ko lang alam na mag-best friend tayo, iisipin kong magpo-propose ka... sa akin ngayong gabi," mapanuksong bungad ni Diana nang makalapit kay Alexis. "Pero dahil nga mag-best friend tayo, alam mo kung anong iniisip ko? Na gusto mong ipa-check 'tong venue at lahat ng mga gamit rito para sa pagdating ng isang espesyal na babae sa buhay mo."

Tumingin ang dalaga sa paligid. "At dahil natural kang tensiyonado, kailangan mo ng presence ng best friend mo dito. That's my purpose here, isn't it? So, where's the girl, Axis? Si Lea ba?" Kumunot ang noo ni Diana. "O 'wag mong sabihing... iba? Pepektusan kita. Kailan lang kayo nag-break, Serrano. Umayos ka." Pinandilatan siya nito. "Alangan namang nakahanap ka na agad ng iba?"

Sumemplang ang tangka sanang pag-ngiti ni Alexis. "Bakit... kahit minsan ba hindi mo naisip na posible ang ganitong bagay sa pagitan nating dalawa?"

Nagsalubong ang mga kilay ni Diana. Iginala nito ang paningin sa kabuuan ng yate. Mula sa mga kalalakihang malamyos na tumutugtog at kumakanta hindi kalayuan sa kanila, sa red carpet na inihanda niya sa pagdating ng dalaga hanggang sa pandalawahang mesa na naghihintay sa kanila sa pinakasentro ng yate.

"Honestly? Hindi." Anang dalaga matapos ang ilang sandali. "Kaya 'wag mo akong pinagloloko. Kilalang-kilala na kita. First of all, everything is beautiful, Axis. Everything is romantically arranged that it's really hard to think that this could be for the two of us. The stars, the violins, the table, the carpet and... you." Itinuro siya ni Diana. "Kahit kailan, hindi pa kita nakitang nagsuot nang ganyan. Ngayon lang kita nakitang naka-suit. Pero aminado ako na minsan pinangarap ko ang ganito, noong nasa college pa tayo at nahulog ako sa 'yo."

Kinindatan siya ng dalaga. "Yes, I once fell for you, Axis. 'Wag mo kong tingnan nang ganyan. Parang nakakadala lang kasing umamin ngayon. Nakakahawa ang romance sa paligid. Pero 'wag kang mag-alala. Lipas na 'yon. Nasa college pa tayo nang mangyari 'yon. You're safe with me now." Bahagyang natawa pa ito.

Pumikit si Diana at ibinuka ang mga braso na para bang nangangarap. Habang si Alexis, parang nalulon ang dila na nakatitig lang sa dalaga. Hindi niya alam kung alin sa mga sinabi nito ang unang pagtutuunan niya ng pansin. Ang kaalaman bang kahit kailan, hindi niya ito binigyan ng indikasyon na posibleng lumalim pa ang kanilang relasyon o ang katotohanan bang... sa paglipas ng panahon ay naglaho na ang nararamdaman nito para sa kanya.

Ngayon lang iyon inamin ni Diana sa kanya.

"You're safe with me." Parang tuksong ulit pa ng isip niya sa mga sinabi ng dalaga.

That's the problem, Diana. I don't want to be safe. Not anymore.

"So, what do you really wanna say, Axis?" Anang dalaga nang muling dumilat. "Ang hirap namang madatnan pa ako dito ni Lea kung sakali mang magpo-propose ka sa kanya o 'di kaya ay makikipag-ayos ka sa kanya." Ngumiti si Diana. "Kung ang hinihintay mo ay ang opinyon ko, 'wag kang mag-alala." Nag-thumbs up ang dalaga. "Approved 'to sa akin at sigurado ako na ganoon din ang iisipin ni Lea. Paano? Aalis na ba ako? Magpapasundo na ba ako kay Jake?"

Napakarami niyang gustong sabihin. Pero para bang nakulong sa lalamunan niya ang lahat ng mga salita na ilang araw niyang inensayo. Hanggang sa huli ay iisang tanong na lang ang nagawa niyang sabihin. "Who's Jake?"

Lumawak ang pagkakangiti ni Diana. "My boyfriend. Sinagot ko siya two days ago. Pero 'wag kang mag-alala, best friend. 'Wag ka nang magtampo. Makakaliskisan mo pa siya sa mga darating na araw. Plano ko naman talagang ipakilala rin kayo sa isa't isa. Siniguro ko lang muna ang nararamdaman ko bago ko 'yon gawin."

Bumuka ang bibig ni Alexis pero walang salita ang lumabas sa bibig niya. Para bang nanghina ang mga binti niya. Naglakad siya papunta sa gilid ng yate at mariing kumapit sa barandilya na para bang doon humuhugot ng lakas. Napatitig siya sa karagatan. It was funny how excited he was while planning that trip days ago. Sumunod na napatingin siya sa kalangitan. Noong nakaraang gabi nang magpunta siya sa yate para alamin kung maayos na ang lahat para sa gabing iyon ay wala ni isang nagpakitang bituin. Naalala niya kung gaano siya kabaliw nang humiling siya sa langit na magpakitang-gilas at magsabog ng mga bituin sa gabing iyon.

Tinupad ng langit ang hiling niya na may kinalaman sa mga bituin. Pero hanggang doon na lang ang natupad. Mapait siyang napangiti. Mula noon hanggang ngayon, si Diana ang nagsisilbi niyang bituin. At siya ang panggabing langit. Kailangan niya ito para magliwanag. Pero matapos ng mga natuklasan, alam niya na kahit kasama niya pa si Diana, hindi na siya muling magliliwanag. Dahil ibang langit na ang bibigyan nito ng liwanag. Mariing ipinikit niya ang mga mata.

"Axis?" Rumehistro ang pag-aalala sa boses ni Diana. "May problema ba?"

"Sigurado ka na ba sa Jerk na 'yon?" Sa halip ay tanong ni Alexis.

"Axis, it's Jake. Not Jerk."

"Oh, sorry." Dumilat siya at pilit na humarap kay Diana. Kailangan niyang mabasa mula mismo sa mga mata nito ang sagot sa tanong niya. "Alam mo namang may problema ako sa pag-memorize ng mga pangalan. So, sigurado ka na ba sa kanya?"

Ngumiti si Diana. "Oo. He makes me happy, Axis. He's the one. I can feel it in my heart," puno ng pag-asa ang boses na sagot nito. "Kayo ni Lea? Ano nang lagay n'yo? Bakit wala pa siya dito?"

"Wala siya rito dahil hindi naman talaga siya iyong hinihintay ko. Iba." napasulyap si Alexis sa kanyang wristwatch. "Pero mukhang hindi na siya darating. Mukhang sa pagbiyahe niya papunta rito, may nakilala na siyang iba at na-realize niya na 'yon pala ang mas nararapat para sa kanya kaysa sa akin. At hindi ko siya masisisi. Mukhang... nagising na siya."

Sinenyasan ni Alexis ang isang staff hindi kalayuan sa kanila ni Diana. Masigla namang tumango ang lalaki na ang akala siguro ay nagkaunawaan na sila ng dalaga. Hindi nagtagal ay sunod-sunod na nagliwanag ang kalangitan dahil sa fireworks.

"It's beautiful!" bulalas ni Diana.

Sa hindi na mabilang na pagkakataon, pinagmasdan ni Alexis si Diana. Nang hindi na mapigilan ang sarili ay kinabig niya ito at niyakap. Tama siya. Totoong may nagbago. Ang ngiti na dati ay para sa kanya lang, sa iba na napunta. Hindi maitatanggi ang kislap sa mga mata ni Diana nang banggitin nito ang tungkol sa boyfriend nito, boyfriend na hindi niya sigurado kung gugustuhin niya pang makilala. Because he was sure that Jerk or Jake was everything he's not.

Hindi na siya nagtangkang umamin. Para saan pa? Guguluhin niya lang ang dalaga gayong kitang-kita niya na masaya na ito sa buhay nito. Kung aamin siya ngayong may iba nang nilalaman ang puso nito, mas malaki ang tsansang mawala ito sa kanya. Kailangan niyang makuntento na lang na kaibigan ni Diana. Dahil wala na siyang lugar para sa pwestong higit pa roon. Kung may dapat man siyang sisihin ngayon, iyon ay ang sarili niya. Hearing her say she loved him and trying to deny what he felt afterwards was the greatest mistake he ever did in his entire life.

Maybe his love was meant to be hidden from the very beginning. Iyon siguro ang dahilan kung bakit huli niya na iyong natuklasan. Siguro ay maraming uri ng pag-ibig. May pag-ibig na dapat ay sinasabi, ipinapaalam, pero meron din namang mas magandang itago na lang. Katulad ng pag-ibig niya. Dahil may mga pag-ibig na nakakasira. Sa oras na sabihin niya iyon ay maraming consequences.

Malinaw niyang naririnig ang putukan sa kalangitan. Damang-dama niya rin ang paggalaw ng yate. Pero siya... ang buong pagkatao niya, ang buong mundo niya ay para bang huminto. Pakiramdam niya, bumalik siya sa dating Alexis halos walong taon na ang nakararaan. Bumalik lahat ng pait at sakit na pansamantalang nalimutan niya sa pagdating ni Diana sa buhay niya.

"Axis?"

"Hmm?"

"Are you okay?"

Comments

The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana